Hemira III 24

3428 Words
Hemira III 24 - Dulo ng Karagatang Syierian ~Tagapagsalaysay~ Nagsimula nang maglakbay sila Hemira upang tunguhin ang kontinente ng Notos. Ang kontinente ng Notos ay matatagpuan sa timog na bahagi ng mundo at ang lugar na iyon ay kilala bilang tagtuyot na kontinente. Marami ang mga disyerto roon at napakadalang na makatagpo ng anyong tubig sa lugar na iyon. Iyon ang dahilan kung bakit nagdadalawang-isip ang ama at ina ni Hemira na sila Herman at Devora nang magpaalam ang mga ito na maglalakbay patungo sa kontinenteng iyon. ~Pagbabalik Tanaw nang magpaalam sila Hemira kina haring Herman at reyna Devora upang maglakbay tungo sa kontinente ng Notos~ "Ama, Ina... Payagan n'yo sana kami ng aking mga kaibigan na lakbayin ang mga daan patungong kontinente ng Notos. Iyon ay dahil nabatid namin na roon kami makakukuha ng posyon na maaaring makapagpagaling kay Kirion. Malaki na ang pinagbago ni Kirion dahil sa epekto ng posyon ni Abellona sa kanya ngunit hindi ko hahayaan na tuluyan siyang maging masama gaya ng nais na mangyari ng pulang mangkukulam na iyon." desidido at halatang hindi na mababali ang desisyon ni Hemira. Siya'y nakatikluhod at ganoon din sila Serafina, Yohan, Aria at Eugene. "Anak... Batid mo naman sa panahon ngayon na ang disyerto ng Rahasa na inyong madadaanan ay labis-labis na tagtuyot ang dinaranas. Baka kung ano ang mangyari sa inyo..." mapag-alalang ng kanyang ina. Katabi nito si Herman at nakaupo sila sa kanilang mga trono. Nasa gilid naman nila si Sueret at sa kabila naman ay si Remus na ngising-ngisi dahil talagang magtutungo sila sa Notos. "Napakaraming karahasan ang nangyayari sa kontinenteng iyon dahil sa pakikipaglaban ng mga naninirahan doon para sa kanilang buhay. Malaki ang posibilidad na maging biktima kayo ng mga taong iyon," sabi naman ni Herman. "Isa pa Hemira, maaaring manganib ang ating kaharian kapag nakarating sa Handrong iyon na ika'y wala rito sa ating kaharian." dagdag pa niya. Itiningala niya ang kanyang ulo at deretsong tumingin sa mga mata ng kanyang ama. "Huwag po kayong mabahala ukol sa bagay na iyon sapagkat pasikreto naman po kaming aalis dito sa kaharian. Nararamdaman ko rin na hindi pa napapaamo ni Handro ang dragong Yin. Siguradong sa sobra niyang kasamaan at pagnanais ng kapangyarihan ay nais na siyang kainin ng buhay ng nabubuhay na iyon. Matatagalan pa rin siyang mapasunod ang dragong iyon dahil hindi talaga madaling paamuin iyon." "Iyon din ang isa pa naming inaalala prinsesa," wika naman ni ginoong Sueret. "Masyadong malakas din ang Yang na natitira sa iyo. Sa sobrang lakas niyon ay maaaring hindi mo muli makontrol iyon. Maaari kang masaktan miski na ang iyong mga kaibigan katulad ng nangyari sa ating dalawa noong tayo'y nagsasanay." "Sa bagay na pong iyon, ipinapangako kong hindi ako gagamit ng aking mahika sa kahit anong paraan upang sa ganoon hindi mangyari ang inyong ikinakatakot. Isa pa'y upang hindi kami matunton ng mga kalaban. Batid kong may nakahahalina sa mga masasama ang aking puting mahika kaya naman hindi ako gagamit niyon. Hindi ko rin naman nais na manggulo ang mga masasamang iyon sa mga lugar na aming pupuntahan." pangangako niya. "Ako naman po!" biglang sabi ni Yohan kaya napatingin sa kanya ang lahat. "Ano bang maipapangako ko? Ah! 'Lam ko na! Mahal na hari at reyna! Nangangako po ako na hindi ko gagamitin ang pagtawag kong mahika payagan n'yo lang kami na sumama kay Hemira." Nakatingin siya nang deretso sa hari't reyna at determinasyon ang mababakas sa kanyang mukha. "Poprotektahan namin siya at gagabayan namin para hindi niya gamitin ang mahika niya nang basta-basta. Patuloy ko rin pong pag-aaralan ang mga bagay na itinuro sa 'kin ni ginoong Sueret." Mukhang hindi pa rin nila nakukumbinsi ang mga ito. "Sa paglalakbay na gagawin namin pong ito, susubukan din naming aming matagpuan si prinsesa Ceres at kung papalarin na siya'y aming matunton, iuuwi namin siya nang maayos at ligtas," sabi naman ni Hemira. Ilang sandali na katahimikan ang nangibabaw. Batid ni Hemira na iniisip pa nila Herman mabuti ang magiging desisyon ng mga ito. Mayamaya lamang ay tumayo mula sa kanyang trono si Herman at naglakad palapit sa kanya. "Mayroon pa akong isang kondisyon." Nakatingala siya rito. "Ano po iyon, ama?" Ito'y lumuhod sa kanyang harapan kaya sila'y magkapantay na ngayon. Ang mga mata nito na laging maawtoridad kung tumitig, ngayon ay nakatingin sa kanya na puno ng pagmamahal at namamasa-masa iyon sa pagkaluha. Niyakap siya nito at hinaplos nang masuyo ang kanyang buhok. "Bumalik kayo ng ligtas at kumpleto Hemira.. Hindi ko ninanais na maulit muli ang nangyari nang isugo kita sa Abellon upang bawiin si Ceres. Nakikiusap ako sa iyo anak... Bumalik kayo ng ligtas lahat." Puno ng damdamin at pakikiusap ang tinig nito na nabibilang sa isang magulang. Sa isang ama. May pumatak na luha mula sa kanyang mga mata. Yumakap siya pabalik dito. "Pangako ama... Hindi kita bibiguin..." Lumapit din sa kanilang dalawa ang lumuluha ring si Devora at ito'y yumakap din sa kanilang dalawa. ~Pagtatapos ng Pagbabalik Tanaw~ Patuloy ang paglalakbay nila Hemira at hindi pa rin sila nakaaalis ng kontinente ng Senta kung saan matatagpuan ang kaharian ng Gemuria. Nakaraan na sila sa ilang maliliit na mga bayan at habang nagbabaybay ay nagtatanong-tanong na rin sila kung mayroon bang estrangherong babae na iba ang kinikilos ang napadaan din sa mga bayang iyon. Ang sagot nang marami ay wala naman silang napansin. May ilan naman na nais pang malaman ang kanilang mga sapagkatao dahil sila'y mga nakaputi at nakatalukbong ang mga ulo. Nagpakilala na lamang silang mga mandirigma ng Gemuria na inatasang maghanap kay prinsesa Ceres upang walang kumalat na kahit anong balita tungkol sa kanila. Nakasuot din naman sila ng baluti ng mga mandirigma ng Gemuria puwera lamang sa mahihina ang mga katawan na sila Serafina, Euphemia at Aria. Mabibigat ang mga baluti kaya tanging sila Hemira, Yohan at Eugene lamang ang nakasuot ng mga iyon. Ilang araw rin ang lumipas at sa mga araw na iyon ay naglalaan sila ng ilang oras upang magpahinga't kumain. Hindi pa rin nagpapansinan ang madalas nang magkainitan na sina Yohan at Aria. Si Euphemia nama'y lagi pa ring nangungulit sa mairitahing si Yohan ngunit kapag nakikitang malapit lamang si Eugene ay natitigilan ito at kataka-takang bigla na lamang nananahimik. Si Hemira, Ariadne at Serafina naman ang madalas magkakasama sa pagpapahinga at laging hawak ni Hemira ang bote na naglalaman kay Kirion. Naroroon pa rin nakalagay ang liomean dahil pakakawalan lamang nila ito kapag natunton na nila ang balon na naglalaman ng posyong kailangan nila para rito. Kapag sila'y nakapahinga na ay itinutuloy na nila ang kanilang paglalakbay. Walong araw ang makalipas... "Para makapunta tayo ng Notos, mapapadaan tayo sa dulong parte ng karagatan ng Syierian. 'Yon ang nagkokonekta sa kontinenteng 'to ng Senta at Notos. Konting takbo na lang natin at mararating na natin ang dalampasigan n'on." Itiniklop na ni Yohan ang mapang kanyang hawak at ibinalik iyon sa lagan na kanyang sakbit. Silang lahat ay may sakbit niyon puwera lamang kay Euphemia na biglaan ang pagsama at si Ariadne na hindi nais na nagsusuot ng ganoon. "Syierian?!" Bakas na bakas ang pagkasabik sa mukha ni Ariadne habang nakakapit pa rin sa damit ni Hemira upang hindi siya malaglag. Nakatigil ang kanilang mga kabayo upang pag-usapan kung paano sila makatatawid papuntang Notos. "Nais mo bang bumisita roon Aria?" nasasabik ding tanong ni Hemira sa kanya. Lalo itong natuwa ngunit nang tila may maisip ay nawala ang ngiti nito at ang pagkasabik. "Hindi ko na pala gusto... Ayokong makita ako ni Aloja sa ganito kong kahinang anyo." "Hindi rin naman tayo makakadaan doon gawa ng wala tayong mga perlas ng keledones," saad ni Yohan. "Batid ko na mapapalayo rin tayo sa daan papuntang Notos," sabi naman ni Hemira. "Kaya ito ang daang ating nilakbay upang makarating kaagad tayo sa dulo ng Syierian na hindi na kinakailangang dumaan sa tubig. Kapag maayos na talaga ang lahat, doon na lamang tayo bibisita sa kahariang iyon at sa iba pang lugar na pinangakuan ko ng aking muling pagbisita." pangungumbinsi niya kay Ariadne. Tumango-tango naman ito. ~Hemira~ Nang marating na namin ang dalampasigan ng dulo ng Syierian ay tumigil na ng kusa ang aming mga kabayo. Bumaba na kaming lahat doon at pinagmasdan ang napakaliwanag na araw na tila nakadikit sa dulo ng katubigan na aming natatanaw. "Tanong ko lamang... Paano tayo tatawid?" tanong ni Euphemia. "Lilipad tayo sa tulong ni Aella. Hindi ko naman kasi kaya na ilipad kayong lahat," ani Yohan. Nangunot ang aking noo. "Hindi ba at nangako ka kay ama na hindi mo gagamitin ang iyong mahikang Pagtawag?" Mukhang naalala naman niya iyon. "Ay oo nga pala! Hala! Paano na 'yan?" "Kung susubukan man nating lumipad ay hindi rin naman maaari dahil tingnan ninyo ang kalangitan." Itinuro ko ang kalangitan kung saan may paikot-ikot na mga malalaking ibon. Paniguradong mga ibon iyon na mang-aatake sa amin kung kami man ay lilipad. "Kung hindi tayo maaari sa himpapawid, paano tayo tatawid?" tanong muli ni Euphemia. "Gumawa na lamang tayo ng bangka!" suhestiyon naman ni Aria. "Kailan pa tayo matatapos na gumawa n'yon? Baka abutin tayo ng ilang linggo sa paggawa lang n'on." pagkontra naman ni Yohan sa kanya. "Kung inisipan mo na kaagad kasi ng paraan kung paano tayo tatawid dito noong naglalakbay pa lamang tayo ay hindi na natin kailangang mag-isip pa ngayon." masungit na sagot naman ni Aria sa kanya. Mukhang si Yohan muna ang papalit kay Kirion sa pakikipagtalo kay Aria. Naglakad ako palapit sa dalampasigan upang makapag-isip ng paraan para kami ay makatawid nang may natanaw ako na tila katawan ng isang tao na nakasandal lamang sa gilid ng isang malaking bato. Upang kumpirmahin ay tumakbo ako palapit doon. "Hemira! Saan ka pupunta?!" tanong ni Yohan ngunit hindi ako lumingon. May kalayuan iyon at kalahati na ng aking katawan ang nakatubog sa tubig. Nang makalapit na ako ay halos ulo ko na lamang ang nakalabas sa tubig. Nakayuko ang taong iyon at siya'y isang lalaki. Kataka-taka ring kalahati lamang ng kanyang katawan ang nakalubog sa lalim na ng parteng ito ng tubig. Inilakad ko sa lupa na akin pang naaapakan sa ilalim ng tubig ang mga paa ko upang malapitan ko siya na nasa gilid pa ng malaking batong ito. "Ginoo! Ano ang nangyari sa iyo?! Ginoo!" panggigising ko sa kanya. Nakahinga naman ako nang maluwag nang igalaw niya ang kanyang ulo ngunit nangunot ang aking noo nang siya'y humikab pagka ay tumingin na sa akin. Napatitig ako sa kanya dahil napakapamilyar ng kanyang mukha at siya naman ay nanlaki ang mga mata. "Neb?!/Hemira?!" *—-***—-* Nasa dalampasigan na kami ngayon at napagmamasdan na namin ang kulay abong buntot ni Neb. Mayroong maliliit na alon na humahampas sa kanyang buntot at doon namin siya dinala upang patuloy siyang nababasa ng tubig. "Anong ginagawa mo rito Neb? Ang layo na nito sa palasyo ng Syierian. Alam ba ni Aloja na nakarating ka rito?" Puno ng pagtatanong ang tingin ko sa kanya. Lumambot ang kanyang ekspresyon at masuyo niyang hinaplos ang aking pisngi. "Napadpad lamang ako rito dahil nais na nais lamang kitang makitang muli Hemira..." Napansin ko ang pagtalim ng tingin sa kanya ni Yohan at pagkaawa naman sa mga mata ni Eugene. "Nakatagpo na naman akong muli ng biktima ng iyong kagandahan Hemira," sabi naman ni Euphemia. "Ngunit hindi sapat na dahilan iyon upang umalis ka sa inyong kaharian at makarating sa delikadong lugar na ito." Hinawakan ko pa siya sa kanyang balikat dahil hindi talaga ako sumasang-ayon sa ginawa niyang ito. Napayuko siya at nakatingin lamang sa kanyang buntot. "Nang mabatid namin sa kaharian na nawalan ka ng buhay noon sa Abellon pati na ang librong Ariadne, labis-labis ang paghihirap ng kalooban ang dinanas namin lalo na si diwata Aloja. Hindi kami makapaniwala dahil napakalakas mong mandirigma ngunit nang marinig naman namin sa ilang taong namamangka sa ibabaw ng karagatan na ika'y talagang buhay at tunay na prinsesa ng Gemuria, labis-labis na pagdiriwang naman ang aming ginawa..." Unti-unting lumungkot ang kanyang mukha. "Subalit kasama sa balitang iyon ang pagkaalam ko na ika'y makikipag-isang dibdib na sa tunay na prinsipe ng Emeas kaya ninais ko nang labis na ika'y hanapin." "Ano ang dahilan upang desperado mo akong hanapin nang ganito?" tanong ko sa kanya at hindi naman siya nakaimik. Napatingin lamang siya sa aking mga binti tapos ay sa kanya muling buntot saka napahingang malalim. "Tama nga si diwata Aloja. Na ang aking pinakaninanais ay kailanma'y walang magiging katuparan... sapagkat hindi maaari." "Ano ang iyong ibig sabihin?" nalilito kong tanong dahil ang layo ng kanyang sagot sa aking tanong. Napansin kong napatingin lahat sa akin ang aking mga kaibigan at hindi sila makapaniwala sa naging tanong kong iyon. *Bakit?, tinatanong ng aking mga mata sa kanila ngunit napailing-iling lamang sila. "Wala Hemira... Huwag mo nang intindihin ang aking sinabi. Gusto lamang naman kitang makita dahil nais kong ipabatid sa iyo na maayos naman kami sa Syierian. Si diwata Aloja ay masigla ang pangangatawan at maayos siyang binabantayan ni Gelim at Siduma. Sila Bon at Anol naman ay palagi pa ring nagnanais na malaman na ang iyong kalagayan at nais kang kamustahin kung mayroon lamang paraan. Ganoon din si Uriway na kabilang na kabilang na sa amin." mahaba niyang turan. Napangiti naman ako nang malaman na ayos naman silang lahat sa Syierian. "Ngunit ayos ka lamang ba sa inyong kaharian? Nabatid din namin na hindi naging maganda ang pagtanggap sa iyo ng mga tao roon. Isa pa'y bakit naririto rin kayo? Maglalakbay ka na naman ba Hemira?" sunod-sunod niyang tanong. Tumango ako. "Mayroon kaming napakaimportanteng bagay na kailangang kunin sa Notos. Batid namin ang panganib doon ngunit lubhang napakahalaga talaga ng aming kailangan doon." Pag-aalala naman ang nabakas sa kanyang mukha. "Oo nga pala, pagbalik mo sa inyong kaharian, sabihin mo kay Uriway na nasabi ko na sa aking ina ang kanyang mensahe. Ipagbigay alam mo rin kina Aloja na maayos lamang kami ni Ariadne at huwag nang banggitin ang ginagawa naming paglalakbay na ito dahil paniguradong sila'y mag-aalala lamang. Kapag nagkaroon na naman ng kaayusan ang lahat ay tutuparin ko na ang aking pangako na bumisita muli sa inyong palasyo." nakangiti kong sabi. Nakatulala lamang siya sa akin. "Neb?" Kinaway-kaway ko ang kamay ko upang siya'y gisingin sa kanyang pagkakatulala. "Hemira... Maaari ba kitang yakapin?" biglang tanong niya. Natigilan ako sa biglaan niyang tanong na iyon ngunit sapagkatapos ay ako ri'y napangiti. Hindi ako sumagot, bagkus ay siya'y akin nang niyakap. Tinapik-tapik ko nang mahina ang kanyang likuran. "Salamat Neb... Salamat sa pag-aalala mo sa akin na nagtulak sa iyo upang ako'y subukang hanapin. Laking pasasalamat ko na rin na tayo'y nagkatagpo dahil baka ipagpatuloy mo pa rin ang paghahanap sa akin hanggang ako'y iyong matagpuan. Sa mga mabubuting nabubuhay na tulad ninyo ako kumukuha ng lakas ng loob upang patuloy na ipaglaban ang kabutihan. Salamat muli Neb..." Yumakap siya pabalik sa akin at ilang sandali lamang ay may naghiwalay sa aming dalawa. Napatingin naman kami pareho sa nag-uusok na ang ilong na si Yohan. "Nakakahalata na ako sa 'yo ah taong isda! Hinahayaan ko lang kayo dahil magkaibigan kayo!" Halata na siya'y nagseselos. "Siya ba ang prinsipeng nakatakda na sa iyo Hemira?" tanong ni Neb at siya'y idinuro. Tinapik niya naman iyon nang malakas kaya napaaray ito sa nasaktang kamay. "Oo nga pala. Paumanhin kung hindi kita naipakilala sa aking mga kaibigan. Tama ka. Siya si Yohan. Ang tunay niyang pangalan ay Argyris at siya ang prinsipeng nakatakdang makipag-isang dibdib sa akin." pagpapakilala ko sa nagsusungit na si Yohan. "Kilala mo na si Aria na noo'y isang libro. Ngayo'y nakawala na siya sa sumpang iyon at kaya siya nasa ganitong anyo dahil isinilang siyang muli bilang Fae ng apat na elemento." Halatang naiilang naman si Aria. "Huwag mong mabanggit-banggit kay Aloja ang ganito kong anyo." banta niya. Tumango-tango naman siya. "Si Eugene ay isang Arthan at si Serafina ay isang Asas at manggagamot." pagpapakilala ko naman sa nakangiti sa kanyang sila Eugene at Serafina. "Ako naman si Euphemia! Ngayon lamang ako nakakita ng iyong uri at ikinagagalak kitang makilala!" masayang sabi naman ni Euphemia sa kanya. Nginitian niya ito. "Ako naman si Neb at ako'y taga Syierian." Sa akin na muli siya bumaling ng tingin. "Kahit hindi ko pa sila nakikilala nang lubos ay batid kong napakabubuti ng iyong mga kaibigan na ito." Inilabas ko ang boteng naglalaman kay Kirion mula sa aking bulsa at ipinakita ko sa kanya iyon. "Ito si Kirion. Isa siyang liomean at siya ang dahilan ng aming paglalakbay na ito. Kailangan namin ng posyon na makukuha lamang sa Notos upang siya'y mapagaling na." "Kung kayo'y magtutungo ng Notos, hayaan n'yo ako na tumawag ng makatutulong sa inyo upang makatawid kayo ng karagatang ito." alok niya na labis na nagpasaya sa amin. "Matutulungan mo kami ginoo?!" tuwang-tuwang tanong ni Euphemia. Ngumiti naman siya at tumango saka sumipol nang malakas upang tawagin ang nabubuhay na sinasabi niyang makatutulong sa amin. Ilang sandali lamang ay lumakas ang mga alon. "OHOOOOOO!" malakas na ugong na tila nabibilang sa isang napakalaking nabubuhay. Napatayo kami nang mamataan na ang tila napakalaking itim na bagay na lumalangoy sa ibabaw ng tubig. "Pagi 'yon ah! At sobrang laki pa!" bulalas ni Yohan. "Isa nga iyang malaking pagi. Kaya kayong isakay niyan at tunguhin ang nais ninyong puntahan. Sampung tao pa nga ang maaaring humiga sa likuran niyan dahil sa kanyang sobrang pagkalapad," sabi ni Neb habang nakangiti. Sa sobrang tuwa ko ay niyakap ko siya. "Maraming salamat Neb! Napakalaking tulong nito!" Humiwalay kaagad ako sa kanya at pagkabigla ang mababakas sa namumula niyang mukha. Tumayo na ako at tinanaw muli ang malaking pagi. "Sa wakas ay maaari na tayo makatawid patungong Notos!" Natutuwa akong tumingin kay Yohan ngunit nanenermon ang kanyang tingin. Tinanong ko siya gamit ang aking mga mata kung bakit ngunit inirapan niya lamang ako. "Bababalaan ko lamang kayo Hemira," sabi ni Neb na seryoso na kaya napatingin muli ako sa kanya. "Maihahatid lamang kayo ng paging iyan malapit sa patag na bato ng Notos. Haka-haka na sa aming mga makara na may mataas na pader doon ang kailangan ninyong akyatin. Mula naman sa narinig namin sa mga manlalakbay na mga tao ay sa likod ng mataas na pader na iyon ay nagbabagang katubigan na kulay mapulang araw ang inyong makikita. Hihilingin ko palagi ang inyong kaligtasan at malagpasan ninyo ang lugar na iyon." Ako'y ngumiti nang buong pasasalamat. "Maraming salamat muli Neb sa impormasyon. Napakapalad namin na ika'y aming nasalubong sa paglalakbay naming ito. Hindi ko makakalimutan ang tulong mong ito sa amin." Ngumiti na muli siya. "Para sa iyo Hemira ay laging nakaalay ang katapatan naming mga taga Syierian. Hintayin mo lamang at pormal kaming magbibigay pugay sa iyo bilang bagong reyna ng Gemuria at sa iyo prinsipe Argyris bilang bagong hari naman ng kahariang iyon." Inalis na ni Yohan ang kanyang pagkakahalukipkip at pagsusungit sa mukha. "Eherm... Salamat..." mahina niyang pagkakasabi ngunit sinsero iyon. "Sige at ako'y mamamaalam na. Siguradong hinahanap na ako sa aming palasyo. Dapat lamang naman dahil nawawala ang pinakamakisig nilang makara." Tumawa siya sa sarili niyang biro. Ngumiti ako at ginulo nang kaunti ang kanyang tuyo ng buhok. "Mag-iingat ka Neb sa iyong pag-uwi. Maraming salamat muli sa iyo." Nakangiting hinawakan niya ang aking kamay at hinalikan ang likod niyon. Inilayo niya nang kaunti ang kanyang labi sa aking kamay. "Mahal na mahal kita Hemira..." Napakahina ng kanyang tinig at sumabay pa ang paghampas ng alon sa dalampasigan kaya hindi ko narinig ang kanyang winika. Magtatanong sana ako ngunit binitawan niya na ang aking kamay at gumapang pabalik sa tubig. Kumurap-kurap ako dahil sa aking tingin ay namamalikmata ako na nakita ko siyang lumuluha. Lumubog na siya sa tubig at tila nakipag-usap saglit sa pagi roon. Nang umahon na siya'y humarap siya sa amin. Nakangiti siya at kumaway-kaway. "Paalam! Aasahan namin ang inyong pagbisita lahat sa aming kaharian!" Kumaway rin kami sa kanya habang malawak na nakangiti. Lumangoy na siya paalis. "Mabuti na lamang at may masasakyan na tayo papuntang Notos," sabi ni Serafina. "Ngunit ang babala ni Neb..." natatakot na saad naman ni Aria. "Kahit ano pa 'yon, hindi 'yon makakapigil sa 'tin para kunin ang posyon para kay Kirion." matapang na sabi naman ni Yohan. "Tayo na at sumakay na sa pagi!" sabik na sabi naman ni Euphemia. Naglakad na sila papunta sa pagi na naghihintay sa amin na nasa dalampasigan ngunit naiwan ako sa aking kinatatayuan habang nakatingin lamang sa direksyon na tinahak ni Neb. "Uy Hemira!" untag sa akin ni Aria kaya napatingin ako sa kanya. "Aalis na tayo. Tulala ka riyan." Ako'y ngumiti sa kanya. "Tayo na."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD