Ipinagpatuloy niya ang pag-akyat sa hagdan nang may kalmado ngunit makapangyarihang mga hakbang. Huminto siya saglit sa tapat ng kwarto ni Elise, pinakikinggan ang marahas na paglalakad ng dalaga sa loob, bago siya nagpatuloy patungo sa kanyang sariling master's bedroom sa dulo ng pasilyo.
Pagkapasok niya sa kanyang silid, inilapag niya ang briefcase at dahan-dahang tinanggal ang kanyang suit jacket. Tumingin siya sa labas ng bintana kung saan unti-unti nang tumitila ang ulan, at isang malalim na buntong-hininga ang kumawala sa kanyang dibdib.
Kung alam mo lang, Elise… kung alam mo lang kung gaano katuwang-tuwa tiyak ang papa mo ngayon dahil sa wakas ay nandito ka na sa pangangalaga ko, sa itsurang iyon ng kanyang isip, muling nagtagpo ang misteryo ng nakaraan at ang pangakong binuo nila ni Don Miguel bago ito pumanaw.
Eksaktong alas-siyete ng umaga.
Puno ng bango ng bagong lutong kapeng barako at sinangag ang malawak na dining area ng mansyon. Nakaupo na si Kyler sa kabisera ng mahabang lamesang gawa sa mamahaling marmol. Suot na niya ang kanyang malinis na puting polo na nakatupi hanggang sa siko, habang seryosong nagbabasa ng mga legal na dokumento sa kanyang iPad. Perpekto ang bawat galaw niya—walang dumi, walang kalat, walang ingay.
Eksakto ring alas-siyete nang marinig ang mabibigat at tila nagmamartsa na hakbang pababa ng hagdan.
Pumasok si Elise sa dining area na may suot na oversized na T-shirt ng isang sikat na karera ng motor at shorts. Magulo pa ang kanyang buhok na nakatali lang nang basta-basta, at may bitbit siyang matinding simangot. Padabog siyang naupo sa silya na katapat mismo ni Kyler.
Hindi siya tiningnan ni Kyler, ngunit dahan-dahang ibinaba ng abogado ang kanyang iPad.
"Sa pamamahay na ito, bawal ang nakayapak sa hapag-kainan. At hindi ako kumakain kasama ang taong mukhang kagigising lang," malamig na pambungad ni Kyler. Ang boses ay tila isang huwes na nagbababa ng sentensya. "I want you dressed properly before facing me, Elise."
Napaasim ang mukha ni Elise. Kumuha siya ng tinidor at marahas na itinusok ito sa hotdog na nasa plato niya. "Unang-una,
Attorney, bahay mo 'to, hindi korte. Pangalawa, hindi ako sundalo para diktahan mo kung ano ang isusuot ko sa harap ng pagkain. Kung ayaw mo sa mukha ko, 'wag kang tumingin."
Dahan-dahang nag-angat ng tingin si Kyler. Ang kanyang matatalas na mata ay sumalubong sa matapang na tingin ng dalaga. Hindi siya natitinag sa angas nito. Sa katunayan, mas lalo lamang siyang nagmukhang seryoso.
"Habang nasa ilalim ka ng pangangalaga ko, ang salita ko ang batas," saad ni Kyler, sabay urong ng isang pirasong papel patungo sa gawi ni Elise. "Iyan ang mga patakaran na kailangan mong sundin simula ngayong araw."
Tiningnan ni Elise ang papel. May pamagat itong: HOUSE RULES & GUARDIANSHIP TERMS.
Rule 1: Curfew is strictly at 8:00 PM. No exemptions.
Rule 2: High grades in Law School must be maintained. No failing marks.
Rule 3: Underground car racing is strictly prohibited. Your sports car keys are confiscated.
Rule 4: Every expense must be liquidated and approved by me.
Napatayo si Elise sa kanyang silya. Halos mayari ang lamesa sa lakas ng kanyang pagkabwisit nang mabasa ang ikatlong patakaran.
"Aba, sumusobra ka na!" sigaw ni Elise, habang nakaturo ang daliri sa papel. "Curfew? Grade maintenance? Ayos lang, kaya kong ibigay 'yan dahil nag-aaral naman ako nang mabuti! Pero ang kunin ang susi ng kotse ko at ipagbawal ang pagkarera ko?! Hinding-hindi ko susundin 'yan!"
"Susundin mo, Elise," kalmadong sagot ni Kyler, sabay higop ng kanyang kape. "Dahil kung hindi, bukas na bukas din ay ititigil ko ang pagpopondo sa law school mo, at hahayaan kong bawiin ng bangko ang mga huling alaala ng ama mo. Mamili ka: ang manibela mo o ang kinabukasan mo?"
Nangatal ang labi ni Elise sa galit. Ang kanyang mga mata ay nanlilisik habang nakatitig sa bilyonaryong abogado na tila ba wala itong pakialam sa nararamdaman niya. Napakahigpit ng hawak niya sa lamesa; pilit na nilalabanan ang awtoridad na ipinupukol sa kanya ni Kyler.
"Strikto ka lang dahil hawak mo ang pera at ang huling habilin ni Papa," mariing wika ni Elise. Lumapit siya nang bahagya at tinitigan si Kyler sa mata. "Pero tandaan mo 'to, Attorney Azurin… mapipilit mo akong tumira dito, pero hinding-hindi mo makokontrol ang buhay ko. Rules are made to be broken, at sisiguraduhin kong magiging impiyerno ang buhay mo sa pagbabasag ng mga batas mo."
Sa halip na magalit, isang tipid na ngiti ang sumilay sa mukha ni Kyler. Ibinaba niya ang tasa ng kape at sumandal sa kanyang silya.
"I love challenges, Elise," hamon ni Kyler. "Let's see who wins this race."
Napakunot ang mga kilay ni Kyler. Ang kanyang matatalas na mga mata ay nanatiling nakapako sa mukha ni Elise habang hinihintay ang susunod na reaksyon ng dalaga. Sanay siya sa mga kliyente, kalaban sa korte, at maging sa mga empleyado na nanginginig at umiiwas ng tingin kapag seryoso na siyang nakatitig. Akala niya ay ganoon din ang epekto niya sa pasaway na racer girl sa harap niya.
Ngunit nagkakamali siya. Sa halip na matakot o mag-iwas ng tingin, marahas na kumuha si Elise ng isang subo ng sinangag gamit ang kanyang kutsara, isinubo ito, at pagkatapos ay itinuro ang hawak na tinidor kay Kyler habang puno ang bibig.
"Eat, Attorney... stop staring," kaswal at may kaunting pang-aasar na wika ni Elise, sabay mabilis na nguya. "Baka matunaw ako; mahirapan ka pang humanap ng pakakasalan."
Napatigil si Kyler. Literal na natigilan ang bilyonaryong abogado; ang kanyang iPad ay bahagyang nabitawan sa ibabaw ng lamesa.
Ang kanyang panga ay bahagyang umawang sa labis na pagkagulat.
Did she just order me to eat? In my own house?
Sa buong karera niya bilang isa sa pinakamagaling at pinakakinatatakutang abogado sa bansa, walang sinuman ang nangahas na utusan siya nang ganoon kaimpormal—at lalong walang sinuman ang sumita sa paraan ng pagtitig niya. Hindi alam ni Kyler kung paano magre-react; ang kanyang utak na sanay sa mabilis na pag-iisip ng mga legal na argumento ay biglang nag-blanko dahil sa kakaibang lakas ng loob ng dalaga.
"What did you say?" Maawtoridad, ngunit may bakas ng kalituhang tanong ni Kyler, pilit na ibinabalik ang kanyang seryosong awra.
Umirap si Elise at uminom ng juice. "Ano, bingi lang? Sabi ko, kumain ka na. Kanina mo pa ako tinititigan, baka lumamig 'yang kape mo. At saka, hindi ba sabi mo bawal ang walang disiplina sa hapag-kainan? Ang pagtitig sa kumakain… kawalan din 'yan ng modo, Attorney."
Isang mabilis na huni ng pagpigil sa tawa ang narinig mula sa gilid ng dining area. Si Manang Laring, na nag-aayos ng mga prutas, ay biglang napatalikod upang itago ang kanyang ngiti. Noon lang siya nakakita ng taong nakapagpatigil kay Kyler Azurin nang ganoon kabilis.
Mabilis na bumalik ang lamig sa mukha ni Kyler, ngunit sa pagkakataong ito, may kasama na itong kaunting inis. Tumikhim siya bago inayos ang kanyang polo at kinuha muli ang tasa ng kape.
"I am not staring. I am observing my investment," matigas na pagtatama ni Kyler, pilit na binabawi ang kontrol sa sitwasyon.
"Investment mo mukha mo," bulong ni Elise sa kanyang sarili habang ipinagpapatuloy ang pagkain nang may kasamang ngiti ng tagumpay.
Para kay Elise, maliit na bagay lang ang nangyari, ngunit para kay Kyler, iyon ang unang beses na may bumali sa kanyang kontrol. At doon niya napatunayan na ang pamamalagi ng isang Elise Fontanilla sa kanyang mansyon ay magdadala ng isang malaking bagyo na hindi kayang pigilan ng kahit anong batas.
"Iha, gusto mo ba ng kape?" malambing na tanong ni Manang Laring habang papalapit sa puwesto ni Elise, bitbit ang bagong kulong takure na naglalabas ng umuusok at mabangong halimuyak.
Sa isang kurap, biglang nagbago ang timpla ng mukha ni Elise. Nawala ang pang-aasar sa kanyang mga mata at napalitan ito ng tila nandidiring reaksyon, na para bang nakakita siya ng isang bagay na hindi kaaya-aya.
"Naku, salamat na lang po, Manang," magalang ngunit mabilis na tanggi ni Elise, sabay kaway ng kanyang kamay. "Hindi po talaga ako nagkakape sa umaga. Mas gusto ko po ng gatas o tubig lang po."
Narinig ni Elise ang isang mahinang tunog mula sa kabisera. Pag-angat ng kanyang tingin, nakita niyang bahagyang natawa si Kyler. Hindi ito ang nakatatakot na tawa, kundi isang mabilis at tila nang-uuyam na tawa na lalong nagpaasim sa mukha ng dalaga.
"You need to drink coffee in the morning para mas maging productive ang isip mo," seryosong saad ni Kyler, sabay taas ng kanyang sariling tasa na tila ipinagmamalaki ang kanyang itim na kape. "Lalo na't nasa Law School ka. Ang kape ang magiging pinakamatalik mong kaibigan sa mga puyatan."
Humarap si Elise kay Kyler, ipinatong ang kanyang magkabilang siko sa mesa, at ngumiti nang pilit.
"Bakit, Attorney? Kasama ba sa mga rules mo na kailangan ko ring magkape sa umaga? Mukhang wala naman akong nabasang ganoong batas sa papel mo kanina," matapang na bulyaw ni Elise. Mabilis na ibinalik ang asidong tono sa kanyang boses.
Napatigil si Kyler sa kalagitnaan ng paghigop. Ang kanyang mga mata ay unti-unting nanlaki habang hawak ang tasa.
Ikalawang beses na ito sa loob lang ng isang almusal.
Natigilan na naman ang bilyonaryong abogado sa talas ng dila ng dalaga. Sanay siyang gumamit ng mga butas sa batas para paboran ang kanyang mga kliyente, pero ngayon, ang sarili niyang listahan ng mga patakaran ang ginamit ni Elise laban sa kanya. Walang nakasulat na kailangang magkape ang dalaga, kaya technically, wala siyang laban.
Dahan-dahang ibinaba ni Kyler ang kanyang tasa, pilit na pinapakalma ang kanyang sarili kahit na pakiramdam niya ay unti-unti na siyang sinusubukan ng pasaway na babaeng ito.
"Walang nakasulat," malamig na tugon ni Kyler, bagama't may kaunting diin na ang kanyang boses. "But it's a strong recommendation."
"Well, your recommendation is denied, Attorney," nakangising sagot ni Elise bago sumubo ulit ng pagkain.
Napailing na lang si Manang Laring habang naglalakad pabalik sa kusina. Nakikitang sa unang pagkakataon ay may nakatapat sa pagiging dominante at istrikto ng kanyang amo. Ang almusal na ito ay simula pa lamang ng isang napakahabang karera kung sino ang unang susuko sa kanilang dalawa.