VIVIAN'S POV:
NAPAPANGUSO ako na hinihintay dumating si Migo. Kaarawan ko kasi pero kaninang umaga ko pa siya napapansing wala. Araw ngayon ng sabado kaya wala kaming pasok sa school. Pero ni hindi ito nagpaparamdam. Kahit mag-text manlang sana siya para may pakinabang naman ang cellphone na binigay niya sa akin last week.
“Vivian, tara. Kumain na tayo,” pagtawag ni Siobe sa akin.
Maliit at simpleng salo-salo lang naman ang handa ko. Pancit bihon, sopas, spaghetti, bilo-bilo at cake. Nagkataon kasi na anihan na ng gulay na pananim ni tatay at mataas ang presyo. Kaya nakapagluto kami ng handa ko ngayong birthday ko.
“Uhm, mauna na kayo. Mamaya na lang ako, Siobe.” Sagot ko.
“Ano ka ba? Kakantahan ka namin at ‘yong cake mo. Ikaw ang magbo-blow ng candles mo.” Wika nito na hinila na ako papasok ng bahay.
Nandidito ang mga kaibigan at mga pinsan namin at ilang kapitbahay na makikikain ng handa ko. Kahit nga si Wendell ay nandito. Pero ang especial na taong hinihintay kong dumating, heto at gabi na pero wala pa rin.
“Hindi siya makakarating.” Bulong nito na mukhang nahihinulaan kung sinong hinihintay ko.
“Paano mo nalaman?” tanong ko habang papunta kami sa kusina.
“Nakita ko sila ni tita kaninang umaga. Nasa bayan. Nagtungo sila sa hospital. Hindi ko alam e. Baka nagpa-check-up si tita o may kapamilya silang naka-admit ngayon sa hospital.” Wika nito.
“Pero. . . bakit hindi manlang siya nagtext? Alam niya namang birthday ko ngayon. Ni hindi pa nga niya ako nababati e.” Mababang saad ko na hindi maitago ang lungkot.
“Baka walang load?” patanong sagot nito.
“Nasa bayan siya kamo, ‘di ba? Madali lang naman kay Migo na mag-load sa tindahan para matawagan o maitext niya ako.” Naluluhang saad ko.
“Baka naman lowbat.”
“Ang sama niya. Ngayon pa talaga siya hindi nagpaparamdam kung kailan kaarawan ko,” pagdadamdam ko.
Hinagod-hagod naman ako nito sa likuran. “Hayaan mo na. Enjoy-in na lang natin ang gabi.” Anito.
Nagdasal muna kami bago nila ako kinantahan ng birthday song. Matapos akong kantahan, hinipan ko na ang candle ng cake ko at hinayaan na silang kumain. Lumabas ako na naghintay sa harapan ng bahay. Inaabangan ang pagdating ni Migo.
“Hi, happy birthday ulit, Vian.” Wika ni Wendell na may dalang pagkain.
Pilit akong ngumiti dito. “Salamat.”
“Sa lahat ng may birthday, ikaw lang yata ang hindi masaya.” Biro nito habang kumakain na nakatayo sa tabi ko.
Napahinga ako ng malalim. Nagsimula na ring kumanta ang mga bisita ko sa videoke na nirentahan namin sa bayan. Ang iba ay nag-iinuman na.
“Hindi ba siya darating?” tanong pa nito na ilang minuto kaming kapwa natahimik habang kumakain naman ito.
“Wala yatang balak. Ewan ko do’n. Maayos naman kami kahapon e.” Saad ko.
Napalapat ako ng labi na namumuo ang luha sa mga mata. Ayaw kong mag-isip ng negatibo. Pero iba na ang nagpaparamdam sa akin kung bakit hindi nakarating si Migo. Maski tumawag magtext manlang sana.
“Baka abala na kasi sa iba,” pasimpleng parinig nito.
“Anong ibig mong sabihin?” tanong ko na napalingon ditong inubos na ang kinakain.
“Wala naman, Vian. Sinasabi ko lang. Na baka. . . baka may ibang pinagkaka abalahan.” Paglilinaw pa nito.
Hindi na ako umimik pa. Hanggang sa natapos na ang lahat ng bisita na kumain. Unti-unti na ring nag-uwian ang iba. Ang iba naman ay nagpatuloy sa pagvi-videoke. Ang mga kalalakihan naman ay nag-iinuman sa likod ng bahay.
“Uhm, Vian. Mauna na ako ha? Salamat ulit sa pag-imbita at. . . happy birthday.” Pamamaalam ni Wendell na ikinangiti ko.
“Salamat din sa pagpunta, Wens. Mag-iingat ka sa pagmamaneho mo ha?” paalala ko dito.
Ngumiti ito na tumango at may hinugot sa bulsa. Napalunok ako nang kinuha nito ang kamay ko na ikinasunod ko ng tingin doon.
“Binili ko ito noong nakaraan. Tingin ko kasi. . . bagay sa'yo,” saad nito. “Okay lang ba? It's my birthday gift for you.” Wika nito.
Napangiti ako na napatitig sa bracelet na hawak nito.
“Salamat. Ang ganda,” wika ko.
Maingat nitong ipinasuot sa akin ang bracelet na napangiti.
“Ingatan mo ha?”
“Oo naman,” tugon ko.
Inihatid ko na ito sa gilid ng kalsada kung saan ipinarada niya ang motor niya.
“Mauna na ako.” Anito na in-start ang motor.
“Dahan-dahan sa pagpapatakbo. Magtext ka kapag nakarating ka na sa boarding house mo,” paalala ko na ikinangiti at tango nito.
“Sige. Salamat, Vian. Happy birthday again. Goodnight.”
“Goodnight, Wens.”
Napakaway ako dito na tumangong pinasilab na ang motor. Napahatid ako ng tingin dito hanggang sa mawala na siya sa paningin ko.
Mabigat ang loob ko na bumalik ng bahay. Mukhang wala ng pag-asang dadaan pa si Migo ngayon. Pasado alasdyes na rin kasi ng gabi.
“Biyang, kumain ka na muna dito,” pagtawag ni nanay sa akin na malingunan akong akmang papasok na sa silid.
“Hindi po ako gutom, Nay.” Sagot ko.
Pumasok na ako ng silid na bagsak ang balikat. Birthday ko pero hindi manlang ako makadama ng saya. Minsanan na nga lang kami mag-celebrate dito sa bahay at hindi naman palaging nagkakataon na may pera kami. Pero heto at hindi manlang sumilip si Migo. Mga bata pa lang kami ay palagi itong dumadalo. Kahit nga simpleng adobong manok lang ang handa ko at wala kaming budget ay pupunta ito at makikikain. Mag-aaya din itong magjo-joyride kami nila Siobe. Ipapasyal niya kami at ililibre sa labas ng pagkain.
Maya pa'y bumukas ang pinto na ikinalingon ko doon. Si nanay. May dala itong pinggan na puno ng halo-halong handa ko. Lumapit ito na malamlam ang mga matang nakatitig sa aking nakahiga ng kama. Bumangon ako na naupo at inabot ang platong iniabot nito.
“May problema ka ba, Biyang? Nasaan nga pala si Migo? Hindi ko yata napansin ang batang ‘yon na nakikain ngayon.” Wika nito.
Napahinga ako ng malalim na pilit kumain kahit wala akong gana.
“Abala ho.” Sagot ko.
Napatitig naman ito sa akin. “Nag-away na naman ba kayo?”
Umiling ako. “Sana nga gano'n ang nangyari, Nay. Para alam ko kung bakit wala siyang paramdam.” Sagot ko na kumakain.
“Baka dahil do’n sa babaeng nabuntis niya.” Ani nanay na ikinatigil ko sa akmang pagsubo.
“Ano po ‘yon, Nay?” tanong ko dito na napangiwi.
“Chismis lang ‘yon, Biyang. Ang sabi nilaareng Rosing kasi kanina habang nagluluto kami. Mag-aasawa na raw si Migo. May nabuntis na daw e. Hindi ba't magkaibigan kayo? Hindi mo ba alam ang tungkol doon? Kung totoong may nabuntis nga siya. E ang bata pa no'n,” wika ni nanay.
Napainom ako sa dala nitong juice na parang may batong bumara sa lalamunan ko. Biglang nanikip ang dibdib ko sa narinig dito. Kahit chismis lang 'yon, may posibilidad na totoo ito at may naging girlfriend si Migo. Imposible naman kasing walang namagitan sa kanila ng Jasmine na ‘yon e napakalandi ng babaeng ‘yon. Halatang hindi na birhen at makati.
“Kumain ka pa. Ubusin mo ‘yan, ha? Marami pang naiwang hugasin e. Samahan ko lang sina Siobe doon,” pamamaalam nito na ikinatango ko.
Kahit masarap ang niluto nila nanay ay nawalan na akong gana na kumain. Para kasing nagtutugma ang mga sinabi ni nanay sa mga nasabi ni Siobe at Wendell. Kung saan nabanggit ni Siobe na nakita nila kaninang umaga sina Migo at nanay nito na nagtungo sa hospital. At ang sinabi ni Wendell na baka may pinagkaka abalahang iba. Kaya hindi na nagpaparamdam.
Tumulo ang luha ko na napadantay ng braso sa noo at napapikit. Kahit wala pang kumpirmasyon ay nahihinulaan ko na ang mangyayari. Kung saan maaagaw na naman ng iba si Migo sa akin. At kung totoo man na nabuntis ni Jasmine, wala akong laban do’n. Ibig sabihin lang nito. Magiging asawa na niya ito. Habang ako, ang mga namagitang sweetness sa amin nitong nakaraan, ay hanggang ala-ala na lamang.
LUMIPAS ang mga araw at linggo. Hindi ko rin maintindihan pero kusa nang umiiwas si Migo sa akin. Ni hindi na niya kami kinikibo ni Siobe. Sa classroom nga e lumipat siya sa last row para hindi kami makatabi ni Siobe. Nasa sulok ito na tahimik palagi at halos walang kinakausap sa school.
Nalaman ko rin na nagkaayos na ulit sila ni Jasmine. At mukhang tama nga ang bali-balita na may nabuntis na ito. Hindi na kasi pumapasok sa university si Jasmine. Kapag nakikita namin sila ay hindi na ito naka-uniform. At kitang napaka protective at maasikaso ni Migo sa kanya.
Masakit. Pero wala naman akong magagawa. Mukhang sila talaga ang nakatadhana sa isa't-isa. Sinubukan naman namin ni Migo e. Pero sadyang hindi kami para sa isa't-isa. Dahil may ibang babae na ang nakalaan sa kanya. Malas ko lang. Dahil hindi ako ang babaeng 'yon. Hindi ako ang nakatadhana sa best friend ko.
December ang birthday ko. Lumipas ang pasko at bagong taon na hindi kami nagkausap pang muli ni Migo. Kahit magbatian o magsulyapan ay hindi namin ginagawa. Naging abala na rin ako sa ibang bagay. Katulad na lamang sa paggo-glow-up ko. Sa loob ng apat na buwan kong pag-aalaga sa sarili at mukha. Kitang-kita na ang epekto ng mga beaty products na ginagamit ko. Maging ang gluta na iniinom ko. Mabuti na lang at patuloy akong sinu-supply-an ni ma'am Erica.
Sa weekend ay bumabawi kami ni Siobe dito. Tumutulong kami sa salon niya at buong pagmamalaki naming sinasabi sa mga costumers na dahil sa mga products nila kaya nag-glow-up ang itsura ko. At para may pruweba kami, pinapakita namin ang dating larawan ko noong hindi pa ako gumagamit ng beauty products. Kung saan ang dami kong malalaking pimples sa mukha. Ang oily ng mukha ko at morena ang balat.
Ngayon ay napakakinis na ng balat ko. Pumuti na rin ako at mas lalong lumitaw ang angkin kong ganda dahil sa mga products na ginagamit ko. Bumagay din sa akin ang mahaba at unat kong buhok na abot hanggang baywang ko ang haba. Sa school nga e ako na ang muse sa class namin at binabansagang pinakamaganda sa buong SNHS o mas kilalang (Solano, National, High School)
SABADO ngayon at napag kasunduan namin nila Siobe at Wendell na magliwaliw ngayon sa isang bagong bukas na resort sa bayan. Birthday kasi ni Wendell bukas pero dahil maga-outing silang pamilya sa Pangasinan at doon siya magsi-celebrate ay nauna na kaming mag-celebrate na tatlo. Gusto kami nitong isama at pupunta sila sa hundred islands na kilala sa Pangasinan. Pero dahil susunduin siya ng pamilya niya, tumanggi na kami at nakakahiyang sumama.
"Biyang, nasa labas na sina Siobe at Wendell,” ani nanay na kumatok sa pinto.
"Palabas na po, Nay." Sagot ko na nagsuklay ng nakalugay kong buhok at nangingiting napatitig sa repleksyon sa salamin. “Ang ganda mo talaga, Vivian.” Kindat ko pa sa salamin na napahagikhik.
Inabot ko na ang packbag ko kung saan nakalagay ang ilang gamit ko at damit bago lumabas ng silid. Nandidito naman sa sala si nanay na inaalagaan ang bunso namin. Napalingon pa ito sa akin na napasuri sa kabuoan ko. Naka-denim high waist short kasi ako at sando. Bumagay naman sa akin dahil bukod sa maputi at makinis ang balat ko, mainit na rin kasi ang panahon. Lalo na dito sa probinsya namin sa Nueva-Vizcaya.
"Biyang, huh? Hindi dahil pumayag akong mag-overnight kayo sa bayan ay pumapayag na akong magpabiyak ka doon sa insik niyong kaibigan na ‘yon," pagpapaalala nitong ikinatango ko.
"Opo, wala naman pong ganyang magaganap, Nay. Masyado kayong advance kung mag-isip," natatawang saad ko.
"Pinapa alalahanan lang kita, Biyang. Aba, dalaga ka na, anak. Niregla ka na nga e. Kapag hindi ka nag-ingat? Matutulad ka sa iba na nabuntis ng maaga at ang malala pa? Tinakbuhan ng mga nakabuntis sa kanila. Mabuti nang ngayon pa lang ay pinapangaralan na kita sa mga bagay-bagay na ‘yan. Hindi biro ang mabuntis ng maaga, anak. Isa pa. May pangarap ka, hindi ba? Nakikita mo namang nagsusumikap ang tatay niyo maitaguyod lang tayo at sa pag-aaral niyo. Sana naman ay makapagtapos kayo ng pag-aaral. Iyon na lamang ang iregalo niyo sa aming mga magulang niyo sa sakripisyo at paghihirap namin mapabuti lang ang kinabusakan niyo. Hindi naman para sa amin kung makakapag tapos kayo ng pag-aaral at maaabot niyo ang mga pangarap niyong maging e. Kundi kayo din ang makikinabang niya'n pagtanda niyo. Kaya habang malakas pa kami ng tatay niyo na kumayod at magpakain sa inyo, ayusin niyo naman ang pag-aaral niyo at maging responsable kayo. Naiintindihan mo ba ako?” mahaba-habang pangangaral nito sa akin.
"Opo, Nay. Alam ko naman po ang limit ko e. Isa pa, hindi ko po boyfriend si Wendell. Magkaibigan lang ho talaga kami. Wala pa sa isip ko ang mga bagay-bagay na ‘yan. Hindi rin iyon nanliligaw sa akin at mabait po iyon. Kaya hwag na kayong mag-alala.” Sagot ko na nagmano na dito. “Alis na po kami, Nay.”
Hinaplos ko sa ulo ang bunso namin na abala sa laruan nito.
“O siya. Mag-iingat kayo do’n.”
“Opo.”
PAGLABAS ko ng bahay ay sakto namang napadaan si Migo. Pero para lang akong hangin na kahit nasa harapan na niya na hindi nakikita. Mapait akong napangiting napasunod ng tingin ditong nagtungo sa store at may bibilhin. Mis na mis ko na siya. Dalawang buwan na rin magmula nang umiwas na ito sa akin. Unang birthday ko, pasko at bagong taon na hindi kami nagpapansinan. Naghihintay lang naman ako e. Naghihintay na kausapin niya ako. Kahit ‘yong sulyapan niya manlang ako. Ngitian at batiin. Pero. . . para akong hindi nage-exist sa paningin niya e. Na hindi niya nakikita.
"Tara na?" ani Wendell na naglahad ng kamay sa akin.
Pilit akong ngumiti na inabot ang kamay nitong umalalay sa akin makaakyat ng bigbike motor nito. Sumunod naman si Siobe na inalalayan din nitong umangkas sa likuran ko kaya pinagigitnaan nila ako.
"Kumapit ka, Vian," anito na hinawakan ang dalawang kamay kong iniyapos sa tyan nitong ikinalunok ko.
"Si Migo," bulong ni Siobe sa akin.
Muli akong napalunok at madadaanan kasu namin si Migo sa store na ngayo'y nakatingin na rin sa amin nila Wendell na magkaka-angkas. Napaiwas ako ng tingin dito bago pa man magtama ang mga mata namin. Nakabusangot kasi ito na kitang wala sa mood.
Parang lulukso ang puso ko nang makatapat na kami sa kanya at dama kong nakatitig ito sa akin. Gusto ko man siyang lingunin ay nanatiling sa ibang direction nakatuon ang paningin ko. Hanggang sa madaanan na namin itong ikinahinga ko ng maluwag.
Pagdating namin ng resort ay may reservation na pala si Wendell para sa aming tatlo. Magkasama kami ni Siobe sa isang kwarto pero malawak naman ang kama at silid kaya hindi kami magkakasikipan.
Napaupo ako sa gilid ng pool na nilublob ang mga paa sa tubig. May mga kasabayan din naman kami kaya maingay ang paligid. Napayuko akong nangilid muli ang luha. Naramdaman ko ang pag-upo ni Siobe sa tabi ko na nilublob din ang mga paa sa tubig.
"Okay ka lang?" tanong nito.
"Oo naman.” Sagot ko na pasimpleng nagpahid ng luba.
"Alam kong hindi. Hindi mo kailangan ikaila sa akin, Vi.” Anito.
Napalabi akong muling rumagasa ang luha sa aking pisngi. Pilit itong ngumiti na niyakap akong isinandal sa kanyang dibdib habang hinahagod sa likod.
"Ang sakit, Siobe. Ang sakit sakit na dito," aniko na parang batang umiiyak na nagsusumbong sabay duro sa puso ko. "Ang sama niya. Ang sama-sama niya. Bakit pa niya ako pinaasa sa wala? Sana hinayaan na lang niya ako noong ako na ang kusang lumalayo. Hindi ‘yong bigla siyang lalapit at makikipag mabutihan sa akin. Nakakainis e. Pinasaya niya ako at pinakilig saglit pero. . . bigla na lang siyang nang-iiwan. Ano bang meron ang Jasmine na ‘yon at siya ang pinili niya. Maganda naman ako kung ganda lang, Siobe. Sexy rin naman ako a. At maputi na rin. Ang ganda ko na, Siobe. Ibang-iba na ako sa dating itsura ko. Pero bakit. . . bakit hindi niya pa rin ako kayang piliin?" puno ng hinanakit kong turan na humahagulhol sa balikat nito.
"Baka naman may malalim siyang dahilan, Vi. Alam naman nating mahal na mahal ka din ni Migo," mababang saad nito.
Mapakla akong natawa na napailing at nagpahid na ng luha. Bakit ko ba siya iniiyakan? Kung kaya niya akong balewalain at palitan? Kayang-kaya ko rin ‘yon. Papalitan ko siya. Papalitan ko na siya sa puso ko. Pagod na pagod na ako e. Pagod na pagod na akong umaasa sa na magiging akin siya. Habang siya ay nandoon. . .masaya sa piling ng iba.
"Kung nakita mo lang ang mga mata niya kanina nang madaanan natin? Vivian, punong-puno ng lungkot, selos at pangungulila ang mga mata niya habang nakatitig sa'yo. Hindi mo lang alam pero. . . nahuhuli ko iyon. Pinagmamasdan ka habang nasa classroom tayo. Minsan kapag nakatambay tayo sa bleachers at nanonood ng mga nagva-volleyball. Nandoon din si Migo, ilang metro ang layo sa atin at matamang kang pinapanood mula sa malayo. Kaya nakatitiyak akong. . . mahal na mahal ka rin niya. Bakit hindi mo subukang kausapin, Vivian? Pareho lang naman kasi kayong nasasaktan at nahihirapan e.” Wika nito na luhaang hinahaplos ako sa likuran at patuloy pa rin ang pagtulo ng luha ko.
“Tang ina, Siobe. Mga bata pa lang tayo. Alam mo nang crush na crush ko si Migo. Pero dahil matalik natin siyang kaibigan at ayokong mailang siya sa akin, nanatiling tikom ang bibig ko. Kung alam ko lang na dadanasin ko ang gan'tong sakit paglaki natin? Noon ko pa siya kinalimutan at iniwasan. Pakiramdam ko kasi. . . hindi niya deserve mahalin ko ng gan'to. Dahil wala siyang paninindigan. Dalawang beses na niyang ginawa sa akin ito, Siobe. At sa iisang babae pa ang dahilan kaya niya ako iniiwan. Nakakainis. Bakit ba hindi niya ako kayang piliin? Ano bang meron ang Jasmine na 'yon na wala ako?” banas na banas kong saad na nagpahid ng luha.
Napahinga ito ng malalim na nagpahid na rin ng luha. Ang ganda-ganda ng resort pero hindi ko manlang ma-enjoy ang lugar dahil naiisip ko si Migo. Kahit naman kasi iwasan ko. Kusa siyang naaalala ng isipan ko. Dahil nangungulila lang naman sa kanya. . . ang puso ko.
"E kung subukan mong ibaling sa iba ang nararamdaman mo para sa kanya, Vi? Deserve mo din namang sumaya. Para makalimutan mo na siya," saad nito.
Mapait akong napangiti na napailing. "Saan naman ako makakakita ng ipapalit ko kay Migo, hmm?" pananakay ko ditong napahagikhik na nginuso si Wendell na busy sa paghahanda ng pagkain kasama ang ilang staff nitong resort.
"Baliw ka ba?" namimilog ang mga matang singhal ko ditong napahalakhak.
"Hindi mo ba nakikita? May gusto si Wendell sa'yo, Vi.” Nanunudyong saad nitong pagak kong ikinatawa.
"Ayan ka na naman sa pagiging manghuhula mong puro palya naman," ingos kong ikinabungisngis nito. "Ang sabi mo dati, mahal din ako ni Migo. Pinaasa mo din ako na posible ang mga bagay-bagay sa amin. Pero ano? Nasaan na nga ba siya ngayon?" sarkastikong tanong kong ikinangiwi nito.
"Oo na. Mali na ako sa hula kong ‘yon kay Migo. Akala ko kasi mahal ka rin niya higit pa sa pagiging magkaibigan eh. Mali pala ako. Wala e. Mas mahaba buhok ni Jasmine sa'yo," pagsang-ayon nitong ikinahila ko sa buhok nitong natatawang napadaing.
"Salamat huh? Pinagaan mo ang loob ko," sarkastikong sagot ko na pinaniningkitan itong tatawa-tawa lang.
Mapait akong napangiti na nilingon ang cottage kung saan si Wendell na nag-aayos ng tanghalian.
"Sana ikaw na lang siya, Wendell. Mas masaya sana ako. . . kung ikaw si Migo. Kung si Migo. . . ang kasama namin ngayon dito."