CHAPTER 8

1423 Words
Ang sikat ng araw na tumatama sa bintana ng dining hall ay tila taliwas sa bigat ng nararamdaman ni TJ. Pagbaba niya, ang amoy ng bagong luto na kape at sinangag ang sumalubong sa kanya, kasabay ng pamilyar na eksena: si Lolo Ricardo na nag-aalmusal at si Ethan na pormal na nakaupo habang seryosong nagbabasa ng diyaryo. "Good morning, Lo," bati ni TJ, pilit na pinapasigla ang boses sa kabila ng puyat. "Good morning, TJ. Maupo ka na at kumain," sagot ni Lolo Ricardo, hindi inaalis ang tingin sa kanyang pagkain. Sandaling sinulyapan ni TJ si Ethan. Ang abogado ay tila nasa sariling mundo—ang focus nito ay nananatili sa bawat pahina ng diyaryo, ni hindi man lang nag-angat ng tingin o nagbigay ng kahit maliit na pagtango sa kanyang pagdating. Hindi malaman ni TJ kung dapat ba siyang matuwa dahil hindi siya nito kinukulit, o maiinis dahil tila bigla siyang naging hangin sa paningin ng binata pagkatapos ng tensyon kagabi. Mabilis niyang tinapos ang kanyang pagkain. Ang bawat subo ay tila kailangang madaliin para lang matapos na ang awkward na katahimikan. "Tapos na po ako... papasok na po ako sa school," anunsyo ni TJ. Tumayo siya, lumapit sa kanyang lolo, at humalik sa pisngi nito. Bago lumabas, huminto siya sa tapat ni Ethan na hanggang ngayon ay hindi pa rin siya tinitingnan. "Ethan, hintayin kita sa labas." Doon lang kumilos si Ethan. Binaba niya ang diyaryo, uminom ng tubig, at tumayo nang may natural na kisig. "Lo, mauna na po kami. Ingat po kayo pagpasok," pormal na paalam nito sa matanda. "Mag-ingat kayo," maikling tugon ni Lolo Ricardo habang pinagmamasdan ang dalawang lumalabas. Paglabas ng pinto, ramdam ni TJ ang pagbabalik ng kakaibang kuryente sa pagitan nila. Habang naglalakad patungo sa sasakyan, ang distansya nila ay sapat lang para maramdaman niya ang presensya ni Ethan, pero ang katahimikan ng lalaki ay tila isang pader na mahirap tibagin. Mukhang ang biyahe patungong unibersidad ay magiging kasing haba ng gabi nilang nakalipas. Habang tinatahak ng sasakyan ang daan patungong unibersidad, ang loob ng kotse ay tila isang vacuum ng katahimikan. Nakatuon lang ang pansin ni Ethan sa kalsada, ang kanyang mga kamay ay swabe ngunit mahigpit ang hawak sa manibela. Ang kanyang profile ay mukhang estatwa sa sobrang seryoso—walang bahid ng emosyon, na tila ba ang nangyari sa study room at sa gilid ng pool kagabi ay isang panaginip lang na kinalimutan na niya. Napatingin si TJ sa labas ng bintana, pero ang kanyang isipan ay abala sa pagbuo ng plano. Ayaw mo kong pansinin ha? Tingnan natin. Hindi sanay si TJ na binabalewala. Para sa kanya, ang katahimikan ni Ethan ay isang hamon—isang laro ng kapaan kung sino ang unang bibigay. Gusto niyang basagin ang pader na itinayo ng abogado simula kaninang almusal. Gusto niyang malaman kung hanggang saan ang "authority" nito bilang guardian, at kung ang malamig na pakikitungo nito ay isa lamang baluti para itago ang totoo nitong nararamdaman. Dahan-dahang ginalaw ni TJ ang kanyang upuan, sinasadya ang bawat kalansing ng seatbelt. Sumandal siya at pasimpleng sumulyap kay Ethan, pinagmamasdan ang bawat paggalaw ng panga nito. "Ang tahimik mo ata ngayon Attorney Navarro," panimula ni TJ, ang tono ay mapanukso. "Baka mamaya makatulog ka sa pagda-drive, mahirap na. Wala ka bang balak magsalita o talagang balak mo akong gawing hangin hanggang sa makarating tayo sa school?" Hindi sumagot si Ethan, pero napansin ni TJ ang bahagyang paghigpit ng hawak nito sa manibela. Isang ngisi ang gumuhit sa labi ng dalaga. Alam niyang sa ilalim ng kalmadong panlabas ni Ethan, unti-unti na niyang nakukuha ang atensyon nito. At sa pagkakataong ito, hindi lang pagiging pasaway ang balak niyang gawin—balak niyang subukan kung gaano katibay ang pasensya ng lalaking itinalaga para bantayan siya. Ngunit nanatiling bato ang ekspresyon ni Ethan. Walang kibo niyang ipinagpatuloy ang pagmamaneho hanggang sa huminto ang sasakyan sa tapat ng main building ng unibersidad. "Baba," maikling utos ni Ethan. Ang kanyang boses ay walang emosyon, parang isang GPS na nagbibigay lang ng direksyon. Agad na bumaba si TJ, ngunit lalong lumawak ang kanyang ngiti nang makitang lumabas din si Ethan sa kabilang pinto. Seryosong inayos ng abogado ang kanyang coat at bahagyang hinila ang kanyang necktie para masiguradong perpekto ang ayos nito. Ang bawat kilos ni Ethan ay pinapanood ng mga estudyanteng dumadaan, lalo na ang mga kababaihang hindi maiwasang mapalingon sa kisig ng lalaki. "Gwapo ka na, kahit hindi ka mag-ayos," hirit ni TJ. Aliw na aliw siya sa seryosong mukha ni Ethan, tila ba tinitingnan niya kung kailan ito mapipikon. "Bilisan mo ang lakad mo. May meeting pa ako," sagot ni Ethan, hindi man lang tinitingnan ang dalaga. Tumigil sa paglalakad si TJ at humarap sa kanya, ang mga kamay ay nasa baywang. "Oh, may meeting ka pala, eh. Sige na, umalis ka na. I can take care of myself," wika niya na may kasamang mapanuksong ngiti. Sa pagkakataong ito, huminto rin si Ethan. Lumapit siya kay TJ—mas malapit sa distansyang komportable para sa dalawa. Ang bango ng kanyang perfume ay muling bumalot sa sistema ni TJ, na nagpaalala sa kanya sa nangyari sa study room. "Huwag kang magsimula, TJ. Baka pagsisihan mo," babala ni Ethan sa mahabang boses. Agad niyang hinawakan si TJ sa braso—hindi mahigpit, hindi rin masakit, ngunit puno ng awtoridad. Inakay niya ang dalaga patungo sa gusali kung nasaan ang silid nito. Nang makarating sila sa tapat ng pinto ng room, binitawan siya ni Ethan at itinuro ang loob. "Go inside," utos niya. Nang mapansin niyang tinititigan lang siya ni TJ at tila walang balak gumalaw, mas lalong nagdilim ang kanyang mukha. "Go!" ulit niya, bakas na ang inis. Ngunit parang nananadya si TJ. Nanatili siyang nakatayo, tinitingnan ang bawat detalye ng mukha ni Ethan na parang isang sining na sinusuri. "TJ, Isa... dalawa..." pananakot ni Ethan, ang kanyang mga mata ay naniningkit na. "Fine! Eto na, papasok na," pagsuko ni TJ, bagaman may halong pangaasar ang kanyang tono. "Bye, Ethan! See you later!" Kumaway pa siya nang may kasamang pilyong kindat bago tuluyang pumasok. Inis na tumalikod si Ethan at mabilis na naglakad palayo. Ang kanyang mga hakbang ay mabibigat, ang panga ay naninigas sa galit. Hindi siya sanay na ginagawang laruan—lalo na ng isang batang katulad ni TJ na tila alam kung aling mga buton ang pipindutin para mawala siya sa kanyang sarili. Habang naglalakad patungo sa kanyang sasakyan, isa lang ang nasa isip niya: kailangang manatili ng distansya, dahil ang bawat segundong kasama niya si TJ ay tila isang pagsusugal sa kanyang propesyonalismo—at sa kanyang puso. Sa buong maghapon, hindi mapakali si Ethan sa loob ng kanyang opisina. Maya’t maya ang sulyap niya sa kanyang phone sa ibabaw ng mesa, tila hinihintay ang anumang "emergency notification" mula sa unibersidad. Sanay na siya sa mga pasabog ni TJ, kaya ang katahimikan ng buong araw ay tila nakakapanibago. Nang sumapit ang hapon, napansin niyang patapos na ang huling klase nito. Wala pa ring tawag. Isang tipid na ngiti ang sumilay sa kanyang labi—isang bihirang ekspresyon para sa isang laging seryosong abogado. Mabuti naman at nakinig ang batang iyon, sa loob-loob niya. Labinlimang minuto bago ang uwian, nakaparada na ang kanyang sasakyan sa parking lot ng campus. Lumabas siya at sumandal sa gilid ng kotse, ang kanyang mga braso ay magkakrus sa dibdib habang pinapanood ang iilang estudyanteng lumalabas na ng mga gusali. Ngunit ang panandaliang kapayapaan ay nabasag nang biglang mag-vibrate at tumunog ang kanyang phone. Pagtingin niya sa screen—School Guidance Office. Napakunot ang kanyang noo at isang mabigat na buntong-hininga ang kumawala sa kanya. "Sinasabi ko na nga ba," bulong niya bago sinagot ang tawag. "Yes, hello. Attorney Navarro speaking," pormal niyang sagot, bagaman may halong kaba. "Attorney, sa University Guidance Department po ito. Involve po si Ms. Silverio sa isang away sa loob ng klase." Tila tumigil ang paghinga ni Ethan. Nawala ang inis at napalitan ito ng matinding tensyon. "Ano? Nasaktan ba siya?" mabilis niyang tanong. "I'm coming. Nandito na ako sa loob ng unibersidad." Hindi na niya hinintay ang sagot ng nasa kabilang linya. Mabilis niyang ibinulsa ang phone at halos patakbong tinahak ang daan patungo sa Guidance Office. Ang kanyang puso ay nakikipagkarera sa kaba—hindi dahil sa galit kay Lolo Ricardo, kundi dahil sa takot na baka may nangyaring masama kay TJ. Sa bawat hakbang niya, ang tanging nasa isip niya ay ang kaligtasan ng dalaga na unti-unti nang nagiging sentro ng kanyang mundo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD