CHAPTER 2
Nagkatinginan sina Ethan at TJ—isang titigang puno ng tensyon. Ang inaasahan ni Ethan na "lalaking kapatid" ay naging isang mataray na reyna na tila hindi marunong bumati nang maayos.
"TJ, apo... siya si Ethan. Siya ang kasa-kasama ko sa mansyon at isa sa mga pinaka-pinagkakatiwalaan namin ng Daddy Theo mo. Halos itinuring ko na rin siyang apo."
Baling naman ng matanda sa abogadong tila na estatwa sa kinatatayuan. "Ethan, gaya ng sabi ko, siya si TJ. Ang nag-iisang anak ng Tito Theo mo."
"Hi," maikling wika ni Ethan sabay lahad ng kanyang kamay bilang tanda ng paggalang.
Ngunit tiningnan lang ni TJ ang kamay ni Ethan na tila may dumi ito. Sa halip na tanggapin ang pakikipag kamay, binitawan ni TJ ang kanyang maleta at halos itulak ito sa harap ni Ethan.
"Make yourself useful. Take my bags," malamig na utos ni TJ. "And where's Dad? I didn't fly halfway across the world just to stand here and do introductions. Take me to him. Now."
Napako ang tingin ni Ethan sa maleta, pagkatapos ay sa dalagang naglalakad na palayo. Hindi siya sanay na inuutusan nang ganoon—siya ay isang respetadong abogado, hindi isang bellboy.
"Make yourself useful," pag-uulit ni Ethan sa sarili, may bahid ng inis habang mariing hinahawakan ang hawakan ng maleta. Gusto sana niyang sumagot at itama ang asal ni TJ, pero nakita niya ang malungkot na mukha ni Don Ricardo. Alam niyang hindi ito ang tamang oras para magtalo dahil kritikal ang lagay ni Theo.
"Ethan, pagpasensyahan mo na ang apo ko," bulong ni Don Ricardo habang sumusunod kay TJ. "Pagod lang 'yan at nag-aalala sa ama niya."
"Okay lang po, Lo. Naiintindihan ko," sagot ni Ethan, bagaman alam niyang simula pa lang ito ng isang mahabang sakit ng ulo.
Habang binabagtas nila ang daan patungong ospital, nakaupo si TJ sa backseat habang si Ethan ang nagmamaneho. Tahimik ang lahat, pero ramdam ang bigat ng emosyon. Paminsan-minsan ay sumusulyap si Ethan sa rearview mirror. Nakita niya ang reflection ni TJ—nakasuot ito ng headphones pero halatang walang pinapatugtog. Nakatingin lang ang dalaga sa labas ng bintana.
"Can you drive faster?" biglang bulyaw ni TJ nang hindi tumitingin kay Ethan. "Traffic is killing me, and my dad is dying."
Huminga nang malalim si Ethan, pinipilit na manatiling kalmado. "I'm doing my best, TJ. Manila traffic isn't like the freeways in LA. We’ll be there in twenty minutes."
"Twenty minutes is too long!" iritableng sagot ni TJ. Kinuha niya ang kanyang phone at padabog na isinandal ang ulo.
Napailing na lang si Ethan. Ganda lang talaga ang meron ang babaeng ito, pero ang ugali, parang bagyong signal number 4, isip niya. Pero nang muli siyang sumulyap sa salamin, napansin niyang mahigpit na nakakapit si TJ sa laylayan ng kanyang jacket. Namumutla ito at bahagyang nanginginig ang mga labi.
Pagkaparada ng sasakyan sa tapat ng St. Luke’s, kumaripas ng takbo si TJ papasok sa lobby.
"Ethan, sundan mo siya," utos ni Don Ricardo. "Baka kung ano ang magawa ng batang iyan sa taranta."
Agad na sumunod si Ethan. Naabutan niya si TJ sa tapat ng elevator. Hinihingal ang dalaga at paulit-ulit na pinipindot ang button.
"TJ, stop. It’s coming," seryosong sabi ni Ethan sabay hawak sa braso ng dalaga para patigilin ito.
"Let go of me!" bulyaw ni TJ, pilit binabawi ang braso. "You don't know how it feels! You're just some guy my Lolo hired!"
"I'm not just 'some guy'," diretsong sagot ni Ethan, tinititigan si TJ sa mga mata. "And I know you're scared. Pero hindi makakatulong ang pagwawala mo rito. Be strong for your dad."
Natigilan is TJ. Tamang-tama namang bumukas ang elevator at patakbo siyang nagtungo sa ICU.
Pagdating sa pinto ng ICU, bumagal ang lakad ni TJ. Ang tapang niya kanina ay biglang naglaho nang makita ang warning sign. Dahan-dahan siyang pumasok at doon niya nakita ang kanyang ama—si Theo Silverio—na halos hindi na makilala sa dami ng makinang nakakabit dito.
"Dad..." hikbi ni TJ. Lumapit siya sa kama at hinawakan ang kamay ng ama. "I'm here. I'm so sorry I wasn't here sooner."
Sa labas ng glass window, pinapanood ni Ethan ang eksena. Doon ay nakita niya ang isang panig ni TJ na hindi niya inasahan. Ang mataray na babae sa airport ay isa lang palang anak na durog na durog ang puso.
Biglang tumunog ang alarm ng monitor. Nagkagulo ang mga nurse at doktor sa loob.
"Ethan! Anong nangyayari?!" sigaw ni Don Ricardo.
Hindi sumagot si Ethan, pero mabilis siyang lumapit sa pintuan ng ICU para alalayan si TJ na pilit na nilalabas ng mga nurse.
"No! Dad! Stay with me!" sigaw ni TJ habang hila-hila siya ng mga nurse palabas.
Sinalo ni Ethan ang nanghihinang katawan ni TJ. Sa bisig ni Ethan, doon tuluyang bumigay ang dalaga. Humagulgol ito habang nakakapit nang mahigpit sa suit ni Ethan—ang damit na kanina lang ay ayaw niyang madikitan.
Sa labas ng pintuan ng ICU, tila tumigil ang mundo. Ang tanging naririnig na lang ay ang nakakabinging tunog ng flatline na nagmumula sa loob ng kwarto, isang mahaba at tuloy-tuloy na tunog na sumira sa natitirang pag-asa ni TJ.
Nakayapos nang mahigpit si TJ kay Ethan. Ang kanyang mga kamay, na kanina ay nanununtok sa hangin dahil sa labis na takot, ay nakabaon na ngayon sa tela ng mamahaling suit ni Ethan, tila ito na lamang ang tanging angkla niya sa gitna ng pagguho ng kanyang buong pagkatao. Ang kanyang mga hikbi ay naging isang matinding pag-ungol—isang tunog ng isang anak na alam na ang mundong kinagisnan niya ay tuluyan nang naglaho.
"Hindi... hindi, Dad... Please, hindi..." ang boses ni TJ ay halos hindi na lumabas sa kanyang lalamunan, basag at puno ng pagmamakaawa.
Naramdaman ni Ethan ang pagbasa ng kanyang balikat mula sa mainit na luha ng dalaga. Hindi siya gumalaw. Hindi siya bumitiw. Sa kabila ng kanyang disiplinadong pagkatao, gumuho rin ang kanyang depensa. Dahan-dahan, itinaas niya ang kanyang mga kamay at mahigpit na niyakap ang dalaga, pilit na pinagsasama ang mga pira-pirasong damdamin ni TJ na unti-unting nadudurog sa kanyang mga bisig.
Sa kabilang panig, nakatayo si Don Ricardo sa harap ng malaking salamin ng ICU. Ang matandang dati’y matikas at punong-puno ng awtoridad ay tila biglang tumanda ng sampung taon sa isang saglit. Ang kanyang mga balikat ay bumagsak, at ang kanyang mga mata, na nakapako sa loob ng kwarto kung saan abala na ang mga doktor sa pagtatakip ng puting tela sa mukha ng kanyang anak, ay walang humpay sa pag-agos ng luha. Wala siyang boses na mailabas; tanging ang pag-alog ng kanyang mga balikat ang nagpapatunay sa tindi ng kanyang pagdadalamhati.
"Lolo..." tawag ni TJ sa gitna ng kanyang pag hagulgol. Tumingin siya sa direksyon ng kanyang lolo at nakita ang pagtiklop nito sa sariling bigat.
"Tapos na, TJ... wala na siya," bulong ni Don Ricardo, ang boses ay parang kalawang na dumidiin sa katahimikan ng pasilyo.
Nanigas si TJ sa bisig ni Ethan. "Hindi... ayaw ko! Ethan, sabihin mo sa kanila na mali sila! Buhay pa si Dad!"
Pilit kumakawala si TJ, gustong bumalik sa loob, gustong sumigaw, gustong bumalik sa panahon na hindi pa siya huli. Ngunit mas hinigpitan ni Ethan ang kanyang yakap. Ramdam ni Ethan ang bawat panginginig ng katawan ni TJ—ang bawat thump ng puso nito na tila gustong kumawala sa dibdib.
"TJ, tama na," mahinang wika ni Ethan, ang kanyang boses ay may kasamang sakit na hindi niya inaasahang maramdaman para sa babaeng kanina lang ay itinuturing niyang abala. "Kailangan mong magpaalam sa kanya. Pero hindi sa ganitong paraan."
Humarap si Ethan sa dalaga, hinawakan ang kanyang mukha gamit ang dalawang kamay. Ang mga mata ni TJ, na dati ay matapang at matalim, ay blangko na ngayon, tila isang salaming nabasag na hindi na muling mabubuo.
"Tumingin ka sa akin, TJ," utos ni Ethan, hindi bilang abogado, kundi bilang isang taong nakikiramay sa kanya. "Ang huling hiling niya ay makita ka. Ibinigay mo iyon sa kanya. You were there when he took his last breath. Kahit hindi mo alam, naramdaman niya ang presensya mo."
Sa mga salitang iyon, muling bumagsak ang luha ni TJ. Hindi na ito hikbi; ito na ang tahimik at masakit na pagtanggap. Napasubsob siya sa dibdib ni Ethan, ang kanyang pag-iyak ay naging mahinang paos na pagdaing na bumabalot sa buong hallway.
Samantala, lumapit na si Don Ricardo sa kanila. Inilagay ng matanda ang kanyang nanginginig na kamay sa ulo ni TJ, dahan-dahang hinahaplos ang buhok nito. Sa sandaling iyon, ang tatlong taong bumuo ng tadhana sa napakasakit na paraan ay nagkakaisa sa gitna ng trahedya.
Alam ni Ethan, habang nakayakap sa dalagang unti-unting nauubusan ng lakas, na ito na ang simula. Ang babaeng inis na inis siya kanina ay wala na. Ang natitira na lang ay isang durog na kaluluwa na kailangan niyang protektahan—at sa pagkakataong ito, alam niyang hindi na niya kayang tumalikod pa.