ARAW NG LIBING
Ang sementeryo ay unti-unti nang binalot ng katahimikan at ng papalubog na araw. Ang hangin ng takipsilim ay tila humahaplos nang may lamig sa bawat lapida, habang ang tunog ng mga kuliglig ay nagsisilbing malungkot na himig sa paligid.
Si TJ ay nakaupo sa isang sementadong bangko sa harap ng puntod ni Theo. Maputla siya, walang imik, at tanging ang walang tigil na pagtulo ng luha sa kanyang pisngi ang nagpapatunay na siya ay gising at humihinga pa.
Lumapit si Don Ricardo, bahagyang nanginginig ang kamay habang humahawak sa balikat ng apo. "TJ, apo... mauna na ako sa mansyon. Hindi ko na rin kayang magtagal dito... masakit pa para sa akin ang makita siyang wala na," bulong ng matanda, boses na tila pinuputol ng pait. "Si Ethan ang kasama mo. Siya ang maghahatid sa iyo pauwi."
Tumango lang si TJ, isang mekanikal na galaw na walang emosyon. Pinanood ni Ethan mula sa malayo ang paglakad ni Don Ricardo patungo sa sasakyan, ang bawat hakbang ng matanda ay mabigat at puno ng pagod.
Naiwan silang dalawa sa gitna ng katahimikan ng mga yumao.
Makalipas ang isang oras, nilamon na ng dilim ang buong sementeryo. Ang tanging liwanag ay nagmumula sa mga malalayong poste sa gilid ng kalsada na nagbibigay ng maputla at madilaw na anino. Si Ethan ay nakatayo sa likuran ni TJ, ilang dipa ang layo. Tiningnan niya ang kanyang relo, pagkatapos ay ang nakayukong likod ng dalaga. Nagdadalawang-isip siya kung lalapit ba siya o hahayaan na lang muna itong mag-isa.
Humakbang siya nang dahan-dahan, ang bawat yabag niya sa damuhan ay tila yumanig sa katahimikan.
"TJ... gabi na," mahinang tawag ni Ethan. "Kailangan na nating umuwi. Hinihintay tayo ni Lolo Ricardo."
Walang sagot. Akala ni Ethan ay hindi siya narinig, ngunit makalipas ang ilang sandali, dahan-dahang tumayo si TJ. Lumapit ito sa puntod, hinaplos ang malamig na marmol na may nakaukit na pangalan ng kanyang ama, at mabilis na pinunasan ang mga luha bago ito tuluyang tumalikod.
Naglakad si TJ na tila isang anino, nilagpasan si Ethan nang hindi man lang ito sinusulyapan. Sumunod si Ethan, binuksan ang pinto ng sasakyan para sa kanya sa isang kilos na puno ng paggalang at pag-iingat.
Tahimik ang loob ng sasakyan habang binabagtas nila ang daan patungong Forbes Park. Nakatingin si TJ sa bintana, pinapanood ang mga ilaw ng siyudad na lumalabo dahil sa mga bagong luhang namumuo sa kanyang mata. Ang atmospera sa loob ay mabigat—isang tensyong kasing-lalim ng gabi.
Maya-maya, sumulyap si Ethan sa rearview mirror. Nakita niya ang repleksyon ng dalaga, ang mukha nitong bakas ang pagod at matinding galit sa tadhana.
"I know we didn’t start on the right foot at the airport," panimula ni Ethan, ang boses ay kalmado at maingat. "Pero... I’m sorry for your loss, TJ. Your dad was a good man."
Tumigil ang paghinga ni TJ. Humarap siya sa direksyon ni Ethan, ang mga mata ay nanlilisik sa galit.
"You don't know anything about him," matalim na sagot ni TJ, ang boses ay may halong pait. "Stop acting like you care. Hindi mo siya kilala, kaya huwag kang magkunwaring alam mo ang nararamdaman ko."
Napahigpit ang hawak ni Ethan sa manibela. Ramdam niya ang panginginig ng kanyang mga daliri dahil sa inis at awa na sabay na nananalaytay sa kanyang sistema. Gusto sana niyang sumagot, gusto niyang ipagtanggol ang kanyang sarili at sabihing naroroon siya dahil utos ito, dahil responsibilidad niya ito—pero pinigilan niya ang sarili.
Alam niyang galit si TJ sa buong mundo, at siya ang pinakamalapit na target ng poot nito. Tumingin na lamang si Ethan sa kalsada, pilit na pinapakalma ang kanyang sarili sa gitna ng malamig na hangin ng aircon sa loob ng sasakyan, habang ang bawat segundo ay tila mas lalong naglalayo sa kanilang dalawa.
Huminto ang sasakyan sa harap ng isang dambuhalang mansyon. Moderno ang disenyo nito at puno ng mamahaling dekorasyon, ngunit para kay TJ, isa lamang itong malaking kulungan.
Pagkababa nila ng sasakyan, sinalubong agad sila ng mga katulong na maayos na nakahanay sa entrada.
“Welcome to your new home, TJ,” wika ni Ethan.
Tiningnan ni TJ ang mansyon mula ulo hanggang paa bago deretsong naglakad papasok, hindi man lang nilingon si Ethan.
“This isn’t a home… it’s just a big house full of ghosts,” mahina niyang bulong sa sarili.
Nababalot ng marangyang katahimikan ang malawak na sala ng mansyon, ngunit ang bawat hakbang ni TJ sa makintab na sahig ay tila may kasamang mabigat na tensyon.
Nakatayo si Lolo Ricardo sa gitna ng silid, pilit na nakangiti sa kabila ng pagod at pangungulila sa anak.
“Welcome sa mansyon, apo… ito na ang bago mong tahanan simula ngayon,” malambing na wika ng matanda, umaasang kahit paano ay gagaan ang loob ng dalaga.
Ngunit huminto si TJ at diretsong tumingin sa mga mata ng kanyang lolo.
Walang bahid ng pag-aalinlangan ang kanyang boses.
“No, Lo,” matigas niyang sagot.
“Babalik ako sa LA. Wala na si Daddy… at wala na rin akong dahilan para manatili pa rito.”
Sabay na natigilan sina Don Ricardo at Ethan. Si Ethan, na nakatayo lamang sa likuran ni TJ habang bitbit ang mga maleta nito, ay napakunot ng noo.
Ganito ba talaga siya katigas? isip niya. Kakalibing pa lamang ng ama nito, ngunit pag-alis agad ang nasa isip ng dalaga.
“That’s the point, iha,” mahinahong sagot ni Don Ricardo, bagaman bakas ang lungkot sa kanyang tinig.
“Kami na lang ni Ethan ang pamilya mo. Mas kailangan mong manatili rito sa Pilipinas para may makasama ka. Hindi kita hahayaang mamuhay mag-isa sa ibang bansa.”
“Lo, I’m studying! Third year Nursing na ako… nag-aaral po ako roon,” giit ni TJ, pilit ginagamit ang pag-aaral bilang dahilan para makabalik sa LA.
Ngunit hindi basta-basta natitinag ang isang bilyonaryong tulad ni Don Ricardo Silverio. Tulad ng isang taong sanay na masunod, agad siyang nagdesisyon.
“’Yun lang ba? Walang problema. Ipapalipat kita rito sa Pilipinas. Ethan will assist you with everything,” wika ng matanda bago tumalikod, tila hudyat na tapos na ang usapan. “Tara, kain na tayo.”
Hindi makapaniwala si TJ. Para siyang binagsakan ng langit at lupa. Habang naglalakad ang kanyang lolo patungo sa dining area, hindi niya ito mapigilang habulin ng tingin.
“But Lo!” malakas na tawag ni TJ. “Wala akong kilala rito!”
Huminto si Don Ricardo bago tuluyang maupo sa kabisera ng mahabang hapag-kainan. Dahan-dahan siyang lumingon kay Ethan bago ibinalik ang tingin kay TJ.
“Ako at si Ethan,” maikli ngunit mabigat na sagot ng matanda.
“Si Ethan ang magiging guardian mo. Siya ang magsisilbing mata at tenga ko habang wala ako.”
Unti-unting napalingon si TJ kay Ethan—isang tinging puno ng galit, poot, at matinding pagkadismaya.
Si Ethan naman ay nanatiling kalmado at pormal, ngunit sa loob-loob niya ay ramdam na niyang magiging impiyerno ang mga susunod na araw.
Guardian? Ako? Paano ko didisiplinahin ang isang babaeng ang alam lang ay sumuway? isip niya habang tahimik na pinagmamasdan si TJ.
Naupo si Ethan sa tapat ng nakahandang upuan para kay TJ. Nagsimula ang hapunan, ngunit para sa dalaga, bawat subo ng pagkain ay lasang pagkatalo.
Alam niyang sa sandaling pumasok siya sa mansyong iyon, nagsimula na rin ang buhay niya sa loob ng isang ginintuang kulungan—at si Ethan ang itinalagang bantay niya.
Hindi pinalampas ni TJ ang unang gabi niya sa mansyon nang walang ginagawang gulo. Para sa kanya, ang Maynila ay isa ring malaking kulungan, at kailangan niyang makahinga kahit sandali.
11:30 PM — Silverio Mansion.
Tahimik na ang buong bahay. Sa kabilang wing ng mansyon, kampanteng iniisip ni Ethan na tulog na ang dalaga matapos ang mahabang biyahe at nakakapagod na libing.
Ngunit si TJ, suot ang itim niyang mini dress at leather boots, ay dahan-dahang bumaba mula sa bintana ng kanyang silid gamit ang pinagtali-taling kumot—isang teknik na natutunan niya habang nasa LA.
“You think you can lock me in, Ethan? Watch me,” pabulong niyang sabi bago tuluyang makatakas palabas ng gate.
Ilang minuto lang ang lumipas, sumakay na siya ng Grab patungo sa isa sa mga sikat na bar sa Bonifacio Global City o BGC.
2:00 AM.
Nagising si Ethan sa sunod-sunod na pag-vibrate ng kanyang cellphone. Bilang isang abogado, sanay siya sa mga emergency calls kahit dis-oras ng gabi, ngunit hindi niya inaasahan ang balitang sasalubong sa kanya.
“Attorney Navarro? This is the manager of The Vault Bar. Kasama po namin rito si Ms. TJ Silverio.”
Bahagyang kumunot ang noo ni Ethan habang bumangon mula sa kama.
“Medyo nakainom na po siya at nasasangkot sa gulo. Nakita namin ang card ninyo sa bag niya na may nakalagay na ‘In Case of Emergency.’”
Napabangon agad si Ethan.
“What?! She’s there? Sige, papunta na ako. Don’t let her leave.”
Sa loob ng bar, agad siyang sinalubong ng malakas na tugtog, nakakasilaw na ilaw, at amoy ng alak. Halos magsalubong ang kilay niya nang makita si TJ sa gitna ng dance floor—nakatayo sa ibabaw ng isang upuan habang may hawak na baso ng tequila at nakikipagtalo sa isang lalaki.
“I said… I don’t care who you are! Get lost!” sigaw ni TJ sa lalaking kaharap, halatang lasing na habang magulo ang kanyang buhok.
Bago pa man makasagot ang lalaki, isang matigas na kamay ang humawak sa braso ni TJ at marahas siyang ibinaba mula sa upuan.
Isang pamilyar na amoy ng mamahaling pabango at malamig na presensya ang agad niyang nakilala.
“That’s enough, TJ,” malamig ngunit kontroladong wika ni Ethan.
Bagama’t kalmado ang kanyang boses, halatang nag-aapoy sa galit ang mga mata nito.
“Oh! Look who’s here… the Great Guardian!” natatawang sabi ni TJ bago marahang hinaplos ang pisngi ni Ethan. “You’re so stiff, Ethan. Relax.”
“Home. Now,” mariing utos ni Ethan.
Pagkatapos ay hinarap niya ang manager at ang lalaking nakaalitan ni TJ.
“I’m sorry for the trouble. I’ll take it from here.”
Walang pag-aalinlangang binuhat ni Ethan si TJ palabas ng bar na tila isang sako ng bigas, kahit nagpupumiglas pa ang dalaga habang nagrereklamo.
Pagpasok nila sa sasakyan, agad niyang ni-lock ang mga pinto bago pinaandar ang kotse.
“Anong problema mo?!” galit na sigaw ni Ethan habang mahigpit ang hawak sa manibela.
“Kakalibing pa lang ng Daddy mo, TJ! Hindi mo ba naisip kung anong mararamdaman ni Lolo kapag nalaman niyang tumakas ka para lang magpakalunod sa alak?”
“Stop acting like you’re my dad!” sigaw pabalik ni TJ.
Nagsimulang mamasa ang kanyang mga mata habang pilit pinipigilan ang emosyon.
“You don’t know how it feels to be trapped in a place where everyone looks at you like a problem! I hate this place… and I hate you!”
Biglang itinigil ni Ethan ang sasakyan sa gilid ng kalsada.
Tahimik na humarap siya kay TJ. Ilang pulgada na lamang ang pagitan nilang dalawa.
Napalunok si TJ nang maramdaman ang mainit na hininga ng lalaki.
“I’m not your dad, TJ,” mahina ngunit madiing sabi ni Ethan habang titig na titig sa kanya.
“But I promised your father… and your grandfather… that I would look after you.”
Bahagyang tumigas ang ekspresyon ng kanyang mukha.
“At kung iniisip mong susukuan kita dahil lang sa ugali mo, nagkakamali ka. Simula bukas, wala ka nang kawala sa akin.”
Natigilan si TJ.
Sa unang pagkakataon, may nakita siyang kakaibang determinasyon sa mga mata ni Ethan—at kasabay noon ay isang hindi maipaliwanag na kaba na walang kinalaman sa alak.
“Bring it on, Attorney,” mapait na hamon ni TJ, bagama’t may bahid pa rin ng kalasingan ang kanyang tinig. “Hindi ako natatakot sa’yo.”
Pagkatapos ay sumandal siya sa upuan at ipinikit ang kanyang mga mata, tila senyales na tapos na ang usapan.
Si Ethan naman ay mariing napahawak sa manibela. Pinili niyang manahimik at ituon na lamang ang sarili sa pagmamaneho.
Ngunit hindi niya maitanggi ang mabilis na t***k ng kanyang puso—hindi dahil sa takot, kundi dahil sa halo-halong galit at isang protektibong damdaming pilit niyang binabalewala.
Pagdating sa mansyon, padabog na bumaba si TJ sa sasakyan. Gusto na lamang niyang takasan ang presensya ni Ethan at magkulong sa kanyang kwarto.
Ngunit nang mabuksan niya ang dambuhalang pinto ng sala, tila huminto ang pag-ikot ng kanyang mundo.
Nandoon si Don Ricardo.
Tahimik itong nakaupo sa gitna ng madilim na sala, hawak ang baston habang seryosong nakatingin sa kanya.
At sa unang pagkakataon mula nang dumating siya sa Pilipinas… nakaramdam ng takot si TJ.