"Salamat sa paghatid," wika ni Callynn kay Jed. Ang kaibigan ni Macarius na naghatid sa kanila na ngayon ay basang-basa na rin dahil tinulungan pa sila nito na maibaba ang mga kahoy na ibinigay nito sa kanila. "Ingat ka pauwi."
"Salamat sa lahat, Pareng Jed," wika naman ni Macarius rito. "Nabasa ka pa tuloy. Gusto mo bang pumasok muna sa loob?"
"Hindi na. Sige na, uuwi na ako," sabi nito at tinalikuran na sila. Halatang masama ang ugali talaga.
"Ingat ka, Pare!" pahabol na sigaw ni Macarius pero hindi na lumingon ang lalaki. Siguro nagsisisi na ito na ibinigay lang ng libre sa kanila ang mga kahoy.
"Ang bait ng kaibigan ko, 'no? Hindi ko talaga akalain na ibinigay niya lang ang lahat ng libre, Callynn. Hindi kaya siya malugi?" tanong ni Macarius nang makaalis ang kaibigan nito.
"Kaunti lang naman ang ibinigay niya kaya malabong malugi siya, Macky," aniya. "Pumasok na muna tayo sa loob para makakain na tayo dahil tanghali na."
"Sige." Nauna na siyang pumasok habang ito naman ay nakasunod sa kaniya. Isinalin niya sa mangkok ang mga ulam na binili niya bago ito sinandukan ng kanin na sinangag niya kanina. Inuna niya muna ito bago ang sarili niya. "Salamat, Callynn."
Nginitian niya ito. "Walang anuman, Macky. Kumain ka ng marami para may lakas ka mamaya habang ginagawa mo ang tindahan natin."
Tinanguan siya nito habang nakangiti. Habang sumusubo siya ng pagkain ay nakatuon lang ang atensiyon niya kay Macky. Tatlong putahe ang ulam na binili niya at lahat iyon ay kinakain nito.
"Callynn, may kanin pa ba sa kawa–" Napahinto sa pagsasalita si Macarius nang mahuli siya nito na pinanonood ito. "May dumi ba ako sa mukha?"
"Wala naman."
"Akala ko meron."
"Kahit naman may dumi ka sa mukha guwapo ka pa rin, eh."
"Ha?"
"Wala. Ahm, ano nga ulit 'yong gusto mong sabihin kanina?"
"Itatanong ko sana kung may kanin pa sa kawali."
"Meron pa. Akin na 'yang plato mo at sasandukan kita." Wala sa sarili na iniabot nito ang plato sa kaniya. Kapag may hindi ito maintindihan ay ganoon lagi ang ekspresyon ng mukha nito. "Dadamihan ko ba?"
"Kaunti na lang, Callynn."
"Sige."
"Alam mo, kanina ko pa napapansin na titig na titig ka sa akin," sabi nito kalaunan. "Minsan tuloy iniisip ko na baka totoong guwapo nga ako. Magandang lalaki ba talaga ako, Callynn?"
"Gusto mo ba talagang sabihin ko ang totoo?"
"Oo sana."
"Ikaw ang pinakamagandang lalaki para sa akin, Macky." Biglang kumislap ang mga mata nito sa tuwa dahil sa sinabi niya. "Hindi halata na thirty-seven na ang edad mo dahil kung titingnan ka ay para ka lang eighteen years old."
"Eighteen?" naguguluhan nitong tanong. "'Yon ang edad ng mga babae kapag debut nila, 'di ba? Minsan na kasi akong naimbitahan sa debut noon kaya pamilyar sa akin ang edad na binanggit mo, eh."
"Alam mo, habang tumatagal mas lalo akong nagiging proud sa iyo, Macky," masaya niyang sabi. "Hindi magtatagal ay malalaman mo rin ang lahat basta kaunting tiyaga lang."
"Kaya sana hindi ka magsawa na turuan ako. 'Wag mo sana akong susungitan kapag medyo hirap ako."
"Kailan ba kita sinungitan? Kahit kailan naman hindi pa kita sinungitan, ah."
"Minsan kasi natatakot ako sa iyo, eh."
"Bakit naman?"
"Ang sama kasi ng tingin mo sa akin minsan tapos medyo malakas din ang boses mo." Paanong hindi niya ito sasamaan ng tingin paminsan-minsan kung matigas ang ulo nito? "Pakiramdam ko kasi papatayin mo ako, eh."
"Grabe ka naman sa papatayin, Macky. Alam mo bang wala akong bang inisip kung hindi ang protektahan ka sa mga taong gusto kang lamangan? Kahit sa panaginip hindi ko magagawa 'yon sa iyo, 'no. Grabe ka sa akin. Ni sa hinagap hindi ko naisip na gawan ka ng masa–"
Pinutol siya nito. "Salamat, Callynn," seryoso nitong sabi habang direktang nakatingin sa mga mata niya. "Salamat dahil isa kang mabuting tao. Salamat kasi sa pagkakataong 'to ay hindi ako nagkamali sa pagpili ng patutuluyin dito sa bahay ko."
Ano'ng ibig nitong sabihin?
"Bakit? Marami na ba ang pinatuloy mo rito sa bahay mo?"
Tumango ito. "Hindi na nga mabilang, eh."
"Marami na?" paniniguro niyang tanong.
"Oo."
"Ano'ng nangyari?"
"'Yong iba ninakawan ako. 'Yong iba naman ginawang pasugalan 'tong bahay ko habang nasa trabaho ako."
"Ano'ng ginawa mo? Nagalit ka ba? Pinalayas mo ba sila?" Umiling ito. "Ano? So, anong ginawa mo? Wala lang sa iyo 'yong mga ginawa nila?"
"Pinatawad ko sila kasi ayaw ko na mabuhay ako na may galit sa puso. Alam kong hindi sila ganoon kasama kaya hindi mahirap sa akin ang patawarin sila. Minsan kasi nagkukulang lang tayo ng pang-unawa kaya hindi kaagad nagkakaintindihan."
"Sobrang bait mo naman kasi. Hindi naman din kasi tama 'yong ginagago ka na tapos ang bait mo pa rin."
"Ayaw ko lang ng gulo," katuwiran nito. "Kaya nga natakot ako no'ng sinuntok mo 'yong tauhan ni Jed, eh. Sa susunod kapag may narinig ka ulit 'wag mo ng papatulan, ha?"
"Ayaw ko nga!" pagsalungat niya rito. "Papatulan ko sila kapag may narinig ulit ako para magtanda sila, 'no! Sa susunod, hindi lang suntok at sabunot ang gagawin ko sa mga taong masasama ang ugali kahit magalit ka pa sa akin."
"Ano? 'Wag ganoon. Masama 'yon."
Inirapan niya ito. "Wala akong pakialam. Patayin ko pa sila, eh."
"Habaan mo kaya ang pasensiya mo," sabi pa nito dahilan para tumayo na siya. "Wala namang mawawala sa iyo kung magiging mabait ka, eh."
"Bilisan mo na riyan para maumpisahan na natin ang paggawa ng kubo. Tsk! Puro kabaitan 'yang nasa isip mo kaya ka nabubudol, eh. Kung sino pa ang sinasabi mong mga kaibigan ay 'yon pa ang nambubudol sa iyo. Sabihin mo nga, paano ako magiging mabait kung puro scammer ang nasa paligid mo? Iniinis mo ako, eh. 'Yang pagiging mabait mo, 'yan ang papatay sa iyo kaya bawas-bawasan mo 'yang kabutihan mo dahil hindi na tama," mahaba niyang sabi na may kasamang sermon dahilan para mapatitig ito. Animo'y isa itong paslit na pinapagalitan ng ina nito. "Hindi ka pa ba tatayo riyan?"
"T-tatayo na." Sa sobrang takot nito sa kaniya ay tumakbo na ito palabas kaya napailing siya. Hinugasan niya muna ang kinainan nilang dalawa bago ito sinundan para tulungan ito sa paggawa. "Ako na lang dito, Callynn. Maligo ka na lang sa loob tapos magpahinga ka."
"Tutulungan kita hanggang sa matapos 'tong gagawin mong kubo."
"Bahala ka nga," sumusuko nitong saad. "Ang kulit mo."
"Talaga!"
"Hays! Ba't kaya ang kulit ng babaeng 'to? Daig niya pa sa kakulitan 'yong alaga kong pusa dati." Kahit malakas ang patak ng ulan ay naririnig niya ang mga bulong nito. "Mamamatay talaga ako ng maaga dahil sa kaniya."
Ano raw? Mamamatay daw ito ng dahil sa kaniya? Samantalang noong in-scam ito ng kaibigan nitong kulang sa pag-iisip ay hindi naman ito namatay. Arte!
Habang naglalagari ito ng kahoy ay kinakausap nito ang sarili kaya bago pa man ito matuluyan ay dumampot siya ng maliit na bato at pinatamaan ito sa braso nito.
"Bakit?" takang tanong nito. "May nagawa na naman ba akong mali?"
"Macky, bukas na lang kaya natin gawin 'tong kubo."
"Bakit?"
"Gusto ko kasing magkape na lang tayo habang nanonood ng tv. Ano sa tingin mo?"
"Sabi ko naman sa iyo kaya ko na 'to, eh. Iwanan mo na ako rito at magkape ka na sa loob. Doon sa lagayan ng bigas may tinapay doon. Kunin mo na lang kung gusto mo. Gutom ka na ba agad? Halos kakakain lang natin, ah."
"Kalimutan mo na nga lang 'yong sinabi ko." Nilalamig na kasi siya pero ayaw naman niya na iwanan si Macarius. "Kaya ba nating tapusin 'to ngayong araw? Ano pala ang ilalagay natin sa bubong nito?"
"Yero ang ilalagay ko tapos lalagyan ko ng plywood sa ilalim para hindi ka mainitan masyado. Bibili rin ako ng ceiling fan para komportable ka."
"Salamat, Macky!" nakangiti niyang sabi. "Sana marami ang bumili sa atin, 'no?"
"Marami ang bibili ng paninda mo kung masarap ang luto mo, Callynn. Alam mo ba kung paano magluto ng masarap?"
"Paano?"
"Kailangan wala kang poot na nararamdaman habang nagluluto ka para masarap ang maging resulta."
"Kahit pa pinaplano ko kung paano ko papatayin ang kaibigan mo na nagpahiram sa iyo ng pera ay masarap pa rin ang luto ko, 'no? Kahit ano pa ang nasa isip ko hindi mababago no'n na masarap talaga akong magluto. Hays, alam mo ba na gigil na gigil ako sa kaibigan mo na nagpahiram sa iyo ng pera? 'Wag ko lang talaga malalaman na doble-doble ang tubo niya dahil susunugin ko siya ng buhay."
"Papatayin mo siya? Bakit naman? Ano'ng dahilan?"
"Wala naman."
"Ayos ka lang ba? Papatayin mo si Jordan ng wala kang matinding dahilan? Alam mo, magsimba kaya tayo bukas?"
"Ayaw ko."
"Magsimba tayo para maliwanagan 'yang isip mo, Callynn."
"Matino ang pag-iisip ko, no. Sadyang nakakainit lang talaga ng ulo ang mga kaibigan mo. Ni hindi ko nga alam kung kaibigan mo ba talaga ang mga 'yon, eh. Alam na nga na kargador ka lang tapos tutubuan ka pa. May pa-nnjoy now and suffer later pang nalalaman ang hudas. 'Yong perang ipinahiram niya sa iyo 'wag mong gagalawin 'yon, ha."
"Bakit?"
"Dahil ibabalik ko 'yon sa kaibigan mo bago ko siya patayin."
Napa-sign of cross ang lalaking kaharap niya. Kulang na lang yata ay i-pray over siya nito.
"Alam mo, 'wag kang ganiyan." Inaasahan na niya na ganito na naman ang sasabihin nito. "Lalayuan ka ng grasya kapag hindi ka nagbago, Callynn," dagdag pa nito na akala mo isa siyang sindikato na tinuturuan nitong magbago.
"Mabait naman ako, eh."
"Hindi na ako sigurado tungkol sa bagay na 'yan."
"Mabait ako kapag tulog," nakangisi niyang sabi sabay kindat kay Macarius na naging dahilan ng pamumula ng pisngi nito kaya mas lalo pa siyang napangisi.