"Callynn, masama ang makipag-away. Hindi iyon gawain ng mga taong kagaya natin na mayroong matinong pag-iisip," pangaral ni Macarius sa kaniya nang patulan niya ang lalaking isa sa mga tauhan dito sa hardware. "'Di ba sinabi ko naman sa iyo na ayos lang ako? Hayaan mo na lang sila, please?"
"Siya ba ang tinutukoy mong kaibigan mo?" sa halip ay tanong niya sabay turo sa lalaki na nasa likuran nito.
"Oo, siya nga ang tinutukoy ko na kaibigan ko."
Lumapit sa harap nila ang lalaki. "Ako nga pala si Jed," pakilala ng lalaki. "Kumusta?"
Napapansin niya na kanina pa ito nakangiti kahit wala namang nakakatawa sa sitwasyon nila.
"Ano'ng nakakatawa, Mister?" mataray niyang tanong. "Sa susunod pagsabihan mo 'yang mga tao mo dahil hindi maganda 'yong tabas ng dila nila." Tumango ito habang tikom ang bibig. Halata sa mukha nito na pinipigilan nitong matawa. "Siguro ganoon din ang ugali mo. Imbes na pagsabihan mo siya nagagawa mo pang tumawa."
"I am not laughing!" depensa nito.
"Don't make me fool because it's evident from your face that you're happy," sagot niya.
"Callynn, nakikipag-away ka ba?" inosenteng tanong ni Macarius. "Minumura mo ba siya?"
Umiling siya.
"Okay. Akala ko inaaway mo siya, eh." Bakit ba napakabait ng lalaking 'to? Lagi na lang nitong sinasabi na magpasensiya siya, magpakumbaba at kung ano-ano para makaiwas sa gulo. "Dito ka na lang muna dahil pipili ako ng kahoy."
"Sige," tamad niyang sagot.
"Pare, bigyan mo ako ng magandang klase ng kahoy para hindi kaagad masira ang itatayo kong kubo-kubo para sa karinderya namin," sabi ni Macarius sa lalaki. "Teka, magkano pala?"
"Fifty thousand na lang para sa iyo dahil kaibigan naman kita kahit papaano," tugon ng lalaki habang nakangisi. "Malaki ang ibinawas ko dahil hindi ka na iba sa akin."
"Fifty thousand lang naman?" pauyam niyang tanong. "Aba'y napakataas ng presyo mo, Manong!"
"What did you say? Did you call me 'Manong' a while ago?"
English speaking ito. Hindi maitatanggi na may kaya ito sa buhay. Kung nagkataon na may kaya rin sa buhay si Macarius ay tiyak na kakain ito ng alikabok.
"Babaan mo ang presyo ng mga paninda mo dahil kung hindi kukulamin kita," walang ekspresyon niyang sabi para matakot ito. "Sisiguraduhin kong bukas na bukas rin ay mawawala ka na rito sa mundo kung patuloy mong lolokohin ang kaibigan mo."
Napakurap-kurap ito. Ang ngisi nito ay nawala na rin. "Hindi kita babayaran ng fifty thousand pesos kahit magreklamo ka pa sa barangay na lalaki ka. Ano'ng akala mo maloloko mo ako?"
"Fifty thousand naman talaga ang halaga ng kahoy na napili ng kaibigan ko, eh," giit nito. "Mura na 'yan kumpara sa iba. Ibinigay ko na nga ng mura tapos ayaw mo pang magbayad."
"Babaan mo pa," utos niya. Ilang piraso lang naman kasi ng kahoy ang kukunin nila tapos fifty thousand na. Ano'ng akala nito wala siyang kaalam-alam?
"Sagad na nga 'yan, eh. Utang na nga tapos tinatawaran mo pa."
"Bababaan mo ba ang presyo o susunugin ko 'tong hardware mo? Wala akong pakialam kahit makulong ako basta matupok ko lang 'tong hardware mo kasama ka pati na ang mga tauhan mo."
"Ang totoo niyan, ibibigay ko lang talaga ang mga 'yan kay Macky," biglang sabi nito. Binuhat na rin nito ang mga kahoy na napili kanina ni Macarius at pagkatapos ay tinawag nito ang lalaking nasuntok niya kanina. "Justine, bigyan mo nga sila ng iba't ibang size ng pako! Bigyan mo na rin sila ng lagari at martilyo!"
"Opo, Sir!" sagot ng lalaki at mabilis na kumilos para ibigay sa kanila ang mga bagay na binanggit ng amo nito.
"Oh, hayan! Bigay ko na lang lahat 'yan. 'Wag mong sabihin na galit ka pa?" Peke itong ngumiti. Halatang naiinis sa kaniya. "Wala na kayong babayaran kahit piso. Sana lumago ang karinderya niyo."
"Bigay mo na lahat 'yan?" paniniguro niyang tanong dahil baka kapag hindi na siya kasama ni Macky ay baka singilin ito ng lalaki 'to. "Sure ka? Ano'ng akala mo sa akin hindi nag-iisip? Babayaran ko 'yan dahil baka ipahamak mo si Macarius pagdating ng araw."
"Bigay ko na nga lang 'yan. Ano'ng akala mo sa akin walang isang salita?"
"Sigurado ka?"
"Oo nga! Bigay ko na nga lahat 'yan sa asawa mong bobo." Pinanlisikan niya ito ng mga mata dahilan para dahan-dahan itong umatras. "I mean, bigay ko na sa inyo 'yan dahil araw-araw ay nakikita ko na pursigido 'yang asawa mo." Hindi na niya itinama ang sinabi nito na asawa niya si Macarius.
Mas maganda kasi na iyon ang isipin nito para naman magkaroon siya ng karapatan na ipagtanggol ang inaakala nito na asawa niya.
Kung kaibigan lang kasi ay baka mabaliktad pa siya dahil baka sabihin nito kaibigan lang naman pala siya pero pinakikialaman niya ang buhay ni Macarius.
"Salamat kung ganoon," sabi niya.
"Ako na rin pala mismo ang maghahatid sa inyong dalawa sa bahay niyo gamit ang truck ko," sabi nito. Kahit nagdududa siya sa mga ikinikilos nito ay tumango na lang siya.
"Bago mo kami ihatid ay gusto kong magpirmahan tayong dalawa," wika niya dahil gusto niyang makasiguro na hindi sila nito babaliktarin.
"Ha? Para saan? Bakit pa?" naguguluhan nitong tanong.
"Gusto kong gumawa ka ng sulat na magpapatunay na ibinigay mo ng kusa ang lahat ng 'yan at hindi namin ninakaw."
"Ibinigay ko naman talaga, 'di ba?"
"Wala akong tiwala sa mukha mo kaya gawin mo na lang ang mungkahi ko. Mas maganda kasi kung may dokumento ka na pinirmahan kung saan ay nakasaad doon na ibinibigay mo ng kusa ang mga 'yan dahil ayaw kong dumating ang araw na babaliktarin mo ang sitwasyon at pararatangan mo si Macarius."
"Ayos ka lang ba, Miss? Hindi na natin 'yon kailangan dahil tao akong kausap," anito dahilan para mapasabunot siya sa sariling buhok. Naiinis na kasi siya dahil nagmamatigas ito.
"Nilalamig na ako at ganoon din si Macarius. Kapag isa sa amin ang nagkasakit, babalikan kita rito."
"Oo na! Gagawa na ako ng sulat with video pa," nakaismid nitong sabi. "Iwanan ko muna kayo para gawin ang gusto mo."
"Callynn, tara na uwi na tayo," yaya ni Macarius. "Pag-uwi ko igagawa agad kita ng tindahan para bukas puwede ka na magsimula. Ano sa tingin mo?"
"Tutulungan kita. Tatrabahuhin nating dalawa 'yon hanggang sa matapos. Sa ngayon, ipagpaliban na muna natin dahil malakas pa ang ulan."
"Papasok na ako sa trabaho ko kapag tumila ang ulan kaya habang umuulan igagawa na kita ng kubo-kubo."
Nginitian niya ito. He looks so innocent yet so adorable. Pinunasan niya ang mukha nito gamit ang palad niya dahilan para mapapitlag ito.
"Hindi ka pa ba nilalamig?" marahan niyang tanong dahil kanina pa ito babad sa lamig. "Pag-uwi natin kumain na muna tayo. Bumili na lang tayo ng lutong ulam para pareho tayong may lakas habang ginagawa natin ang sinasabi mong kubo."
"Sige!" masaya nitong sabi. "Hindi pa ba tayo aalis? Ang sabi ng kaibigan ko puwede na raw tayong umalis, eh."
"Sandali lang. Pagdating niya saka tayo aalis."
"Saan ba siya nagpunta?"
"Nagbanyo yata," pagdadahilan niya kahit alam naman niya kung ano ang ginagawa ng kaibigan nito sa mga oras na 'to.
"Ganoon ba?"
Nang makita niya na naglalakad papalapit sa gawi nila ang lalaki ay sinalubong niya ito.
"Ito na 'yong hinihingi mo!" pagalit nitong sabi kaya tinaasan niya ito ng kilay. "Ito na po ang hinihingi mo, Ma'am."
Sa pagkakataong ito ay malumanay na ang boses nito. Pahablot niyang kinuha ang papel na iniaabot nito at binasa niya iyon ng maigi.
"Ba't wala 'tong pangalan mo? Pirma at petsa ngayon? 'Yong video nasaan din?
"Goodness! Do you even need that? Ako na nga itong nagbigay pero parang ako pa ang mandurugas sa pagitan nating dalawa!" bulalas nito.
"I just want to make sure that everything is fine and settled. Alam mo naman siguro kung ano ang katayuan ni Macarius hindi ba? Well, starting today, I will never allow all of you to fool him, even in a simple thing, Mister."
"Oo na!" Kinuha ulit nito ang papel at pinirmahan iyon bago nilagyan ng petsa patunay na ibinigay lang nito ang lahat ng libre. "Nag-video na rin ako kanina. Ano ba'ng account mo para ma-send ko na rin 'to?"
"Ako na ang magse-send." Bago niya ipinadala sa account niya ay tiningnan niya ang video nito. Lihim siyang napangiti dahil kuhang-kuha nito ang gusto niyang mangyari kaya kung sakaling darating ang araw na babaliktarin sila nito ay wala itong laban. "Aalis na kami pero bago 'yon ay bigyan mo muna ako ng supot para hindi mabasa 'tong papel na ibinigay mo sa akin."
"Ang sakit mo sa ulo!" reklamo nito pero binigyan naman siya ng supot. "Sumakay na kayo para maihatid ko na kayo ngayon din."
"Salamat," sabi niya sa lalaki bago ito umalis sa harap niya para umakyat na sa truck patungo sa driver seat.
"Callynn, uuwi na ba tayo?" tanong ni Macarius.
Tumango siya.
"Sasabay ba tayo sa truck?"
Tumango ulit siya.
"Kung ganoon, tara na."
"Sige na. Mauna ka na sa loob. Doon ako pupuwesto malapit sa pinto ng truck dahil mamaya bababa ako sa bilihan ng ulam para makakain tayo pag-uwi."
"Sige." She will protect this guy beside her until she can. Naniniwala siya na hindi habangbuhay ay ganito lang si Macarius dahil ayaw niya na masaktan ito at matahin araw-araw ng mga kaibigan at kakilala nito.
"Macarius, ano ang gusto mong ulam?" tanong niya habang nasa biyahe sila. "Gusto mo ba 'yong may sabaw?"
"Ikaw? Ano ba ang gusto mo?" balik nitong tanong. "'Yon ba ang gusto mo?"
"Hindi naman ako maarte sa pagkain, eh," aniya. "Kaya nga tinatanong kita dahil baka hindi mo gusto ang bibilhin ko."
"Ayos lang sa akin kahit ano'ng bilhin mo basta makakain natin pareho, Callynn."
"Sige." Ang suwerte ng babaeng mamahalin ni Macarius sa hinaharap kasi kahit wala itong alam ay mabuti naman ang puso nito at masipag.