Episode 5

1722 Words
Nagulat si Callynn dahil sa malakas na tunog ng kulog kaya naman mabilis siyang napabangon mula sa pagkakahiga niya sa sofa. Napalingon siya sa hinigaan ni Macarius pero wala na ito roon kaya naman pinuntahan niya ito sa kuwarto nito pero wala rin doon ang lalaki. "Saan kaya siya nagpunta?" tanong niya sa sarili. "Pumasok ba siya kahit malakas ang ulan?" Para siyang tanga dahil kanina niya pa kinakausap ang sarili niya kaya naman bago pa siya mabaliw ay itinuon niya sa ibang bagay ang atensyon niya. Iniligpit niya ang kumot at unan na ginamit niya at dinala niya iyon sa kuwarto ni Macarius at pagkatapos ay nagtungo siya sa kusina para isangag ang kanin na natira nila kagabi. Habang hinahalo niya ang kanin sa kawali ay biglang bumukas ang pinto at sumulpot si Macarius habang basang-basa ito at halatang nilalamig na. Ang mga labi nito ay halos kulay itim na rin. Animo'y isa itong sisiw na ibandona ng inahin nito. May bitbit itong supot pero hindi niya matukoy kung ano ang laman nito. "Ano'ng nangyari sa iyo? Saan ka galing?" tanong niya Itinaas nito sa ere ang dala nitong supot. "May pinuntahan lang ako, Callynn." Mayamaya pa ay ipinakita nito sa kaniya ang laman ng supot. Nagulantang siya nang makitang tig-iisang libo ang laman noon kaya naman mabilis niyang pinatay ang kalan at agad itong nilapitan para bilangin ang perang hawak-hawak nito. May nakalagay na papel sa ibabaw ng pera habang nakatali iyon sa goma. Nakasulat sa papel na dalawang daang libo raw iyon lahat-lahat. "Saan galing ang mga 'to, Macarius? Nagnakaw ka ba sa bangko?" "Hiniram ko 'yan sa kaibigan ko, Callynn," walang paligoy-ligoy nitong sabi na tila proud pa sa sarili dahil nagawa nitong makautang ng malaking halaga sa kaibigan nito. "Natutuwa raw kasi siya sa akin kaya pinautang niya ako." "Bakit nanghiram ka ng ganito kalaki? Aanhin mo ba ang ganito kalaking pera?" sunod-sunod niyang tanong habang napapahilot sa noo niya. "Para 'yan sa itatayo mong karinderya, Callynn. Eh, 'di ba gusto mong magtayo ng ganoon? Ayaw ko kasi na galawin mo 'yong ipon mo kaya naisip ko na manghiram muna sa kaibigan kong mayaman." "Bakit ka niya pinahiram ng ganiyan kalaki kung alam naman niya na kargador ka lang? Paano mo mababayaran 'yan kung saka-sakali, aber?" "Magtatrabaho ako maghapon at magdamag para mabayaran ko kaagad siya." "So, hindi ka matutulog? Alam mo ba na kulang pa 'yang inutang mo sa ibabayad mo sa ospital kapag nagkasakit ka? Saan mo ba 'yan inutang at kanino?" "Sa kaibigan ko nga." "Ibalik mo 'yang pera dahil baka ipakulong ka no'n kapag hindi mo siya nabayaran, Macarius. Ba't ba kasi nangutang ka?" 'Yong mukha niya ay hindi na maipinta dahil sa ginawa ng lalaking kaharap niya. "Paano ko pa 'to maibabalik kung umuwi siya sa probinsya nila at sa susunod na taon pa babalik? Isa pa, may pinirmahan na akong papel na bawal na ibalik 'to, Callynn." "A-ano?" hindik niyang tanong. "Anong nakalagay sa pinirmahan mong papel?" "Mga sulat." Marahas siyang napahilamos sa mukha. Paano nga ba nito malalaman kung ano ang nilalaman ng dokumento na pinirmahan nito gayong wala naman itong laman. Ang ikinakatakot niya ay baka doble-doble ang ginawang tubo ng kaibigan nito dahil nga wala namang alam si Macarius sa lahat ng bagay. "Wala ba siyang sinabi kung ano ang nakasulat sa papel na pinirmahan mo?" tanong niya habang pinipilit na pakalmahin ang sarili niya. "Wala ba siyang nabanggit?" "Ang sabi niya, enjoy now and suffer later." Nakangiti pa ito habang sinasabi ang katagang 'yon. Diyos ko po! "'Wag kang mag-alala dahil kaibigan ko talaga 'yon, Callynn. 'Yang perang hiniram ko, gamitin mo para makapagsimula ka sa pagtatayo ng karinderya na gusto mo. Kung sakaling kulang pa 'yan sabihan mo agad ako para humiram ulit ako sa kaibigan ko." "Macarius, alam mo ba 'yong salitang 'enjoy now and suffer later?' Alam mo ba ang kahulugan ng salitang 'yon?" Mabilis itong tumango-tango. "Alam ko." "Ano?" "Enjoy-in ko raw ang pera tapos kapag wala raw akong ibabayad magpunta raw ako sa istasyon ng–" Napahinto ito sa pagsasalita dahil mukhang nakalimutan nito ang sinabi ng kaibigan nito. Pero siya, alam niya na sa istasyon ng mga pulis ito pinapapunta. "Nakalimutan ko na kung anong istasyon 'yong pupuntahan ko, Callynn. Ang sabi niya, magiging safe daw ang pag-aabutan namin ng pera kapag pumunta ako sa nabanggit niyang istasyon." Nang matapos magsalita si Macarius ay parang gusto niyang pokpokin ng martilyo ang ulo niya. Pakiramdam niya ay kasalanan niya kung bakit nangutang ito sa kaibigan nito. Sana pala hindi niya na lang binanggit na gusto niyang magtayo ng karinderya sa harap ng bahay nito. Hindi sana ito mangungutang ng pera kung hindi niya sinabi ang plano niya. Hindi naman siya puwedeng magalit kay Macarius dahil alam niya na hindi nito alam ang pinaggagawa nito. Kagaya na lang ngayon. Kung ang mukha niya ay nababalutan ng problema, si Macarius naman ay pangiti-ngiti pa habang nakatitig sa pera. "Macarius, maligo ka na dahil baka magkasakit ka," utos niya rito pero umiling ito. "Mamaya na ako maliligo, Callynn." "Bakit mamaya pa?" "May kukunin kasi ako sa hardware ngayon. 'Yong kaibigan ko kasi sinabihan ako na kunin na ko na raw 'yong kahoy na inuutang ko pati na 'yong mga pako." "Nangutang ka na naman?" "Oo. Ang sabi niya naman, bayaran ko na lang daw kapag nakaluwag-luwag ako," sabi nito. 'Yong mukha nito daig pa ang nakalutang sa alapaap dahil sa sobrang saya nito. "Oh, paano? Aalis na muna ako, ha?" Nang akmang tatalikod na ito ay pinigilan niya ito dahil mabilis niyang hinatak ang suot nitong damit. "Bakit, Callynn? May ipapabili ka ba?" "Gusto kong sumama sa iyo," sabi niya. Gusto niya na siya mismo ang kumausap sa sinasabi nitong kaibigan. Simula ngayon ay sasamahan na niya ito sa mga lakad nito maliban na lang kung papasok ito sa trabaho nito. "Ha? Bakit pa? 'Wag na, Callynn. Dito ka na lang. Hintayin mo na lang ako rito dahil ang lakas ng ulan sa labas. Isa pa, ihahatid naman daw ako rito ng kaibigan ko gamit ang truck niya." "Sasama pa rin ako," pinal niyang sabi. "'Wag na dahil baka magkasakit ka pa. Ako kasi sanay ako na maulanan at saka maarawan, eh. Saglit lang naman ako kaya hintayin mo na lang ako rito." "Alis na tayo," sa halip ay sabi niya saka ito hinatak palabas ng pinto. "Tara na." Hawak niya ang kamay ni Macarius habang naglalakad silang dalawa. "Malayo pa ba ang hardware ng kaibigan mo?" "Sa pangalawang kanto pa," sabi nito sabay hinto sa paglalakad. Mayamaya pa ay bumitiw ito mula sa pagkakahawak niya kaya sinamaan niya ito ng tingin. "A-ano kasi…huhubarin ko 'tong damit ko para ibigay sa iyo. 'Yang ano mo kasi…bakat na." Napatingin siya sa sariling suot. Tama nga ito dahil bakat na ang bra niya dahil nga basang-basa na sila ngayon pareho. "Huwag mo na lang pansinin 'yan. Hindi naman nila makukuha 'yan kahit makita pa nila ang mismong u***g ko," balewala niyang sabi dahil mas iniisip niya pa ang mga maaaring mangyari kay Macarius kapag hindi niya ito sinamahan ngayon. "Hihintayin mo pa bang makita ang u***g mo? Masamang ipakita ang katawan sa hindi mo asawa, hindi ba? Noong nagsimba kasi ako ay narinig ko na 'yon ang sinabi ng pari, eh. Sagrado daw ang katawan natin kaya bawal ipakita kung kani-kanino lalo na ang mga maseselang bahagi." Pinamaywangan na niya ito. "Mas iniisip ko pa ang maaaring mangyari sa iyo kaysa makita 'tong u***g ko o itong maseselang bahagi ng katawan ko, Macarius. P'wede bang maglakad na tayo dahil nilalamig na ako?" "Sinabi ko naman kasi sa iyo na 'wag ka ng sumama, eh. Ang kulit mo rin kasi, eh." Ito na mismo ang humawak sa kamay niya sabay takbo kaya napatakbo na rin siya. Hays! Kung hindi sana mahina ang utak ni Macarius ay hindi na niya ito kailangan samahan pa. Nang huminto ito sa pagtakbo ay huminto na rin siya. "Dito na tayo, Callynn." "Nandiyan na pala 'yong bobo." Biglang nagdilim ang paningin niya nang marinig niya ang sinabi ng lalaki mula sa likuran niya. Si Macarius kasi ay abala na sa pagtingin-tingin sa mga kahoy kaya tiyak na hindi nito narinig ang sinabi ng lalaki. "May nalalaman pa siyang patingin-tingin gayong hindi naman niya alam kung ano ang maganda at pangit na klase ng mga kahoy," dagdag pa nito dahilan para mabilis niya itong lingunin sabay suntok sa tiyan nito. "Aray! Ano ba ang problema mo?" nakayuko nitong tanong sa kaniya. Ang liit ng katawan nito pero grabe kung makapagsalita sa kapwa. "Inaano ba kita?" Dahil sa lakas ng boses nito ay mabilis silang nakaagaw ng atensiyon. Si Macarius ay mabilis na lumapit sa gawi niya at kasunod nito ang lalaking hindi nalalayo ang katawan at hitsura kay Macarius. Marahil ito ang may-ari ng hardware kung saan sila naroroon. Mahaba ang pasensiya niya pero nang marinig niya ang panghahamak ng lalaki kay Macarius ay mabilis na uminit ang ulo niya. "Bakit ka ba nagagalit? Hindi naman ikaw 'yong sinasabihan ko ng bobo, ah!" Hinawakan niya ng malakas ang buhok nito dahil kanina pa ito salita nang salita ng bobo. "Gusto mo bang mamatay?" tanong niya rito. "Ang lakas mong magsalita ng bobo samantalang bulok naman 'yang ngipin mo. 'Yong hitsura mo walang sinabi sa hitsura ni Macarius kaya tigil-tigilan mo 'yang panghahamak mo sa kaniya." "Callynn, bitiwan mo siya," pakiusap ni Macarius habang inaalis nito ang kamay niya sa ulo ng lalaking gusto niyang patumbahin ngayong araw. "Baka magalit ang kaibigan ko kapag hindi mo siya binitiwan dahil isa iyan sa mga pinagkakatiwalaan niya rito. Sige na, bitiwan mo na. Hayaan mo na lang siya. Ako nga sanay na sanay na diyan, eh." Marahas niyang binitiwan ang buhok nito dahilan para mauntog ang puwet nito sa sahig. "Sa susunod na magsalita ka ng masama sa kapwa mo, tutusukin ko ng pako 'yang matabil mong dila. Naiintindihan mo? Magpalaki ka muna ng katawan bago ka magsalita ng masama sa kapwa mo dahil unang-una ang pangit-pangit mo naman. 'Yang mukha mo daig pa ang adik dahil ang laki-laki rin ng mata mo." Hindi ito sumagot dahil kumaripas na ito ng takbo palayo sa kaniya. Kapal ng mukha. Kung sino pa ang maraming kapintasan ay 'yon pa talaga ang malakas ang loob na manghamak ng kapwa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD