"Hindi ka pa ba inaantok?" tanong niya kay Macarius dahil mukhang wala itong balak matulog. "Bukas na natin ituloy ulit 'to."
"Ayos lang ako, Callynn. Isa pa, wala rin naman akong gagawin dahil hanggang ngayon ay malakas pa rin ang ulan kaya tiyak na wala kaming pasok," tugon nito. "Matulog ka na sa kuwarto ko."
"Bakit? Ikaw, saan ka matutulog?"
"Dito na lang ako sa sofa. Tatapusin ko lang 'tong ginagawa ko tapos matutulog na rin ako," anito na patuloy pa rin sa ginagawang pagsusulat.
"Bukas mo na tapusin 'yan. Hindi naman aalis 'yan, eh," nauubusan ng pasensiya na saad niya. "Matulog ka na. 'Wag mong sanayin ang sarili mo sa pagpupuyat dahil hindi 'yon maganda sa katawan, Macky."
"Pupunuin ko pa 'tong papel," anito. Ang bagal nitong magsulat kaya sigurado siya na sa makalawa pa nito matatapos ang ginagawa nito. "Kaunti na lang naman 'to, eh. Gusto ko kasi na maging mabilis sa pagsusulat, eh."
"P'wede naman siguro na dalawa tayo sa kuwarto mo matulog, 'di ba?" tanong niya pagkuwan. "Malamig dito kaya tiyak na sisipunin ka kaya naisip ko na doon na lang tayo sa kuwarto mo matulog."
Nag-angat ito ng tingin at pansamantalang huminto sa pagsusulat.
"Ayos lang ba sa iyo na magtabi tayo sa kama ko?" tanong nito.
"Oo naman. Hindi ka naman siguro manyakis, 'di ba?"
Nagkibit-balikat ito. "Hindi ako sigurado. Hindi ko naman kasi alam kung ano ang ginagawa ko kapag tulog ako, eh. Kaya nga para sigurado ay dito na lang ako matutulog sa sofa tapos ikaw doon na lang sa kuwarto ko."
"Ako na rito. Ikaw na roon," aniya. Gusto niya kasi na maging komportable ito sa pagtulog.
"'Di na. Ako na rito dahil ako ang lalaki," pagmamatigas nito at itinuloy na ulit ang pagsusulat nito. "Sige na, matulog ka na."
"Sabay na tayong matulog," matatag niyang wika. "Kapag hindi ka huminto sa pagsusulat, hindi na kita tuturuan kahit na kailan." Tiningala na naman siya nito. Siguro inaalam nito kung seryoso siya o hindi.
Nang makita nito na seryoso ang hilatsa ng mukha niya ay mabilis nitong iniligpit ang mga gamit nito at nagmamadaling inilagay iyon sa drawer kung saan nito kinuha kanina.
"Halika na, matulog na tayo," yaya nito at nauna na rin na humakbang patungo sa kuwarto nito kaya naman sumunod na rin siya. "Dito ako sa lapag matutulog, Callynn."
"Hindi puwede."
"Ha? Bakit?"
"Dito tayo matutulog sa kama mo kaya walang matutulog diyan sa lapag. Isa pa, queen size naman itong kama mo kaya kasyang-kasya tayong dalawa."
"K-kasi baka may–" Pakiramdam niya ay natatakot ito na madikit sa kaniya. Ano ba ang ikinakatakot nito? Mukha ba siyang hindi gagawa ng mabuti? Virgin pa siya at lalong hindi niya ito pagsasamantalahan kahit ubod pa ito ng guwapo.
"Humiga ka na!" pasinghal niyang sabi dahilan para magulat ito at dahan-dahan na humiga sa kama nito na tila ba isa itong robot dahil halos hindi ito gumagalaw. Ang mga mata lang nito ang pinapagalaw nito. "Macarius, natatakot ka ba sa akin? Mukha ba akong aswang? Pangit ba ako?"
"H-hindi! Ano kasi…ito kasi ang unang beses na may nakatabi akong babae dito sa kama ko kaya medyo kinakabahan ako," pag-amin nito sabay higa patalikod. "'Wag mo na lang akong pansinin, Callynn. M-matulog ka na."
Humiga ito sa parteng dulo ng kama kaya kaunting galaw lang nito ay tiyak na mahuhulog ito at babagsak sa sahig kaya naisipan niya na sa lapag na lang matulog para maging komportable ito.
"Umusod ka rito dahil baka malaglag ka," wika niya rito. "Sa lapag na lang ako matutulog para maging komportable ka.
Nang akmang tatayo siya ay mabilis itong gumalaw paharap sa kaniya at pinigilan siya nito.
"M-malamig sa sahig, Callynn. Maglagay na lang tayo ng unan sa gitna para hindi tayo magdikit."
"Natatakot ka ba sa akin, Macarius?" tanong niya habang nakataas ang kilay niya. Kada galaw niya kasi ay animo'y tatakbo ito palabas ng pinto. "Alam ko na hindi mo pa ako kilala ng husto pero sinisiguro ko sa iyo na hindi ako masama at lalong hindi ako malikot at manyakis."
"Wala naman akong sinasabi na ganoon ka. Hindi ko rin iniisip na manyakis ka. Bago kasi sa akin ang ganitong sitwasyon kaya naninibago ako. Pasensiya ka na kung iyon ang iniisip mo dahil sa ikinikilos ko ngayon. H-hayaan mo, pipilitin kong kumilos ng normal sa harapan mo," mahaba nitong sabi dahilan para tumango siya dahil naiintindihan niya ito.
"Naiintindihan kita."
"Salamat."
Pareho sila nitong nakahiga patahiya ngayon habang nakatitig sa kisame.
Ang pagkakaiba lang ay balot na balot ang katawan nito ng kumot samantalang siya ay kalahating katawan lang ang nababalutan ng kumot.
"Macky," tawag niya sa pangalan nito. "Siya nga pala, plano kong magtinda ng ulam diyan sa labas ng bahay mo para hindi ako maging pabigat sa iyo."
Tumagilid ito ng higa sabay titig sa kaniya. "Maganda kasing magtinda dito sa lugar mo dahil daanan ng tao. May naitatabi akong pera kaya meron akong puhunan kung sakali. Ang problema ko lang ay 'yong lalagyan ng mga ulam. Bukas pupunta ako sa palengke para bumili ng mga lalagyan ng ulam."
"Gusto mo bang igawa kita ng kubo-kubo sa labas?"
"Kahit lamesa na lang siguro, Macky."
"Mababasa ka kapag umulan at lalong maiinitan ka kapag umaraw. Bukas na bukas ay igagawa kita ng kubo. May kaibigan ako na nagmamay-ari ng hardware. Uutang na muna siguro ako ng mga kahoy at pako sa kaniya."
"'Wag na," pigil niya sa plano nito. "Mamaya niyan tubuan ka pa ng malaki, eh. Bibili na lang siguro ako ng payong na malaki."
"Paano kapag humangin ng malakas?"
"Ako nang bahala basta 'wag kang mangungutang," sabi niya. Halata kasi sa mukha nito na hindi nito gusto ang sinabi niya. "Matulog na tayo. Patayin mo na 'yang ilaw para masarap ang tulog nating dalawa."
"H-ha? B-bakit kailangan pa nating patayin ang i-ilaw?" natatakot nitong tanong. "P'wede bang hayaan na lang natin na nakabukas 'yan?"
"Para makatipid tayo sa kuryente."
"Mura lang naman ang bill ko sa kuryente kahit nakabukas 'yan magdamag, eh."
"Kahit na. Sige na, patayin mo na."
"Eh, ka–"
Pinutol niya ito. "Patayin mo na."
"Sige na nga."
"Matulog ka na," sabi niya rito. "Goodnight."
"Goodnight din."
Tumalikod siya ng higa para maging komportable si Macky sa pagtulog. Hindi siya gumalaw para isipin nito na malalim na ang tulog niya.
Nang marinig niya na malalim na ang paghinga nito ay dahan-dahan siyang humarap sa gawi nito.
Ang kumot nito ay nakalihis na sa katawan nito kaya naman maingat niyang inayos iyon para hindi ito magising saka siya lumabas para pumunta sa banyo dahil naiihi siya.
Mayamaya pa ay naisipan niyang bilangin ang pera niya na isinilid niya sa isang garapon.
Desidido kasi siya na magtayo ng maliit na kainan bukas na bukas para matulungan niya si Macarius sa pang-araw-araw nilang gastos.
Ito na kasi ang kahuli-hulihan niyang pera kaya kailangan niya itong gamitin sa tama para hindi kaagad maubos.
Nang mabilang niya ang pera niya ay malapad siyang napangiti dahil lagpas sampung libo pala ang naipon niya at sobra-sobra iyon bilang puhunan niya.
Naisipan niya rin na sa sofa na lang din matulog para maging mahimbing ang tulog ni Macarius sa kuwarto nito.
Isa pa, maaga rin naman kasi siyang gigising dahil pupunta siya sa palengke para bilhin ang mga kakailanganin niya sa pagtitinda.
At para maaga siyang magising ay nag-alarm siya sa cellphone niya bago niya ipinikit ang mga mata niya.
"Callynn, bakit dito ka natutulog?" Hindi siya nagdilat ng mga mata nang tanungin siya ni Macarius. Nagising siguro ito nang madiskubre nito na wala siya sa kama nito. "Hindi ka ba nilalamig dito?"
Hindi siya kumibo para isipin nito na tulog na talaga siya.
"Hindi siguro siya makatulog sa kama ko kaya siya lumipat dito," pagkausap nito sa sarili. "Sasamahan ko na lang siyang matulog dito para may kasama siya," dagdag pa nito. Mayamaya pa ay narinig niya ang yabag nito papalayo kaya iminulat na niya ang mga mata niya. Nang makita niya ang bulto nito na papalapit na ulit sa kaniya ay mabilis niyang ipinikit ang mga mata niya.
"Jordan, magkano ba ang gagastusin ko kung sakaling magtatayo ako ng karinderya dito sa tapat ng bahay ko?" Ibinuka niya ng kaunti ang mga mata niya para silipin si Macarius at doon niya napag-alaman na nasa tainga nito ang cellphone nito. Kausap siguro nito ang isa sa mga kaibigan nito. "Ano? Hindi ko marinig, eh. Sandali at lalakasan ko ang speaker nitong cellphone ko para magkaintindihan tayo."
"Twenty thousand siguro," sagot ng kausap nito. Naka-loudspeaker na kasi ang cellphone nito kaya naririnig na niya ang sinabi ng kausap nito.
"Twenty thousand? Malaking halaga ba iyon?" tanong ni Macarius sa lalaking kausap nito.
"Ang bobo mo talaga. Twenty thousand lang hindi mo pa alam." Parang gusto niyang agawin ang cellphone nito para murahin ang kausap nito dahil biglang uminit ang ulo niya sa sinabi nito kay Macarius. "Alam mo ba 'yong kulay asul na perang papel? O, baka naman hindi mo pa alam."
"A-alam ko."
"Twenty pieces na ganoon. Sa tagalog, dalawampung piraso na ganoon. Ang tanda-tanda mo na pero hanggang ngayon bobo ka pa rin."
Nakita niyang napakamot sa ulo si Macarius. Nakatalikod ito sa kaniya kaya hindi niya makita ang ekspresyon nito. Pero, kahit hindi niya nakikita ay alam niyang nasasaktan ito.
"Mapapahiram mo ba ako ng ganoon kalaking halaga?"
"Puwede naman. Kaya lang, kada isang libo ay limang daan ang tubo ko. Ayos lang ba 'yon sa iyo?"
"Ayos lang."
Nang tumawa ang kausap nito ay hindi na niya napigilan pa na hindi mangialam. Mabilis siyang bumangon at inagaw ang cellphone dito.
Hindi niya hahayaan na gulangan nito si Macarius ng gano'n-gano'n lang.
"May konsensiya ka ba? Tao ka ba? Masyado kang magulang. Akala mo ba aasenso ka sa ginagawa mo? Ang sama ng ugali mo. 'Wag kang magpapakita sa akin dahil baka masapak ko 'yang mukha mo kapag hindi ako nakapagtimpi!" Hindi niya ito hinayaan na makapagsalita dahil pinatay niya agad 'yong tawag bago niya hinarap si Macarius na halatang nabigla.
"Callynn, ba't inaway mo siya? Baka hindi niya na ako pautangin dahil sa ginawa mo."
"Eh, 'di 'wag!" singhal niya. "Hindi natin kailangan ng pera niya dahil may pera naman ako kahit papaano. Nanggigigil ako sa kausap mo kanina. Alam mo bang gusto ko siyang patayin?"
"Bakit naman? Papautangin niya naman ako, eh."
"Papautangin ka nga pero ang laki ng tubo niya. At saka, iniinsulto ka na ng gagong 'yon tapos ikaw parang wala lang!"
Yumuko ito. "Totoo naman kasi 'yong sinasabi niya. At saka, ayos lang naman 'yon sa akin. Ang importante ay maka-survive tayo."
Hinawakan niya ang magkabila nitong balikat kaya nag-angat ito ng tingin. "Tama naman ako, 'di ba? Sanay na ako kaya hindi na ako apektado, Callynn. Mas malala pa nga 'yong sinasabi ng iba pero ngumingiti na lang ako. Ayaw ko kasi na magkaroon ako ng kaaway kaya hindi ko na lang pinapatulan. Magaan kasi sa pakiramdam kapag wala kang kaaway, eh. Hayaan mo na 'yon, pasensiyahan mo na lang sila. 'Di bale na gawan nila tayo ng masama o 'di kaya'y pagsalitaan nila tayo ng masama basta tayo alam natin sa sarili natin na wala tayong inaapakan. Diyos na ang bahala sa atin, Callynn. Siya na ang bahala."
"M-matulog ka na," sa halip ay sabi niya. "Bukas na ulit tayo mag-usap dahil madaling-araw na." Nanikip kasi bigla ang dibdib niya kaya bago pa man nito makita ang pagtulo ng mga luha niya ay nauna na siyang humiga sa sofa at sapilitang ipinikit ang mga mata niya.