"Hindi ka ba nagugutom?" tanong ni Macarius sa kaniya. Napansin siguro nito na pinapanood niya lang ito sa pagsubo. "Kain na. Tuturuan mo pa ako, 'di ba?"
Marahan siyang tumango. "'Wag mo akong intindihin, Macky. Marami akong niluto kaya kumain ka lang nang kumain."
"Kapag may ulan pa bukas baka hindi na muna ako pumasok. Ayos lang ba sa iyo kung turuan mo ako bukas maghapon?"
"Oo naman. Wala naman akong gagawin, eh."
Tipid itong ngumiti. Ang sarap nitong panoorin habang kumakain. Hindi niya alam kung nagustuhan ba nito ang iniluto niya o sadyang gutom lang ito.
"Macky."
"Hmm?"
"Ilang taon ka na?"
"Thirty-seven."
Tumango-tango siya. "Ah." Hindi halata na matanda na pala ito. Fifteen years pala ang tanda nito sa kaniya. Twenty two pa lang kasi siya ngayon. Nakapag-aral rin siya ng dalawang taon sa kolehiyo kaya hindi siya mahihirapan na turuan ito.
"Bakit?"
"Wala lang."
"Kumain ka na muna. Mamaya habang tinuturuan mo ako ay puwede mo akong tanungin nang tanungin hanggang sa magsawa ka."
"Sige."
"Siya nga pala, dahil ikaw ang nagluto ay ako na ang maghuhugas ng kinainan nating dalawa. Hintayin mo na lang ako sa sala."
Mariin siyang umiling-iling bilang pagtutol. "Ako ang hintayin mo sa sala. Ilabas mo na 'yong ballpen at papel na gagamitin mo para mamaya. Mag-relax ka dahil hindi magiging madali ang lahat. Isa pa, hindi ako mabait kapag nagtuturo."
Nakita niya itong sunod-sunod na napalunok. "Paano ako matututo kung hindi ka magiging mabait sa akin?"
Umakto siyang medyo nagsusungit. "Matututo ka niyan basta makinig ka sa lahat ng sasabihin ko. Kapag hindi mo naintindihan ang itinuturo ko sa iyo, hahampasin kita ng patpat." Halos mamutla ito dahil sa sinabi niya. "Sa loob ng isang buwan ay dapat alam mo na kung paano magbasa, magsulat at magbilang dahil kung hindi ay araw-araw kang magkakaroon ng pasa."
"Nakakatakot ka namang magturo," komento nito. "Parang ayaw ko nang matuto kung magkakaroon lang ako ng pasa. Alam mo naman na first-time ko tapos bibiglain mo ako."
Kung makapagsalita ito akala mo naman kukunin niya ang puri nito. Kuhang-kuha nito ang litanya ni Yana. Ang kaibigan niyang chismosa na medyo maharot. "Hindi ko kakayanin na matutunan ang lahat sa loob lang ng isang buwan lalo pa't may trabaho ako. Pagod na nga sa trabaho 'yong tao tapos kakastiguhin mo pa."
"Gano'n talaga."
"Hindi mo ba naisip na mas matanda ako sa iyo?" Natawa siya ng lihim dahil sa sinabi nito. "Kahit man lang sana kaunting galang bigyan mo ako."
"Paano mo nasabi na mas matanda ka sa akin? Bakit alam mo ba kung ilang taon na ako?"
"Halata naman kasi na mas matanda ako sa iyo. Hindi lang ako marunong magbasa at magbilang pero marunong naman akong kumilatis," anito. "Gumalang ka sana sa nakakatanda sa iyo at lawakan mo ng kaunti ang pag-iintindi mo."
"Oo na. Dalian mo ng kumain bago pa magbago ang isip ko," pahayag niya dahilan para bumulong-bulong ito sa kawalan.
"Galit ka ba?"
"Hindi."
"Kumain ka ng marami para hindi ka magutom," sabi niya. Sinandukan niya pa ito dahil halata na gusto pa nitong kumain. "Kumain ka ng maraming gulay para hindi ka mawalan ng lakas."
"Kung makapagsalita ka parang matinding hirap ang pagdadaanan ko mula sa mga kamay mo." Bumuga pa ito ng hangin. "Parang ayaw ko na tuloy matuto."
"'Wag kang magsalita nang magsalita habang puno 'yang bibig mo," pahayag niya sabay turo sa bibig nito na marami ang nagkalat na kanin. Tapos na siyang kumain at ito na lang ang hinihintay niya para mahugasan niya ang ginamit nilang dalawa.
Nang matapos itong kumain ay pawis na pawis ito kaya naman inabutan niya ito ng tissue.
"Kay Nena na lang pala ako magpapaturo. Ang sabi niya, isang libo daw ang ibayad ko sa loob ng tatlong oras. Mahinhin si Nena kaya tiyak na mahinhin din siyang magturo."
"Alam mo ba kung gaano kalaki ang isang libo, ha?" Inilabas niya mula sa bulsa niya ang ibinigay nitong pera kanina at ipinakita niya rito ang isang daan. "Sampung piraso na ganito." Iwinagayway niya sa ere ang isang daang piso. Kung ipapakita niya pa kasi ang singkuwenta pesos na papel ay baka maguluhan na ito. "Ganoon karami, Macky!"
"Ganoon ba 'yon?"
"Oo, ganoon 'yon."
"Ang mahal pala. Halos kita ko na 'yon sa limang araw, ah."
"Ang laki talaga samantalang sa akin libre lang!"
"Libre nga pero hindi ka naman mabait magturo."
"Paano mo nasabi? Hindi pa nga tayo nagsisimula tapos may nasasabi ka na," aniya at sinenyasan ito na tumayo na para makapagligpit na siya. "Tayo na para makapagligpit na ako. Doon ka na sa sala at mag-relax ka habang hinihintay ako roon."
"Sige." Habang papunta ito sa sala ay palingon-lingon ito sa gawi niya na para bang aatakehin niya ito mula sa likuran.
Tsk! Isang libo tapos tatlong oras lang? Walang hiya naman yata ang Nena na 'yon! Alam na nga na kargador lang ang trabaho ng lalaking 'to tapos gugulangan pa.
Habang naghuhugas siya ay panaka-naka niyang nililingon si Macarius at nakita niya ito na may inilabas na papel at ballpen mula sa isang drawer.
Hindi halata na wala itong alam dahil sa unang tingin ay aakalain mo na isa itong mayaman na nilalang.
Mukhang mayaman at nakakatakot sa unang tingin pero kalunos-lunos ang katayuan nito sa buhay.
Nang matapos siyang maghugas ay pinunasan niya ang mga kamay niya at dahan-dahan na lumapit kay Macarius.
"Ready?" Nagulat pa ito nang magsalita siya. "Umpisahan na natin." Lagi na lang itong nagugulat kapag nagsasalita siya. Iniisip niya tuloy na baka mayroon itong sakit sa puso. "Ayos ka lang ba?"
"Ayos lang."
"May birth certificate ka ba?"
Titig na titig ito kaya alam niyang hindi nito naintindihan ang sinabi niya.
"Papeles 'yon. Ahm, katunayan na ipinanganak ka. Nakalagay doon kung ano ang pangalan mo at kung kailan ka ipinanganak. Naroon din ang pangalan ng mga magula–"
"Ah, meron ako!" putol nito sa kaniya sabay tayo at hinila ang isang drawer at naglabas ng mga dokumento. "Tingnan mo na lang diyan kung alin diyan 'yong sinasabi mo." Inisa-isa niya ang mga dokumento na ibinigay nito sa kaniya.
Karamihan sa mga ito ay reseta ng gamot na ilang taon na ang nakararaan.
Binasa niya ang mga reseta at napag-alaman niya na ang ilan sa mga 'yon ay reseta sa sakit sa puso, sa kidney, at sa high blood.
Binasa niya ng maigi ang pangalan ng pasyente at na-confirm niya na pangalan ni Macarius ang nakasulat roon kaya naman napatitig siya sa lalaking katabi niya.
"Nahanap mo na ba 'yong tinutukoy mo kanina?" tanong nito. "Dito lang daw 'yon sabi ni Jaymark. Ang sabi niya kasi noon sa akin dito daw nakalagay ang mga papeles na may kaugnayan sa buhay ko."
"Macky, sumasakit ba ang puso mo kapag napapagod ka?" tanong niya.
"Minsan na lang."
Tumango siya. Gusto niya pa sana itong tanungin ng ilang detalye kaya lang pinigilan na niya ang sarili niya.
"Sige na, magsimula na tayo," aniya sabay tingin sa birth certificate nito. Binasa niya ang buong pangalan nito at pagkatapos ay isinulat niya iyon sa papel para may gagayahan ito.
"Ililigpit ko muna ang mga 'to bago tayo magsimula," anito na sinagot niya ng isang tango. Nang umupo ulit ito sa tabi niya ay paulit-ulit itong bumuga ng hangin kaya tinaasan niya ito ng kilay.
"Hindi kita papatayin kaya kumalma ka. Alpabeto muna ng ituturo ko sa iyo ngayon at kapag alam mo na ang alpabeto ay magiging madali na lang ang lahat."
Habang isinusulat niya ang mga letra sa papel nito ay hindi ito kumukurap. Halata sa mukha nito na determinado itong matuto.
"Ano'ng basa sa mga 'yan?" tanong nito sabay turo sa mga letra na isinulat niya.
Sinabi niya naman kung ano ang sagot sa tanong nito habang nakangiti. Hindi niya dapat ito sungitan, sigawan o simangutan lalo pa't alam niya na may sakit ito. Hindi niya alam kung aware ba ang lalaking 'to na mayroon itong sakit o wala rin itong alam.
"Medyo hirap pa ako," komento nito nang basahin niya ng dalawampu't limang ulit ang mga letra. "'Yong iba mahirap basahin pero 'yong iba ay medyo alam ko na."
"Saan ka ba nahihirapan?"
Itinuro nito ang mga letrang N, Ñ, NG at Q.
"Nalilito ako sa apat na 'yan."
"Madali lang 'yan, Macky," wika niya. "Ang mga letrang 'yan ay parang pag-ibig, Macky. Isipin mo na lang na mayroong babae na patay na patay sa iyo pero hindi mo siya gusto o kaya sabihin na natin na hindi kayo compatible dahil mahirap siyang mahalin. Pero, dahil determinado siya ay matututunan mo rin siyang mahalin at ang pinakamalala ay ipinagkakait mo na rin siya sa iba. 'Yon bang gusto mo na lang lagi na magkasama kayong dalawa? Gets mo na ba?"
"Hindi pa ako nagkagusto sa isang babae," balewalang sabi nito.
"Weh? Kahit isang beses?"
"Bakit ikaw? Naranasan mo na bang magmahal?" balik nitong tanong.
"Hindi pa."
"Akala ko naman naranasan mo na. Kung makapagsalita ka kasi akala mo may experience na." Lihim siyang natawa nang matalim siya nitong tingnan. Nainis siguro ito sa sinabi niya tungkol sa salitang pag-ibig. "Sa lahat ng bagay 'yan ang iniiwasan ko dahil ayaw kong masaktan."
"Bakit naman?"
"Dahil baka mamatay ako ng maaga kapag nasaktan ako."
"Ganoon talaga." Hinarap niya ito. "Ang pagmamahal hindi puro saya, Macarius. Lahat ng taong nagmamahalan ay nasasaktan. Hindi naman kasi puwede na puro saya lang."
"Alam ko."
"Alam mo pala, eh."
"Kaya nga ayaw kong magmahal, eh. Isa pa, paano ko siya mapapasaya kung ako mismo hindi masaya sa buhay ko? Sa tingin mo ba may magkakagusto sa akin kapag nalaman nila na wala akong alam sa buhay?" Tinapik niya ang balikat nito para pakalmahin.
"Kaya nga tuturuan kita, eh."
"Naiinis na rin ako sa buhay ko. Kung hindi siguro ako bobo ay baka maganda na ang buhay ko ngayon. Kung hindi namatay ang mama ko ay baka maganda ang trabaho ko ngayon."
"P'wede pa naman, eh. Marami ka pang magagawa, Macky. Ngayong araw ay magbubukas ang bagong yugto ng buhay mo at hindi ako titigil hangga't hindi mo natutunan ang lahat. Pangako, hindi ako aalis sa tabi mo hangga't hindi mo pa nalalaman ang lahat ng dapat mong malaman."
Nagulat siya nang yakapin siya nito. "Salamat. Salamat."
"Ayos lang," aniya habang hinahaplos ang likod nito.
"Siya nga pala, ano ba ang pangalan mo?"
"Callynn. Callynn Jarilla."
"Thanks, Callynn."
"Welcome, Macky." Ipinapangako niya sa sarili niya na aalis lang siya sa buhay nito kapag kaya na nitong makipagsabayan sa mga tao sa labas. Kahit kasi hindi nito sabihin ay alam niya na inaalipin lang ito sa labas ng bahay nito.