Episode 2

1820 Words
Paggising ni Callynn ay wala na ang lalaki. Alas-siyete na kasi nang magising siya. Siguro pagkaidlip niya ay 'yon naman ang pag-alis nito. Sa totoo lang, parang gusto na lang niya itong pahintuin sa trabaho nito tapos siya na lang ang mag-apply para mabuhay silang dalawa. Para kasing hindi kaya ng konsensiya niya na kung sino pa itong walang alam ay siya pa itong naghahanap buhay para sa kanilang dalawa. Hindi naman dapat siya maapektuhan ng ganito kaya lang hindi niya mapigilan. Napabuga siya ng hangin dahil sa itinatakbo ng isip niya. Mas namomroblema pa siya sa buhay ng lalaki kaysa sa buhay niya. Nang magawi ang mga mata niya sa lamesa ay napansin niya na may pagkain na nakahain at natatakpan ang mga ito. Nang alisin niya ang mga takip ay nakita niya na itlog, hotdog at tuyo ang mga iyon. May noodles din pero medyo malamig na ang mga iyon. Nakaramdam siya ng tuwa sa puso niya kasi bigla niyang na-miss 'yong ganitong pakiramdam na paggising niya ay may pagkain ng nakahain para sa kaniya. Mayamaya pa ay nawala ang ngiti sa labi niya nang maalala niya ang lalaki dahil tiyak na ito lang din ang kinain nito at binaon sa trabaho. Isa pa, nag-uulan ngayon kaya tiyak na basang-basa ito habang nagbubuhat ng kung ano-ano. Napabuga siya ng hangin bago umupo para kumain. Balak niyang bumili ng masarap na ulam dahil may pera pa naman siya. Siya mismo ang magluluto para pagdating nang lalaki ay mayroon itong masarap na makakain. Binilisan niya ang pagnguya ng pagkain niya. Pagkatapos niyang kumain ay nilinis muna niya ang buong bahay. Hindi naman siya nahirapan dahil maliit lang naman ang espasyo na lilinisan niya. Nang makita niya na maayos na ang lahat ay dinampot na niya ang susi ng bahay nito na nakasabit sa likod ng pinto nito. Kahit hindi pa man sila magkakilala ay iniwan na nito ang susi nito na para bang kilalang-kilala siya nito. Paano pala kung masamang tao siya o 'di kaya ay magnanakaw? Hays! Ang lalaking 'yon, ang bilis talagang magtiwala. Napapikit siya ng mariin bago humakbang palabas. Hindi niya pa kabisado ang lugar kaya hindi niya alam kung saan ang palengke. Nang may dumaan na tricycle ay sumenyas siya rito dahilan para huminto naman ito. "Manong, saan po ang palengke?" tanong niya sa tricycle driver nang huminto ito sa harapan niya. "Pagdating mo sa dulo, kumaliwa ka." Napatingin naman siya sa direksiyon na itinuro nito. Napangiti siya dahil malapit lang pala ang palengke mula sa bahay nang lalaki. "Naroon ang palengke." "Salamat po," aniya. "Sumakay ka na tutal papunta rin naman ako roon," alok nito pero umiling siya. "'Wag na po. Salamat na lang po pero maglalakad lang po ako." "Libre kita. Alam ko naman kasi na wala kang trabaho kaya ka nagtitipid," pahayag nito dahilan para kumunot ang noo niya. "Nakatira ka sa bahay ni Macky, 'di ba?" "Sino 'yon?" takang tanong niya. "Wala akong kilalang Macky. Isa pa, bago lang ako rito kaya wala akong kilala." "Galing ka sa bahay na 'yon, 'di ba?" Itinuro nito ang bahay kung saan siya nanggaling. "Ang may-ari ng bahay na 'yon ay si Macarius Villaverde, short for Macky." Macarius pala ang pangalan ng lalaking kasama niya. Eh, ba't parang kabaliktaran ng pagkatao nito ang pangalan nito? "Siya ang taong hindi palaimik pero mabait. Alam mo bang lagi niya akong nililibre?" Napairap siya sa kawalan. Nililibre siguro ito ni Macarius dahil inuuto nito ang lalaki. "Nililibre ka niya o nagpapalibre ka?" may halong inis na tanong niya. "Hindi ka ba naaawa roon sa tao?" "Ha?" "Maglalakad na lang ako," sa halip ay sabi niya. "Salamat na lang." "Doon na rin ako papunta kaya sumabay ka na," anito habang sinusundan siya kaya marahas niya itong nilingon. "May dadaanan pa ako kaya mauna ka na," walang kangiti-ngiti niyang sabi rito. "Hindi na ako pupunta sa palengke." "Ganoon ba?" "Oo." "Kung ganoon, mauuna na ako sa iyo." Hindi na niya ito sinagot pa dahilan para paandarin na nito ang tricycle. Nang medyo malayo na ito ay saka lang niya binagtas ang direksiyon papunta sa palengke. Pagdating sa palengke ay bumili siya ng isang kilong baboy dahil magluluto siya ng sinigang. Bumili rin siya ng mga gulay na ilalahok niya rito. Nang mabili na niya ang lahat ng mga kakailanganin niya ay tumakbo na siya pauwi sa bahay ni Macky. Nang makarating siya sa bahay nito ay hinugasan niya muna ang ang karne pati na ang mga gulay saka inilagay sa ref dahil mamayang hapon pa naman niya lulutuin ang mga iyon. Nang bumuhos ang malakas na ulan ay nakaramdam siya ng pag-aalala kay Macarius. "Sana naman hindi siya nagpapaulan ngayon habang nagtatrabaho," aniya sa isip. Nang mahugasan niya na ang mga pinamili niya ay nagtungo siya sa mahabang kahoy na nasa sala nito saka siya humiga habang nagmumuni-muni. Nang biglang bumukas ang pinto ay napatingin siya roon. Si Macarius ang dumating at basang-basa ito kaya naman mabilis siyang napabangon para kumuha ng towel sa loob ng banyo nito. "May bagyo raw ngayon kaya maaga akong pinauwi," pahayag nito kahit hindi naman niya ito tinanong. "Pero, kahit maaga akong pinauwi ay binigyan pa rin ako ng pera ng amo ko." Nakangiti ito habang dumudukot sa bulsa nito at ipinakita sa kaniya ang pera na ngayon ay basang-basang na. "Makakabili na 'to ng bigas, 'hindi ba?" Malungkot siyang tumango. Sa mga oras na 'to ay nagbabadyang tumulo ang mga luha niya. Kinuha nito ang isa niyang kamay at inilagay doon ang perang kinita nito. "Ikaw na ang maghawak niyan. Ibili mo ng mga bagay na kakailanganin natin dito sa bahay." "Maligo ka na dahil baka magkasakit ka," aniya na ikinatango nito at mabilis na kumilos patungo sa banyo. Nang mawala ito sa paningin niya ay napatitig siya sa perang ibinigay nito sa kaniya. Hindi niya ito gagalawin bagkus ay iipunin niya ang lahat ng perang ibibigay nito sa kaniya. Kapag umalis na ang sinasabi nitong ay maghahanap siya ng trabaho o 'di kaya'y magtitinda na lang siya ng mga lutong ulam sa harap ng bahay nito. Naisip niya kasi na malapit ito sa kalsada tapos eksakto rin na malawak ang espasyo sa harap ng bahay nito. Tama! 'Yon na lang siguro ang gagawin niya ara matulungan si Macarius. At dahil dumating na si Macarius ay inilabas na niya mula sa ref ang lahat ng mga pinamili niya kanina para lutuin na ng sa ganoon ay makahigop ito ng mainit na sabaw. "Ano'ng lulutuin mo?" tanong ni Macarius sa kaniya. Nakabihis na ito kaya nagmukha itong hot sa paningin niya. Tiyak na maraming babae ang nagkakagusto rito kahit pa nga kulang ito sa kaalaman. "Bakit titig na titig ka? M-may dumi pa ba ako sa mukha?" "Ang guwapo mo nga, eh," prangka niyang sabi pero wala man lang itong reaksiyon kaya napailing siya. Iniba na lang tuloy niya ang usapan. "Sinigang ang niluluto ko para makahigop ka ng sabaw." "Sinigang? Ano 'yon?" "Sinigang na baboy." Mukhang hindi pa rin nito naintindihan ang sinabi niya. "Basta masarap 'yon." "Talaga? Matagal pa ba bago maluto 'yan?" "Kasasalang ko lang. Doon ka na muna sa sala at manood ka na muna ng telebisyon. Tatawagin na lang kita kapag kakain na tayo." "Dito lang ako," sabi nito. "Magsasaing pala ako dahil baka kulangin tayo ng kanin." "Ako na lang," presinta niya. "Umupo ka na lang diyan. Ako na ang bahala rito." "Sigurado ka?" Tumango siya. Pagod na kasi ito sa trabaho kaya ayaw niyang pati rito sa bahay nito ay magtrabaho pa ito. "Manood ka na lang sa mga gagawin ko para next time kung gusto mong magluto ay alam mo na ang gagawin mo." "Sige." Habang inihahanda niya ang mga gulay na ilalahok niya sa sinigang ay titig na titig ito sa mga iyon habang nakakunot ang noo. Marahil ay hindi rin nito alam kung ano'ng mga gulay ang nasa harapan nila ngayon. "Kangkong ang tawag rito," aniya. "'Yan naman ay sitaw, okra, talong at labanos." Turo niya sa ibang gulay na nasa harapan nila. "Puro masusustansiya ang mga 'yan kaya simula ngayon hindi ko na hahayaan na hindi ka kumain ng masarap na ulam bago ka pumasok sa trabaho mo." "Talaga? 'Yang mga 'yan ba ang ipapabaon mo sa akin?" "Ipagluluto kita ng bago dahil tiyak na panis na 'to bukas. Ang ibig kong sabihin, ipagluluto kita ng mga gulay, isda at kung ano-ano pang masustansiya para hindi ka manghina sa trabaho." Hindi niya alam kung bakit bigla itong yumuko habang pinaglalaruan ang mga daliri nito. "Nahihirapan ka ba sa trabaho mo?" tanong niya dahilan para mag-angat ito ng tingin. "Masyado bang mabigat? Inaapi ka ba nila? Hindi ka ba pinapasuweldo ng maayos?" Umiling ito ng sunod-sunod. "Mababait naman sila sa akin." Lumuwag ang dibdib niya dahil sa sinabi nito. Salamat naman kung ganoon. "Eh, ba't parang malungkot ka?" "Kasi…ngayon lang may nagluto sa akin bukod sa ina ko." "Hayaan mo, ipagluluto kita araw-araw." "Paano kapag umalis ka na? Paano na ako? P'wede bang saka ka na umalis kapag alam ko na ang lahat? Pangarap ko rin kasi na makapagtrabaho ng maayos, eh. Sa ngayon kasi ay hindi ko pa iyon kaya dahil hindi ako marunong magbasa at magsulat." "Tuturuan kita mamaya pagkatapos nating kumain ng tanghalian, Macky." "Macky?" "'Yon ang pangalan mo, 'di ba?" Tumango ito. "Pangmatanda, 'no?" "Hindi, ah. Ang pogi nga ng dating, eh!" aniya na may halong biro para mawala ang lungkot nito subalit hindi man lang nag-iba ang ekspresyon nito. "Paano mo pala nalaman ang pangalan ko? Sino ang nagsabi? Sa pagkakatanda ko kasi ay hindi ko pa nasasabi sa iyo ang pangalan ko, eh." "Nahulaan ko lang." "Nahulaan? Manghuhula ka ba?" "Mangkukulam." Nanlaki ang mga mata nito. "Joke lang. Hindi ako ganoon." Lihim siyang natawa. Alam pala nito ang mangkukulam. Ang cute naman nitong magulat. Ang sarap kurutin ng pisngi! "Bakit? Alam mo ba kung ano ang mangkukulam?" Mabilis itong tumango. "Ano?" "Sila ang taong kayang sumira ng buhay kahit hindi ka nila lapitan." "Hindi naman lahat," depensa niya. "Hindi ka naman nila gagawan ng masama kung hindi ikaw ang nauna. Tao rin naman sila na kagaya natin. Mabait sila sa mabait pero kapag naagrabyado na doon na sila naghihimagsik." "Paano mo alam? May lahi ka bang mangkukulam?" He looks so cute while he's staring at her intently. Ang mga mata nitong kulay berde ay nanlalaki na ngayon. "Isa ka ba sa kanila?" "Oo, pero kaunti lang ang alam ko," biro niya. "Kaya dapat maging mabait ka sa akin dahil may dugo akong mangkukulam." "Mabait naman talaga ako, eh," wika nito. "Kahit nga inaapi ako hindi ako lumalaban dahil alam ko na may katapusan din ang lahat." Biglang nawala ang mapagbiro niyang hitsura at dagling napalitan ng galit sa mga taong umaalipusta rito. "Kapag yumaman ako ay tiyak na magbabago ang tingin nila sa akin kaya araw-araw ay dodoblehin ko ang sipag ko hanggang sa makaangat ako sa buhay."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD