Hanggang sa sasakyan niya ay hindi pa rin mapakali si Gerard. Halos hampasin na niya ang kaibigan nang pinagtawanan siya nito.
“You’re doomed pare, tanggapin mo na lang kasi na inlove ka. Ang puso talaga hindi mo iyan madidiktahan. Kung kalabanin mo man, tiyak na ikaw din ang mahihirapan.” Umalingawngaw pa rin ang mga katagang iyon sa kanyang pandinig na sinabi ni Mario.
Nakasimangot siya hanggang sa pag-akyat ng kanyang secretary sa kanyang opisina. Simula ng mag-eskandalo si Yna matapos niya itong sisantehin, lumipat na talaga siya sa penthouse niya. Kaya tuloy kawawa si Amy na pabalik-balik sa kanyang opisina.
“Nasaan si Bernice, Amy?” tanong n’ya.
“Nag-lunch break po yata sa canteen Sir.” Tipid lang ang naging sagot ni Amy.
Nakahinga ng maluwag si Gerard. Parang ayaw niya muna makita ang personal assistant ngayon. Pinagsisihan na niya ang padalos-dalos na pag-hire sa biyuda ng pamangkin. “You’re doomed!” sermon ni Gerard sa sarili.
Pumasok na ang binata sa kanyang opisina at nakita ang isang karton na sa tingin niya ay mga biniling stocks ng alalay. Napaigtad siya nang marinig na bumukas ang pinto ng opisina niya. Gusto niyang kumaripas ng takbo ng makita ang maganda niyang alalay na sinusuklay ang buhok nito. Para itong model ng shampoo na nag-slow motion sa paglalakad sa tingin niya. Kinurap-kurap niya ang kanyang mga mata at ipinilig ang ulo na animo ng nagtatanggal ng puwing sa mata.
“Sir Gerard, okay lang po kayo?” tanong ni Bernice. Tinapik nito ang balikat ng amo na tila may dinaramdam.
Napatayo si Gerard sa inuupuang swivel chair. Bahagya nitong natulak ang kamay ni Bernice na tumapik sa kanya. Naglakad ito palayo sa alalay na napadilat na lang sa naging gawi ni Gerard, na lumabas ng kanyang opisina.
“Huh!” Nasambit iyon ni Gerard dahil parang may maso na pumupukpok sa kanyang dibdib sa lakas ng kalabog ng puso. Hinagod niya ang kanyang dibdib para mapawi ang pagririgidon nito. Nang mahimasmasan ay inayos ang sarili atsaka bumalik sa opisina.
Bumukas ang pinto ng opisina at pumasok si Gerard. Hinanap ng kanyang mata ang alalay na ngayon ay abalang nagsasalansan ng mga stocks sa pantry. Kitang-kitang niya iyon buhat sa upuan dahil nakabukas ang maliit na sliding door ng pantry. Katabi naman ng pantry ang private bath and toilet.
Ipinilig ni Gerard ang ulo at inumpisahan ng isa-isang busisiin ang mga papeles na kailangan pirmahan. Nakakailang pahina pa lang siya ng basa ng mga papeles, ang mukha ni Bernice na nakangiti ang nakikita sa bawat pagbuklat nito. Gusto na nitong gusutin ang mga iyon kung hindi lang iyon importante.
Ang kompanya ni Gerard ay kilala bilang isang sikat na Ad Agency. Kaya nga noon ay halos natikman na niya ang mga modelong sinasalang sa mga commercial nila. Ang GC Ads, na pagmamay-ari niya mismo ay isa sa mga sumisikat na Ad Agency sa industriya ng Advertising. Mostly sa mga ginagawa nila na Ads ay mga luxury brands: sapatos, alahas, cosmetics, perfume, clothing line, real estate na high ends.
Binubuklat niya ang portfolio ng mga model para sa isang cosmetics brand. Nakailang tingin na siya sa mga iyon pero ni isa ay walang mag-match sa gusto ng mga client nila. Their clients want a seductive yet mysterious aura. And the models presented in the portfolio all looks like sl***y b*****s. Bumuntong-hininga si Gerard at kinuha ang kanyang cellphone. Pinindot ang numero ng kanyang talent scout.
“Hello RJ, I need you in my office right now.” Kaagad niyang binaba ang cellphone at muling pinagtuunan ng pansin ang mga papeles na naroon.
Fifteen minutes lang, naroon na si RJ sa harap ni Gerard. “May problema ba Sir?” Halatang kinakabahan ito sa boses na muntik ng pumiyok.
Kung si Gerard ay happy-go-lucky lang sa personal na buhay, perfectionist siya pagdating sa trabaho. Kaya nga sila ang suki ng mga luxury brands dahil palaging magaganda ang feedback ng client at ng mga consumer sa kanilang commercials.
“I expected na mas magagandang models na fit sa gustong concept ng client. And you give me this portfolio.” Minuwestra ni Gerard ang hawak na models’ portfolio sa tauhan. Inabot iyon ni RJ at isa-isang tiningnan.
“Wala man lang ni isa ang nakapasa sa panlasa ninyo Sir?” halos pabulong na saad ni RJ.
“None of them did. You know what, I'll give you two more days para maghanap ng bagong set ng models na sure na papasa sa standard ng clients. I need it on Wednesday because I'll be out of town for a business trip. You're dismissed.” Tumayo si Gerard at inayos ang kurbata. Nauhaw siya bigla sa frustration.
Yumukod lang si RJ at lalabas na sana ng napansin nito si Bernice na abalang naglilinis ng lababo. Nilapitan nito ang dalaga at sinuri ang hitsura nito.
“Miss, harap ka nga,” utos nito kay Bernice.
Nagulat pa si Bernice sa lalaki at tinuro ang sarili. “Ako po?” Humarap siya rito at nakatingin lang sa lalaki.
“Ikot ka sandali,” ani RJ. Napahawak ito sa labi at sandaling nag-isip. May tumapik sa balikat nito at si Gerard iyon.
“Why are you pestering my Personal Assistant?” urirat ni Gerard kay RJ. Nabigla si Gerard nang hinila siya ng tauhan palayo kay Bernice. Dinala siya nito malapit sa table niya.
“Sir, baka pwede arborin muna natin alalay mo para sa commercial. Kaysa mahirapan tayo maghanap. Ang arte pa naman ng kliyente natin.” Napakamot na lang sa ulo si RJ. Totoo naman kasi ang sinabi nito. Kahit ilang ulit na nagpagawa ng ads ang kliyente nila ay napakaselan. Bawi nga lang sa pagbibigay nito palagi ng additional payment na nae-enjoy ng mga empleyado ni Gerard.
Kahit istrikto naman kasi siya, he always sees to it na well-compensated ang mga empleyado. The reason na halos mga empleyado niya na pioneering ay nandyan pa rin hanggang sa ngayon. Well, except sa mga sekretarya na gusto siyang mabitag.
“No, she's off limits. Gawin mo ang trabaho mo ng maayos RJ.” Kunwari ay galit siya pero actually ay kinakabahan dahil nakatingin sa knaila si Bernice na nakataas ang kilay.
Nagulat kanina si Bernice sa inakto ng isang empleyado ng amo. Abala lang siyang naglilinis ng lababo at paikot-ikutin ba naman siya. Napakibit-balikat na lang siya at hinatid ng tingin ang lalaking palabas ng opisina. Sa kawalan ng gagawin, lumapit siya sa amo para humingi ng permiso. Nais niyang linisin na rin pati ang sekretong tulugan nito.
“Sir, can I also rearrange your sleeping quarters?” tanong ni Bernice.
“Sure.”
Masiglang tinungo ni Bernice ang sleeping quarters. Nasa kabilang parte iyon ng pantry. Sliding door lang rin ang nagsisilbing tabing noon mua sa pinaka-opisina ng amo. Pagpasok niya ay may maliit na tokador, binuksan niya iyon at may ilang mga damit na naroon ang amo. Tiningnan niya muna ang ilalim ng bunk bed dahil may drawer iyon. Tama ang hinala niya, may bedsheets at punda na naroon. Pinalitan niya ng mint green ang gray na bedsheets at punda. Medyo mabigat ang double size na bed pero, kinaya naman niya itong palitan.
Pinagpag niya ang kamay matapos iyon at sinimulan ng punasan ang gilid ng bunk bed. Pinagpapawisan na siya at kinuha niya ang walis habang kipit sa kili-kili ang pinagpalitan ng mga beddings.
“Sir, iuuwi ba ang mga maruming bedsheets?” tanong nito kay Gerard.
“No need. May automatic washing machine naman tayo rito.” Tumayo si Gerard para ipakita ang washing machine na nasa ilalim ng kitchen sink. “See? This is the washing machine. Meron ding dishwasher.” Pinakita nito ang isang tila kahon na may mga knobs. “You can see the operations manual tomorrow. Hindi ko pa matandaan saan ko nailagay.”
Natapos ang maghapon pero kibuin-dili pa rin ni Gerard si Bernice. Na pinagtataka ng dalaga, wala kasi siyang maalalang kasalanan para pakitaan ng panlalamig ng amo.
Nang dumating sa bahay ng amo ay nauna na siyang bumaba. Nakaantabay na ang dalawang kasambahay at kaagad siyang nilapitan ng mga ito.
“Ang ganda mo Day!” saad ng isang babae na may katabaan at kulot ang buhok. “Rosa nga pala, ang taga-laba at taga-plantsa.” Inabot nito ang kamay at tinanggap iyon ng dalaga.
“Ako naman si Nenita, ang all-around taga-linis. Artista ka yata eh! Hindi ka naman mukhang alalay ni Sir Pogi.” Matangkad ito at morena na unat naman ang buhok.
Natawa na lang si Bernice sa mga komento ng mga kasamahan. “Bernice nga pala, ang personal assistant ni Sir.”
“Sa ganda mong ‘yan magiging alalay ka lang ni Sir Pogi? Naku kung ako may mukha at alindog na ganyan baka rumarampa na ako sa mga fashion show!” Gumalaw si Nenita na ginagaya ang mga modelong nasa runway.
“Hay naku, umandar nanaman ang ilusyonadang Nenita. Sa tigas ng katawan mo, tiyak pagagalitan ka lang ng baklang handler mo. Mukha kang kawayan na kailangan ilaga para lumambot!” Tumawa si Rosa at doon lang nabistahan ni Bernice na sungki pala ang ngipin nito.