Kahit nakapasok na sila sa bahay na tinutuluyan nila, hindi pa rin tinantanan ni Nenita si Bernice.
“Hindi talaga ako maniwala na alalay ka lang ni Sir Pogi! Jowa mo siya ano? Tapos ibabahay ka n’ya rito?” akusa nito. Tiningnan siya nito na parang isang specimen sa microscope. Napailing si Nenita at muling naglakad papunta sa kanya. “Kung hindi ka talaga jowa ni Sir, pwes mag-ingat ka dyan sa amo natin. Basta kursunada ka niya wala ka ng kawala.”
“Ikaw Nenita, ang dami mong paninira sa amo natin. Buti nga may nagtiyaga na magtiwala sa isang tsismosa na katulad mo! Paano ka kaya kapag nalaman ni Sir Gerard na palagi kang nakikitsismis sa kapitbahay natin?” sikmat ni Rosa.
Nakatingin lang si Bernice sa dalawa. At nang pagsabihan ni Rosa si Nenita ay tumahimik na ito. Hinarap siya ni Rosa at nagsalita ito.
“Mabait iyang si Sir Gerard, matulungin pa. Hindi katulad ng iba n’yang mga kapatid na matapobre.”
Napangiwi si Bernice sa huling sinabi ni Aling Rosa. Hindi pa niya masyadong nakakasalamuha ang mga Tiyuhin at kamag-anakan ng mga Contreras. Ang tanging naalala lang niya ay ang masasakit na mga salita at mga tingin ng mga ito na parang gustong durugin ang kanyang pagkatao.
Dahil naroon ang mga kasamahan, hindi na kailangan na pumunta sila sa malaking bahay. Hinatiran lang sila ng kusinero ng lutong ulam. Maswerte sila kung tutuusin dahil mabait nga naman ang amo.
*******
Samantala sa kwarto ni Gerard, kanina pa siya palakad-lakad. Hindi siya mapakali sa sinabi ng kaibigan na baka inlove siya sa alalay. Inabala niya ang sarili sa mga papeles na dala niya mula sa opisina. May kumatok sa pinto at bumukas iyon. Ang kanyang butler na si Jess iton na may dalang isang transparent folder.
Napabuntong-hininga siya. malamang ay ang hinihingi niyang model's portfolio kay RJ. Bago sila umuwi kanina ay nag-text ito sa kanya na ipapadala na lang sa bahay. Gladly, marunong itong tumupad sa lahat ng demands niya.
Pagbuklat pa lang niya sa folder tumambad sa kanya ang larawan ng pamangkin na si Georgina. It is always his discretion to select brand endorsers and models. At sa kasalukuyang campaign ng make up brand ay hindi pasok sa category ang pamangkin. The brand seeks models that look alluring but mysterious. Georgina has always been known to have a bubbly and chic personality.
Kinuha ni Gerard ang kanyang cell phone at tinipa ang numero ng pamangkin. Kaagad nitong sinagot ang tawag niya.
“So, I heard you hired Kuya Calvin's widow! Tell me if I'm wrong Tito Gerard? May balak ka bang masama sa biyuda ng pamangkin mo?” Iyon kaagad ang naging bungad sa kanya ni Georgina. Napakunot ang noo niya sa kawirduhn nito.
“And who gave you that b******t idea? I’m calling you because you are included in the models' portfolio. Alam mo naman ang theme ng brand campaign. And it doesn't fit you!” Frustrated na inihayag ni Gerard ang saloobin sa pamangkin. Maselan sa maselan ang kanilang client ngayon. Sinubukan niya i-negotiate ang mga ilang napili na models at pinasa niya thru email ang mga pictures. Pero, ni isa ay walang napili ang kliyente.
“Basta, may nakausap na ako na insider ng client mo. She assured me she will back me up. Basta my kondisyon ako. Ako ang pipili ng male model.”
Walang paalam na binabaan ng tawag ni Georgina ang tiyuhin. And Gerard could only sigh. Gusto na niyang i-offer kay Bernice ang one-shot project na ito ayon na rin sa suggestion ni RJ. Pero, kung may koneksyon naman pala ang pamangkin sa mga kliyente, might as well give her a chance. ‘Tsaka na niya iisipin iyon, pagbalik niya sa Business Trip.
Nakatulog si Gerard na natabunan ng maselang kliyente ng pag-aalala sa pagkakagusto sa alalay
******
Early riser si Bernice, kaya hindi siya nahirapan na gumising ng maaga. Ang mga kasamahan ay halatang tulog pa at nagpapaligsahan pa na naghihilik sa bahagyang bukas pa na pinto ng silid ng mga ito. Malawak naman ang tinutulugan ng mga ito at kasya silang tatlo. Kung anuman ang rason kung bakit siya kailangan nakahiwalay, hindi niya alam.
Sabi ng dalawa kagabi, sila-sila na ang naghahanda ng almusal nila. At dahil tulog pa ang mga ito, siya na ang naghanda. Naghanap siya ng pwedeng iluto sa pantry at saktong marami namang stocks doon. Kumuha siya ng isang malaking lata ng corned beef. Masarap iyon kapag maraming bawang at sibuyas. Maraming itlog sa ref kaya gagawa din siya ng sunny side up.
Matapos magluto, dali-dali siyang naligo at nagbihis na. tulog pa rin ang dalawang kasamahan at hinayaan na lang ang mga ito. Nagtusta na siya ng tinapay sa bread toaster. Nagtimpla siya ng black coffee at nilagyan iyon ng isang kutsarang creamer. Gusto niya ang lasa noon, medyo mapait na malinamnam.
Patapos na siyang kumain at siya pang pagbangon ng dalawa. Nagulat pa ang mga ito nang makita na nakahanda na ang almusal at nakagayak na siya para pumasok sa trabaho.
“Good morning be, ang aga naman natin ah?” ani Aling Rosa.
“Maaga po kami at mamayang hapon ang simula ng Business Trip ni Sir ng ilang araw, at kasama ako.” Tinuro niya sa mga ito ang nakahanda na niyang munting maleta na naglalaman ng kanyang mga gamit.
Nagtinginan ang dalawa. “Basta be, kapag ginapang ka ni Sir, huwag ka ng pumalag. Just spread your legs! At boom! Instant yaman kana.” Marami pa sanang sasabihin ito pero napangiwi ito ng kurutin ni Aling Rosa. “Aray! Sadista ka talaga ate!”
“Ikaw naman mahalay! Iyan ang napupulot mo sa katatambay sa kapitbahay nating haliparot! Alam mo ba? Lahat na yata ng driver dito sa vilalage, kinalantari noon.” Napaismid si Aling Rosa sa sinabi nito.
Hindi na umimik si Bernice at nagpaalam na lang sa dalawa. Limang minuto na lang at gising na ang amo. Kailangan pa niya ihanda ang susuotin nito papuntang trabaho, at i-double check at baka may nakaligtaan siya sa mga susuutin nito. Dagdag trabaho pa nga pala niya ang pagiging present sa mga meeting at appointment nito para magsilbing sekretarya. Buti na lang talaga at magagamit niya ang natutunan bilang manager ng dating banda nila Calvin.
Pumasok kaagad siya sa bahay ng amo pero nagulat siya at bihis na ito, pati ang maleta kung saan nakasilid ang mga damit nito ay hawak na nito sa kanyang kamay.
Hinintay niyang matapos itong kumain kasama si Jess at habang ginagawa iyon ay inabala ang sarili sa pagbabasa ng mga newspaper na naroon.
Halos bente minutos rin ang itinagal ng almusal ng mga ito. Kinuha ni Jess ang maleta ni Gerard at sumakay na sila ng sasakyan. Nang nasa loob na sila, nagsalita na si Gerard. “Change of plans Bernice. Ngayong umaga na tayo pupunta sa isang private island. Doon natin tatagpuin ang mga potential investor sa bagong negosyo na naisip ko.”
Tango lamang ang tanging sagot ni Bernice. As if I have a choice! Ikaw naman ang amo, so do whatever you like! himutok ni Bernice sa sarili.
Halos isang oras ang byahe nila at narating nila ang isang pantalan. nagtaka si Bernice. Akala niya sa chopper sila sasakay pero ayon sa nakikita niya sa isang yate! Contreras ang amo mo, kaya natural na bigatin! sermon niya sa sarili.