MASAYANG PINAGMASDAN NINA Clymenia at Jhare ang sakahan. Sabado ngayon at walang pasok. Napagpasyahan nilang dito na lang mag-sightseeing sa lugar na tahimik at presko. Gusto pa sanang isama ni Clymenia si Eurydice nang nagpasabing may pupuntahan ito nang maaga.
Wala ring nagawa noon si Jhare kung hindi kausapin si Clymenia noong nagtampo ito. Hindi siya nito matiis, sa madaling salita.
Alas-nueve na ng umaga at nasa kubo sila ngayon na kagagawa lang ng mga magsasaka noong nakaraang buwan para may lugar sila na mapagpahingaan. Ang layo pa naman ng mga bahay ng mga ito mula sa sakahan.
Hindi alam nina Fam at Rey na narito ang anak ng gobernador na muntik nang pumatay sa mga ito noon at bilhin ang lupa. Tiyak na magtataka ang mga ito kung bakit kasama ng anak ang binata. Mabuti na lang at mabait ang Panginoon. Huli na kasi ang pagtatagpong iyon mula noong nangyari ang hindi maipaliwanag na pangyayari.
“Clymenia, since nandito na rin ako, puwede bang magtanong? Huwag ka nang mailang, wala namang nakakakita sa atin,” pauna ni Jhare.
Pinagsalikop ni Clymenia ang mga kamay at tiningnan nang diretso ang kabundukang kulay berde.
Wala ngang tao, walang nakakakita sa kanila, pero paano kung may dumating at inisip na magkasintahan na sila? Siguradong makararating iyon sa mga magulang niya. Iyon na nga ang punto niya sa isipan.
“S—sige,” naiilang niyang tugon.
“May naging boyfriend ka na ba?” walang patumpik-tumpik na usisa ng binata.
Nanlaki ang mga matang napatingin siya sa kaibigan. “H—ha? Ano’ng ibig mong sabihin? I mean… ba’t mo naitanong?” gulat niyang tanong dito.
“Wala lang.” Ngiti-ngiting kinamot nito ang ulo ‘tsaka tiningnan ang dalaga sa mga mata na tila ba nilalangoy nito ang kaibuturan niya. “Bawal bang itanong? Sige, ‘wag na lang.”
“Ah… hindi. Kasi naman, Jhare. Pabigla-bigla ka. Kung hindi ka lang masarap kasama, iniwan na kita rito o hindi isinama.”
Muli, may kung anong kumurot sa puso ni Jhare. Iba talaga ang tama nito pagdating sa dalaga. Talagang natatamaan pati buto kapag siya ang nagsalita.
“Hindi lang masarap kasama, guwapo rin,” pagmamayabang nito sabay kindat kay Clymenia.
“Kikiligin na sana ako, pero mayabang ang pagkakasabi, e.” Natawa siya nang mahina at ginulo ang buhok ng kaibigan. Sa mahigit dalawang buwang magkasama ay komportable na siya rito. Ang hindi lang niya maintindihan ay kung paano sila tingnan ng mga kapwa mag-aaral sa tuwing nakikita silang magkasama.
“E, ‘di take two.” Kunwaring nagtatampo pa ito para pagtakpan ang tuwang nararamdaman.
“Baliw!”
“Alam mo namang gusto kita, itong awitin para sa ating dalawa,” wala sa sariling pagkanta nito, habang nakalahad pa ang mga kamay na parang feel na feel nito ang kanta. Naalala niya pang sariling likha nitong kanta nang minsan kantahan siya nito.
Umiling-iling na lang si Clymenia at binatukan muli ang binata. “Sa tinatanong mo kung may naging boyfriend na ba ako, wala pa. At wala ‘ata akong balak mag-boyfriend hangga’t hindi pa sinasabi ng mga magulang ko. Kailangan ko kasing ipaalam sa kanila.”
“Walang balak?” naguguluhan nitong usisa.
“Malay ko. ‘Wag na lang nating pag-usapan. O, ako naman. Ibabalik ko ang tanong mo sa ‘kin.”
“Kung may naging boyfriend na ba ako?” natatawa nitong tanong.
Pinanlisikan niya ito ng mata at nakisabay sa kalokohan nito.
“Ito pala ang gusto mo, ha? Makikipaglokohan din ako sa ‘yo.”
“Oo. Bading ka, ‘di ba? Ilan na ang mga naging lalaki mo?” seryoso niyang tanong, itinatago ang tawang kaunti na lang ay sasabog na.
Pero imbes na simangutan siya nito ay nakatanggap siya ng isang mapang-akit na titig mula rito. Dahan-dahang lumapit ito sa kaniya sabay na nilawayan ang mga labi.
“Ngayon, patutunayan kong hindi ako bading. Hahalikan kita para malinawan kang ako si Jhare Olesco, ang bibihag sa puso mo,” bakas ang pambibiro dito. Some jokes are half meant.
Napalunok si Clymenia. Hindi mabilang sa kaniyang paglunok ang pagtibok ng kaniyang puso. Ngayon lang niya ito naramdaman. Kakaiba. Ang pintig ng kaniyang puso ay ang tangi niyang naririnig.
“Anak…” tinig ng isang ginang ang dumating.
NAKAUPONG PINAPAKINGGAN NG DALAWA ang habilin ni Fam na siyang dumating kanina. Gulat na gulat ito at muntikan nang atakihin sa puso dahil sa naratnan.
“Basta’t huwag pa kayong mag-aasawa. Suportado ko kayo sa kung ano’ng mayroon sa inyo ngayon. Pero sana ay kontrolin n’yo ang sarili na ‘wag gumawa ng kalaswaan,” dagdag pa nito na kanina pa paulit-ulit ang sinasabi. Ang akala nito ay magkasintahan na ang anak at Jhare.
Napahilamos ng mukha si Clymenia at nagsalita, “Inay, naman. Hindi nga kami. Magkaibigan lang kami. Iyon lang,” pamimilit niya sa ina.
“Naku, anak! ‘Wag kayong mag-alala at ‘wag nang ipagkaila. Hindi ko naman kayo pagagalitan. Ako na rin ang magpapaliwanag sa Itay mo kung ano ang namamagitan sa inyo ni Jhare.”
Sinenyasan ni Clymenia ang binata na ngayon ay walang imik. Wala rin itong pinapakitang reaksyon at tutok ang tainga sa sinasabi ng ginang.
“Jhare, ipaliwanag mo ‘to. Sabihin mo sa kanilang hindi tayo,” bulong niya rito. Aburido na siya sa nangyayari ngayon.
“Hayaan mo na, Clymenia. Boto naman sila sa akin, e. Bagay naman tayo,” nakangiti nitong sabi at ibinalik ang atensyon kay Fam.
Bahagyan niya itong siniko at muling humarap sa ina. “‘Nay, wala talagang namamagitan sa amin. Kaibigan… iyon lang.”
Imbes na sumagot ito ay pinasadahan nito ng tingin ang binata. “Ano nga pala ang kumpletong pangalan mo, hijo?”
Gulat na napatingin siya sa ina at pagkatapos ay kay Jhare. Huwag naman sanang maalala ni Fam ang pamilya Olesco dahil kung sakali ay baka magkaroon ulit ng alitan.
“Jhare Olesco po,” magalang namang sagot ni Jhare sa ginang.
“Olesco?” taka pang tanong ni Fam na tila ba nabingi sa narinig. “Magkaano-ano kayo ng gobernador?” dagdag nito.
“Ah… Inay,” kinakabahang singit ni Clymenia. “Siya ‘yong anak ni Gobernador Olesco,” aniya.
Nabigla man ay hindi na pinahalata ni Fam ang nalaman. Naglaho na kasi ang namuong galit nito sa puso para sa gobernador. Wala rin kasing mangyayari kung magagalit pa ito.
“Alam mo bang muntikan na kaming pinatay ng ama mo noong bata pa si Clymenia dahil lang sa ayaw naming ipagbili ang lupang nagbibigay sa amin ng hanapbuhay? Hindi ko sinasabi ito para bumalik ang dating alitan ng pamilya natin, lalong-lalo para magalit ka sa ama mo. ‘Tsaka ipinagsawalang-bahala at kinalimutan na namin ang nangyari. Basta lang ay hindi niya na kami guguluhin pa. Ayaw ko rin kasing pag-ugatan pa ng paghihiwalay ninyo ng anak ko,” wika nito at ngumiti nang tipid. “Basta mag-iingat kayo lagi at manatiling ligtas. Sana’y alagaan mo ang anak ko sa oras na magkasama kayo,” saad ng ginang.
Kahit papaano ay gumaan ang loob ni Clymenia, pero hindi pa rin maalis sa kaniyang isipan na iba ang pagkakaintindi ng ina sa pagtatagpo kanina.
“Opo, Tita Fam. Makakaasa po kayo,” sagot naman ng binata.
Napasinghap nang mahina ang dalaga at napabulong, “Aba, tita na pala ang tawag niya.”