CHAPTER 02

2330 Words
          NAPANGIWI si Ivana nang bumaba sila ni Nicholas ng tricycle. Nasa tapat sila ng isang tindahan ng mga wedding gown. Maliit lang ang store at halatang puro mumurahin ang mga itinitinda. Kanina kasi ay maaga siyang pinuntahan ng nobyo sa bahay para sunduin. Ngayon kasi siya magpapasukat ng wedding gown niya at pipili na rin siya ng design. Ang sinabi niya kay Nicholas ay gusto niyang sa Lovely Bride niya gustong magpagawa. Isa iyong sikat na pagawaan ng wedding gown. Mahal pero quality naman. May ilang artista nga na nagpagawa doon ng wedding gown nila kaya alam niyang subok na ang kalidad ng wedding gown sa Lovely Bride. “Babe, nagkamali yata tayo ng pinuntahan. Hindi dito ang Lovely Bride…” apela ni Ivana nang naglalakad na sila papasok sa naturang store. “Sa kabilang street pa iyon, e.” Huminto na siya sa paglalakad dahil parang hindi niya kayang pumasok sa lugar na iyon. Parang ang dumi-dumi. “Alam ko, babe. Sorry pero nag-check kasi ako ng presyo ng gowns sa Lovely Bride sa f******k page nila. Halos kalahati ng ipon ko ay baka mapunta lang doon sa susuotin mo kaya naghanap agad ako ng alternative na store na medyo mura.” Nilapitan siya ni Nicholas at hinawakan ang isang kamay. “Babe, tiningnan ko `yong designs nila online at mukhang may magugustuhan ka.” Isang nakangiwing ngiti ang gumuhit sa labi ni Ivana. “Nicholas, nagjo-joke ka lang, right? Sinabi ko na sa iyo dati pa na sa Lovely Bride ako magpapagawa ng gown ko dahil maganda doon,” giit niya. “Alam ko naman iyon at hindi ko nakakalimutan pero—” “Iyon naman pala, e! So, bakit mo ako dinala sa cheap na store na `to?” Pinipigilan lang niya ang pagtaas ng boses niya pero ang totoo ay naiinis na siya. Nanlaki ang mata nito. “`Wag kang maingay. Baka marinig ka ng may-ari, babe!” “I don’t care!” “Babe, ganito kasi… Hindi kaya ng ipon ko ang dream wedding mo. Pwede bang kung magkano lang iyong meron ako ay iyon na lang ang pagkasyahin natin? Saka ang importante naman ay makasal tayo kahit saang simbahan, `di ba?” Kumunot ang noo ni Ivana. Hindi kayang tanggapin ng utak niya ang mga sinasabi ng nobyo niya. “Simbahan? Anong simbahan ang sinasabi mo, Nicholas? Don’t tell me… h-hindi na tuloy ang beach wedding?!” Hindi makapaniwalang turan niya. Parang gusto na niyang maiyak nang tumango si Nicholas. “Oh my, God! Nicholas! Ang sabi ko ay beach wedding ang gusto ko! Minsan lang itong mangyari sa isang babaeng katulad ko kaya gusto ko ay masusunod kung ano ang gusto ko!” “Pero, babe, hindi kasi kaya ng pera ko ang dream wedding—” “Edi, sana hindi ka muna nag-propose sa akin! Ang lakas ng loob mong mag-propose ng kasal sa akin tapos hindi mo naman pala kayang tuparin ang dream wedding ko! Diyan ka na nga!” Hindi na niya napigilang pagsalitaan ng masakit si Nicholas dahil sa sobrang inis niya. Ipiniksi niya ang kamay at nang makawala siya sa pagkakahawak ni Nicholas ay malalaki ang mga hakbang na naglakad siya palayo sa nobyo. “Ivana! Sandali!” habol nito sa kaniya. Hindi niya pinansin si Nicholas. Agad niyang pinara ang tricycle na nakita niya at sumakay doon. Masamang-masama talaga ang loob niya kay Nicholas. Umasa pa naman siya na kaya na nitong tuparin ang dream wedding niya kaya ito nag-propose. Palagi niyang sinasabi kung anong klase ng kasal ang gusto niya bago pa ito mag-propose. Hindi ba nito naaalala iyon? Nagpahatid siya sa bahay nila pero dumiretso siya sa bahay nina Yssa. Naabutan niya ang kaibigan na naglalagay ng nail polish sa salas. Nakasalampak ito sa sahig habang ginagawa iyon. Nakasimangot na umupo siya sa pang-isahang upuan. Nakatingin lang siya sa kawalan. “Ang akala ko ba ay—” Napahinto sa pagsasalita si Yssa nang makita ang mukha niya. “Ay, bakit ganiyan ang face mo? Semana Santa ba ngayon, ghorl?” “Nakakainis kasi si Nicholas!” “Why naman?” “Sinisira niya kasi ang dream wedding ko! He’s ruining everything! Ang sabi ko ay sa Lovely Bride ako magpapagawa ng gown. Aba, dinala ba naman ako doon sa sobrang cheap na patahian sa bayan!” “Ah, doon sa patahian ni Aling Bebang? Naku, hindi quality doon, ghorl! Saka baka kahit ang ganda-ganda mo sa kasal mo ay chumaka ka kasi hindi magandang wedding gown ang suot mo. Saka doon talaga? Ang cheap, ha!” “Kaya nga, e!” itinirik niya ang mga mata. “At `eto pa ang nakakaloka! Hindi na tuloy ang beach wedding. Sa simbahan na lang daw!” “What?! Tell me na nagjo-joke ka lang! Ano ba iyan? E, paano na ang plano kong pagsusuot ng bikini sa reception? Mabuti na lang at hindi pa ako nakaka-order sa Lazada! Saka ano bang nangyayari? I thought may ipon si Nicholas for your dream wedding?” Akala mo ay katapusan na ng mundo kung makapag-react si Yssa. “Meron nga pero hindi daw kaya ng ipon niya ang dream wedding ko! Bukas pa naman ang punta namin sa munisipyo para asikasuhin na ang mga kailangan naming papers para matuloy na ang kasal na ito. Inuna lang talaga namin ang gown ko! Kung hindi niya kayang gawin ang dream wedding ko ay hindi na lang ako sasama sa kaniya sa munisipyo! Nakakainis na talaga—” Napahinto siya sa pagsasalita nang tumunog ang kaniyang cellphone. Si Nicholas—tumatawag. “Si boyfie mo ba `yan?” curious na tanong ni Yssa na tinanguhan niya. “Sagutin mo kaya! Kawawa naman, e! Kausapin mo. I-push mo ang dream wedding mo!” susog pa nito. Sinagot na niya ang tawag ni Nicholas. Sinabi nito na naroon ito sa bahay nila. Gusto nitong magkausap silang dalawa. Alam niya na kahit hindi siya pumayag sa gusto nito ay mapipilitan siya dahil sa nanay niya. Nasa bahay kasi ang nanay niya at ito ang pipilit sa kaniya kapag hindi siya pumayag na makipag-usap kay Nicholas. Magkasundo kasi ang dalawa at gusto talaga ng nanay niya si Nicholas para sa kaniya. Parang anak na nga ang turing nito sa boyfriend niya, e. Nagpaalam na siya kay Yssa at pumunta sa bahay nila. Naabutan niya si Nicholas at nanay niya sa salas. Magharap ang dalawa sa pagkakaupo. Agad nilang sinimulan ang pag-uusap tungkol sa kasal nila. Nasa tabi siya ng nanay niya. “Okay. Sa Lovely Bride ka na magpapagawa ng wedding gown mo,” ani Nicholas. “T-talaga?!” Hindi makapaniwalang bulalas ni Ivana. “Oo, babe.” Halatang napipilitan lang si Nicholas sa sinabi nito pero hindi na iyon importante para sa kaniya. Ang mahalaga ay natupad na nag isa sa mga gusto niya. “Thank you, babe!” Lumipat siya sa tabi nito at mahigpit na niyakap. “Salamat talaga! Sabi ko na nga ba at hindi mo ako matitiis, e! I love you, babe!” Hinalikan pa niya ito sa pisngi. “P-pero hindi pa rin natin pwedeng ituloy ang beach wedding…” At agad na binasag na ni Nicholas ang kasiyahan niya. Kumalas siya sa pagkakayakap dito. “Akala ko ba ay…” “Huwag mo nang ipilit ang beach wedding, Ivana. Mabilis kaming nag-usap ni Nicholas at sinabi niya na hindi kaya ng ipon niya ang gusto mong klase ng kasal.” Napatingin siya sa nanay niya nang ito na ang magsalita. “Magpasalamat ka na lang at pagbibigyan ni Nicholas ang gusto mong pagpagawaan ng wedding gown mo. Huwag ka nang maarte.” Hindi na nakapagsalita pa si Ivana sa sinabi ng nanay niya. Ganoon talaga ito makitungo sa kaniya. Malamig at parang galit sa kaniya. Paano ay siya ang sinisisi nito kung bakit namatay ang tatay niya… Ang totoo kasi niyan ay nagpakamatay ang tatay niya. Isang madilim na parte na iyon ng nakaraan niya na pilit niyang ibinabaon sa limot. Minsan kasi ay umalis ang nanay niya. Nakipag-inuman ang tatay niya sa mga kaibigan nito sa mismong bahay nila. Pagkatapos ng inuman ay umalis na ang mga kainuman nito. Madaling araw na at mahimbing na siyang natutulog sa kaniyang silid. Pumasok ang tatay niya ng lasing sa kaniyang kwarto at pinagtangkaan siya nitong halayin. Hindi niya maisip na magagawa iyon ng sarili niyang ama sa kaniya o baka dahil sa impluwensiya ng alak? Nagsisigaw si Ivana at humingi ng tulong sa mga kapitbahay. Naging mabilis naman ang response ng mga kapitbahay nila at tumawag agad ng pulis ang mga ito para hulihin ang tatay niya. Nanatili lang siya noon sa bahay nina Yssa hanggang sa dumating ang mga pulis. Ngunit ganoon na lang ang gulat ng lahat nang pasukin ng pulis ang bahay nila at makitang nakabigti ang tatay niya sa salas! Itinakbo pa ito sa ospital pero binawian din ito ng buhay. Ayon sa imbestigasyon ng mga pulis ay nagpakamatay ang tatay niya dahil sa takot na makulong o dahil na rin sa kahihiyan na kakaharapin nito. Simula sa araw na iyon ay nagbago na ang nanay niya. Naging malamig na ang pakikitungo nito sa kaniya at kahit hindi nito sinasabi ang dahilan ay alam niya na dahil siya ang sinisisi nito kung bakit nagpakamatay ang asawa nito. At dahil sa nagsalita na nga ang nanay niya ay wala nang nagawa si Ivana kundi ang pumayag na lang na hindi na matutuloy ang beach wedding na gusto niya. Bago sila muling umalis ni Nicholas ay kinausap siya ng nanay niya sa may kusina. “Hindi mo dapat pinipilit ang gusto mo kung hindi kaya ni Nicholas. Hindi mayaman ang boyfriend mo. Iyan ang tandaan mo,” anito. “Akala ko kasi ay kaya niya na tuparin ang dream wedding ko. Nag-propose siya at tinanggap ko iyon. Ang sabi niya ay may ipon siya. Akala ko naman ay sapat ang ipon niya para sa kasal na gusto ko.” “Kahit na. I-consider mo rin ang estado niya sa buhay. Ang kasal, isang araw lang iyan. Mas importante ang mga mangyayari pagkatapos ng kasal.” Hindi na siya nito hinintay na makasagot pa dahil iniwan na siya nito sa kusina. Bumalik na sila ni Nicholas sa bayan para pumunta sa Lovely Bride. Kahit matutupad na ang pangarap niyang wedding gown ay hindi pa rin niya magawang maging masaya ng one hundred percent. Pakiramdam niya kasi ay ipinagkakait ni Nicholas sa kaniya ang dream wedding niya. Hindi ba’t dapat ay ibigay nito ang lahat ng gusto niya dahil sa mahal siya nito? Ang tamlay niya tuloy habang sinusukatan na siya ng magtatahi sa kaniyang wedding gown. Pati nga ang pagpili niya ng design ng gown niya ay nalimitahan din. Ang pinaka mura ang napili niya kahit ang gusto niya ay iyong nagkakahalaga ng kalahating milyon. Ang sabi kasi ni Nicholas ay hanggang one hundred thousand lang ang kaya nito sa wedding gown. Pagkatapos niyang masukatan ay naghanap na sila ng pwede nilang makainan. Gutom na rin kasi siya dahil hindi niya natapos ang pag-aalmusal kanina. Dumating kasi si Nicholas sa bahay nila ng nag-aalmusal siya. Sa sobrang excited niya dahil akala niya ay sa Lovely Bride ang punta nila ay hindi na niya inubos ang kaniyang pagkain. Iyon naman pala ay sa mumurahing patahian lang siya dinala ni Nicholas. Mabuti na lang talaga at hindi natuloy ang pagpapagawa niya ng wedding gown doon. Wala na ngang beach wedding tapos pati ba naman susuotin niya sa kasal nila ay titipirin din? “Babe, pasensiya ka na kung hindi ko maibibigay sa iyo ang dream wedding mo, ha? Alam ko na disappointed ka pero ipinapangako ko sa iyo na mas magsisikap pa ako para mabigyan ka ng maginhawang buhay. Ikaw at ang mga magiging anak nating dalawa…” ani Nicholas habang kumakain sila. Sa isang fastfood restaurant nila napiling kumain ng lunch. Napipilitang ngumiti si Ivana. “It’s okay. Wala naman akong magagawa, e. Siguro, kung ano na lang iyong kaya mong maibigay sa kasal natin ay iyon na lang.” Sinabi na lang niya iyon para hindi na sumama ang loob ng boyfriend niya. “Salamat, ha? Oo nga pala, bukas ay kailangan na nating pumunta sa municipal hall. Okay na naman mga requirements mo, `di ba?” Tumango si Ivana. “Yes. Nakahanda na ang mga iyon…” Sandali siyang natigilan nang biglang may naisip. “Oo nga pala, iyong food and reception. Saan?” “May kaibigan akong nagke-catering. Tapos iyong reception ay sa covered court na lang sana malapit sa baranggay hall. Pwede ko naman na kausapin si kapitan na baka pwede doon. Malapit lang kasi iyon sa simbahan para hindi na sasakay ang mga bisita natin after ng kasal.” Gustong himatayin ni Ivana sa sagot ni Nicholas. “Nicholas, baka nakakalimutan mo. Let me remind you… Hindi kasalang bayan ang kasal natin. Covered court talaga? Ang init-init doon. Darating din ang iba kong kaibigan. Saka parang hindi ako tiwala sa pagkain na ihahanda ng kaibigang sinasabi mo. Baka pang-karinderya level lang iyon. Diyos ko naman, Nicholas! Pumayag na nga ako ng hindi beach wedding, e!” Hindi na niya napigilang hindi magreklamo. Bumakas ang lungkot sa mukha nito. “G-gusto mo ba ay i-postpone muna natin ang wedding? Mag-iipon pa ako—” “Seryoso ka ba?” Medyo pabulong lang ang pagsasalita niya dahil baka may makarinig na ibang tao. “Nakapag-post na ako sa social media ko about sa kasal tapos ipo-postpone lang? Saka iyong proposal mo, nag-viral! Anong iisipin nila kapag hindi agad tayo naikasal? Mapapahiya ako.” Isang mahabang katahimikan ang namagitan sa kanila ni Nicholas. Noon ay inakala niya na masaya para sa isang babae ang paghahanda para sa kasal nito. Ngunit bakit parang mali yata siya sa akalang iyon? Ngayon pa nga lang ay na-i-stress na siya. Ano pa kaya sa mga susunod na araw? Hindi naman niya pwedeng sisihin ang sarili niya kundi si Nicholas lang. Alam nito kung ano ang dream wedding niya kaya sana ay alam din nito kung kaya ba ng ipon nito iyon bago ito nag-propose sa kaniya. Kung alam lang sana niya ay hindi sana muna niya siya nag-yes sa proposal nito. Hindi dahil sa hindi niya ito mahal kundi dahil ang gusto lang niya ay maging maayos ang kasal nilang dalawa. Iyong matupad sana ang dream wedding niya. Isang beses lang silang ikakasal kaya sana ay maibigay nito iyon sa kaniya. Kaya lang imposible na dahil iyong theme na gusto niya ay hindi na nasunod. “Hindi natin pwedeng i-postpone ang kasal,” putol niya sa katahimikan. “Tuloy tayo sa date na gusto natin pero sanay ay gawan mo ng paraan na matupad ang gusto ko. Nakikiusap na ako sa iyo.” “N-nagsisisi ka na ba na pumayag ka na magpakasal sa akin?” Natigilan siya sandali sa tanong na iyon ni Nicholas. “Nich! Ano bang pinagsasabi mo?” Kumikislap ang gilid ng mga mata ni Nicholas na para bang may luhang nagbabadya na bumagsak doon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD