"How is she doc?" May pag-aalala sa boses ng lalaki.
"Normal lahat ng lab test niya. Wala rin kaming ibang nakita na problema sa katawan ng pasyente maliban sa mga pasa nito sa katawan." Sagot naman ng doctor. Sino sila?Tsaka sino ang tinutukoy nilang pasyente?
"Sigurado po ba kayo doc? Two days ng walang malay ang anak ko hanggang ngayon hindi pa rin siya nagigising." inis na saad naman ng lalaki. Anak? naguuguluhang tanong ng isip ko.
"Huwag po kayong mag-alala sir, magigising din po ang anak niyo. Siguro bumabawi lang ang katawan niya sa pagod at trauma na rin siguro sa mga nangyari sa kanya. Hindi po natin alam kung ano ang pinagdaanan niyang hirap bago niyo siya naidala sa hospital." mahabang paliwanag ng doctor. Anong nangyayari? Bakit may mga naririnig akong boses pero hindi ko sila makita. Sinubokan kong imulat ang mga mata ko ngunit bigo ako.. Anong nangyayari? Nasaan ako?
"Thank you doc, Pasensiya na." hinging paumanhin ng isa pang lalaki. Tatlong iba ibang boses ang naririnig ko at puro sila mga lalaki.
Sunod ko namang narining ang pagbukas at pagsara ng pinto. Pinakiramdaman ko kung may magsasalita pa ba.
"Relax lang po kayo tito, magigising rin po si zeinab." Mahinang saad ng lalaki. Zeinab? teka ako ba yon? sino ba siya? sino ba sila?
"Hindi ko na alam Dave kung paano pa ako kakalma nito. Nag-aalala ako para sa anak ko. " May lungkot sa boses nito.
biglang natahimik ang paligid.
"Ano pa lang balita sa imbestigasyon? nahanap na ba si Enrique?" Enrique? Si tiyong? Ganon na lamang takot na bumalot sa akin nang unti- unting bumabalik sa ala-ala ko ang mga nangyari. Ang mga mukha ng mga lalaking nagkulong sa 'min sa basement.. ang demonyong pagmumukha ni tiyong habang ginagawa ang kahayupan niya. Ang nakakaawang kalagayan ni tiyang, ni andrew at jane. Ang pagbaril nila sa itinuring kong nanay. at maging kay Lance na naging kaibigan ko.
Hindi ko na nakaya pa ang lahat at tuloyan na akong umiyak. Isinakripisyo nila ang buhay nila para mailigtas lang ako. Ako ang dahilan kung bakit sila nabaril, kung bakit sila namatay.
Malakas na yugyog sa balikat ko ang gumising sa akin. Mabilis akong umupo at nagsumiksik sa headboard ng kama.
"Hu-huwag, huwag po!! umiiyak kong sigaw habang pilit kong itinatago ang sarili sa hawak kong unan.
"Sshhh.. huwag kang matakot hindi kita sasaktan." kahit gaano pa kahinahon ang boses nito ay hindi iyon nakaalis sa nararamdaman kong takot. Hindi ko makita ang mukha ng lalaking nagsalita dahil sa nakaharang na unan.
Iniisip ko na baka kinukuha lang nito ang loob ko para mahawakan niya ako kaya naman ng maramdaman kong aalisin niya ang unan na hawak ko, Umiwas ako at mabilis na kumilos para makababa sa kama. Napasigaw ako ng bumangga ang ulo ko sa dibdib ng kung sinuman. Naramdaman ko na lang ang mga kamay nitong yumakap sa kin.
"Sshh..tahan na, huwag kang matakot ligtas ka na." 'Yong takot na nararamdaman ko kanina ay bigla na lang naglaho. Hindi ko alam kung bakit nakaramdam ako ng kapanatagan sa kahinahunan ng tinig nito at sa init na rin ng mga bisig niya. Ang malakas na pagtibok ng puso niya ay parang naging musika sa pandinig ko. Bakit ganon? bakit pakiramdam ko protektado ako ng mga bisig niya..
Ipinikit ko ang mga mata ko at mas lalong nagsumiksik sa katawan niya. Wala na akong pakialam kahit sino pa man ang lalaking ito. Mas lalo ko pang ipinulupot ang mga kamay ko sa katawan niya at umiyak sa dibdib niya.
Naramdaman ko ang pag haplos nito sa mahaba kong buhok. Ang bango bango niya. Naamoy ko ang pabango na gamit nito na humahalo sa amoy ng katawan niya. Nasa ganoong sitwasyon lang kami hanggang sa tuluyan na akong kumalma..
"Ehem.." Nagulat ako at kaagad na lumayo sa pagkakayakap niya nang marinig ang pagtikhim ng isa pang lalaki..
Biglang nag init ang buong mukha ko nang magtama ang mga mata naming dalawa.
"So-sorry!" Hindi makatingin ng maayos na saad ko. Bigla akong nakaramdam ng hiya dahil sa ginawa ko. Mukhang nabasa pa ng luha ang damit niya ng mapansin kong basa sa may bandang dibdib niya. Baka sabihin naman ng lalaking ito na sinamantala ko ang sitwasyon para magkayakapan kaming dalawa.
"Ehem.." saka ko lang naalala na may ibang tao pa pala bukod sa aming dalawa.
"Tito Alex?" Hindi makapaniwalang saad ko nang makilala ko ito.
"Ako nga!" nakangiting saad nito. "Thank god you're awake now!" Bakas sa boses nito na masaya siya. Niyakap niya ako ng mahigpit. Gumanti ako ng yakap at bigla na lamang tumulo ang mga luha ko. Ang tagal kong nangulila sa yakap ng isang ama. Pakiramdam ko kayakap ko ngayon ang tatay ko. Wala sana ako sa sitwasyong ito kung buhay lang ang tatay ko ngayon.
"Pasensiya na po kayo, naalala ko lang po ang tatay ko.." sumisinghot singhot na saad ko habang pinupunasan ang mga luha ko.
"Ang tawag jan lukso ng dugo anak." Seryosong saad nito habang pinupunasan niya rin ang mga luhang pumapatak sa mga mata niya. Marahil ay naaawa siya akin kaya naiyak din siya.
"Paano naman po mangyayari iyon eh hindi niyo naman po ako an--." naputol ang sasabihin ko ng maalala ang mga boses na nagsasalita kanina.. Hindi panaginip ang mga naririnig ko kanina.
"Naalala mo ba yong kinwento ko sayo tungkol sa nawawala kong anak?" marahan akong tumango sa tanong niya.
"Ikaw yon! ikaw ang nawawala kong anak Zeinab." Hindi ko alam kung paano ako magrereact.
"Pa-paano po nangyari iyon? nauutal kong tanong. Naguguluhan ako. Paanong magiging tatay ko siya eh kasama ko si tatay hanggang sa paglaki. Itinaas niya ang isang kamay niya na may hawak na notebook. Kaagad kong kinuha iyon sa kanya ng mapagmasdan kong mabuti ang hawak niya.
"Bakit po nasa inyo ang diary ng nanay ko? nagtatakang tanong ko sa kanya.
"Nakita ko yan sa bahay ni enrique." sagot nito. Naalala ko sila tiyang. Bumalik na naman ang takot ko ng maisip na baka may masamang nangyari sa kanila.
"A-ang mga kapatid ko po at si tiyang nasaan sila?" nauutal kong saad.
"Ligtas sila, wag ka ng mag-alala." Para akong nabunotan ng napakaraming tinik sa narinig. Salamat sa diyos at niligtas niya kami sa panganib.
"Thank you po tito alex sa pagligtas sa amin..maraming maraming salamat po." Hindi ko alam kung iiyak o tatawa ba ako dahil sa sobrang saya na nararamdaman ko.
"Sorry kung ngayon lang kita nahanap. Kung hindi sana kami naghiwalay ng nanay mo hindi mo sana mararanasan ang lahat ng ito." Naiiyak na saad niya habang hinahaplos ang buhok ko.
"Totoo po ba talagang tatay ko kayo?" hindi pa rin makapaniwalang tanong ko. tumango ito saka nakangiting niyakap ako. Kaya pala ganoon na lamang kagaan ang pakiramdam ko sa kanya nong una ko siyang makita.
May ngiti sa mga labi ko nang di sinasadyang dumako ang mga mata ko sa lalaki. Para namang may kung anong bumulabog sa dibdib ko at naghuhurumintado ang puso ko nang ngitian niya ako. Ngayon ko lang napagmasdan ang lalaki at masasabi kong magandang lalaki ito. Gwapo, matangkad, may kaputian at maganda rin ang katawan nito. Mabilis akong nag-iwas ng tingin. Para akong napaso sa titig nito sa 'kin.