Tumayo si Archie at lumipat sa tabi ni Arwena. Inakbayan siya nito, saka hinaplos-haplos ang balikat. “Alam ko, hindi biro ang pinagdaanan mo, pero hindi ba’t ikaw na rin ang may sabi na gusto mong e-uplift ang sarili mo? But how would you do that, kung ikaw mismo ang pilit bumababa."
Napatitig si Arwena sa kaibigan. Seryosong-seryoso kasi itong tumitig sa kanya, at hindi niya itatanggi na nagugwapuhan siya sa mukha nito. Para pang laging nakangiti ang singkit nitong mga mata.
“Arwena, ‘wag mong pahirapan ang sarili mo. It’s time for you to move forward, gaya ng mga taong nanakit sa’yo na nagpapatuloy pa rin sa buhay matapos ka nilang sagasaan.”
“Archie, hindi ko naman mapipilit ang sarili na maging okay agad. Hindi ko rin mapipilit ang sarili na hindi na makaramdam ng sakit."
Niyakap ni Archie ang kaibigan na alam niyang nagpipigil nang umiyak.
"The best ka talaga, kahit dalawang buwan pa lang tayong naging magkaibigan, damang-dama ko na ang pagmamahal mo.”
“The best ka rin naman, Arwena, ang problema, hindi mo nakikita, natatakpan kasi ng sakit ang pagiging the best mo. Kaya tama na ang mukmok. Ilabas mo na ang best mo at mag-move forward ka na for real.”
Titig na lang ang sagot ni Arwena sa sinabi ni Archie. Mabuti na lang talaga at mabilis niyang nakagaanan ng loob si Archie. Bukod sa friendly nga ito, silang dalawa lang ang pinoy sa klase nila. Parehong business management ang kursong kinuha nila. Pareho rin silang tagapagmana ng business ng mga magulang.
Dahil rin kay Archie, kaya naisip ni Arwena na siya at siya pa rin ang magmamana ng business nila at hindi si Farah. Kaya kailangan niya maging handa. Kailangan niyang lamangan ang talino ni Farah sa pagpapatakbo ng negosyo.
“Archie, thank you, nakilala kita. Salamat dahil tinulungan mo ako no’ng panahon na nangangapa pa ako sa bagong journey na pinasok ko,” madamdamin nitong sabi sabay ang mahigpit na yakap kay Archie.
“Nagdrama ka naman. Arwena, ang gusto ko lang naman ay maging malaya ka na sa nakaraan mo. At saka, medyo toxic ka na kasi. Nahahawa na ako sa lungkot mo,” sabi nito sabay kulong ng pisngi niya sa mga palad nito.
Hinawakan niya rin ang kamay ng kaibigan at mapait na ngumiti. Totoong malaki ang pasasalamat ni Arwena na nakilala niya si Archie. Ang lungkot kasi niya no’ng dumating siya sa Maine.
Walang blessing from her parents ang pag-alis niya, hindi pumayag ang mga magulang niya na umalis siya, lalo’t alam na ng mga ito na may problema sila ni Jake. Ang masama, iniisip pa ng mga magulang niya na tumatakas lang siya sa problemang gawa niya. Hanggang sa huli kasi, nilihim pa rin niya ang totoong dahilan kung bakit sila naghiwalay.
Kaya kahit alam niyang masasaktan ang mga magulang dahil sa biglang pag-alis niya, pinanindigan pa rin niya ang desisyon na umalis. At nakarating nga siya sa Maine, pero parang pasan naman niya ang buong mundo.
Hindi niya alam kung ano ang gagawin at kung paano magsisimula. Hanggang sa makilala niya Archie sa university kung saan din ito nag-aaral. Kaya hindi na rin nahirapan si Arwena na maghanap ng matutuluyan, sakto kasing naghahanap ng tetant si Archie.
“Archie…” Seryosong titig ang kasabay ng sinabi niya. "Gusto mo ba na dalhin natin sa ibang level ang friendship natin?" tanong ni Arwena na nagpa-awang sa labi ng kaibigan.
“W-what do you mean," nauutal na tanong ni Archie, kasabay ang dahan-dahang pag-atras. Unti-unti kasing lumapit ang mukha ni Arwena sa mukha niya.
“Arwena, what are you doing? ‘Wag mo nga akong pinagloloko ng ganyan!" sikmat niya kasabay ang pagtayo. "Eww… Arwena, nanayo ang balahibo ko sa’yo! Kadiri ka! Hindi tayo talo ‘no!" sabi nito, umismid at nag-hair flip pa.
Napailing-iling na lang si Arwena. Ang guwapo sana nitong kaibigan niya, pero pusong babae naman.
“Archie, sige na umalis ka na at mag-saya. ‘Wag mo na akong alalahanin. Okay lang ako kahit nandito lang ako sa loob. Mas nakakapag-isip pa nga ako, at mas nag-he-heal itong puso ko.” Turo niya ang puso at ngumiti ng matamis.
“Naintindihan ko nga na mas sanay ka na ni lo-lock ang sarili mo dito sa apartment, Arwena. But please, samahan mo naman akong magsaya kahit ngayong gabi lang. Sabay tayong mag-move on.”
“Move-on na naman? Pang-ilan na ‘yan ha?" napapailing na tanong Arwena.
“ ‘Wag mo na lang itanong, hindi ko na kasi mabilang,” sagot nito sabay upo na naman sa tabi ni Arwena, at hinawakan nito ang kamay ng kaibigan. Nagpapaawa ang hitsura. Kinurap-kurap pa ang mga mata.
“Tumigil ka sa kagaganyan mo, baka makalimutan kong hindi tayo talo at mahalikan na talaga kita." Agad itong bumitiw sa kamay niya at lumayo.
“Arwena naman puro kalokohan," tampo nitong sabi at humalukipkip. "Labas na tayo, Arwena. Let’s party. Sisimulan natin sa paggala ang pag-move forward natin. Kalimutan natin lahat; ang kalupitan ng mundo at ang sakit kahit isang gabi lang."
“Archie, staying home is my way of moving forward; ang kilalanin muna ang sarili ko, ang maghilum muna ang puso ko ang una kong gagawin, at kapag okay na ako, saka ako mag-e-explore sa labas, kasama mo,” sabi nito sa kaibigan niya.
“Ikaw ‘yan e. Way mo ‘yan. Wala akong magagawa kong ‘yan ang paraan mo, but paano naman ako? Ayaw mo man lang ba akong damayan? Gusto mo ba akong maglasing na ako lang mag-isa? Paano kung pagtripan ako, tapos kung mang-yari sa akin ‘yong nangyari—”
"Tama na nga ang satsat. Samahan na kita. Kulit-kulit mo.”
Ngiting tagumpay ang sagot ni Archie sa sinabi ni Arwena. Napapalakpak pa nga sa tuwa.
“Sige na bihis ka na friend. Bihis na rin ako." Patakbo na pumasok sa kwarto niya si Archie habang si Arwena, matamlay at walang ganang tumayo.
Sa club na bagong bukas nga nagpunta ang magkaibigan. Matapos nga ang ilang buwan na pagmumukmok, ngayon lang ulit naranasan ni Arwena na uminum, sumayaw, at tumawa. Inaamin niya, nakaramdam nga siya ng kalayaan. Nakaramdam ng saya habang kasayaw ang kaibigan.
“Ang saya, hindi ba? tanong ni Archie habang nasa dance floor sila sumasabay sa tugtog ng musika.
Paulit-ulit na tumango si Arwena at ngumiti.
“So, tuloy-tuloy na ang labas natin, every friday night?" bulong nito sa kanya.
“Tuloy-tuloy na!" masiglang sagot ni Arwena at muli na namang sumayaw. Tumatalon-talon siya kasabay ang ibang mga kabataan.
"Archie, upo muna tayo, medyo nahihilo kasi ako—" sabi niya sa kaibigan habang hawak nito ang ulo.
“Arwena, ‘wag mong sabihin na lasing ka na? Isang cocktail pa lang naman ang nainom mo?” Inalalayan ni Archie ang kaibigan pabalik sa table nila.
“Hindi ko alam. Basta nahihilo ako, at parang nasusuka," sagot niya kasabay ang pagtayo at pagtakip ng bibig.
“Arwena…” Sinundan na lang ni Archie ang kaibigan na patakbong pumunta sa ladies room, pero bigla naman itong tumigil at humawak sa dingding. “Wena, tara na nga lang labas…. W-Wena!” Tili ni Archie nang mawalan ng malay ang kaibigan habang yakap niya.