Sinalubong ako ng malamig na ihip ng hangin pagkalabas ko sa kompanya. Ilang minuto muna akong nakipagtitigan sa bughaw na kalangitan bago ako naglakad patungo sa aking kotse. Nakasunod naman sa akin si Eli na hindi man lang nagpalit ng damit. All black with gloves pa talaga siya dala-dala ang kanyang helmet. Naku, kumukulo na ang dugo ko sa kanya kahit wala pa siyang ginagawa.
“P’wede ko bang ilagay sa backseat ang helmet ko?” Hindi makapaniwala ko siyang tiningnan habang nakatayo ako sa tapat ng pinto ng driver’s seat.
“Hindi ka magmo-motor?”
“Lah, hindi. Dalawang oras ang biyahe papunta sa San Sebastion, balak kong magpahinga.”
Ngumiti siya sa akin sabay bukas ng pinto sa backseat para doon ilagay ang kanyang helmet. Pagkatapos, naupo na siya sa unahan at agad din na ipinikit ang kanyang mga mata. Matalim akong napatingin kay Eli bago ako padabog na naupo sa driver’s seat.
Walang hiya! So, balak niya pala akong gawing driver! Sige, tingnan lang natin kung makakatulog ka nang maayos ngayon!
Ang dalawang oras na byahe ay naging one hour na lang dahil sa bilis ng pagpapatakbo ko. Ang balak ko ay huwag patulugin si Eli, pero hindi man lang siya natinag sa ginawa ko. Ang sarap pa rin ng tulog ng loko kahit pinapalipad ko na ang kotse. Wala talaga siyang pakiramdam!
“Hoy! Gumising ka na. Nandito na tayo,” sigaw ko sabay baba sa kotse. Pinakalma ko na muna ang sarili ko bago ako naglakad patungo sa gate ng bahay. Pucha! Feeling ko magkaka-heart attack ako dahil kay Eli!
“Ito na ba ang magiging bahay natin?” tanong ni Eli habang nakatingin sa gray modern house na nasa harapan niya. Humihikab pa siya habang nakasandal sa nakabukas na pinto ng sasakyan ko. Hindi ko na lang siya kinibo at binuksan na ang gate gamit ang code na ibinigay ni Sir Malwin kanina habang nasa byahe kami.
Dali-dali akong pumasok pagkabukas ko sa gate at agad ko rin naman itong isinara bago pa makapasok si Eli. Ha! Deserve!
Nakangisi akong nagtungo sa main door ng bahay habang iniisip ang naiinis na mukha ni Eli. Ang sarap sa pakiramdam na makabawi. Ang gaan sa dibdib!
Binuksan ko na rin ang main door using another code. Pagkapasok ko sa pinto, bumungad sa akin ang sala na black, white, and gray ang theme. Teka, ganito talaga yata ang theme ng buong bahay. Same rin sa sala ang kulay ng kusina, eh. Anyway, wala naman itong problema sa akin dahil ganito rin ang kulay ng bahay namin sa Manila. Ang iniintindi ko lang ay ang magiging kuwarto nina Lance at Lea.
Agad akong nagtungo sa second floor para tingnan ang magiging kuwarto ng mga bata. Two-storey ang bahay na inihanda para sa amin at perfect lang ang laki nito para sa aming apat. May tatlong kuwarto, study room, balcony, and bathroom sa second floor habang nasa baba naman ay living area, dining area, kitchen, bathroom and library.
Nagtungo ako sa magkatabing kuwarto kung saan may nakalagay na pangalan ng mga bata sa tapat ng pinto. Napangiti ako nang makita kong kulay asul ang silid ni Lance habang pink naman ang kay Lea. Kompleto na rin sa gamit ang mga kuwarto, sila na lang talaga ang kulang.
“Ang ganda ng design ng bahay, ah.” Automatiko akong sumimangot nang marinig ko ang boses ni Eli mula sa likuran ko.
“Tatlo lang ang kuwarto rito sa taas, ang dalawa kina Lance. Ibig sabihin ba, magkasama tayo sa iisang kuwarto? Naku, sinasadya talaga nila ito,” kinikilig niyang sabi habang niyayakap ang sarili. May pandidiri ko siyang tinitigan bago ako naglakad patungo sa kuwarto na nasa dulo ng hallway.
Pagkabukas ko sa pinto, nanlaki ang aking mga mata nang bumungad sa akin ang malaking litrato namin ni Eli. Nakasuot ako ng wedding dress sa picture habang naka-suit naman si Eli. Grabe ang gumawa nito! Para talaga kaming ikinasal sa litrato kahit ang totoo naman ay hindi ito nangyari. Ba’t kailangan may ganito pa?
“Woah, ang ganda talaga ng picture na ‘yan,” nakangiting mungkahi ni Eli.
“Ano’ng maganda riyan?” sarkastik kong tanong.
“Ako, ako ‘yong maganda sa picture. Anyway, ba’t parang ngayon mo lang ito nakita?” Napakunot ang aking noo dahil sa tanong niya.
“What do you mean? Ngayon ko lang naman talaga ito nakita,” tugon ko habang naniningkit na nakatingin kay Eli. Nakasandal lang siya sa may pintuan habang nakatingin sa akin.
“Mas malaki pa nga ‘yong nasa sala, eh,” nakangiti niyang saad.
Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at agad din na tumakbo papunta sa baba nang marinig ko ang sinabi ni Eli. Tuluyan nang lumuwa ang aking mga mata nang makita ko ang mas malaking litrato naming dalawa sa may living room. Pucha!
“Kailangan nating ipatanggal ito!” hysterical kong wika.
“Come on. Hindi naman ‘yan totoo at saka kailangan natin ‘yan para mas maniwala ang mga bata,” kumbinsi ni Eli sa akin.
Napaupo na lang ako sa sofa habang hinihilot ang aking batok. Sa iisang kuwarto na nga kami matutulog tapos ganito pa ka-realistic ang mga proof na mag-asawa kami. Pakiramdam ko mababaliw ako. Nasa ibang level talaga ang effort nila para sa amin. I should be thankful pero. . . Ewan.
“P’wede naman natin silang ikontak kong gusto mo talaga ‘yan ipatanggal,” saad ni Eli.
“Huwag na. Hayaan mo na ‘yan. Magbihis ka na lang dahil naiirita ako sa suot mo.” Eli snort at me.
“Ayos lang sa ‘yo na sa iisang kuwarto lang tayo?”
“May choice pa ba ako? For sure magdududa sila Lance kapag hindi tayo magkasama matulog. Besides, hindi ka naman sa kama matutulog. Ako ang sa kama, ikaw ang sa sahig,” paliwanag ko.
“Okay, boss. Magbibihis na po ako,” natatawang sabi ni Eli bago naglakad patungo sa aming kuwarto. Napabuntong-hininga na lang ako sabay tingin sa puting kisame. Ano ba itong pinasok ko?
Habang hinihintay kong bumaba si Eli, naghanda na lang muna ako ng pananghalian. Kompleto na rin pati mga kailangan namin sa kusina, mukhang pinaghandaan talaga ng IPI at KA ito.
Nagluto na lang ako ng adobong sitaw at prinitong isda para pagsaluhan naming dalawa. Naiinis ako kay Eli pero ang pangit naman tingnan kung hindi kami sabay kumain. Kailangan ko na rin sanayin ang sarili ko na palagi siyang kaharap dahil simula ngayon ganito na ang magiging sistema naming dalawa.
Nakahanda na ang mesa pagdating ni Eli sa kusina. Nang maupo siya sa harap ng mesa, nag-excuse na muna ako saglit para ako naman ang magbihis. I really thought na nauna na siyang kumain, pero pagbalik ko ay hindi niya pa rin ginagalaw ang kutsara niya.
“Ba’t hindi ka pa kumakain?” tanong ko sabay upo sa kaharap niyang upuan.
“Kasi wala ka pa,” walang pag-aalinlangan niyang tugon habang nakatingin sa akin. Saglit akong napatigil dahil sa aking narinig. He just made my heart skip a beat.
“Gutom lang ‘yan. Kumain ka na,” patay-malisya kong sabi sabay pulot sa aking kutsara. Sumunod naman si Eli at tahimik na kinain ang hinanda ko.
Katahimikan ang namayani sa amin hanggang sa natapos kaming kumain. Wala ni isa na sumubok na wasakin ang pader sa pagitan naming dalawa. Siguro dahil alam naming ito ang dapat na gawin, ang umaktong walang nakaraan na nangyari.
Exactly 1 p.m., nakaupo na kami ni Eli sa sala habang nakatingin sa pekeng dokumento na inihanda ng KA. Kanina lang ito dumating habang naghuhugas ako ng pinggan. Nakalagay na sa envelope ang fake identification card ni Eli bilang elementary librarian sa San Sebastian Elementary School pati na rin ang fake marriage certificate namin.
“Sigurado na sa Lunes ako magsisimula?” Napanguso siya habang nakatingin sa kanyang ID.
“Oo, bantayan mong mabuti ang mga bata kung ‘di lagot ka sa akin,” pagbabanta ko. Kung magrereklamo siya sana naghanap na lang siya ng kapalit, tsk.
“No problem. Ugali kong magreklamo pero gagawin ko pa rin naman ang trabaho ko.” Napalingon ako kay Eli dahil pamilyar ang kanyang sinabi. Alam niyang linya ko ‘yan since noong kami pa. I see. He still remembers me.
“Maaasahan mo ako,” dagdag pa niya.
Inirapan ko na lang siya at iniligpit na ang mga nagkalat na dokumento sa mesa. Ano naman ngayon kung naaalala niya ang mga pinagsasabi ko noon? Remember siya ang unang bumitaw. Trabaho ang dahilan kung ba’t kami magkasama ngayon, hindi dahil kay tadhana.
Kung si Eli ay magpapanggap na librarian, ako naman ay may-ari ng flower shop na malapit sa elementary school. Mabuti na lang mahilig ako sa bulaklak kaya madali lang sa akin ang trabaho na ito.
Sa tulong ng mga dokumento na natanggap namin, nagkaroon na kami ng initial plan ni Eli sa paghahanap namin sa Jiem. Pero sa ngayon, kailangan muna naming sunduin sila Lance at ipakita sa kanila na magpagkakatiwalaan kami.
“Anong oras natin susunduin ang mga bata sa Happy Orphanage?” tanong ni Eli habang sinusundan ako ng tingin. Kakababa ko lang mula sa kuwarto, doon ko kasi itinago ang mahahalagang papeles na natanggap namin.
“Daan muna tayo sa flower shop ko bago tayo magtungo sa orphanage,” suhestiyon ko.
“Ngayon na ba?”
“Oo, ngayon na. Huwag kang tamad. Mabuti ka nga nakatulog ka kanina,” sumbat ko kay Eli. Tinawanan niya lang ako sabay pulot sa susi ng kotse na nasa small table.
“Ako na po ang magda-drive, boss.”
Nauna na siyang naglakad palabas at agad din naman akong sumunod sa kanya. Pinapalitan ko na ang sasakyan ko kanina habang nasa hotel pa ako, pero bullet proof pa rin naman itong dala ko ngayon. Ang weird naman kung may tama ng mga bala ang gamitin namin pagsundo sa mga bata.
Pagdating namin sa tapat ng gate, naabutan namin ang tatlong mga Manang na agad din na nagsitabi nang makita kami. Taas-baba nila kaming sinuri saka nagbulungan. Hindi ko na lang sila pinansin at naglakad na patungo sa kotse. Normal na ang ganitong mga eksena sa Pinas.
“Sabi sa ‘yo mga bata pa, eh!” Napatigil ako sa pagbukas ng pinto dahil sa aking narinig.
“Tama ka nga, Mare. Ang pogi ng asawa niya.”
“Ang pogi talaga. Sayang lang dahil hindi siya kayang bigyan ng anak ng babae.”
“Ay, talaga ba? Sayang naman ang lahi ng asawa niya.”
What the heck? Matalim akong napalingon sa direksyon ng mga Manang. Handa na sana akong sugurin sila, pero agad din akong pinigilan ni Eli.
“Honey, susunduin pa natin ang mga bata.” Pinagbuksan niya ako ng pinto at pinaupo na sa loob ng kotse, pero nanatili ang mga mata ko sa tatlong Manang na ako pa rin ang topic. Para sa impormasyon nila, healthy po ako. Kaya kong bigyan ng anak si Eli kung gugustuhin ko!
“Don’t listen to them.” Nabigla ako nang halikan ako ni Eli sa noo. Automatikong nawala ang galit ko sa mga mosang at napunta ito sa kanya. Walang hiya siya!
“Grabe. Ang sweet ng asawa niya,” puri ng mosang na kulot kay Eli.
Pasimple ko namang sinuntok si Eli sa tiyan habang tuwang-tuwa siya sa natatanggap na papuri. Akala niya makakatakas siya sa akin? No way!
“F*ck.” Mahina siyang napadaing dahil sa ginawa ko pero hindi na lang siya nagpahalata.
May awtoridad akong sumenyas kay Eli na pumunta na sa driver’s seat bago ko ikinabit ang aking seatbelt. Napailing-iling na lang siya sa akin habang hindi makapaniwalang nakangiti. He seems amused by my reaction. Tingnan lang natin kung saan aabot ang pasensya niya.
Isinara na ni Eli ang pinto sa puwesto ko at nagtungo na sa driver’s seat. Kumaway pa siya sa tatlong mosang bago niya pinaandar ang kotse habang ako naman dito sa gilid ay kanina pa naiinis.
“Huwag kang basta-basta magpapaapekto sa mga sinasabi ng iba,” saad ni Eli habang nakatuon ang atensyon sa daan.
“They’re bad-mouthing me, how do you expect me to react? Magpapaliwanag lang naman ako, ah.” Napairap ako sa kanya sabay tingin sa labas ng bintana.
“You don’t have to explain yourself. Ipakita mo na lang sa kanila na mali sil―”
Hindi na natapos ni Eli ang balak sabihin nang biglang tumunog ang phone sa bulsa niya. Pasimple akong sumulyap sa kanyang direksyon at nakita kong hawak niya na ang phone habang ang isang kamay niya ay nasa manibela.
“Good afternoon po, Sir Lester Verano. Anong oras po kayo pupunta rito sa Happy Orphanage?” Lester Verano ang identity ni Eli sa misyon na ito habang ako naman ay si Sandra Verano.
“Papunta na po kami diyan. May problema po ba?” mababakas ang pag-aalala sa boses ni Eli.
“Ang totoo niyan, Sir. Nakipag-away po si Lance at nandito ang nanay ng batang nakaaway niya.” Nanlaki ang mga mata ko dahil sa sinabi ng caller. Maging si Eli ay hindi na rin mapakali dahil sa kanyang narinig.
“Papunta na kami diyan,” sabay naming wika ni Eli bago pinaharurot ang sasakyan papunta sa Happy Orphanage. Damn!