Maaga pa lang, gising na si Francesca kahit wala pa siyang trabaho. Parang hindi siya mapalagay—magdamag na yata siyang nag-iisip kung saan pa ba siya puwedeng mag-apply. Mula sa kama, agad niyang kinuha ang laptop at binuksan, umaasang baka ngayong araw ay may magandang oportunidad na magbukas para sa kanya. Isa-isa niyang sinend ang mga resume, kahit halos magkasabay lang na natatanggap niya ang parehong automated reply: “We’ll get back to you.”
Buong maghapon siyang nakatutok sa screen, paikot-ikot sa mga job site, click dito, click doon. Hanggang sa mapagtanto niyang nalilito na siya—hindi na alam kung alin pa ang uunahin o kung saan pa siya mag-aapply. Ayaw na rin niyang maglakad para maghanap sa labas; bawat piso ng pamasahe, mahalaga.
May Php 60,000 pa siyang ipon, pero alam niyang hindi iyon magtatagal. May kapatid siyang pinapaaral, mga bayaring hindi nawawala, at isang Tita na tiyak magagalit kapag nalaman na hindi muna siya makakabayad ngayong buwan. Pero ano pa bang magagawa niya? Tatanggapin na lang niya ang galit. Babawi na lang siya kapag may trabaho na.
Pagdating ng alas-siyete ng gabi, saka lang niya naramdaman ang gutom. Noon niya naalala—wala pa pala siyang tanghalian. Tipid, ‘yan na lang ang alam niya ngayon. Nagluto siya ng scrambled egg, hindi dahil paborito niya, kundi dahil iyon ang pinakamadali… at wala na rin naman siyang gana. Habang hinihintay maluto, napatingin siya sa bintana. Sa labas, tuloy lang ang buhay ng iba. Sa kanya, parang nakabitin ang oras—hindi alam kung kailan muling uusad.
Biglang nag-vibrate ang cellphone niya sa mesa. Isang tawag. Kapatid.
Napasinghap siya. Hindi niya alam kung dapat ba niya itong sagutin ngayon. Sa huli, pinindot niya ang green button.
“Ate…” Mahina at may pag-aalangan ang boses sa kabilang linya. “…may project kami sa school. Kailangan na po kasi ng bayad ngayong linggo.”
Parang biglang lumiit ang kusina ni Francesca. Tumigil siya sa paghalo ng itlog. Tumingin sa kawali na para bang doon niya makikita ang sagot.
“Magkano?” tanong niya, mahinahon pero ramdam sa tono ang pagod.
Binanggit ng kapatid ang halaga—hindi ganoon kalaki para sa iba, pero sa sitwasyon ni Francesca, parang isang buhos ng malamig na tubig sa apoy ng natitira niyang pag-asa.
“Sige,” mahina niyang sagot. “Paki-text na lang details.”
Agad niyang ibinaba ang tawag bago pa man marinig ng kapatid ang bahagyang pagbasag ng kanyang tinig. Nakatitig lang siya sa kawali, unti-unting nalulunod sa tanong na hindi niya masagot: Hanggang kailan ko kaya ‘to kakayanin?
Kinabukasan, may dalawa siyang interview—dalawang bagong pag-asang kumatok sa pintuan niya. Maagang nag-ayos si Francesca, pilit pinapawi ang kaba at iniisip na baka, sa wakas, ito na ang simula. Pero matapos ang ilang oras ng tanungan at ngiti, parehong natapos ang araw na wala siyang natanggap na tawag pabalik.
Hindi niya alam kung paano niya sasabihin sa sarili na ayos lang, pero unti-unting lumabas ang totoo—may taong nakaharang sa daan niya. Ang dati niyang kumpanya, na matagal niyang pinagtrabahuhan, tumangging magbigay ng Certificate of Employment. Ang dahilan? Terminated siya sa isang kasong hindi naman niya kasalanan, pero sapat para madungisan ang pangalan niya.
Alam niyang risky, pero isinama pa rin niya sa resume ang trabahong iyon—dahil ilang taon din siya roon at mas preferred ng karamihan ng kumpanya ang may experience. Hindi rin niya inasahan na tatawagan ng HR ang dati niyang opisina… at doon na tuluyang nabasag ang pagkakataon.
Buong linggo, nag-iisip si Francesca kung saan pa siya puwedeng mag-apply. Pakiramdam niya, na-applyan na niya halos lahat ng posisyon na kaya niyang pasukan. Bawat araw na lumilipas, parang unti-unting nauupos ang kandilang tinatawag niyang pag-asa.
Minsan naiisip niyang baka dapat mag-apply na lang muna siya bilang service crew sa fast food chain o sales lady sa mall. Maliit man ang sahod, basta may siguradong kita kaysa maghintay pa ng wala. Kahit paano, mababayaran niya ang mga bayarin at matutulungan ang kapatid.
Pero may isang bagay siyang ayaw gawin—humingi ng tulong kina Gustavo at Dennise. Hindi dahil wala silang maitutulong, kundi dahil ayaw na rin niyang maging pabigat. Hangga’t kaya niya pang tumayo mag-isa, titiisin niya. Kahit mahirap. Kahit parang walang kasiguraduhan kung may bukas pang naghihintay sa kanya.
At tuluyan na ngang nag-apply si Francesca bilang cashier sa isang maliit na café. Natuwa siya nang matanggap agad, kahit alam niyang maliit lang ang sahod. Pagod at stress ang kapalit ng araw-araw na pagtayo sa counter, pero pinipili niyang huwag na lang isipin iyon—at least may trabaho siya. May sahod. May dahilan para bumangon tuwing umaga.
Magdadalawang linggo na siya sa café nang mangyari ang hindi niya inaasahan—isang pamilyar na boses sa pintuan, isang mukha na matagal na niyang hindi nakikita. Si Gustavo.
Parang huminto ang oras. Hindi niya alam kung mahihiya ba siya o matataranta. Hindi rin niya inaasahan na makikita siya nito dito, lalo pa’t hindi naman karaniwang lugar ito na pinupuntahan ni Gustavo. At mas lalong hindi niya alam… kung sasabihin ba nito kay Dennise.
“Hi,” bati ni Gustavo, kaswal pero may kakaibang tingin sa mga mata.
“Hi, good morning,” sagot ni Francesca, pinilit ang ngiti kahit ramdam niyang kumakabog ang dibdib niya.
“I will send you a message, bye,” mabilis na paalam nito.
“Have a good day, Sir,” habol ni Francesca, pilit pinananatiling magaan ang tono.
Naiwan siyang nakatingin sa pintuan matapos itong lumabas, ramdam ang bigat ng tanong na hindi niya kayang sagutin ngayon.
Pagkatapos ng shift niya, agad niyang kinuha ang cellphone. Isang unread message mula kay Gustavo ang naghihintay.
Gustavo: Care to explain? Please send me when you are available. Just want to talk and get some update of your life.
Napahinga siya nang malalim, hawak ang telepono na para bang may bigat itong hindi niya mabitawan. Sa isip niya, alam niyang hindi lang basta “kamustahan” ang magiging usapan nila.
Nakatitig lang si Francesca sa screen. Dalawang simpleng pangungusap mula kay Gustavo, pero ramdam niya ang bigat sa likod ng mga ito. Hindi iyon basta curiosity lang—parang may hinahanap na sagot, may binabalak na susunod.
Matagal bago siya nag-reply, paulit-ulit na binubura at nire-retype ang mga salita. Sa huli, pinili niya ang pinaka-neutral na tono.
Francesca: Hi Gustavo. I’m okay. I’m just… working here for now.
Hindi pa siya nakakabitaw ng telepono nang dumating agad ang reply.
Gustavo: Can we meet? Just coffee. I want to hear it from you.
Napakagat siya ng labi. Alam niyang delikado—hindi dahil may masama siyang ginagawa, kundi dahil baka maging usap-usapan ito. At higit sa lahat… baka makarating kay Dennise.
Kinabukasan, matapos ang shift niya, pumayag siyang magkita sila sa isang tahimik na coffee shop ilang kanto lang mula sa café. Nandoon na si Gustavo nang dumating siya, nakasandal sa upuan, hawak ang isang cup pero tila wala sa lasa ng iniinom.
“Francesca,” bati niya, diretso sa pangalan niya, walang formalities.
“Gustavo,” mahina niyang sagot, umupo sa tapat nito.
Sandali silang natahimik. Parang naghihintayan kung sino ang unang bibitaw.
“I didn’t expect…” nagsimula si Gustavo, “na ganito na lang ang trabaho mo.”
“Ganito na lang?” may kaunting sakit sa boses ni Francesca, pero pinilit niyang manatiling kalmado.
“At least may trabaho ako.”
“I didn’t mean to offend you or manliit sa trabaho,” sambit ni Gustavo, bahagyang nag-iwas ng tingin bago muling tumingin sa kanya. “I just want you to know that you deserve more—more than that job. You can ask help from me at least.”
“I know…” malungkot na sagot ni Francesca, halos pabulong. “…that’s why I don’t share it to anyone.”
“What do you mean?” tanong ni Gustavo, kita ang pagtataka sa mukha niya.
Nagdadalawang-isip si Francesca. Dapat ba niyang sabihin? Alam niyang kahit manahimik siya, maghahanap at maghahanap pa rin ng paraan si Gustavo para malaman ang totoo.
“Actually…” huminga siya nang malalim, pinipilit gawing normal ang boses.
“…I was terminated.”
“What?” Halos napalakas ang boses ni Gustavo, halatang nagulat.
“Bakit?”
Walang emosyon sa mukha ni Francesca habang nagsimula siyang magkuwento. Sinabi niya ang lahat—kung paano siya tinanggal sa trabaho dahil sa isang bagay na hindi niya kasalanan, at kung paanong ang isang maling akusasyon ay sapat na para sirain ang pangalan niya.
Tahimik lang si Gustavo habang nakikinig, pero sa mata niya, halata ang awa at pagkadismaya. Gusto niyang tulungan si Francesca, pero alam niyang hindi ito basta tatanggap ng tulong. Wala na rin siyang hawak na corporate company mula sa pamilya nila, kaya wala siyang maibibigay na posisyon para sa kanya.
At mas lalong ayaw niyang makita si Francesca na nagtatrabaho sa mga bar na pag-aari ng mga kaibigan niya. Hindi iyon para sa kanya—hindi iyon ang mundo na dapat niyang pasukin.
Kaya sa huli, isang ideya lang ang pumasok sa isip ni Gustavo.
Sasabihin ko na lang kay Dennise.
Alam niyang hindi ito papayag na mabalewala lang ang sitwasyon ng kaibigan niya. At higit sa lahat, alam din niyang hindi kailanman sasabihin ni Francesca ang totoo kay Dennise—dahil sa ugali nito. Ayaw niyang maging pabigat sa kahit sino… kahit sa mga taong handang tumulong.