"A-Anong ginagawa mo dito?" tanging bulong lang ang lumabas sa bibig ko. Masyado akong nalunod sa mga titig niya kaya maging ang tuhod ko ay nanghihina.
Kumunot ang noo niya at dumaan ang inis sa mata. "Come with me." Sarkastiko akong napatawa matapos niyang sabihin 'yon. Umaandar na naman ang pagkabrat pero hindi no'n naaalis ang inis sa dibdib ko.
"Aezra," tawag niya sa pangalan ko at yumuko matapos dumaan ang mga tao sa pwesto namin. Inis kong tinanggal ang apron at pupuntahan sana ang mga bakla para mabantayan ang pwesto, pero lumapit na agad sila at tinanguan ako, kanina pa pala nanonood.
"Tara," walang emosyon ang utos ko kay Akishiro at inunahan siya sa paglalakad papalabas ng palengke. Naramdaman ko ang mabigat niyang paglakad sa likod ko at sa haba ng biyas niya hindi na ako nagulat nang matabihan niya ako agad.
"Galit ka?" he whispered like he didn't act like a brat earlier.
"Aezra," tawag pa ulit niya pero lintik! Gusto kong mainis pero ramdam ko ang lambing sa boses niya, gustuhin ko mang hindi pansinin 'yon pero naramdaman ko ang kiliting naidulot sa puso ko.
Naputol ko ata ang pisi ng pasensya niya nang bigla niyang hawakan ang braso ko. Magaan ang hawak niya at puno ng pag-iingat, nauna siyang naglakad at hinatak ako papunta sa kabilang kalsada kung saan nakaparada ang sasakyan niya. Sinubukan kong tanggalin ang kamay niya sa braso ko pero mas lalo niya lang hinigpitan ang hawak sa 'kin at madali akong isinandal sa sasakyan niya.
Mabigat ang paghinga niya nang magtama ang paningin namin. Puno rin ng pawis ang noo at kita ko ang paggalaw ng panga niya sa ilalim ng bagay na tumatakip sa bibig niya.
"Galit ka?" tanong niya na puno ng lambing, kabaligtaran sa inis na nakita ko sa mata niya.
Hindi ako sumagot at nanatiling nakatitig sa mga mata niyang nangangalap ng sagot. Nagsimula na namang mangilid ang luha ko matapos maalala ang sinabi ni Lizelle. Heto na siya sa harapan ko, siguro naman pwede ko nang linawin kung ano nga ba talaga kami 'di ba?
"Aki . . ." bulong ko at may kung anong kumalabit sa puso ko nang bigla niyang itinukod ang dalawang kamay sa magkabilang gilid, bumilis ang t***k ng puso ko at panandaliang nawalan ng pakialam sa isip ng mga tao sa paligid.
"P-Pinaglalaruan mo lang ba ako?" My voice cracked and a tear from my eye fell. Nanlaki ang mata niya matapos marinig ang tanong ko. Ang isang luha ko ay nadagdagan pa hanggang sa lumabo na siya sa paningin ko.
"K-Kasi kung oo. Pakiusap, tumigil ka na," dagdag ko at yumuko nang magtuloy-tuloy ang buhos ng luha sa mata. Kagat ko ang labi habang pinipigilan ang paghikbi.
"Pasok," walang emosyong utos niya matapos ang ilang minutong pag-iyak ko sa harapan niya. Gusto kong umiyak na naman pero nang magtagpo ang walang emosyong mata niya ay wala akong ibang naramdaman kung hindi takot. Takot na baka tama nga 'yung sinabi ni Lizelle at Carms. Hinding-hindi magseseryoso ang tulad ni Akishiro sa babaeng gaya ko.
Walang imik akong pumasok sa sasakyan niya. Niyakap agad ako ng halimuyak niya matapos makapasok at hindi manlang niya ako tinapunan ng tingin matapos pumasok sa sasakyan. Sinimulan niyang paandarin ang sasakyan at hinayaan ko lang siyang dalhin ako kung saan dahil alam kong pagkatapos nito ay hindi ko na ulit siya makikita.
Nakapagdesisyon na 'ko. Alam kong matutulungan ako ni Kuya Talcott na hindi ituloy ang kontrata. Kung tutuusin, hindi dapat ako nandoon. Hindi dapat ako ang gaganap. Maraming ibang propesyonal na sanay isabak sa mga ganong scene pero ako, nakapasok lang dahil nagkaroon sila sa akin ng utang na loob.
Hindi ko namalayang tumigil na ang sasakyan, nakatingin lang ako sa labas ng bintana habang pinagmamasdan ang paghahalo ng liwanag at dilim. Malakas din ang hangin at doon ko napansin na nasa hindi pamilyar na lugar kami. Inilibot ko ang paningin at nakita ang isang bahay o dapat pa lang sabihing mansyon. Luma na iyon at halatang hindi natitirahan dahil makikita ang kaibahan ng itsura sa mga bahay na may mga nakatira.
"About what you asked, paano mo nasabing pinaglalaruan lang kita?" Dahan-dahan kong ipinihit ang ulo sa kanya, nagtama ang mga mata namin at puno ng pakiusap ang tinig niya. Muli na namang sumikip ang dibdib ko.
"H-Hindi ko a-alam," pagsisinungaling ko.
He breathed heavily and muttered a curse. Ramdam ko sa upuan ang inis niya. Nagsimula siyang tanggalin ang seatbelt at bumaba sa kotse at agad na naglakad papunta sa harap ng pinto ko. Madiin ang titig niya sa akin matapos buksan iyon, wala na ang mga tumatakip sa mukha niya kaya malaya kong natitigan ang mukha ni Akishiro.
"Careful." Pinagsiklop niya ang kamay namin at inalalayan ako pababa. Ang tunog ng mga tuyong dahon ang una kong narinig sa pagbaba matapos ko 'yon matapakan. Muli kong inilibot ang paningin para ituon ang pansin sa paligid. May mga malalaking puno ng acacia, at sa kinatatayuan namin ay malawak na hardin na makikita, sa gitna naman ay may fountain na hindi gumagana.
"Bakit tayo nandito?" mahinang tanong ko, pero hindi niya ako pinansin at sa halip ay inalalayan ako papalapit sa malaking hardin na sa tingin ko ay naalagaan pa dahil sa mga namumukadkad na bulaklak at halos mapanganga ako matapos makakita ng isa pang malaking puno na may nakalatag na sapin sa ibaba. May mga ilaw doon nakalatag at pagkain.
"A-Aki . . ." His eyes remain looking at me with mixed emotion. Nagsimulang manghina ang tuhod ko dahil kasabay ng unti-unting pagdilim ng kalangitan ay ang pagsindi ng iba pang ilaw sa paligid ng hardin.
"Come," mahinang bulong niya at inalalayan ako papalapit sa harapan ng puno. May pagkakataon kaming umupo, pero nanatili kaming nakatayo sa harapan ng isa't isa. Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala sa nakikita sa paligid, hindi man ito kasing bongga ng mga nakikita sa telebisyon, ay masasabi kong sapat na para ihele ang puso ko. Kasama ko siya, at 'yon lang ang mahalaga sa akin ngayon.
"Mom, she's the girl that I was mentioning before." Umawang ang labi ko matapos marinig ang sinabi niya.
Hindi ko maipaliwanag ang umusbong na emosyon sa dibdib ko, masyadong emosyonal at sinsero ang mata niyang nakatingin sa akin, na para bang ako lang ang nakikita niya.
Parang unti-unti'y minamartilyo ang tuhod ko kasabay ng pagkalunod ko sa kanyang tsokolateng mata, walang ibang makikita doon kundi ang sari-saring emosyon na maski ang mata ko ay hindi mapangalanan.
I tried to speak but no words came out. Para akong napipi sa bawat kabog ng dibdib ko, sobrang lakas no'n na para bang wala nang akong marinig pa.
"She's my girl."