ARCHERY
"Cherry?" Agad na bumungad sa akin ang boses ng matandang lalaki pagpasok ko pa lang.
Lumapit ako sa kanya at nagmano bilang pagbibigay ng galang.
"How's your day, Papa?"
"I'm fine. Where have you been?"
"Nagpa-enrol lang po. Si Artemis po?"
"I'm here!" Ang masayahin n'yang mukha ang sumalubong sa akin. "Ano'ng dala mo?"
"Litsong manok. Alam ko na paborito n'yo 'to ni papa."
"Eh, ano? Kumusta naman ang lakad mo?"
"Enrolled na nga ako." Dahan-dahan ko na na itinulak ang wheelchair ni papa papuntang kusina. Nakasunod naman sa amin si Artemis. "Ikaw?"
"Anong ako?" Nilingon ko s'ya at bahagyang nalukot ang maganda n'yang mukha.
"Wala ka bang balak mag-aral— ulit? Sayang din. Isang taon na lang ang bubunuin mo para makapagtapos."
"Oo nga naman, hija. Mabuti na'ng makapagtapos kayong dalawa para hindi kayo mahirapan kapag wala na—"
"Pa??!!" sabay namin na saway sa itinuring na naming ama ni Artemis.
"Matanda na ako, mga anak. Sooner or later, mangyayari ang mga kinakatakutan n'yo."
"My gosh, papa! 67 lang kayo, for Pete's sake! Mas malakas pa nga kayo sa kalabaw, eh. At isa pa, makikita n'yo pa kaming maglalakad sa entablado suot ang mga toga namin. Makikita n'yo pa ang mga apo n'yo sa amin."
"Seriously?" mahina kong bulong kay Artemis nang sabihin n'ya ang huling mga kataga. Kinindatan n'ya lang ako.
"Paano ko naman kayo makikita, alam n'yong bulag ako, 'di ba? Mga batang 'to talaga."
Nagkatinginan kami ni Artemis.
"Kumain na ho muna tayo."
Tahimik namin na pinagsaluhan ang nasa hapag-kainan.
Hindi kami totoong anak ng itinuturing namin na ama. Pero bata pa lang kami ni Artemis ay si Papa Antonio na ang nag-aruga sa amin. Tinuring n'ya kaming mga sarili n'yang anak.
Tumira kami sa isang isla sa Leyte rati. Doon kami lumaki ngunit matapos namin na makapagtapos ng Elementary ay napagpasyahan ni papa na rito na kami manirahan sa Maynila.
Dahil sa kahirapan ng buhay ay naging matatag kami ni Artemis. Matatag sa lahat ng bagay.
Si Artemis naman ay hindi ko rin kadugo. Pero itinuturing namin na kapatid ang bawat isa. Kapag may kumanti sa isa, sigurado na ipagtatangol ka ng isa.
Life is full of shits!
Dudumugin ka ng 'sangkaterba na problema kahit pa nakalugmok ka na.
First year high school kami nang may mga kabataang lulong sa droga ang pumasok sa barong-barong namin. Ang insidenting 'yon ang naging dahilan nang pagkabulag ni papa.
And the rest is history.
"Bakit tila ang tahimik ng mga anak ko?"
"Kasi naman, Papa, 'di ba at sinabi na namin na ayaw namin na nagsasalita ka tungkol sa bagay na ikakahiwalay n'yo sa amin?"
"Inihahanda ko lang kayo sa mga bagay na madali't-malaon ay maaaring mangyari."
Nagkatinginan kami ni Artemis.
"Papa, hindi mangyayari 'yang sinasabi mo, okay? Dahil makikipagpatayan kami kay kamatayan kapag kinuha ka n'ya. Pangako 'yan!" Sa gitna ng pag-iyak ay matatag ang mga salitang binitiwan ni Artemis. Artemis is vulnerable when we talked about death. Tulad ng parati n'yang sinasabi sa akin: "Walang pwedeng manakit sa inyo ni papa, Rere. Hindi na ako papayag na may makapanakit sa inyo tulad ng mga nangyari sa nakaraan."
"Ako ba'y may hindi nalalaman tungkol sa inyong dalawa?"
Hindi kami nakapagsalitang dalawa sa tanong ni papa.
"Ohh, bakit natahimik kayo? Baka naman nagagaya na kayo sa mga kabataan na sumasali sa gang. Alam n'yong—"
"Hala s'ya! Si Papa, masyadong eksaherado." Bumalik na naman ang natural na sigla sa boses ng kapatid ko.
"Papa, actually, may sasabihin sa iyo si Artemis."
Naging biglaan ang paglingon n'ya sa gawi ko.
"Why me?" she mouthed.
"Magaling kang magsinungaling, eh." Sinabi ko rin nang walang tinig kasabay ng pag-peace sign.
"What is it?" tanong ni Papa.
"Naalala n'yo pa po si Mico?"
Si Mico ay ang binatang nagligtas sa amin sa kamay ng mga kabataang lulong sa droga. Tulad namin ni Artemis, wala rin itong maituturing na pamilya kaya kinupkop ito ni papa. Nakasama namin s'ya ng apat na taon hanggang sa matapos ang gradwasyon nito sa sekondarya. Nagpaalam ito sa amin upang makipagsapalaran sa ibang bansa.
Bago umalis ay nangako itong tutulungan kami sa oras na guminhawa ang buhay n'ya.
At iyon nga ang ginagawa nito ngayon.
"'Yong batang tumulong sa atin dati?"
"Iyon mismo!" Exaggerated, ey? "Okay na kasi ang buhay n'ya ngayon kaya tinutupad n'ya ang pinangako n'ya."
Tahimik lang akong kumakain habang nakikinig sa simula ng diskusyunan nilang dalawa.
Hindi si papa 'yong tipong nagmamadali sa mga bagay-bagay. Ni ayaw n'ya nga na pag-usapan namin ang tungkol sa pagpapa-opera n'ya para makakita na uli s'ya.
Kapag tinatanong naman namin s'ya ni Artemis tungkol sa mga mata n'ya, sinasabi n'ya lang palagi na: "'Wag ako ang intindihin n'yo. Gusto ko na makapagtapos kayo. 'Yang pera na itinabi n'yo, ilaan n'yo sa pag-aaral n'yo. Ayoko rin na gumawa kayo ng masama para lang makakita uli ako."
Kapag ganoon na kaseryoso si papa ay hindi na namin s'ya kinukulit.
Pero nangako kami, eh!
Nangako kami na makikita uli ni papa ang mundo.
Kung ang iba ay tila walang halaga sa kanila ang salitang pangako. Sa amin ni Artemis ay hindi. Dahil kapag nagbitaw kami ng salitang pangako, tinutupad namin 'yon.
Come hell or high water!
"Bakit hindi s'ya dumadalaw rito?" Nabalik ang atensyon ko sa kanila nang magsalita si papa.
"Nasa London pa kasi s'ya. Pero sabi n'ya na one of this day, uuwi s'ya para sunduin ka."
"Bakit hindi na lang kayo sumama na dalawa?"
Magkasabay kaming napangiwi ni Artemis.
"Kasi, Papa, nag-aaral pa kami, remember?"
"May asawa na ba si Mico?"
Ako ang sumagot. "Wala pa po."
"Kung ganoon ay papayag ang kapatid n'yo na roon na rin kayo."
Alam namin na hindi malayong mangyari 'yon. Kung susumahin ay 'yon din ang gusto ni Mico pero ayaw naming pareho ni Artemis.
"Nag-aalala ako sa mga kinikilos n'yong dalawa. Hindi ko man kayo nakikita ay nararamdaman ko kayo. Sana ay wala kayong ginagawa na maaaring ikapahamak n'yo."
Napabuntong-hininga ako.
Sorry, papa...
"Kung hindi kayo sasama ay mas gugustuhin ko na hindi na makakita pa. Hindi ako kampante na maiwan kayo rito pareho."
Gusto ko sanang sabihin na susunod na lang kami pero natatakot ako na makapagbitiw ng salitang hindi namin kayang gawin.
"Pwede naman kayong bumalik dito kapag maayos na talaga ang lagay n'yo, 'Pa." Mabuti na lang at nagsalita si Artemis.
"Pinapaalis n'yo ba akong dalawa? Nagsasawa na ba kayo sa pag-aalaga sa akin?"
"Hindi ganoo—"
Hindi na namin natapos ni Artemis ang sasabihin nang ipinihit ni papa ang wheelchair n'ya. "Matutulog na ako," sabi niya bilang pagtatapos sa usapan namin.
Hating-gabi na pero hindi pa rin ako dalawin ng antok dahil sa nangyari kanina. Masakit isipin na mawawalay sa amin si papa pero gusto namin na mas nasa maayos s'yang kalagayan.
"Rere, bakit gising ka pa?"
Humarap ako sa gawi ni Artemis. "Oo. Naging mailap sa akin ang antok dahil sa sinabi ni papa kanina."
"'Wag mo nang alalahanin 'yon dahil kilala mo naman si papa. Nagtatampo lang 'yon. Kumusta ang araw mo kanina?"
"Maayos naman. May nakita akong trabaho malapit sa paaralan na papasukan ko. Ikaw?"
"Pinaunlakan ko na ang imbitasyon ni Manolo. Mas mabuti na 'yon para hindi na nagpapadala ng mga daga n'ya sa hide-out. Mas mabuti na ang mag-ingat."
"Salamat."
"Magkapatid tayo. Tayo-tayo rin ang dapat na magtulungan. Ang tanging inaalala ko lang ay si papa. Sana magbago ang isip n'ya."
"Tingnan natin kung ano'ng magagawa ni Mico upang makumbinsi si papa. Good night."
"Good night."
At tumahimik ang loob ng silid namin.