ARTEMIS
Sanay naman akong tahimik si Rere, pero alam mo 'yon? Tila may kakaiba, e. Sobrang tahimik n'ya talaga ngayon. Kami nagkakasiyahan tapos siya? Ayon, ngingiti nang kunwari kapag tumatawa kami. Duh? Mall kaya 'tong pinuntahan namin hindi simbahan. Ilang stores na ang napuntahan namin pero parang lobo, lutang s'ya palagi. Sarap paputukin! Joke lang.
But, honestly, ilang araw ko na s'yang napapansin na ganyan. Hindi ko nga lang matanong dahil naghihintay ako na s'ya na mismo ang magkusa na magsabi sa akin ng totoo.
Sasagot lang kapag tinatanong mo. Minsan pa, tango lang ang sagot sa mga tanong ko.
"Are you okay?" Iniangat ko ang paningin ko kay Mico nang magtanong ito. Kay Rere siya nakatingin.
"Bakit?"
"You're different, or maybe it's because ngayon lang uli tayo nagkita sa loob ng maraming taon."
"Ano ka ba naman, Mico?" Inagapan ko agad ang pagsagot para hindi na masyadong mag-usisa ang kinikilala naming kuya. "Alam mo naman na ganyan 'yan, e. Dati pa nga, 'di ba? May amnesia lang?"
"Kuya..." halos sabay na sabi ni Mico at papa.
"Ay, kuya pala." Sabay peace sign. "Pupunta ba tayo sa looban, Rere?"
"Saang looban?" Si Mico.
"Doon sa lugar ng mga batang tinuturuan nila. Namimigay rin 'yang mga kapatid mo ng mga pagkain at kagamitan sa mga bata na nandoon." Proud na sagot ni papa kaya nginisihan ko si kuya.
"Why didn't you tell me?"
"Ay, imbyerna 'to. Kelangan talaga mag-eninglis ka sa harapan namin? Dollar, dollar, how I wonder? Ganoon?"
"Shhh, Artemis," saway ni papa.
"Sa ating lahat, ikaw lang ang maingay. Hindi ka ba napapagod magsalita nang magsalita?" Sumabat na rin sa amin si Athena na abala ang kamay sa katutusok sa kinakain n'yang pasta.
"Mas mahirap naman na mapanisan ng laway, no? Ang baboy kaya noon." At nagtawanan kami—syempre, maliban na naman kay Rere. What's wrong?
"Ilang mga bata ba ang tinuturuan n'yo, Archery?" Si kuya Mico lang ang tumatawag kay Rere sa buong pangalan nito.
"Depende,"
"Depende, saan?"
"Sa mga batang dumadalo."
"Isang tanong, isang sagot
Hindi na nga paikot-ikot." Kumanta na si Harper. Harper has a voice—bigtime! 'Yong tipong may ginagawa ka na importante, tapos bigla s'yang kakanta, nako, panigurado, titigil ka sa pagkanta para mag-focus sa kanya. Idagdag pa na sobrang cute n'ya! S'ya ang pinakamaliit sa amin. Small but terrible! Tsa!
"Kahit basic Arithmetic, Archery, pwede mong i-apply. Gusto ko lang ng malinaw na sagot." Si Mico, s'ya 'yong tipo ng tao na mahaba ang pasensya. Pero sa oras na humulagpos ang pasensya n'ya, maghanda ka nang masigawan.
"Minsan kasi, may mga batang mas pinipiling maglaro kesa matuto. 'Yong ibang bata naman, kapag nandoon na at nakikinig sa mga itinuturo namin, tinatawag ng mga magulang para utusan."
"Mantakin mo 'yon? Naka-29 words ka? Ito na ang pinakamahabang sinabi mo simula kaninang pagpasok natin dito sa mall. Biscuit! Biscuit!" Sarkastiko kong sabi at pumalakpak pa.
"Ano'ng biscuit?" Nakataas ang kabilang labi ni Harper nang magsalita.
"Bravo. Hindi ba at biscuit, 'yon?"
"Hahaha, ang witty noon, sis." Nag-apir kami ni Athena.
"Pero 'yong 29 words, nabilang mo ba talaga?" Usisa uli ni Harper. Nang-aasar. Ginagatungan pa ako.
"Basic Arithmetic lang, Harper, hindi mo pa ma-apply?" At nag-apir kaming tatlo habang nagtatawanan.
"Ano? Tutungo pa ba tayo roon?" Seryoso talaga s'ya. Pero buti at hindi s'ya nakasimangot.
"Oo," tumayo ako, "Tatawagan ko na si Lisa para sabihin na pupunta na tayo."
"Let's go." Nakita ko na tumayo na rin si kuya bago ako tumalikod.
Ilang minuto lang naman ang naging pag-uusap namin ni Lisa.
"Mamili na muna tayo ng mga pagkain, gamit ng mga bata at mga laruan."
"Naks, bigtime na talaga si big bro. Pero bakit kelangan na may mga laruan?" Usisa ko.
"Hindi ba nga at may mga bata kamo na mas pinipili na maglaro kesa makinig at matuto? Gawin n'yong pain ang laruan para makuha n'yo ang atensyon nila."
"Ganoon din 'yon. Tingnan mo mamaya, kapag naibigay mo na 'yang mga laruan at pagkain, magkakanya-kanyang pulasan na ang mga bata."
"Ibahin n'yo ang strategy n'yo sa pagtuturo. 'Yong paraan na masisiyahan sila and at the same time matututo sila."
"Okay."
Ilang oras pa lang uli nang makasama namin si kuya ay matinding paghanga na ang naramdaman ko sa kanya. Humahanga ako dahil sa pagsasalita n'ya: malalim, malaman at direkta. Natutumbok ng bawat salita n'ya ang gusto n'yang sabihin sa kausap n'ya. Iba na s'ya sa Mico na nakilala namin dati.
"Buti naman at naisipan n'yo ang ganito? Ang tumulong sa mga nangangailangan." Tanong ni kuya habang kasalukuyan na naming binabagtas and daan papunta sa tinatawag namin na looban.
Sasagot na sana ako pero naunahan ako ni Rere.
"Mas mabuti na may alam sila para hindi matulad ang kapalaran nila sa naging kapalaran natin." Napangiwi ako sa sagot n'ya. Problema nitong babaeng 'to? Bahagyang tumikhim si papa. "At isa pa, 'yong mga magulang ng ibang kabataan, kahit bigyan mo lang ang anak nila ng plastic para sa Halloween upang makapag-tricks or treats ang mga anak nila, matutuwa na sila."
Gusto ko sanang tumawa sa sinabi ng bunso namin kaso seryoso naman ang mga kasamahan ko.
"Tama ka, Cherry. Ang mga maliliit na bagay basta bukal sa puso mo na ginawa, makapaghahatid 'yon ng kakaibang kasiyahan sa puso ng naabutan mo ng tulong." Masaya ang boses ni papa kahit pa blanko ang mukha n'ya habang nagsasalita. He's very proud of us. I know. "Masaya ako at hindi naging hadlang sa inyo ang katayuan natin sa buhay."
"Andito na tayo," anunsyo ni Harper na agad na inayos ang gitara n'ya.
Sinalubong kami ni Lisa na nahalata ko kaagad ang pamumugto ng mata.
Si kuya na ang nagtulak sa wheelchair ni papa habang ang mangilanngilang bata ay sinalubong na kami. Ang mga magulang naman ang nagbitbit ng mga dala naming pasalubong para sa kanila.
"Ano'ng nangyari sa'yo?" Habang naglalakad ay hindi mapigilan na mag-usisa ni Athena kay Lisa.
"Oo nga. Tila magdamag kang umiyak. Ano'ng ganap?"
"Si Bryan."
"The who?" taas ang kilay na tanong ko.
"Boyfriend ko. Ex na pala."
"Si Tigidig?" Siniko ako ni Rere dahil sa sinabi ko. "Bakit? Totoo naman, ah. I'm just being honest here. Buti nga at naghiwalay sila. Kala mo naman kung sinong gwapo 'yong mukhang pakwan na 'yon. Ang ganda mo girl para lang bumagsak sa kanya."
"Ang dami mo nang sinabi." Saway sa akin ni Harper. "Pag-aralan mo kaya kung kelan pwedeng magpreno 'yang bibig mo."
"Wala kayang masama sa pagiging honest. Aba, kung pwede ko lang na pukpukin ng bato 'yang kaibigan natin, ginawa ko na para naman matauhan."
"Hayaan mo muna na magkwento si Lisa. Makinig ka na muna." Bulong na drin sa akin ni Rere. "Ano ba ang nangyari?"
"Bryan cheated on me. Kilala n'yo si Marie?"
Tumango kami.
"'Yong pokpok?"
"Ay, iba ka rin, Harper. Nasaan na 'yong sinabi mo na matutong magpreno? Asan na, aber?"
"Oo. 'Yong babae palagi na nasa kanto. Si Magdalena."
Tumawa ako nang tumawa kaya sinamaan ako ng tingin ng mga kapatid ko. "Sorry," natatawa pa rin na saad ko. "Wala ka talagang panama kay Marie, Lisa. Alam mo kung bakit? Dahil lisa ka lang, higad 'yon. Ang lisa, makati lang sa ulo. Pero ang higad, pwede na mangati buong katawan mo."
Nagtawanan kaming lahat sa sinabi ko.
Sa totoo lang, ayoko talagang mapag-usapan ang tungkol sa pag-ibig. Ano ba ang maipapayo ko sa mga broken hearted? Wala. Isa nga ang puso ko na dapat din na ayusin.
Ayoko na may mapalapit sa puso ko maliban sa mga itinuring ko na kapatid at ama. Mahirap na. Ayokong magkaroon ng responsibilidad sa kahit na kanino.
At kung dumating man ang araw na magmahal ako. Gusto ko na nabigyan ko na ng kasagutan ang mga katanungan na bumabagabag sa isipan ko.
Nagpakawala ako nang malalim na buntonghininga.
"Are you okay?"
Nginitian ko si Rere at inayos ang ilang hibla ng buhok na nasa mukha n'ya.
"Bilisan n'yo na at nandito na ang mga tuturuan n'yo!" Mula sa ilang hakbang ang layo sa amin; sumigaw na si kuya. Tanaw na rin namin ang kumpol ng mga bata na naka-upo sa kubol.
"Sandali lang namin na tuturuan 'tong mga bata at kelangan din na makapagpahinga ni papa at kuya. Ikaw na lang ang bahalang mag-distribute ng mga dala namin sa mga bata at matatanda, okay?" Pakiusap ko pa kay Lisa na kababakasan na ng kaunting kasiyahan ang mukha.
Kausap lang talaga ang kelangan ng isang tao na may problema. Kelangan ng mga taong may problema ang makikinig at makakapagpagaan ng kalooban nila.
Napag-usapan na namin na ako na lang muna ang magtuturo sa mga bata total at isang oras lang ang gugugulin namin dito ngayon.
"Magandang tanghali sa inyong lahat." Panimula ko.
"Magandang tanghali din po, titser." Sabay-sabay nilang sagot sa akin.
"Ang tatalakayin natin ngayon ay tungkol sa Matematika. Sino ang marunong na rito ng additional?"
Napalatak ako ng palihim nang walang nagtaas ng kamay. Dapat ay tinuturuan na ng mga magulang ang mga anak nila kahit mga basic lang.
Bago pa ako lamunin ng iritasyon ay sinimulan ko na na magturo ng basic Math. Tulad ng 1+1 at 2+1. May mga bata na nakakakuha agad ng mga sinasabi ko, mayroon naman na hindi, kaya nagbigay ako ng mga sample na mas maiintindihan nila.
"Ganito 'yon," tama naman at may tanim na bayabas na kalapit ko kaya 'yon ang ginamit ko na example. Pumitas muna ako ng isang bayabas at ipinakita sa kanila. "May isa akong bayabas na hawak. Kapag pumitas uli ako ng isa. Ilan na ang magiging hawak ko na bayabas?" May nagtaas ng kamay na batang babae kaya natuwa ako. "Elsa?"
"Dalawa na po."
"Very good, Elsa."
May nagtaas uli ng kamay. "Bakit, Junjun?"
"Titser, titser, paano po kapag ang bayabas ay pinulot lang dahil nalaglag, bibilangin din po ba 'yon?"
Wh-What the heck?
At nagtawanan kaming lahat. Maging si papa ay natawa rin sa narinig.
Sa huli ay tumayo na Mico at s'ya na ang nagpaliwanag at nagturo sa mga bata.