CHAPTER 4: Ang Mansyong Hindi Umiiral

1358 Words
Kung may isang bagay na agad kong natutunan sa gabing iyon, iyon ay ito— walang kahit anong pag-aari si Mr. Montenegro na normal. Hindi ang mga sasakyan niya. Hindi ang mga taong sumusunod sa bawat kilos niya. At lalong hindi ang lugar kung saan niya ako dinala matapos ang pagtitipon. Tahimik ang biyahe. Hindi iyong katahimikang komportable— kundi iyong klase ng katahimikan na may nakatagong banta sa bawat segundo. Nasa likod kami ng isang itim na kotse, mas madilim pa sa gabi ang salamin. Sa labas, mabilis na lumilipas ang mga ilaw ng lungsod, hanggang sa unti-unting nawala ang mga gusali, tindahan, at ingay ng Prague. Napansin ko iyon una sa kawalan ng tao. Sunod, sa kawalan ng ilaw. Hanggang sa tila kami na lang ang gumagalaw sa isang bahaging hindi kasama sa mapa. “Hindi ito mukhang residential area,” sabi ko, sinisikap gawing kalmado ang boses. Hindi siya agad sumagot. Nakaupo siya sa tapat ko, tuwid ang likod, magkalapat ang mga kamay. Kahit sa loob ng sasakyan, dala niya ang presensya ng isang lalaking sanay sundin. “Hindi rin talaga,” sagot niya kalaunan. “Kung ganoon, saan tayo pupunta?” Tumingin siya sa akin ng direkta, walang paligoy-ligoy. “Sa lugar na hindi dapat alam ng karamihan.” Tumigil ang sasakyan sa harap ng isang malaking bakal na gate. Walang pangalan. Walang ilaw. Walang palatandaang may nakatira roon. Kung hindi dahil sa bigat ng pintuang bumukas, iisipin kong maling lugar ito. Pumasok kami. At doon ko unang nakita ang mansyong sinasabi niyang hindi umiiral. Malawak, tahimik at masyadong perpekto. Puting marmol ang sahig, malamig sa ilalim ng aking mga paa. Ang kisame ay mataas, parang simbahan, at ang bawat hakbang ko ay may kaakibat na echo na parang nagpapaalala na kahit maliit na tunog, may nakikinig. “Walang staff?” tanong ko, napapatingin sa paligid. “Mayroon,” sagot niya. “Hindi mo lang sila makikita.” Hindi iyon nakapagpakalma sa akin. Isang lalaki ang lumapit, yumuko nang bahagya kay Mr. Montenegro bago ibinaba ang tingin sa akin. Wala siyang sinabi at doon ko mas naramdaman ang bigat ng lugar na ito. “Dalhin mo siya sa silid,” utos ni Mr. Montenegro. Sandaling nag-alinlangan ang lalaki. “Sir...” “Ngayon.” Tumango ito agad. Habang sinusundan ko ang lalaki sa isang mahabang hallway, ramdam ko ang mga matang hindi ko nakikita. Para akong iniinspeksyon, tinitimbang kung gaano ako kahalaga, o kung gaano ako kadaling palitan. Huminto kami sa harap ng isang pintong kahoy. “Dito po,” sabi niya. Pagpasok ko, isang silid ang bumungad ay simple, ngunit elegantecat malinis. Walang personal na gamit, parang hotel room na walang kaluluwa. Ilang minuto lang ang lumipas bago bumukas muli ang pinto. Si Mr. Montenegro. Isinara niya iyon sa likod niya, dahan-dahan. “Malaya kang gumalaw dito,” sabi niya. “Pero may mga lugar na bawal.” “Gaya ng?” tanong ko. “Lahat ng hindi mo nakikita.” Napatango ako. “At kung lumabag ako?” Lumapit siya. Hindi mabilis. Hindi mabagal. Saktong bilis para ipaalala sa akin na kontrolado niya ang bawat distansya sa pagitan namin. “Hindi ka lalabas ng buhay.” Diretso at walang emosyon. Huminga ako nang malalim, “Hindi ka rin mahilig sa pagbabanta, ano?” “Hindi,” sagot niya. “Mahilig lang ako sa katotohanan.” Tumahimik kami. Hanggang sa marinig ko ang sariling tanong na matagal ko nang kinikimkim. “Bakit ako?” Tumigil siya. At sa unang pagkakataon mula nang makilala ko siya, nakita kong bahagyang nagbago ang ekspresyon niya hindi awa, hindi galit kundi pagsusuri. “Dahil nakita mo ang hindi dapat,” sagot niya. “At dahil masyado kang matalino para mamatay agad.” “Papuri ba iyon?” “Babala.” Lumapit pa siya nang isang hakbang. “Sa mansyong ito,” sabi niya, “wala kang pangalan, wala kang proteksyon. Ang tanging dahilan kung bakit ka humihinga ngayon...” Itinaas niya ang kamay ko. Hinawakan ang pulso ko. Mahigpit, pero hindi masakit. “...ay dahil pinili kong manatili ka.” Binitiwan niya ako. “Magpahinga ka,” dagdag niya. “Bukas, magsisimula ang mga patakaran.” “Anong mga patakaran?” Ngumiti siya, isang ngiting walang init. “Ang mundo ko,” sagot niya, “ay hindi para sa mahihinang loob.” Hindi agad ako nakatulog. Kahit nakahiga na ako sa kama, kahit tahimik na ang buong mansyon, gising ang bawat hibla ng katawan ko. Ang katahimikan dito ay hindi mapayapa, parang naghihintay. Parang may nakatagong mata sa bawat sulok, binabantayan kung gagalaw ako nang mali. Tumayo ako at dahan-dahang lumapit sa bintana. Sa labas, puro dilim. Walang ilaw ng kalye. Walang kapitbahay. Walang kahit anong palatandaang may ibang buhay maliban sa lugar na ito. Para akong nasa isang isla na sadyang tinanggal sa mundo. Isang hawla. At ako ang bagong ipinasok. Bigla kong naisip... kung gusto niya akong patayin, ginawa na niya. Kung gusto niya akong itago, sapat na ang lugar na ito. Ibig sabihin… may mas malaki pa siyang plano. May kumatok nang marahan sa pinto. Napatalon ako. “Pasok,” sabi ko, kahit nanginginig ang boses ko. Isang babae ang pumasok, may dalang tray ng pagkain. Hindi siya tumingin diretso sa akin na parang bawal. “Para po sa inyo,” sabi niya, inilapag ang tray sa mesa. “Kung may kailangan kayo, pindutin n’yo lang ang button sa gilid ng kama.” “Anong oras na?” tanong ko. “Lampas hatinggabi na po.” Tumango ako. “Salamat.” Hindi siya agad umalis. Sandali siyang nag-atubili bago nagsalita ulit. “Miss,” mahina niyang sabi, “huwag po kayong lalabas ng silid na ito nang mag-isa. Lalo na sa gabi.” “Bakit?” tanong ko. Saglit siyang tumingin sa pinto na parang natatakot may makarinig. “Hindi lahat dito… may pasensya.” Umalis siya agad pagkatapos noon. Nanatili akong nakatayo, mas bumigat ang dibdib. Hindi lang pala si Mr. Montenegro ang dapat kong katakutan. Lumipas ang ilang minuto bago ako muling umupo. Tiningnan ko ang pagkain—maayos, mainit, parang hotel. Pero wala akong gana. Ang isip ko’y paulit-ulit bumabalik sa isang tanong: Hanggang kailan ako mananatili rito? Hindi ko namalayan na bumukas muli ang pinto. Si Mr. Montenegro ulit. Wala na ang amerikana niya. Puting kamiseta na lang, bahagyang bukas sa leeg. Mas delikado ang itsura niya sa ganitong ayos, mas tao, mas totoo. “Hindi ka kumakain,” sabi niya. “Hindi ako gutom.” “Dapat ka,” sagot niya. “Hindi ka pwedeng manghina rito.” Napailing ako. “Hindi mo pa rin sinasagot ang tanong ko.” “Alin?” “Hanggang kailan?” Lumapit siya sa mesa, tumingin sa tray bago ibinalik ang atensyon sa akin. “Hanggang masigurado kong ligtas ka.” “At paano kung hindi kailanman mangyari iyon?” Sandaling tumahimik siya. “Kung ganoon,” sabi niya, “dito ka mananatili.” Nanlamig ako. “Habambuhay?” “Kung kinakailangan.” Tumayo ako. “Hindi mo pwedeng ikulong ang isang taong walang kasalanan.” Humakbang siya palapit, hindi galit at hindi rin kalmado. Isang bagay sa gitna na mas delikado. “Hindi ka walang kasalanan,” mababa niyang sabi. “Nakita mo ako, narinig mo ang usapan at buhay ka pa.” Huminto siya sa harap ko. “Iyon pa lang,” dagdag niya, “kasalanan na sa mundo ko.” Nagtagpo ang tingin namin. Wala akong nakitang kasinungalingan. Wala ring awa. “Matulog ka,” sabi niya sa huli. “Bukas, hindi ka na bisita.” “Ano ako, bukas?” tanong ko. Sandali siyang tumingin sa akin, mas matagal kaysa kanina. “Bahagi ka na ng teritoryo ko.” At tuluyan siyang lumabas. Umalis siya, iniwan akong mag-isa sa silid na tila masyadong tahimik para maging ligtas. Umupo ako sa gilid ng kama, pinipigilan ang panginginig ng mga kamay ko. Ang mansyong ito ay hindi umiiral sa mga mapa. Ngunit malinaw sa akin ang isang bagay— Kung mabubuhay ako rito, kailangan kong matutong huminga sa mundong hindi akin. At kung mabibigo ako… Hindi ako basta mawawala. Ako’y mabubura.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD