ARRA
SABADO ngayon at late akong nagising. Nang sulyapan ko ang oras sa wall clock ay mag-aalas-diyes na ng umaga. Hindi naman ako mag-o-open ng store kaya okay lang. Talagang ganitong oras ang gising ko kapag Sabado at Linggo.
Bumaba ako sa kama ko at hinawi ang mga kurtina para mabuksan ko ang mga nakasarang bintana. Agad sumalubong sa akin ang maliwanag na sikat ng araw. Dahil tanghali na, parang mapapaso na ang balat ko sa init niyon.
Pagkatapos magligpit ng higaan ay dumiretso ako sa bathroom para magshower. Mamaya na ako maliligo. Nagbabalak din kasi akong lumabas para maggrocery. Wala na din kasi akong mga stocks. Ang ref ay halos wala na ding laman. Maglilinis pa ako dito sa bahay kaya useless din lang kung maliligo na ako ngayon. Mangangamoy pawis lang din ako.
Nang makapagbihis ng pambahay ay bumaba na din ako. Naabutan ko si Gummy na nakahiga sa sofa. Pero ng makita niya ako ay agad itong tumakbo papalapit sa akin. Sinundan niya ako hanggang sa kusina. Natatawa na lang ako sa kakulitan niya.
Agad naman akong kumuha ng pagkain niya at binigyan na ito. Dahil late akong nagising I'm sure gutom na gutom na ito.
Hindi ko siya katabi matulog. May sarili siyang higaan dito sa sala. Maingay kasi siya sa gabi lalo na kapag dudumi. Nanggigising siya. Madalas tuloy akong mapuyat sa kanya.
Kaya ang ginawa ko na lang ay naglagay ako ng higaan niya sa sala tapos tinuruan ko na lang siyang dumumi sa floor ng CR. Nililinis ko na lang 'yon. Pero noong lumaki na siya ay nag-open na lang ako ng isang bintana para may lalabasan siya at papasukan. Sa labas na din siya dumudumi.
Pagkatapos kung makapagkape at kumain ng toasted bread ay nagsimula na akong maglinis. Nagtanggal ng agiw, naglinis ng bintana, nagmop sa tiles na sahig at kung ano-ano pa na puwedeng gawin dito sa bahay. Minsan lang ako makapaglinis ng maayos kaya ginagawa ko na lahat.
Bukod sa pagod na pagod ako, tagatak na din ako sa pawis ng matapos ako. Ikaw ba naman ang maglinis ng dalawang palapag na bahay na may apat na kuwarto? Ewan ko lang.
Nang sulyapan ko ang oras ay alas dos na. Gutom na gutom na din ako ng mga sandaling 'yon. Parang hihimatayin na ako sa sobrang pagod at gutom. May inorder na ako kaninang pagkain sa online at nai-deliver na din.
Agad na din akong kumain ng makapagpunas ako ng pawis at makapahugas ng kamay. Kapagkuwan ay umakyat ako ng kuwarto para maligo na din. Hindi ko na din kasi matiis ang nanlalagkit kong pawis. Hindi na ako mapakali. Parang nangangati na ang balat ko.
Pagkatapos maghubad ay dumiretso na ako sa bathroom para maligo. Ilang minuto din akong nagbabad doon. Sinulit maligo.
Nahiga ako sa kama ko pagkatapos magbihis at magblower ng buhok. Parang gusto kong matulog muna. Nararamdaman ko kasing namimigat ang mga talukap ng mga mata ko.
Nang sulyapan ko ang oras sa wall clock ay alas- tres na. Mga four or four thirty siguro ako lalabas para mag-grocery. Itutulog ko muna saglit. Mag-alarm na lang ako.
Umayos ako ng higa at ipinasyang matulog muna. Pagod din kasi ako sa paglilinis kaya gusto ko munang magpahinga.
MAG-four thirty na ng hapon ng ipinasya kong lumabas. Hindi ko na pinalitan ang suot kong white T-shirt at maong shorts. Ipinusod ko lang din ang buhok. Hindi na kailangang magpaganda dahil maggo-grocery lang naman ako. Slippers na nga lang din sana ang isusuot ko pero nagbago ang isip ko. Nagflat sandals na lang ako para hindi naman masyadong halatang nakapambahay lang ako.
Pagkatapos bigyan ng pagkain si Gummy ay lumabas na ako. Dumiretso na ako sa labas ng gate dahil inilabas ko na kanina ang sasakyan ko para hindi na masyadong abala pa sa akin.
Agad ko na ding pinaandar 'yon. Ayaw ko sanang gamitin itong sasakyan ko pero no choice ako ngayon. Marami kasi akong bibilhin ngayon.
Sa pinakamalapit na supermarket na lang din ako nagpunta. Nang maiparada ang sasakyan ko sa parking lot ay agad na din akong bumaba at pumasok sa loob.
Kumuha na agad ako ng cart at namili na ng bibilhin ko. Hindi ko na naalalang maglista ng mga wala sa bahay. Nanguha na lang ako ng mga alam kong mga kailangan. Hindi naman masasayang.
Habang nangunguha ako ng mga cup noodles ay may bigla na lang bumangga sa akin. Nabitawan ko tuloy ang mga hawak ko at bumagsak sa sahig.
Wala sa loob na napamura ako sa sobrang inis. Nanggigil na pinulot ko na lang agad ang mga nagkalat na cup noodles sa floor.
Nang tumayo ako at mag-angat ng tingin ay pamilyar na mukha ang sumalubong sa akin. Kahit nakamask ito at nakasuot ng cap ay hindi maikukubling si Nicho ang nakatayo sa harap ko ngayon. Nakafitted shirt ito at nakamaong pants saka nakarubber shoes. Anlayo sa porma niyang lagimg nakasuot ng pormal. Parang bumata at lalong gumuwapo tuloy ito.
Kinalma ko ang sarili ko at kinompronta ito sa ginawa niya.
"Why would you do that?" Hindi ko na naikubli ang inis ko.
Bakit ba kasi andito na naman siya? Ano naman kayang ginagawa niya dito? Nakakagigil lang dahil kung sino pa 'yong taong ayaw mong makita siya pang lagi mong nakakatagpo.
"So kasalanan ko pa ngayon?" nakataas ang isang sulok ng labing tanong nito. Sinalubong niya ako ng matiim na titig.
"Hindi ba? Binangga mo nga ako, e," matapang kong sabi. Anong gusto niyang palabasin ako pang may kasalanan?
Tumawa ito ng nakakainsulto.
"Excuse me? Nakaharang ka kaya sa daan. Tapos saka ka magrereklamo kapag nabangga ka?" Tila nang-aasar nitong sabi.
Inis na inilagay ko ang mga hawak ko sa cart saka hinarap ito.
Patawa ba siya? Ang lawak-lawak ng daan tapos sasabihin niya nakaharang ako.
"Hello? Nakita mo naman siguro nasa gilid ako. At napakalawak ng daan. Ano ka bulag para hindi ako makita?" Pilit kong kinakalma ang sarili ko pero hindi ko na talaga mapigilan. Sino ba namang hindi maiinis sa ganitong klaseng lalaki? Siya na nga itong may kasalanan napakayabang pa!
Buti na lang talaga walang ibang tao dito sa kinanaroroonan namin kundi pareho kaming nakakahiya kapag napansing nag-aaway kami.
"Simple lang. Kung hindi ka nakaharang diyan hindi ka mababangga," nakataas ang isang kilay na sabi nito.
'Help me, Lord. Mukhang maha-high blood na yata ako!' sa isip-isip ko.
Pero mabuti sigurong huwag na lang patulan ito. Kilala ko siya. Hindi ito magpapatalo kahit siya pa 'yong mali. He's full of pride! Ganung tao siya.
"Ang dami mong sinasabi. Hindi mo na lang aminin talagang sinadya mo," buwiset kong sabi bago ito ipinasyang tinalikuran. Hindi ko alam kung anong naging reaksiyon niya. Hindi na ako nag-abalang lingunin pa siya.
Magsasayang lang ako ng oras kapag patuloy pa rin akong makikipag-away sa kumag na 'yon. Manggigil ka lang sa kanya sa sobrang buwiset.
Ipinagpatuloy ko na lang ang pamimili. Sinikap ko na lang na iwaksi sa isip ko ang nangyari. Wala din namang buting idudulot 'yon kundi inis.
Nang makuha ko na lahat ng mga kailangan ko ay pumila na din ako agad sa cashier para magbayad. Malaki-laki din ang bill ko dahil marami akong pinamili ngayon. Tama lang para hindi ako pabalik-balik maggrocery.
Pagkatapos maisakay ng bagger ang mga pinamili ko sa likod ng sasakyan ko ay pinaandar ko na din agad 'yon. Saktong palabas na ako ng parking lot ng may naramdaman akong malakas na kalabog sa likod ng sasakyan ko.
Hindi ko alam kung naatrasan ko ba 'yon o binangga ako ng nasa likuran ko. Pero medyo kinabahan ako ng mga oras na 'yon.
"f**k!" malakas kong mura saka inihinto ang sasakyan ko. Agad akong bumaba para komprontahin ang driver at para tingnan na din ang sasakyan ko. Naisip ko tuloy kung bakit sunod-sunod ang kamalasang nangyayari sa akin ngayong araw.
Luckily, scratches lang ang natamo ng sasakyan ko. Pero hindi ko pa rin maiwasang hindi uminit ang ulo ko.
'Yong sasakyan sa likuran ko ang mas malala ang napala. Bukod sa mga gasgas ay yupi pa ang bumper ng sasakyan. Basag din ang isang ilaw nito. Jusko! Mamahalin pa naman ang sasakyan. Ito 'yong mga sasakyan na milyones ang halaga. Tiyak mayaman ang may-ari nito.
Akmang kakatukin ko na ang driver pero ito na mismo ang kusang bumaba.
Napanganga na lang ako makita kung sino ito. Parang sasakit ang ulo ko ng mga oras na 'yon.
"Seriously?" Napahawak na lang ako sa sentido ko. "Hindi ka ba marunong mag-ingat?"
"What?" iritableng sabi ni Nicho. "Ako na naman ang pagbibintangan mo? Ikaw na nga itong nakaperwisyo!"
Galit na tinitigan niya ako. Parang tumaas tuloy ang mga balahino ko sa beaso. Pero hindi ako nagpatinag.
"Totoo naman, ah. Binangga mo 'yong sasakyan ko," gigil kong sabi. Though hindi ko naman nakita kung aning totoong nangyari, hindi ko rin naman hahayaang maging kasalanan ko lahat.
"Binangga? Oh common," naiiling nitong sabi. "Ako ang naatrasan mo."
"No!" maagap kong sabi. "Ikaw ang may kasalanan nito. Bigla ka na lang sumulpot out of nowhere."
Nang makita ng security guard na nasa harap na nagtatalo kami ni Nicho ay agad itong lumapit sa amin para umawat.
"Ma'am," tawag niya sa akin. "Kayo po ang may kasalanan."
Napanganga ako sa sinabi niya.
"What are you saying?" kunot-noong tanong ko na may kasamang inis.
"Naatrasan po ng sasakyan niyo ang sasakyan ni Sir," anito.
Narinig ko ang marahang pagtawa ni Nicho.
"See? Tapos akong pagbibintangan mo para makalusot ka? Tingin mo uubra 'yon sa akin." Halatang nagpipigil na ito ng galit ng mga oras na 'yon.
Totoo ba? Ako talaga ang may kasalanan? O pinagkakaisahan lang nila ako? Pero magsisinungaling ba si Manong guard?
Ewan ko ba pero parang nakaramdam ako ng sobrang hiya.
Marahas akong napabuntong-hininga. Okay kung kasalanan magpakumbaba na lang. Ganern!
Nakita ko si Manong guard na bumalik sa puwesto nito.
"Look! I'm sorry. Hindi ko rin napansin na naatrasan ko sasakyan mo," medyo nahihiyang sabi ko kay Nicho.
Umismid ito saka mariing tinitigan ako.
"Sorry? Ganun lang 'yon. Do you think this is a joke?" medyo napataas na ang boses nito.
"Anong gusto mong gawin ko?" medyo kinakabahan kong tanong.
"Alam mo ba kung magkano aabutin kapag pinagawa ang sira ng sasakyan ko?"
Naalarma ako bigla. Mamahalin pa naman ang sasakyan niya. Jusmiyo! Patay tayo diyan!
Napalunok ako ng sunod-sunod.
"Nag-sorry na ako. Hindi ko naman sinasadya," mababa ang boses na sabi ko. Pinili ko na lang huwag tarayan ito at baka lalo pang magalit.
"Pay for the damages!" mariin nitong sabi. "Or else magsasampa ako ng kaso."
"What?!" bulalas ko.
Parang gusto kong magmura ng mga sandaling 'yon pero nagpipigil lang ako.
"Ayaw mo?" Nanghahamon ang tono nito ng mga oras na 'yon.
Napapikit na lang ako sabay buntong-hininga. I know I'm in a tight spot right now. Kaya mukhang wala akong ibang mapagpipilian.
"Fine! Babayaran ko ang pagpapagawa sa sasakyan mo," nagpipigil sa inis na sabi ko. Hindi 'yon bukal sa loob ko pero may magagawa pa ba ako?
Inilabas nito ang cellphone nito. "Give mo your contact number."
"For what?" gulat kong tanong.
"Siyempre gusto kong makasiguro. I don't trust you," hayagan nitong sabi. "Mamaya takbuhan mo pa ako."
Huh? Takbuhan? Really? At kailan naman ako nanloko ng tao? Kapal talaga ng mukha ng lalaking 'to! Sabagay masamang tao naman talaga ang tingin niya sa akin. At marahil hindi na 'yon magbabago pa kahit kailan.
Kinuha ko sa kanya ang cellphone nito at inilagay doon ang contact number ko. Kapagkuwan ay inis na ibinalik 'yon sa kanya.
"Kontakin mo na lang ako kung magkano babayaran ko. And don't worry hindi kita tatakbuhan."
I just hope hindi naman sana ganoon kalaki ang magagastos sa pagpapagawa sa sasakyan niya. Kailangan ko din kasing ipaayos ang sasakyan ko. Hindi ko naman puwedeng pabayaan na lang din 'yon.
"Siguraduhin mo lang," anitong matalim akong tinitigan.
Mayamaya'y may tinawagan ito sa cellphone niya. Ako nama'y hindi alam ang gagawin. Gusto ko ng umalis pero baka mamaya ay may sabihin pa ito. Kaya hinintay ko na lang na tapusin nito ang tawag kahit inis na inis na.
"Ano pang itinatayo-tayo mo diyan?" naiiritang sabi nito ng makita pa rin ako. "You can go!"
Buwiset! Parang gusto kong manapak ng tao.
Inirapan ko siya saka mabilis na tumalikod.
'Ukinnam!' Ukinnam!' Paulit-ulit ko siyang minura sa isip ko.
Mura 'yon sa Ilocano na itinuro sa akin ng classmate ko noong college. Very satisfying pala kapag minura mo ang isang tao sa lengguwaheng 'yon.
Agad akong sumakay sa sasakyan ko at umalis na din agad roon.
Haays! Kung alam ko lang na ganito ang mangyayari hindi na lang sana ako lumabas...
'Buwiset talaga!' sa loob-loob ko.