NICHOLO
NAIKUYOM ko ang kamao ko habang pinagmamasdan palayo si Arra. Wala naman talaga akong balak kausapin sana siya. Pero hindi ko napigilan ang sarili ko dahil nanggagalaiti ako. Hindi siya dapat narito dahil hindi naman siya belong dito. Hindi na siya nahiya. Kapal talaga ng mukha.
Ang nakadagdag pa sa inis ko ay bakit magkasama sila ni Migz. Anong meron sila? Magjowa ba sila? Kasi ang sweet nila, e.
Ewan ko ba pero parang lalong kumulo ang dugo ko sa isiping 'yon. For sure inakit niya si Migz. Ganun naman siyang klase ng babae. Lahat gagawin para sa pera. Hindi ang klase ni Migz ang papatol sa kagaya ni niya. Matinong tao 'yon.
Kilala ko si Migz dahil pareho lang din naman kaming nasa mundo ng pagnenegosyo. Isa pa'y tiga Santo Cristo lang ito, ang kalapit bayan mg Santo Paulo. Kilala ang pamilya nila sa bayan na 'yon. Nag-uusap kami pero hindi kami ganoon kaclose. Tamang batian at kamustahan lang kapag aksidenteng nagkikita. Pero hanggang doon lang 'yon.
Si Terry na kapatid niya ang close ko dahil classmate ko siya noong high school at kaibigan ko pa. Kaya lang ngayon ay bihira na kaming magkita. Kapag lumuluwas na lang ito dito sa siyudad. Nag-stay na kasi ito sa Santo Cristo at siya ng namamahala sa Hacienda nila roon. At dahil matagal na panahong hindi na ako nakakauwi ng Santo Paulo, hindi na ako nagagawi sa kanila. At ilang buwan na rin ang lumipas mula noong huli ko siyang makita.
Marahas akong napabuntong-hininga.
Ano nga ba sa akin kung magkasama sila ni Migz? Or kung boyfriend niya ito? Hindi ko na dapat pinoproblema pa 'yon. Kung sinong gustuhin niyang lalaki labas na ako doon. Kasal lang naman kami sa papel. Bukod doon wala na kaming ugnayan pa sa isa't-isa.
Pero bakit ganun? Para akong nagseselos kay Migz ng mga oras na 'yon. 'Yong tipong parang gusto ko ng manapak. Hindi ko din maintindihan ang sarili ko. Parang ayaw kong nakikitang may kasamang ibang lalaki si Arra. Ewan ko kung bakit ako nakakaramdam ng ganito. Of all people sa babaeng kinamunuhian ko pa. Like wtf!
Muli akong bumalik sa loob at naupo sa kinauupuan ko kanina.
Mag-isa lang akong um-attend sa event na ito. Biglaan kasi kaya wala akong naisama. Dapat si Kuya Hugo sana ang dadalo pero may importante siyang inasikaso sa Isla Martina. Kasasabi lang din niya ang event na ito kaninang umaga kaya hindi ako masyadong nakapaghanda.
Nang iikot ko ang paningin sa paligid ay aksidenteng nahagip uli ng mga mata ko si Arra. Mag-isa ito sa mesa at hindi ko makita si Migz sa paligid. Marahil ay may pinuntahan.
Hindi ko alam kung aware ba si Arra pero kanina pa siya pinagtitinginan ng mga kalalakihang naririto ngayon. Lalo tuloy akong nagngingitngit sa galit sa hindi ko malamang dahilan. Hindi kaya napapraning na ako? Kailangan ko na bang magpatingin?
Hindi naman talaga maikakailang sobrang ganda niya ngayon. Bagay na bagay ang suot niyang damit rito. Kitang-kita ang bawat kurbada ng katawan niya. Parang sadya 'yong ginawa para sa kanya.
Maganda na siya kahit hindi mag-ayos. Pero ibang-iba ang hitsura nito kapag nakapag-ayos na. Halos hindi na makilala. Siya 'yong tipo ng babaeng kahit saan mo ilagay at itabi ay mangingibabaw pa rin ang ganda. Hindi siya nakakasawang pagmasdan. Marami siyang tataluning sikat na mga artist kung hitsura lang ang magiging basehan.
Napailing ako.
'Seriously, Nicholo?' sa isip-isip ko.
Gusto kong matawa sa sarili ko sa mga iniisip ko. I can't believe nagiging ganito ako dahil lang sa isang babae. Well, hindi lang siya basta babae. She's my f*****g wife! Pero iilang tao lang ang nakakaalam niyon. Sa aming magkakapatid ay tanging si Noah lang at Kuya Hugo ang nakakaalam ng bagay na 'yon. When we married it was a secret. At kahit ngayon gusto kong manatiling lihim pa rin ang tungkol sa amin. Ayaw kong malaman ng tao na kasal ako sa kanya.
"Sa titig mong 'yan baka matunaw na siya," anang baritonong boses na nagpabalik sa akin sa katinuan.
Paglingon ko'y nakita ko si Bryxx na hindi ko namalayang nakaupo na pala sa bakanteng upuan sa tabi ko. Nakakalokong ngiti ang nakapaskil sa mga labi nito ng mga sandaling 'yon. Hindi man ito magsalita alam kong kalokohan na naman ang nasa isip nito.
Pinsan ko siyang buo. Ang ama ko at ang Mama niya ay magkapatid. Sabay kaming lumaki kaya malapit kami sa isa't-isa. Pareho lang din kami ng edad pero mas matanda lang ito ng apat na buwan sa akin.
Tulad ng mga Cartagena, ang mga Montellano ay matagal na ding namamayagpag sa mundo ng pagnenegosyo. Lalo pang silang nakilala nang si Bryxx na ang nagpatakbo sa kanilang kompanya. Sa edad nitong thirty three, bilyonaryo na ito at malayo na ang narating sa buhay. Kung achievement lang sa buhay hindi rin kami papahuli sa kanya ng mga kapatid ko. Tulad niya marami na din kaming napatunayan sa buhay.
Tinapunan ko siya ng masamang tingin.
"I'm not looking at her," kaila ko kahit huling-huli na sa akto.
"Liar!" Nakatawa nitong sabi. "Hindi kita masisisi. She's really pretty. Aaminin ko kahit ako nabighani sa kanya."
Ewan ko ba pero medyo nainis ako sa narinig ko. Kahit pinsan ko siya ay ayaw kong pinag-iinteresan niya si Arra. She's still my wife kahit sabihing hindi naman kami nagsasama.
Wife? Wait? Akong kalokohan 'yon? Kailan ko pa siya itinuring at tinanggap bilang asawa ko? At ano itong nararamdaman kong ito. Bakit parang bigla akong naging possessive sa kanya at nagseselos na lang bigla-bigla?
'This can't be happening!' sa isip-isip ko. Talaga yatang may problema na sa akin.
"Di na 'yon nakapagtataka. Basta babae ang usapan wala ka namang pinapalampas," naiiling kong sabi sa kanya.
"Look who's talking! Hiyang-hiya naman ako sayo," pang-aasar nito.
Pinandilatan ko siya. "Oo babaero ako pero mas lalo ka."
Natawa na lang ito sa sinabi ko dahil totoo naman. Gaya ko kasal na din ito at ayaw din niya sa babaeng napangasawa niya.
Mayamaya'y nakita kong palapit si Diana dito. Wala akong ideya na andito din pala siya ngayon.
Isa siyang sikat na celebrity at ex ko din. Matagal na kaming wala pero hindi pa rin ito tumitigil sa paghahabol sa akin. Ewan ko ba kung may natitira pa siyang hiya? Pero para kasing wala na. Patuloy pa rin nitong isiniksik ang sarili sa akin kahit ipagtabuyan ko na. Minsan nakakabuwiset na talaga.
Akmang tatayo ako para iwasan sana ito pero tinawag niya ang pangalan ko.
"Nicho!" maarte nitong tawag sa akin.
Napailing na lang ako.
"What?" iritable kong tanong. Hayagang ipinakita ko ang pagkadisgusto sa kanya.
"It's good to see you here," nakangiting sabi nito. Naupo ito sa upuang malapit sa akin. Akmang hahawakan nito ang braso ko pero iniiwas ko 'yon.
Hindi ko pinansin ang sinabi niya. Bumaling ako kay Bryxx na nangingiting nanonood sa amin ng mga sandaling 'yon.
"It's getting late. Mauuna na ako," paalam ko rito. Gusto ko na rin talagang umuwi para makapagpahinga.
"Okay," kibit-balikat nitong sagot saka nauna nang tumayo. "Maya-maya pa siguro ako uuwi."
Nang tumalikod ito ay nagmadali na din akong tumayo at naglakad na palabas. Alam kong susundan ako ni Diana kaya hindi na ako nagtangkang lingunin pa ito kahit naririnig kong tinatawag niya ang pangalan ko.
Pagdating sa labas ay agad kong kinuha ang cellphone ko sa bulsa ko at tinext si Aidan para sunduin na ako. Nasa malapit lang din naman siya at naghihintay din.
Nagpahatid ako sa kanya dahil tinatamad na akong magdrive. Pagod din kasi ako maghapon. Dahil wala si Kuya Hugo, ako lahat ang sumalo ng mga trabaho niya. Wala halos akong pahinga kanina. Late na nga din ako naglunch.
"Nicho! Wait!" muling tawag ni Diana sa akin. Agad itong humawak sa braso ko ng makaabutan niya ako sa labas.
Mabilis ko ding tinanggal 'yon. Baka mamaya kung ano pang isipin ng mga taong makakakita sa amin. Ayaw kong maugnay pa sa kanya dahil matagal na kaming wala. Iniisip ko tuloy kung ano bang nakain ko at pinatulan ko siya dati.
Matalim ko siyang tinitigan." Stop following me!"
"Sasabay na ako sayo. Pauwi na din ako," nakangiti nitong sabi. Hindi nito alintana kahit alam nitong naiinis na ako sa kanya.
"Pagod ako. Wala akong time ihatid ka," mariin kong sabi. Buti na lang talaga walang masyadong tao dito sa labas.
Mayamaya'y nasulyapan ko si Arra na palabas na din. Kasama nito si Migz. Marahil ay uuwi na din ang mga ito. Tila nadagdagan pa lalo ang inis ko pagkakita sa kanila.
Wala sa loob na sinundan ko ng tingin si Arra. Pero ng gumawi ang mga mata niya sa direksyon ko ay nahuli niya akong nakatingin sa kanya. Saglit niya lang akong tinapunan ng tingin saka dire-diretso na sa paglalakad na parang hindi ako nakita.
Napaismid ako.
Sabagay ano bang ini-expect ko? Oo kasal kami but we're practically strangers. Pangalan lang ng bawat isa alam namin. Kaya mabuti nga talaga sigurong huwag na lang kaming magpansinan kapag nagkita uli kami. Para na din sa ikatatahimik namin pareho.
"Sa iba ka na lang sumabay," muli kong sabi kay Diana.
"Okay!" nakabusangot nitong sabi. Hindi ko na lang siya pinansin.
Nang matanawan ko si Aidan ay agad na din akong naglakad papunta sa kinaroroonan nito.
Binuksan ko ang pinto ng sasakyan at pumasok na sa loob.
"Let's go!" mariin kong utos kay Aidan na bahagya pang nagulat.
Tumalima naman agad ito.
Isinandig ko ang ulo ko sa upuan. Hanggang ngayon ramdam ko pa rin ang pagod ko sa maghapon. Tapos ang dami pang nangyari ngayong gabi. Something I didn't expect. Pakiramdam ko tuloy parang sasakit ang ulo ko.
"Iidlip lang ako saglit. Gisingin mo na lang ako kapag nasa bahay na," utos ko kay Aidan.
"Opo, Sir," sagot naman nito.
Ipinikit ko na ang mga mata ko. Dahil din siguro sa pagod kaya parang inaantok din ako.
Ilang sandali pa'y hindi ko namalayang nakatulog na ako...