Chapter 10

1397 Words
Habang papalapit ang pag-uwi ni Kiara sa Pilipinas ay ganoon na lang ang pag-aalalang lumulukob sa puso niya. Mag-isa na lang niyang naghahanap ng trabaho dahil si Glenda ay umuwi na rin ng Pilipinas samantalang si Yna ay nakapasok na ito ng trabaho dahil na rin sa marunong itong magsalita ng Cantonese. At iyon na rin ang huling araw niyang mag-apply ng trabaho. “Kiara,” tawag sa kanya ng kaibigan niyang si Faye pagkapasok niya sa loob ng bahay. Kararating niya lang at naabutan niya ang kaibigan na nagluluto nang panghapunan nila. “Mabuti dumating ka na. Tamang-tama malapit na akong makaluto. Kakain na tayo,” anito na nilapitan siya sa sala. “Nai-book ko na ang plane ticket mo,” wika nito na iniabot sa kanya ang isang puting sobre. “Salamat. Magkano?” tanong niya at akmang bubuksan niya sana ang bag niya upang ilabas ang wallet niya nang pigilan nito ang kamay niya. “Huwag na. Tulong ko ‘yan sa’yo. Panggastos mo na lang ‘yan sa Pilipinas pag-uwi mo,” sabi nito sa kanya na may nakapagkit na manipis na ngiti sa mga labi nito. “Pero—” “Wala nang pero-pero,” putol nito ang dapat ay sasabihin pa sana niya. “Tanggapin mo na ‘yan. Saka isa pa, nakuha ko ‘yan na naka-promo kaya mura lang kaya wala kang dapat ipag-alala,” saad pa nito. Niyakap niya ito ng mahigpit. “Salamat,” wika niya. “Huwag kang susuko, ha? Laban lang,” ani pa nito. Kumalas siya sa pagkakaykap. “Laban lang,” sang-ayon niya na itinaas pa niya ang isang kamay na nakakuyom ang kamao. “Halika ka na kumain na tayo,” kapagkuwan ay yakag ng kanyang kaibigan sa kanya para kumain. Umuwi ng Pilipinas si Kiara na buo pa rin ang loob at puno ng mga pangarap na abutin lahat ang mga iyon. Kaya pagdating na pagdating niya sa Maynila ay wala siyang sinayang na mga oras at araw. Naghanap siya agad ng trabaho at pinalad naman siyang makapasok sa isang hotel bilang isang housekeeper. Iyon talaga ang tinarget niyang pasukin na trabaho para makakuha ng sapat na karanasan upang magamit niya kapag nakabalik na siya sa Macau. “Kumusta ang trabaho mo?” tanong ng kaibigan niyang si Kristy nang minsang dumalaw ito sa boarding house niya. “Maayos naman. Nakakapagod pero nakakaya naman,” anya habang ipinagsasalin ito ng juice sa baso. “Hindi ka ba uuwi sa atin para madalaw mo ang nanay mo?” tanong uli nito. Napabuntong-hininga siya. “Hindi na muna. Alam mo naman, ‘di ba? Saka naiintindihan naman ni Nanay kung bakit.” “Ewan ko ba sa atin kung bakit hindi na natapos-tapos ang ginagawang pagtsi-tsismis sa pamilya n’yo. Ang tagal nang nangyari iyon pero buhay na buhay pa rin,” wika nito na napasandal sa upuan. Matabang na napangiti siya. “Ganoon talaga ang buhay. Kaya nga mas maigi pang huwag na muna akong magpapakita sa atin dahil kami na naman ang magiging talk of the town kung sakali,” malungkot na pahayag niya. Napahugot nang malalim na buntong-hininga ang kaibigan niya habang mataman na nakatingin sa kanya na wari bang hindi alam ang ikokomento sa naging pahayag niya. “Kaya nga gustong-gusto kong makaahon sa hirap para maialis ko ang nanay do’n pero life doesn't always go as planned…Life is always full of suprises,” dagdag pa na pahayag niya. Tumigil siya sandali sa pagsasalita saka napatingin ulit sa mukha ng kaibigan. “Iniisip ko na lang na may magandang plano ang Diyos sa buhay namin ng nanay at kung ano man ‘yon, siya na ang bahala sa amin.” Hinawakan ng kaibigan niya ang kanyang kamay. “Makakaraos din tayo. Magtiwala ka lang at magdasal,” sabi nito sa kanya. Tipid na napangiti siya. “’Yan talaga ang ginagawa ko ngayon ang patuloy na kumapit sa pag-abot ng mga pangarap ko sa buhay,” wika pa niya na pilit pinapalubag niya ang kanyang sarili. “Oo. Tama ‘yan,” sang-ayon ng kaibigan niya sa kanya. “Hindi naman iisa ang araw. Maraming pagkakataon na mabago at maabot natin ang pangarap natin sa buhay. Basta huwag susuko.” Napangiti siya. “Mabuti na lang may kaibigan akong kagaya n’yo ni Faye na laging nandiyan sa tabi ko sa tuwing kailangan ko ng tulong,” tila naluluhang wika niya sa kaibigan pagkaalala sa mga tulong at suporta ng dalawang matalik na kaibigan sa kanya. “Tayo lang naman ang magtutulungan,” ani naman nito na pinisil ang palad niya bilang pagsang-ayon sa sinabi niya. “O, paano uuwi na ako bago pa bumaha ng luha dito,” turan nito dahilan para mapatawa sila pareho. “At saka kailangan mo na rin pumasok sa trabaho,” sabi pa ng kaibigan niya nang sipatin nito ang oras sa relo nitong nakasuot sa kaliwang bisig nito. “Sige. Salamat ulit, ah. Pakisabi kay Nanay huwag na siyang mag-alala sa akin. Maayos ako dito kamo,” mariing habilin niya sa kanyang kaibigan. “Oo, makakarating. Sige na, aalis na ako. Mag-ingat ka,” sabi nito sa kanya. Isang tango na lang ang naisagot niya dito bago siya nito tinalikuran nang maihatid na niya ito sa labas ng boarding house niya. Pagkaalis ng kaibigan ay mabilis na naghanda siya sa pagpasok sa trabaho. Kinuha niya ang tuwalya saka pumasok sa banyo para maligo. Mabilisan lang ang ginawa niyang paliligo dahil gahol na siya sa oras. Kailangan pa niyang makipagpatintero sa pagsakay sa jeep kaya dapat ay mahaba ang oras na ilalaan niya sa pagpasok sa trabaho. Biglaan kasi ang pagdaan ng kaibigan niya sa boarding house niya. Hindi niya inaasahan na dadalaw ito sa kanya nang hapong iyon at hindi naman niya puwedeng ipagtabuyan agad dahil minsan na nga lang sila magkita nito mula ng magkatrabaho siya. Bitbit ang bag niya ay nagmamadaling lumabas ng bahay si Kiara at patakbong tinalunton ang labasan sa kanto kung saan ang sakayan ng jeep. Napailing siya nang makitang halos lahat ng jeep na dumadaan ay punuan na naman. “Haist!” reklamo niya. Iyon ang araw-araw na kalbaryo sa buhay niya sa tuwing pumapasok siya sa trabaho. Ang pahirapang pagsakay sa jeep. Gustuhin man niyang lumipat ng tirahan ay hindi naman pupuwede dahil mahal ang upa malapit sa pinagtatrabahuan niya. Hindi gaya sa boarding niya ngayon na mura lang at pasok sa budget niya. Nang may matanaw siyang paparating na jeep ay inihanda na niya ang sariling makipag-unahan sa mga kasabay niyang naghihintay din ng masasakyan. Hindi pa man tumitigil ang jeep sa tabi ay sinundan na niya ito agad at pilit hinahawi ang mga kasabay niya para siya ang maunang makasakay. At nagtagumpay siyang makapasok sa jeep. Nakokosensya siya sa ginawa niyang paghawi sa kapwa niya pasahero pero kailangan niyang dumiskarte para makasakay at hindi mahuli sa trabaho. Napabuga na lang siya ng hangin sa nagawa niya. Kailangan, eh. Ang palagi niyang linya sa tuwing nakikipag-unahan siya sa pagsakay sa jeep. Pagkababa niya sa jeep ay patakbo niyang tinalunton ang daan papunta sa hotel na pinagtatrabahuan niya. Medyo malayo-layo pa kasi mula sa babaan ang hotel. Lakad-takbo ang ginawa niya para humabol sa trabaho niya. May natitira pa naman siyang oras kaya lang ay kailangan niyang maglaan nang kahit kaunting minuto para mag-ayos ng sarili kundi ay malilintikan na naman siya sa manager nila kapag nakitang hindi maayos ang itsura niya gaya noong isang araw na na-late siya dahil biglang bumuhos ang malakas na ulan dahilan para magkabuhol-buhol ang trapik sa daan. Dahil sa kamamadaling pumasok ay hindi niya napansin ang isang taong makakasalubong niya na bigla na lang sumulpot sa harapan niya. “Ay!” hiyaw niya dahil nauntog siya sa mismong dibdib nang kung sino mang tao ang nakabangga sa kanya. “I’m sorry, Miss. Hindi ko sinasadya,” anang baritonong tinig ng lalaki na halatang sobra ang pag-aalala dahil baka nasaktan siya sa pagkakabangga dito. “Bakit kasi bigla ka na lang sumusulpot!” pagalit na wika niya habang sapo ang noo niya dahil sa naramdamang sakit at pagkahilo. “Kiara?” anang tinig ng lalaking nakabangga sa kanya. Nagulat siya pagkarinig na tinawag ng lalaking nasa harapan niya ang pangalan niya. Nagtatakang iniangat niya ang kanyang mukha at naglalakihan ang mga mata sa pagkagulat nang mapagsino ni Kiara ang taong nakabangga sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD