Hindi niya inaasahan na nandoon pala ang mga foreign investors na ka-meeting niya sa Macau. Hindi na siya sumama kina Kiara. Minabuti na lang niyang hintayin ang mga ito sa isang park. Doon din naman dadaan ang mga ito mamaya para sumakay sa bus pauwi.
“Brix!” Napalingon siya sa tumawag sa kanya—si Kiara. “Bakit bigla kang nawala?” tanong nito sa kanya.
“Ano kasi…m-may tuwawag sa akin,” pagsisinungaling niya. “Uuwi na ba tayo?” pag-iiba niya ng usapan para hindi na ito mang-usisa pa.
“Oo. Uuwi na tayo,” sabi nito.
Doon na rin sila nagkanya-kanya ng sakay sa bus. Si Glenda lang ang nakasabay nila dahil iisa ang ruta ng uuwian nila.
“Gusto mo ba mamasyal muna tayo?” suhestiyon niya kay Kiara nang sila lamang ang naglalakad pauwi.
“Sige ba. Gusto ko rin mag-unwind pagkatapos ang nangyari kanina,” sagot nito na ikinatuwa niya.
Napadpad sila ni Kiara sa may malapit sa dagat. Maalinsangan ang panahon pero mahangin naman kahit papaano. Iyon nga lang medyo malagkit dahil nasa tapat sila ng dagat.
Tiningnan niya ito. Tahimik lang itong nakatingin sa malayo at pinapanood ang mga isdang nagtatalunan sa dagat. Gustuhin man niyang magbukas ng usapan ay nag-alangan siya dahil alam niyang sobrang hirap nang pinagdaanan nito ngayong araw.
“Alam mo ba na may tumawag na kay Angel kanina,” kapagkuwan ay pahayag nito. Hindi siya nagsalita bagkus ay hinintay niya itong muling nagsalita. Lumingon ito sa kanya.
“Ang suwerte niya. Isang linggo na lang matatapos na ang visa niya pero nakahabol pa siya na magkaroon ng trabaho,” muling sabi nito.
“Good for her. Don’t worry. Makakahanap ka rin ng trabaho basta tiwala ka lang,” pagpapalakas niya ng loob dito. malungkot na napabuntong-hininga ito.
“Sana nga. May mahigit dalawang linggo pa ako para maghanap ng trabaho. At sana palarin din ako,” ani nito na mahahalata ang lungkot sa tinig nito.
“Ikaw ba? Hindi ka ba nag-aalala na hindi makahanap ng trabaho dito?” tanong naman nito sa kanya.
“Hindi,” walang paliguy-ligoy at deretsong sagot niya.
Tiningnan siya nito nang may pagtataka sa mukha habang ang magkasalubong ang dalawang kilay.
“Well, hindi pa naman katapusan ang lahat kung hindi man makahanap ng trabaho dito, ‘di ba?” agap niya. “Puwede ka pa maghanap sa iba. It’s not yet the end of the world,” dugtong pa niya ngunit mas lalo lang nalamukos ang mukha nito.
“Madali mo lang sabihin ‘yan dahil marami ka sigurong pera at may pamilya kang tumutulong sa’yo. Ako kasi wala,” sabi nito na ikinalingon niya sa gawi nito.
“Ano’ng ibig mong sabihin?” salubong ang dalawang kilay na tanong niya.
“Ako lang bumubuhay sa sarili ko. Kaya kailangan na magtagumpay ako dito,” sagot nito. Hindi siya nakaimik sa tinuran nito. Kakaiba kasi ang naramdaman niya nang sabihin nito iyon—parang may bigat at hinanakit sa puso nito.
NATIGILAN SI KIARA. SUMOBRA YATA SIYA sa pagkukuwento. Hindi niya pa ganoon kilala ang lalaki pero nasabi na niya rito ang bahagi ng buhay niya na ayaw na ayaw niyang sinasabi sa iba.
“Umuwi na tayo. Inaantok na ako, eh,” yaya na lang niya para hindi na ito magtanong pa. Nakita niya kasi sa mukha nito ang kyuryusidad kanina nang banggitin niyang siya lang ang bumubuhay sa sarili niya.
Iniwan na niya ito sa inuupuan nila at mabilis ang bawat mga hakbang na naglakad siya papalayo.
“Ang bilis mo talagang maglakad,” hinihingal na wika nito nang maabutan siya sa malapit sa hintayan ng bus.
Tipid na nginitian niya lang ito. “Nasanay, eh.”
Nang walang anu-ano’y nanlalaki ang mga mata niya nang makitang itinaas nito ang kanang kamay saka may kinawayan.
“Uy! Bakit pumapara ka ng taxi?” gulat na tanong niya rito dahil kinakawayan nito ang paparating na taxi.
“We’re both tired. Sumakay na tayo ng taxi mas mabilis. Nanakit na ang mga legs ko,” sabi nito at mabilis na binuksan ang pintuan ng taxi. “Get in.”
Napapangusong napahinuhod na lang siya sa sinabi nito at pumasok sa loob ng taxi.
“Take us to San malo,” seryoso ang mukhang sabi nito sa driver.
Sinulyapan niya ang katabing lalaki. Ang seryoso ng mukha nito habang nakatingin sa labas ng bintana ng taxi. Bumaba ang paningin niya sa dalawang kamay nito. Ang kamay nitong lumapat sa likod niya kanina nang bigla siyang yakapin.
“Argh!” biglang iling niya para iwaksi ang biglang sumulpot sa isipan niya.
Nang mapansin niyang nasa kanto na sila papasok sa tinutuluyan niya sa San Malo ay inihanda niya ang sarili.
“You can stop it here,” sabi niya sa driver nang makatapat sila sa isang convenience store.
“Paano? Dito na ako. Salamat sa ride. Kita ulit tayo bukas?” tanong niya sa kasamang lalaki.
“Tawagan kita,” blangko ang ekspresyon ng mukhang turan nito.
“Hmmm…okay,” tanging nasambit niya saka isinara ang pintuan ng taxi. Pinanood muna niya ang papalayong taxi kung saan nakalulan si Brix bago siya pumasok sa eskinita papunta sa tirahan niya.
Napapaisip na naman siya sa katayuan ni Brix sa buhay. Kung gumastos ito ay parang hindi nauubusan ng pera. Hindi biro ang ginastos nito maghapon para sa kagaya nilang naghahanap palang ng trabaho sa Macau. Napapalabing naipilig niya ang kanyang ulo saka napabuga ng hangin.
“Makauwi na nga para makapaghinga,” bulong niya sa sarili at naglakad na pauwi sa tinutuluyan niyang apartment. “Bakit ko ba pinapahirapan ang sarili kong mag-isip,” kastigo niya sa sarili saka niya mas binilisan pa ang paglalakad.
Naligo siya kaagad pagdating niya sa bahay dahil sobrang nanlalagkit na ang pakiramdam niya dahil pinagpawisan siya nang labis sa maghapong paglalakad.
Nagpapatuyo na lang siya ng buhok niya para makapagpahinga nang makita niya ang kanyang passport na nakabunyangyang sa loob ng bag niya. Kinuha niya iyon at binuklat.
Namimigat ang kaloobang sunod-sunod na napahugot siya ng hangin saka malakas na napabuga.
“Dalawang linggo na lang,” bulong niya patungkol sa nalalabing araw niya sa Macau. Hindi pa man tapos ang pakikipagsapalaran niya sa bansang iyon ay nakapagplano na siya sa susunod niyang hakbang sakaling hindi siya palaring makahanap ng trabaho.
“Kiara, gising pa ba?” Napalingon siya sa nagsalita sa labas ng tulugan niya. Si Faye iyon, ang kaibigan niya na tumulong sa kanya na makapunta sa Macau. Hinawi niya ang kurtinang nakatabing sa higaan niya.
“Nandito ka na pala,” sabi niya sa kaibigan pagkakita dito.
“Oo. Hindi kami pinag-overtime. Kumain ka na ba? May binili akong pagkain. Halika kumain tayo,” sabi nito na may inilapag na plastic sa lamesa.
“Tapos na ako,” sagot niya.
“Ganoon ba? Siya ngapala, kumusta ang paghahanap mo ng trabaho?” kapagkuwan ay pangungumusta nito sa paghahanap niya ng trabaho.
Napabuntong-hininga siya. “Wala pa rin,” sagot niya.
“Ano’ng plano mo?” usisa nito.
“Wala akong magagawa kundi umuwi ng bigo pero babalik ako. At kukuha ako ng experience sa atin baka sakaling palarin na akong magkatrabaho dito sa susunod,” puno ng determinasyon sa sariling wika niya sa kaibigan na si Faye.
Tinapik nito ang balikat niya. “Basta kapag kailangan mo ng tulong nandito lang ako, ha? Tawagan mo ako kapag handa ka ng bumalik ulit dito.”
Tumayo siya at niyakap ang kaibigan. “Maraming salamat. Mabuti na lang palagi kayong nandiyan ni Kristy na handang tulungan ako,” madamdaming pahayag niya sa kaibigan.
Kumalas ito sa pagkakayakap sa kanya. “Sino pa ba ang magtutulungan kundi tayo-tayo lang,” naluluhang saad nito. “Tama na nga ang drama. Nagkakaiyakan na tayo dito, eh. May dalawang linggo ka pa para magpursige makahanap ng trabaho.”
Pinunasan niya ang mga luha niya sa pisngi. “Oo. Hindi pa tapos ang laban. May natitira pa akong pag-asa,” nakangiting sambit niya sa kaibigan.
“Sige na. Magpahinga na tayo kasi maaga pa ang pasok ko bukas at alam ko rin na pagod ka sa maghapong paghahanap ng trabaho,” saad nito na sinabayan ng tayo at iniligpit ang pinagkainan nito.
‘Ako na maghuhugas niyan. Magbihis ka na,” agaw niya sa mga platong hawak nito. Kahit iyon man lang ang maiambag niya sa kabutihan ng kaibigan niya sa kanya. Nahihiya na rin siya dito na palagi siyang isinasama sa pagkain kaya kadalasan ay sinasadya niyang nagpapagabing umuwi at sinasabing kumain na siya kahit ang totoo ay hindi pa. Malaki rin kasi ang obligasyon nito sa pamilya nito sa Pilipinas kaya alam niyang todo rin itong magtipid para may maipadala sa pamilya nito.
Nang mga sumunod na araw ay hindi na niya muling nakita pa si Brix pati ang mga kaibigan niya ay nagtataka na rin kung bakit hindi na ito sumasama sa paghahanap ng trabaho.
“Baka may iba nang nahanap na kasabay ‘yon,” turan ni Yna.
“Alam mo n’yo naman ‘yon parang kabuteng bigla na lang sumusulpot. Baka may ginawa lang ‘yon kaya hindi nakakasama sa atin,” katwiran niya. Ugali na kasi ni Brix ang pasulpot-sulpot na lang bigla sa tagpuan nila.
“Sabagay,” kibit-balikat na wika naman ni Yna.
Tatlo na lang sila ang natirang naghahanap ng trabaho. Si Angel kasi ay nagsimula na itong pumasok sa trabaho. Si Yna naman ay patapos na rin ang visa nito at ganun din si Glenda pero pilit pa rin ang mga itong humahabol na makahanap ng trabaho.
Umupo muna sila sa mga upuan sa ilalim ng malaking puno. Magpapahinga muna sila sandali saka na naman sila lalakad. Nang maisipan niyang tingnan ang gallery sa cell phone niya. Tinitigan niya ang larawan nila ni Brix. Nang may kung anong kumudlit na damdamin sa puso niya na agad din niyang iwinaksi.
“Hindi tama ‘to,” pagsupil niya sa damdamin sabay bura nang lahat ng mga larawan nila ni Brix sa cell phone niya saka mabilis na itinago sa bag niya.