Chapter 8

2331 Words
Pero habang yakap-yakap ito ay ramdam niya ang panginginig ng buong katawan nito. Medyo nag-panic siya at hindi alam ang gagawin kaya niyakap na lang niya ito nang mahigpit. Nang masiguro niyang wala na ang mga pulis ay saka siya kumalas sa pagkakayakap dito. Ngunit nabigla siya nang makita niya ang sariwang luha na umagos mula sa mga mata ni Kiara pero agad nitong pinalis iyon at agad na tumalikod sa kanya. “Tara na. Baka mahalata pa tayo dito,” nagmamadaling yakag nito sa kanya at nagpatiuna na itong umalis. “Wait up!” habol niya rito. “Wala na sila. Saka hindi ka naman paghihinalaan na aplikante.” “Akala mo lang ‘yon. Baka bukalkalin ang bag ko makita pa ang mga resume natin. Eh, ‘di pareho tayong made-deport niyan,” sabi nito na mahahalata ang sobrang pag-aalala sa tinig nito. PILIT NA IKINUKUBLI NI KIARA ang hirap at takot na naramdaman niya kanina. Hindi siya puwedeng sumuko. Malaki na ang naging hirap niya kaya lalaban siya sa pag-abot ng mga pangarap niya sa bansang iyon—kailangang maabot niya. “Come,” sabi ni Brix na hinila ang kamay niya. “Sandali. Si Yna,” nag-aalalang saad niya nang maalala ang kaibigan na napahiwalay sa kanila kanina. Inilabas niya ang kanyang cell phone para tawagan sana ito nang matanaw niyang papalapit na si Yna sa kinaroroonan nila ni Brix. “Muntik na tayo do’n,” wika nito nang makalapit sa kanila. Tila nanghihinang napaupo ito sa ilalim ng puno. Ramdam niya ang bigat sa dibdib nito kaya umupo rin siya at tinabihan si Yna. “Ako rin, bebe. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko kanina,” turan niya. Nang biglang maalala niya ang ginawang pagyakap sa kanya ni Brix. Kung hindi siya niyakap nito ay tiyak na baka bumigay na ang mga tuhod niya sa sobrang pangangatog dahil sa nerbyos. Sinulyapan niya si Brix na tahimik na nakatayo sa ‘di kalayuan at nakatingin sa kanila ni Yna. Hindi niya alam kung awa ang nabasa niya sa mga mata nito o baka nagkamali lang siya dahil agad itong ngumiti sa kanya nang makita siyang nakatingin din dito sa gawi nila. Aminin man niya o hindi ay talagang nagulat siya sa ginawa nitong pagyakap sa kanya. Gusto niyang itulak ito ngunit parang wala siyang lakas na gawin iyon dahil sa nangyari. Kaya hinayaan na lang niya na yakapin siya nito hanggang kumalma siya. Pero ang ipinagtataka niya ay ni wala itong bahid ng pag-aalala sa mukha tungkol sa nangyari kanina. “Saan tayo ngayon?” untag ni Yna na nagpabalik ng atensyon niya sa kasalukuyan. Nagkibit-balikat siya. “Let’s go and eat,” sabi ni Brix. Ito na ang nagdesisyon kung ano ang susunod nilang gagawin. Nagtinginan sila ni Yna. “Sa convenience store na lang tayo bumili. Mas mura,” ani naman ni Yna na halatang nanlalata pa rin dahil sa nangyaring pakikipagpatintero nila sa mga pulis kanina. “Sige,” sang-ayon niya. “Hindi ba tayo kakain ng kanin?” tanong ni Brix. “It’s almost four in the afternoon,” dagdag pa na wika nito. Muling na naman silang nagkatinginan ni Yna. “Meron do’n,” sagot niya. “Okay,” tugon lang nito saka tumayo na sa kinauupuan at nagpatiuna nang maglakad. “Kiara, alam mo nakadududa na ‘tong kasama natin, eh,” ani Yna sa kanya habang papunta sila sa convenience store. “Sabi ko naman sa inyo, ‘di ba?” sabi niya. “Oo. Pero minsan ba natanong mo ba siya kung ano siya?” tanong nito sa mahinang tinig dahil baka marinig sila ni Brix na pinag-uusapan nila ito. “Na alin?” balik-tanong niya dahil hindi niya naintindihan ang gusto nitong ipahiwatig “K-kung…kung mayaman ba siya o mayamang naghirap kaya napadpad dito?” paglilinaw nito. Mabilis na umiling siya. “Hindi. Ayokong tanungin ang personal niyang buhay at saka isa pa hindi ako maurirat sa buhay ng iba,” sabi niya kay Yna. Hangga’t maari ay ayaw na ayaw niya ang nang-uusisa ng buhay nang may buhay maliban na lang kung kusang nagkuwento ang mga ito sa kanya. At saka isa pa nahihiya siya. “Sa tuwing nagtatanong kasi ako. Ngumingiti lang siya,” saad ni Yna. “Ibig sabihin lang no’n. He doesn’t want to talk about his life.” Nanlalaki ang mga matang napatingin si Yna sa mukha niya. “Ang arte,” namimilog ang mga matang turan ni Yna sa pagsasalita niya ng English. Tumawa siya. “Kailangan natin mag-practice, ma’am, bago tayo kalawangin,” nagbibiro namang saad niya na ginaya lang ang naging litanya nito noon. “Ang seryoso mo kasi. Ewan ko ba sa’yo bakit interesado ka sa buhay ni Brix,” tila nahihiwagaang tanong niya dahil ito lang ang bukod tanging makulit na nagtatanong kay Brix. “Crush mo siya, ‘noh?” dagdag pa niya. “Ang guwapo niya kasi,” pag-amin naman nito. “Baka may girlfriend na ‘yan,” wika niya na napasulyap pa sa lalaking nasa unahan nila. “Malamang. Sa guwapo niyang ‘yan. Imposibleng wala,” sang-ayon naman nito. Ngunit parang may halong pagkadismaya ang pagkakasabi nito na ikinailing niya. “Bakit ikaw? Hindi ka ba nagka-crush sa kanya?” kapagkuwan ay tanong nito sa kanya kaya natigilan siya. “Uy! Natahimik ka diyan,” untag nito sa kanya. Pinapakiramdaman niya kasi nang mabuti ang sarili kung mayroon ba. “Hmm, wala,” sagot niya. “Weh! ‘Yong totoo?” nagdududang tanong nito. “Hindi nga. Wala akong panahon diyan. May priority ako,” matapat na saad niya. Iyon naman talaga ang totoo. Iyon ang ipinunta niya sa Macau kaya walang dapat na maging balakid sa mga plano niya. Iyon ang itinatak niya sa isip niya nang una niyang masilayan ang guwapong mukha ni Brix. Ang kagaya ni Brix ang makakasira sa mga pangarap niya kapag naging mahina at nagpadala siya sa emosyon niya. Nang biglang maalala niya ang pagyakap nito sa kanya kanina sabay napailing para iwaksi ang anumang iniisip. “Tara na nga. Gutom na ang kasama natin ay este …ang crush mo,” pagbibiro na lang niya dito para ilihis ang takbo ng usapan nila. Ngumiti ito nang malawak na waring gustong-gusto ang sinabi niya. “Brix, ‘andito ang kanin at ulam nila,” pagkuha niya sa atensyon ng lalaki pagkapasok nila sa convinience store. Nang biglang napatingin ito sa hawak niya. “’Yan lang ang kakainin mo?” tanong nito sa kanya. Napatingin din siya sa hawak niyang tinapay. “Oo,” tipid na sagot niya. “No. Kumain ka ng kanin. Paano ka magkaka-energy sa paghahanap ng trabaho kung ‘yan ang kakainin mo?” sabi nito at dumampot ng tatlong balot ng ulam at kanin. “Ibigay mo ‘to kay Yna,” turan pa nito. “Hindi na. Nakakahiya na sa’yo. Palagi mo na lang kami nililibre,” pagtanggi niya. “Pare-pareho lang din tayong naghahanap ng trabaho.” “May pera pa ako,” sabi nito na hindi siya pinansin at ipinasok sa microwave ang mga pagkain na kinuha nito. “Bebe, nakabili na kayo?” siyang lapit naman ni Yna sa kanila hawak ang binili nitong tinapay. Hindi siya sumagot bagkus ay tumingin siya kay Brix. “Bakit?” nagtatakang tanong nito. “Binilhan tayo ng pagkain,” walang kangiti-ngiting saad niya rito. Tiningnan din nito ang mga pagkain na nasa loob ng microwave. Tulad niya ay hindi rin nito alam kung paano mag-react sa ginawa ni Marko. “Let’s go,” yaya ni Brix sa kanila ng matapos na ang pinapainit nitong pagkain. “Salamat,” halos magkapanabay na saad nila ni Yna kay Brix. “Baka maubos ang pera mo kalilibre sa amin, Brix,” wika ni Yna nang nakaupo na sila at magsisimula na silang kumain. “Mayroon pa. Kaya huwag kayong mag-alala,” sabi lang nito saka pinagtuunan na ang pagkain nito at tahimik na kumain. Nagkibit-balikat na lamang silang pareho ni Yna at mabilis na tinapos ang pagkain nila. Nang biglang tumunog ang cell phone niya na nasa bag niya. Tiningnan niya kung sino ang na-text sa kanya. “Bebe, nag-text si Angel. Tinatanong kung nasaan tayo,” pagbibigay-alam niya kay Yna na abalang inililigpit ang kinainan nito. “Bakit daw?” tanong nito. “Punta raw tayo sa malapit sa pier. Nandoon daw siya. May pupuntahan daw tayo. On the way na rin daw si Glenda,” anya. “Oh, may hiring daw kaya maghulog tayo ng resume natin,” dagdag pa niya. “Sige, tara puntahan natin,” mabilis na sabi nito at nag-ayos na ng sarili. “Brix, tara,” yaya naman niya kay Brix na nakikinig lang sa kanila. PAGOD NA SI BRIX. PERO sina Yna at Kiara ay tila punong-puno pa ng energy sa paglalakad para maghanap ng trabaho. Parang bulang nawala na ang kahungkagan sa mga mukha ng mga ito kanina nang makipagtaguan sila sa mga pulis sa isang agency na pinuntahan nila. “Bebe, alam mo ba paano pumunta do’n?” narinig niyang tanong ni Kiara kay Yna. “Oo, bebe. Nakapunta na ako sa sinasabi ni Angel. Sasakay na tayo ng bus para mabilis,” wika nito. Natigilan siya. Ayaw na ayaw niyang sumasakay ng bus dahil sa kakaibang amoy sa loob. Halos masuka siya sa tuwing sumasakay sila. Hindi kasi kanais-nais ang amoy ng mga nakakasabayan nilang mga pasahero. Minsan ay amoy putok o di kaya’y amoy panis na laway. Kaya kadalasan ay hindi niya napipigilan ang sariling magtakip ng ilong. “Magtakip ka na lang ng ilong,” bulong ni Kiara nang lapitan siya nito. Alam kasi nito na nasusuka siya sa tuwing sumasakay sila ng bus. Napansin nito iyon ng minsang magpunta sila sa Taipa at marami silang nakasabayan. Sinabihan nga rin siya na pati rin daw ito noong una ay ganoon din ang pakiramdam pero sinanay na lang daw nito ang sarili dahil wala naman daw itong choice kundi magtiis. Nginitian niya lang ito saka inihanda ang card niya para sa pagsakay nila mamaya sa bus. “Ayan na ang bus,” anunsyo ni Yna na nakatingin sa paparating bus. Sumakay silang tatlo sa bus. Hindi punuan ang bus kaya nakahinga siya nang maluwag dahil makakahinga siya ng maayos dahil hindi mabaho. “Hindi mabaho,” bulong ni Kiara nang makaupo na sila. “Oo nga, eh. Mabuti na lang,” nakahingang saad niya. “Dapat lagi kang may dalang inhaler o ‘di kaya iyong white flower. Malaking tulong ‘yon sa hilo at pananakit ng ulo,” ani pa nito. May dinukot siya sa bulsa niya at ipinakita dito. “Bumili na ako,” nakangiting wika niya habang nakataas ang isang kamay niya na may hawak ng white flower na sinabi nitong bilhin niya. Malaking tulong nga iyon sa kanya sa tuwing sumasakay sila. Gumiginhawa ang pakiramdam niya. “Bebe, next stop na tayo,” untag ni Yna sa kanila nang kalabitin nito sa braso si Kiara. “Sige, bebe,” sabi nito na napatingin pa sa labas. “Nasa loob daw si Angel,” ani pa ni Kiara nang makababa na sila ng bus at tiningnan nito ang cell phone. “Bebe, hintayin daw natin si Glenda malapit na siya,” sabi ni Yna na napatingin sa bus na paparating. Hindi na naman niya mapigilan ang humanga sa mga magkakaibigan na ito. Dito lang sa Macau nagkakilala ngunit napaka-solid na nang samahan sa isa’t-isa. “Ayan na siya,” sabi ni Kiara nang makitang bumaba ng bus si Glenda. “Bebe,” bati ni Glenda sa mga kaibigan nila. “Oh, Brix. Mabuti nakasama ka. Bakit wala ka kahapon,” baling nito sa kanya nang makita siyang kasama nina Yna at Kiara. “Ah, ano…may ginawa lang ako kaya hindi ako nakasama,” sabi niya. Totoo naman na may ginawa siya kahapon. May final meeting siya sa mga investors na kausap niya kaya siya nasa Macau. Pumasok na sila sa loob at nakita nila si Angel na naghihintay sa kanila. “Bebe, ihulog n’yo na sa drop box ang resume n’yo,” ani Angel sa kanila nang makalapit sila dito. “Hiring daw ba?” nasasabik na tanong ni Glenda. “Oo, bebe,” narinig niyang wika ni Angel. “Brix, ipinasa ko na rin ‘yong sa’yo, ha?” pag-iimporma sa kanya ni Kiara. “Salamat,” sabi lang niya. Sumusunod lang siya sa mga ito. Kung saan pupunta ay sumasama siya. Hindi boring na kasama ang mga kaibigan ni Kiara. Napakamasayahin talaga ng mga ito kahit na nahihirapan sa paghahanap ng trabaho. “Sana swertehin tayo,” ani Yna. “Sana nga, bebe,” sabi naman ni Glenda. “Saan pa tayo pupunta nito?” kapagkuwan ay tanong ni Kiara. “May hotel pa diyan sa kabila. Subukan natin mag-drop box,” ani Angel na sinang-ayunan naman ng lahat. Nang makarating sila sa sinasabi ni Angel ay naghiyawan ang magkakaibigan. “Ang ganda naman dito. Uy! Picture tayo,” puno ng pagkamanghang turan ni Yna. Inilabas nito ang cell phone at iniharap sa kanila. Pero hindi na siya sumali sa mga magkakaibigan. Pinanood na lang niya ang mga itong kumukuha ng pictures. Hindi naman niya maiwasan ang mapangiti habang nanonood. Ang gagaling mag-project sa camera ang apat at enjoy na enjoy sa ginagawa. “Brix, sama ka sa amin,” sigaw na tawag ni Angel sa kanya. Umiling siya. “Sige lang. Kayo na lang.” “Halika na. Huwag kang killjoy. Remembrance natin, ‘to. Kasi hindi natin masasabi kung lahat ba tayo ay makakapagtrabaho dito,” tila may lungkot sa tinig na pahayag ni Yna. Wala na siyang nagawa kundi pagbigyan ang mga ito. Nakailang kuha rin sila ng pictures bago sila naglibot sa may likod kung saan naroon ang mga yatch na nakahilera. Nang biglang maalarma siya dahil may kung sinong nakita siya na nakasakay sa mga yate. Tumalikod siya agad at bumalik sa pinanggalingan nila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD