Maaga siyang pumunta sa tagpuan nina Kiara at ng mga kaibigan nito. Ayaw niyang siya na naman ang hihintayin ng mga ito. Gaya ng nagdaang mga araw na matiyagang naghintay ang mga ito sa kanya San Malo. Napuyat kasi siya dahil sa trabaho.
Ilang minuto pa siyang naghintay ay natatanaw na niya si Kiara na paparating. Ngunit nagsalubong ang dalawang kilay niya pagkakita sa suot nito. Bakit ito naka-short, eh, mag-a-apply kami ng trabaho? nagtatakang bulong niya sa isip.
“Hi!” agad na bati nito sa kanya nang makalapit ito sa kanya. “Kanina ka pa ba?”
“Hindi naman. Halos kararating ko lang din,” pagkakaila niya kahit isang oras na siyang naghihintay. “Bakit ganyan ang suot mo?” hindi niya naiwasan ang sariling tanungin ito.
“Ha? Bakit? Masagwa ba?” balik-tanong nito imbes na sagutin ang tanong niya.
“Hindi. Maganda nga, eh. It suits you,” sabi na lang niya nang ma-realize niya na wala pala siya sa lugar na kwestyunin ang anumang damit na nais nitong isuot.
“Hmmm…Salamat. Kakaiba, ‘di ba? Sa atin bawal ang ganitong outfit kapag mag-apply ng trabaho. Dito mas pabor ito para hindi mahalata na aplikante lalo na kapag solo flight kang lumakad mag-drob box,” mahabang wika nito. “Parang turista lang talaga ang dating,” dagdag pa nito saka isinuot ang sunglasses na nasa ulo nito.
Medyo hindi siya makapaniwala sa nalaman. Ang daming technique, piping bulong niya sa sarili. Kaya siguro ganoon ang suot nito noong una niyang nakita kaya inakala niya tuloy na isa itong mayaman na turista dahil sa suot at kilos nito.
“Tara na,” kapagkuwan ay yakag nito sa kanya.
“Tayo lang dalawa?” nagtatakang tanong niya dahil wala pa ang mga kaibigan nito.
“Si Glenda hindi makakasama. Si Angel naman may pupuntahan daw, si Catherine naman hindi na ‘yon mag-a-apply kasi pauwi na ‘yon bukas. Kaya si Yna lang ang makakasama natin. Nasa putol na simbahan siya. Do’n daw siya maghihintay sa atin,” mahabang pahayag nito saka nagpatiuna nang maglakad sa kanya.
Napapailing na lang siya habang pinagmamasdan ito. Hindi naman masagwa ang suot nitong short na tinernuhan ng puting sapatos at medyo may kaluwagang puting polo na nakabukas ang butones sa may bandang itaas. Bagay na bagay nga dito dahil mahahaba ang mga legs nito at bukod sa maputi ay makinis pa.
Ewan ba niya biglang ayaw niyang nakikita itong nakasuot ng ganoon. Pero hindi na lang niya binigyan ng pansin ang anumang biglang sumibol na damdamin sa puso niya. Marahil ay maganda ito kaya umiral na naman ang pagiging chickboy niya. Katwiran na lang niya sa sarili.
“Hmmm, Kiara, ano ‘yan?” turo niya sa hawak ng isang Intsik na nagtitinda sa gilid papunta sa putol na tindahan. Matagal na niyang nakikita iyon. Nakukyuryos siya kung ano ang lasa no’n pero ni minsan ay hindi niya binigyan ng pansin.
“Ah, ‘yan, ‘di ko rin alam, eh. Pero para siyang karne. Natikman ko na ‘yan. Masarap,” tugon nito.
“Kuha tayo,” sabi niya at akmang kukuha na sana siya nang mapansin niya na hindi ito tumigil para humingi ng free taste na ibinibigay ng mga Intsik.
“Bakit hindi ka kumuha?” tanong nya rito nang maabutan niya ito sa paglalakad.
“Ayoko. Baka magalit ‘yong Intsik kapag kumuha ako,” sagot nito na ipinagtaka niya sabay kunot ng kanyang noo na napatingin dito.
“Bakit naman? Eh, free taste naman ‘yon saka bakit siya magagalit?” salubong ang dalawang kilay na tanong pa niya.
“Eh, kasi palagi ako kumukuha do’n. Kaya ‘yon natandaan na yata ang mukha ko kaya nagagalit ‘yong matandang ‘yon,” natatawang turan nito. “Alam mo kasi naiinis ang mga ibang nagtitinda na tsekwa sa mga Pinoy dahil inuubos daw ang free taste nila,” dagdag pa nito. Mas lalong kumunot ang noo niya sa sinabi nito.
“Anong silbi pang free taste ‘yon kung magagalit sila? Marketing Strategy nga ‘yon, eh,” naguguluhang tanong pa niya dahil hindi niya maintindihan ang katwiran na sinabi nito.
“Oo nga. Pero sa mga Pinoy lang naman sila naiinis. Kapag mga puti. Matatamis at malalawak ang mga ngiti ng mga ‘yan,” wika nito. “Pero hindi ko naman nilalahat ng Intsik, ha? Mayroon pa naman ang mga mababait. Pero talagang never na akong kumuha sa mga free taste nila. Nakakahiya ang mapahiya,” sabi pa nito na napatawa pa ng pagak.
Hindi siya makapagkomento sa inilahad nito. Nang walang sabi-sabi ay hinila niya ang kamay nito at bumalik sila sa mga nagtitindang Intsik sa tabi ng kalsada. At sinadya niyang doon sa matandang binanggit nito sila pumunta.
“Ano’ng ginagawa mo?” gulat at nagtatakang tanong nito sa kanya.
“Bibili tayo,” saad niya.
Tumingin ang matanda sa kanila at napatigil ang tingin nito kay Kiara nang nasa harapan na sila ng tindahan nito. Biglang nag-iba ang timpla ng mukha nito nang makilala si Kiara.
“We will buy that one,” sabi niya sa matandang tindero pero dahil hindi nakakaintindi ng English ang matandang Intsik ay nahirapan siyang makipag-usap. Kaya itinuro na lang niya ang bibilhin nila. “This one. I’ll buy this one.”
“How much?” muling tanong niya.
“Fifty,” sagot ng matanda na ikinumpas pa ang dalawang kamay para i-describe sa kanya ang sinabi nitong presyo.
“Give us two,” sabi niya sa matanda na itinuro pa ang mga sarili nila ni Kiara.
Pero muling napatingin ang matanda kay Kiara na wari bang nangmamaliit ang tingin nito.
Hindi niya nagustuhan ang tingin nitong iyon kaya lihim na napailing siya.
Inilabas niya ang wallet niya at naglabas ng isang daang pataca.
Iniabot niya ang bayad sa matanda. “Give us two,” ulit niya.
Saka palang tumalima ang matanda at nagbalot ng dalawang slice ng paninda nito.
Pagkaabot ng tindero ay ibinigay niya kay Kiara ang isa. Napangiti na ang matanda nang tumingin ulit kay Kiara na ipinagtaka nila. May kung anong ibig sabihin kasi ang ngiti nitong iyon—kakaiba at parang may halong malisya.
“Tara na,” yakag niya dito hawak ang kamay nito paalis sa puwesto ng matanda. “Grabe ‘yong tingin sa’yo ng matandang Intsik.”
“Sabi ko naman sa’yo, ‘di ba?” napapalatak na saad nito.
“Bakit ilang beses ba sa isang araw ka kumukuha ng free taste niya?” tanong niya na may bahid ng pagbibiro ang kanyang tinig.
“Hmmm…tuwing napapadaan ako do’n. Tatlo o apat na beses,” napapangiwing sagot nito.
“Araw-araw?” paniniguro niya.
Alanganin itong tumango. Napangiwi siya saka napailing.
“Malulugi nga sa’yo ang tindero niyan. Puro pa-free taste na lang ang paninda niya kasi inuubos mo,” saad niya habang tatawa-tawang nakatingin dito.
“Oy! Hindi ah!” mabilis na pagdepensa nito sa sarili na nakisabay na rin sa pagtawa niya.
“Bebe!” siyang tawag naman ng kaibigan nitong si Yna na hindi nila namalayang lumapit na pala ito sa kanila.
“Ay! Bebe. Pasensya ka na. Kanina ka pa ba?” tanong nito sa kaibigan.
“Hindi naman, bebe. Kararating ko lang,” sagot ni Yna na napatingin sa hawak ni Kiara.
“Eto, bebe, oh,” agap na saad ni Kiara sabay abot ng pagkain na binili nila kanina.
“Naks! Yayamanin. Naka-afford kang bumili ng ganito,” kantyaw na saad ni Yna bago inabot ang pagkain na ibinibigay ni Kiara.
“Hindi ako. Si Brix ang bumili niyan. Siya ang yayamanin,” turan naman ni Kiara na tumingin pa sa gawi niya.
“Naks! Marami ka sigurong baon na pera, ‘noh?” baling nito sa kanya habang nilalantakan ang binili nila. “Noong nakaraan nilibre mo kaming lahat sa fast food chain. Ngayon ito naman. Ang mahal kaya nito.”
“Hindi naman. Tama lang,” sagot niya. Ganoon lang palagi ang sagot niya sa tuwing inuurirat siya kapag nililibre niya ang mga ito ng pagkain.
“Sige na nga. Sabi mo, eh,” tila sumusukong saad nito.
Tanging si Yna lang ang makulit na nang-uusisa sa buhay niya sa tuwing sumasama siyang mag-apply. Hindi raw ba nauubos ang baon niyang pera ngunit kalimitan ay ngumingiti na lang siya para hindi na mapahaba pa ang usapan.
“Saan ba tayo pupunta ngayon, bebe?” kapagkuwan ay tanong ni Kiara sa kaibigan nito. Malayo-layo na rin ang nalalakad nila mula sa putol na simbahan.
“Sa may red market tayo,” sagot ni Yna.
Naglakad pa sila ng ilang minuto hanggang sa parang nakakaramdam na naman siya ng pananakit ng binti niya. Ramdam na ramdam na rin niya ang hirap at pagod na pinagdadaanan ng mga ito sa araw-araw.
“Malayo pa ba?” tanong niya kay Kiara.
“Malapit na. Sa susunod na kanto na lang,” sagot naman nito.
“Uy! May lispu. Sa kabila tayo dumaan,” biglang wika ni Yna na nakatingin sa harapan nila. Hindi naman siya kinabahan o natakot pero nakita niya iyon sa mga mata ni Kiara na biglang parang tumigil sa paghinga.
“Lumayo muna tayo. Mamaya na tayo pumunta sa agency na ‘yan,” dagdag pa ni Yna.
“Kabayan, huwag muna kayong pumunta sa agency na ‘yan. Ni-raid ‘yan ng mga pulis kanina kasi ang daming aplikante. Nakatunog ang mga pulis kaya nangsipuntahan diyan kanina,” anang isang Pilipino na nakasalubong nila.
“May mga naabutan ba?” kyuryos na tanong ni Kiara.
“Oo. Mabuti na lang kamo nakatakbo kami,” balisang wika pa ng babae. “Sabi ng babae sa loob. Huwag daw munang bumalik dahil mainit-init ang pulis sa kanila.”
Nang walang ano-ano’y may nagtatakbuhan na naman na mga tao.
“Bakit? Ano’ng nangyayari?” tanong nila sa isang napadaan sa harapan nila.
“May mga pulis,” humahangos na sagot ng pinagtanungan nilang lalaki na Pinoy din. “Umalis na rin kayo dito,” ani pa nito bago sila iniwan at kumaripas na ito ng takbo.
Nataranta na rin sila sa narinig. Mabilis na hinila siya ni Kiara patakbo sa kung saan samantalang si Yna ay napahiwalay sa kanila.
Ang higpit ng pagkakahawak nito sa kamay niya habang papalayo sila sa lugar na iyon. Ramdam niya ang takot nito. Hindi niya maintindihan ang awang lumukob sa puso niya nang mga sandaling iyon. Kaya hinila niya ito at niyakap nang mahigpit.
“Stop…stay still,” bulong niya rito habang yakap-yakap ito. “Mas mahahalata tayo kung tatakbo tayo,” saad pa niya.