“Hi!” bati ulit ng lalaki na walang iba kundi si Brix.
“Hi! Ano’ng ginagawa mo rito?” kaswal na tanong niya rito.
“Hindi ba iniimbita mo ako sa birthday ng kaibigan mo? Sasama ako,” sagot nito na nakatingin ng derertso sa mukha niya. Sinulyapan niya ang mga kaibigan niya. Lihim na napangiwi siya dahil halos lumuwa na ang mga mata ng mga itong nakatingin sa lalaking kaharap nila. Sinasabi na nga ba niya at ganoon ang magiging reaction ng mga ito kapag nakita si Brix.
“Mabuti na lang naabutan pa kita rito. Akala ko nakaalis ka na,” wika pa nito.
“Uy! Kiara, ipakilala mo naman kami kay pogi,” turan sa kanya ni Yna na kinalabit siya sa tagiliran habang nakatutok pa rin ang mga mata nito kay Brix.
“Ah, siya ngapala, Brix, sila ang mga kaibigan ko. Sina Yna, at si Glenda,” pakilala niya sa mga kaibigan niya na isa-isang tinuro pagkabanggit sa mga pangalan ng mga ito.
“Hello, ladies. It’s nice to meet you,” bati nito sa kanyang mga kaibigan.
“Same here,” sagot naman ni Glenda.
Halos mag-unahan ang mga kaibigan niya na makipagkamay kay Brix na lihim na naman niyang ikinangiwi habang pinagmamasdan ang mga ito.
“Kumusta ka? Kumusta ang mga unang araw mo dito sa Macau?” tanong ni Glenda kay Brix.
Ngumiti si Brix. “Ayos naman,” tipid na sagot nito.
“Mabuti naman kung gano’n. Sama ka sa amin mag-apply bukas,” dagdag na ani pa ni Glenda habang titig na titig sa mukha ni Brix.
Napansin niya na tila naaalangan na sumagot si Brix sa mga tanong ng mga kaibigan niya kaya pumagitna na siya sa usapan ng mga ito.
“O, tara na,” yakag niya sa mga ito. Ngunit napapaisip siya kay Brix. Sa tuwing nababanggit kasi ang salitang ‘apply’ ay parang nagdadalawang-isip itong sumagot na labis naman na ipinagtataka niya. Ngunit ipinagkibit-balikat na lamang niya iyon.
Habang naglalakad ay panaka-nakang inoobserbahan niya si Brix habang nakikipag-usap ito sa mga kaibigan niya.
“Kiara, baka matunaw si Brix sa katitig mo sa kanya,” pagbibiro ni Yna nang sabayan siya nito sa paglalakad.
“Loka! Hindi. Pansinin mo kasi ang kilos niya. ‘Di ba, kakaiba. Kilos mayaman,” saad niya rito na tiningnan din nang mabuti si Brix.
“Hmmm…Oo. Para siyang artista. Ang kinis ng mga kutis niya. Ang puti. At ang porma, jusko! Makalaglag panty,” naniningkit ang mga matang saad nito habang nakatingin kay Brix. “Pero alam mo kasi hindi naman basehan ang ganyang itsura para sabihin nating mayaman siya at hindi na puwedeng magtrabaho dito sa abroad. Malay mo, dati mayaman sila tapos naging mahirap kaya he ended up finding his fortune here in Macau.,” mahabang wika pa nito.
“Naks! Ang English,” natatawang pambubuska niya sa pagsasalita ni Yna ng Ingles.
“Tse! Engish Teacher tayo, eh. Paminsan-minsan kailangan din i-practice bago kalawangin ang nakatagong English sa baul,” natatawa na ring pahayag nito.
“English Teacher ka?” Napalingon silang pareho sa nagtanong na si Brix. Narinig pala nito ang sinabi ni Yna.
“Oo,” sagot ni Yna.
“But why are you here? Bakit hindi ka nagturo sa atin?” Nagtinginan sila ni Yna.
“Matagal kasi maghintay ng slot sa mga in-apply-an kong school. Eh, kaysa daw maghintay ako kinuha na lang ako ng kapatid ko dito. So, far, okay naman. Nakailang balik na nga ako dito sa Macau,” paglalahad ni Yna.
“I see,” napatango-tangong saad lang ni Brix dahil marahil sa kawalan ng maikomento sa kuwento ng buhay ni Yna kung bakit ito napadpad sa Macau.
“Nandito na tayo,” pagbibigay-alam niya kay Brix nang matanaw na nila ang dalawa pa nilang kaibigan na nanghihintay sa kanila sa Macau Tower.
“Bakit ang tagal n’yo?” salubong sa kanila ni Angel nang makarating na sila sa kinauupuan ng mga ito.
“Hinintay pa kasi namin si Kiara,” sagot ni Yna na tumingin pa sa kanya.
Napangiwi naman siya sa kaibigan. Nang biglang mapagawi ang paningin nito sa lalaking kasama nila.
“Si Brix, bebe. Siya ‘yong sinasabi ko na bagong salta,” mabilis na agap niya.
“Siya ba ang may birthday?” tanong naman ni Brix.
“Oo, siya nga,” turan niya.
“Happy Birthday!” agad na bati ni Brix kay Angel.
“S-salamat. Mabuti…nakasama ka,” ani Angel na waring nabatubalani pagkakita kay Brix.
“Oo naman. Salamat sa pag-imbita. Para sa’yo pala,” sabi ni Brix na may kinuha sa likuran ng bulsa nito at iniabot ang maliit na kahon kay Angel.
Nagkatanginan silang apat sa nakita. Hindi nila inaasahan na magbibigay ito ng regalo kay Angel.
“Salamat. Nag-abala ka pa. Hindi naman kailangan, eh,” tila nahihiyang saad ni Angel nang abutin nito ang regalo ni Brix. “Kumain na tayo,” kapagkuwan ay yaya ni Angel at isa-isa silang binigyan ng paper plate.
“Galante,” bulong ni Yna sa kanya sabay kalabit sa kanyang tagiliran nang makaupo na sila at kasalukuyang kumakain.
“Oo nga,” sang-ayon niya.
“Tiyak alahas ‘yon,” muling bulong nito.
“Shhh! Marinig ka,” suway agad niya dito nang makita niyang papalapit si Brix sa kanila.
“Kumain ka lang, Brix,” saad ni Yna dito nang umupo ito sa tabi niya.
Ngumiti naman ito habang nakahawak ng piraso ng fried chicken.
“Oo. Salamat,” wika nito.
Binigyan naman niya ito ng inumin nang makita niyang wala itong kinuhang sariling inumin.
“Salamat,” pagpapasalamat nito sa kanya.
“Picture tayo,” kapagkuwan ay yaya ni Angel.
Inilabas nito ang cell phone nito at itinapat sa gawi nilang apat.
Pagkatapos nilang kumain ay naisipan nilang maglaro sa gilid ng dagat. Nag-showdown pa sa pagsayaw sina Yna at Angel na labis nilang ikinatuwa at naaliw dahilan para mawala pansamantala ang kinakaharap nilang hirap sa paghahanap ng trabaho sa bansang iyon.
HINDI MAIKAKAILA NI BRIX NA nag-enjoy siyang kasama ang mga kaibigan ni Kiara. Sa kabila ng dinaranas ng mga itong pagod at hirap sa paglalakad araw-araw para maghanap ng trabaho ay nagagawa pa rin ng mga itong ngumiti na tila ba walang kinakaharap na suliranin sa bansang iyon.
“Magaling palang sumayaw sina Angel at Yna, ‘noh?” tanong niya kay Kiara nang pauwi na sila.
Nagkanya-kanya na rin sila ng uwi. Dalawa na lang sila ni Kiara ang magkasama dahil iba ang daan nila pauwi. Lalo na siya. Ang kaibigan nitong si Glenda naman kasi ay sumakay na ito ng bus dahil hindi na raw nito kaya pang maglakad dahil may kalayuan pa ang uuwian nito.
“Oo. Dancer talaga siya. Nagtrabaho na ‘yon dati sa Disneyland sa Hongkong. Si Yna naman talagang magaling lang ‘yon sumayaw,” pagbibigay nito ng kaunting impormasyon tungkol kina Angel at Yna.
“Talaga?” hindi naman makapaniwalang wika niya.
“Oo,” sagot nito na sinabayan pa nang isang tango. “Tuwing nagpupunta kami sa sea side palaging nagsho-showdown ang dalawang ‘yon.”
“Paano mo sila nakilala?” tila nakyuryos na tanong niya.
“Nakasabayan ko si Catherine sa pag-a-apply tapos nakiusap ako kung puwede ako makisabay sa kanya para may kasama ako. Si Glenda gano’n din. Pero si Angel kakilala siya ni Glenda. Si Yna naman nakasalubong namin sa elevator,” paglalahad nito. “Mugto ang mga mata.”
“Ha? Bakit?” nagtatakang tanong niya.
“Naloko raw ng agency na in-apply-an niya,” sagot nito na ikinakunot nang noo niya.
“Paanong naloko?”
“Nagbayad na siya ng placement fee niya pero hanggang ngayon ay wala pang binigay na trabaho sa kanya. Iniyakan niya raw iyon kaya ‘yon mugto ang mga mata niya habang naghahanap ng trabaho,” patuloy na paglalahad nito.
Hindi na siya umimik pa dahil sa mga narinig. Hindi niya lubos akalain na ganito pala ang hirap na pinagdadaanan ng mga kapwa nila Pilipino para lang makapagtrabaho sa banyagang lugar na iyon.
“Siya ngapala, sasama ka ba bukas?” kapagkuwan ay pukaw nito sa atensyon niya.
“Tatawagan kita bukas. Basta sa dati ba magkikita kung sakali?” tanong niya dahil hindi siya sigurado kung makakasama siya bukas.
“Oo,” tipid na sagot nito.
Napatingin siya sa paligid nila. Nasa tapat na pala sila nang tinutuluyan nitong apartment.
“Sigurado ka ba kaya mo na bumalik sa tinutuluyan mo?” kapagkuwan ay paniniguro nito.
Napakamot siya sa ulo. “Oo naman. Ilang araw na ako dito kaya natatandaan ko na ang daan,” wika niya. “Sige pasok ka na,” sabi niya rito.
“Sige. Ingat ka. Goodnight,” paalam nito bago ito tumalikod sa kanya.
Naglakad na rin siya pabalik sa main road. Sumakay na siya ng taxi pabalik sa hotel na tinutuluyan niya dahil hindi na niya kaya ang maglakad pa dahil may kalayuan pa iyon mula sa tirahan ni Kiara.
Habang nasa taxi ay hindi niya maiwasan na alalahanin ang mga tagpo nila sa sea side kanina. Ibang saya ang lumukob sa puso niya nang mga sandaling iyon habang pinapanood ang mga magkakaibigan na kumukuha ng jump shot picture particular na kay Kiara. Ngunit hindi naman niya matukoy kung bakit siya nakakaramdam ng ganoon.
Maganda talaga siya, lihim na bulong niya sa isip.