PANAY ANG BUNTONG-HININGA Ni Kiara habang nakatungangang nakatingin sa kisame ng tinutulyan niyang bording house. Napapaisip siya kung kailan kaya siya matatanggap sa trabaho sa bansang iyon. Pangarap niya talaga ang magtrabaho sa abroad kaya nang malaman niya ang tungkol sa Macau ay talagang pinag-ipunan niya ito ng pera. Nabanggit kasi ng kaibigan niya na madali lang ang makapasok sa bansang kinaroroonan niya ngayon dahil hindi na kailangan pang magproseso ng maraming mga papeles. May plane ticket at passport lang daw ay makakapunta na sa Macau. At ang higit na umakit sa kanya ay ang malaking sahod oras na makapasok sa trabaho. Mas malaki pa kesa sa trabahong opisina sa Pilipinas.
Lihim ang pagpunta niya sa abroad. Tanging ang kaibigan at nanay niya lang ang nakakaalam. Iniiwasan talaga niyang malaman ng kapitbahay nila ang pag-a-abroad niya dahil tiyak tampulan na naman siya ng tsismis sa kanilang lugar at hinihintay ang paglagapak niya sa kagustuhang umangat sa buhay.
May matinding rason si Kiara kung bakit nagsisikap siyang makapag-abroad at makaipon ng pera kaya pati ang pakikipagrelasyon ay inalis niya sa bokabularyo niya. Para sa kanya ay sagabal lang iyon sa pag-abot niya ng kanyang mga pangarap sa buhay.
Nang biglang magulantang siya ng tunog ng kanyang cell phone.
Tumatawag ang kaibigan niyang si Glenda.
“Hello, bebe?” sagot niya sa tawag nito.
“Bebe, lalakad kami bukas. Sasama ka raw ba?” tanong nito sa kanya sa kabilang linya.
“Oo, bebe. Saan tayo magkikita?” tanong niya.
“Sa dati, bebe,” sagot nito sa kabilang linya.
“Okay, sige. Dating oras ba?”
“Oo.”
“Sige, bebe. Bukas na lang. Goodnight,” paalam niya sa kaibigan nang magpaalam na din ito sa kanya.
Saglit lang ang pag-uusap nila ng kanyang kaibigan, niyaya lang siya nitong mag-apply ulit ng trabaho bukas. Nagpaalam na rin agad ito dahil matutulog na raw ito dahil gabi na.
Pagkalapag niya ng cell phone sa mesa ay nakaramdam na rin siya ng antok. Kaya umayos na siya nang higa at naghandang matulog.
Kinabukasan ay nagkita-kita nga sila ng mga kaibigan niya sa tagpuan nila sa San Malo. Pero habang naglalakad sila ay panay ang tingin niya sa kanyang cell phone dahil baka nag-text si Brix.
“Huy! Kanina ka pa tingin nang tingin sa cell phone mo? Sino bang inaabangan mo?” puna ni Yna sa kanya na siniko pa siya sa tagiliran para kunin ang atensyon niya. “Kakaiba ka lang kasi ngayon. Dati halos ayaw mo nang hawakan ang cell phone mo kapag nag-a-apply tayo, ah?” dagdag pa ni Yna.
“Wala. Tinitingnan ko lang kung may text ‘yong kasama kong nag-apply kahapon, baka lang kasi gusto ulit makisabay sa atin ngayon,” sabi niya.
“Sino ‘yan? Bagong dating lang ba?” pang-uusisa nito.
“Oo. Magtatlong araw na siya rito,” sagot niya.
“Dapat niyaya mo ulit para nakasabay siya sa atin,” turan naman ni Angel na nakikinig din pala sa usapan nila ni Yna.
“Sabi niya kasi siya na lang ang tatawag o magte-text kung makikisabay siya,” wika niya.
“Lalaki ba o babae?” tanong naman ni Glenda.
“Lalaki,” tipid na sagot niya.
“Yayain mo bukas para makasabay sa atin,” udyok naman ni Catherine.
“Baka magsasabi rin ‘yon. Napagod lang siguro ngayon dahil nanibago sa maghapong paglalakad sa pag-drop box ng resume kahapon. Mukhang hindi sanay, eh,” paglalahad niya.
“Ano’ng ibig mong sabihing hindi sanay?” nakakunot ang noong tanong ni Angel sa sinabi niya.
“Mukha kasing hindi nakakaranas ng hirap sa buhay ang taong ‘yon. Pang mayaman ang awra at napakaputi at napakakinis ang kutis,” anya.
“Naku, baka gano’n lang talaga ang itsura niya lalo na kung maalaga sa sarili,” sabat naman ni Glenda na ipinagkibit-balikat lang niya.
“Siguro nga,” saad niya.
“Siya ngapala birthday ko bukas. Sama kayo, ha? Sa may malapit sa Macau tower tayo pupunta,” kapagkuwan ay yaya ni Angel.
“Ay, oo nga pala bukas na ang birthday mo. Happy birthday, bebe,” bati ni Glenda kay Angel.
“Salamat, bebe. Basta dapat present kayong lahat bukas,” mariing habilin pa nito sa kanilang lahat.
“Oo. Kaya lang saan tayo magkikita?” tanong ni Glenda.
“Hmmm, wala pala akong kasamang magluluto. Baka gusto n’yong tulungan ako?” waring nahihiyang wika ni Angel.
Napangiti silang lahat. “Oo naman,” halos magkapanabay na sagot nilang apat.
“Saan ang tinutuluyan mo sa Taipa?” tanong niya sa address nito para alamin kung paano sila makakapunta doon bukas.
“Ite-text ko sa inyo ang direksyon,” maagap na sagot naman nito. “Yayain mo na rin ‘yong bago mong kakilala na bagong salta para makilala rin namin,” kapagkuwan ay wika nito sa kanya.
“Oo nga, bebe, para makilala rin namin siya. Nakakaintriga kasi ang description mo sa kanya, eh. Tingin ko guwapo ‘yon,” segunda ni Glenda sa sinabi ni Angel. Natahimik siya. Parang nakikini-kinita na niya ang magiging reaksyon ng mga kaibigan niya oras na makita ng mga ito si Brix.
“Subukan kong i-text mamayang gabi kung gusto niya,” sagot na lang niya.
“Ano’ng oras na pala?” si Catherine na tahimik lang na nakikinig sa pinag-uusapan nila.
“Mag-alas tres na,” sagot ni Glenda.
“Tamang-tama pala ang dating natin. Maglalabas na sila ng meryenda,” nasisiyahang wika nito na kakikitaan ng excitement sa mga mata dahil makakain na naman sila ng libreng meryenda sa hotel na pinuntahan nila.
“Oo nga, eh. Gutom na rin ako. Nakakapagod ang maghapong naglalakad,” waring daing ni Yna sabay hugot nito nang malakas na hangin saka napabuga. “Hay! Buhay OFW,” dagdag na wika pa nito.
Nang ilabas na nang mga staff ang libreng meryenda ay isa-isa silang nagsidampot ng sandwich at tubig.
“Mayroon pa sa kabila,” anang kapwa nila pinoy na nagtatrabaho sa hotel na iyon. “Huwag lang kayong sabay-sabay dahil baka masita kami,” habalin nito sa kanila.
“Salamat, kabayan,” pasalamat ni Glenda rito.
Isa rin iyon sa nakakatuwa sa Macau. Mismong mga kapwa pinoy din lang nila ang nagbibigay sa kanila ng signal kapag puwede nang kumuha ng pagkain sa mga hotel na pinupuntahan nila.
Minsan pa nga ang mga ito na rin mismo ang nagtatanong sa kanila kung gusto nila ng juice o kape sa tuwing naaabutan silang nagpapahinga sa loob ng mga casino.
“Saan pa tayo pupunta pagkatapos natin dito?” tanong niya habang kumakain sila.
“Ako uuwi na. Kasi kailangan ko pa maglaba ng mga damit namin ni Hubby,” ani Glenda na ang tinutukoy ay ang asawa nito.
“Ako rin siguro. Ang dami na rin naming labahin ng ate ko. Walang day-off ang ate ko ngayong week kaya ako na ang maglalaba,” sagot naman ni Yna. “Eh, ikaw?” baling nito sa kanya.
“Uuwi na rin siguro. Ngayon ko lang kasi puwedeng makausap ang nanay ko,” anya. Dahil ngayong araw papasyal ang kaibigan niyang si Kristy sa bahay nila at nakisuyo siya na mag-video call sila ng nanay niya gamit ang cell phone nito.
“Kung gano’n, tara na sa taas. Magpasa na tayo ng resume para makauwi na tayo,” yakag ni Angel na mabilis tinapos ang pagkain nito at tumayo na. “Mauuna na ako. Saka kayo sumunod.”
Isa-isa silang naglagay ng resume nila sa drop box. Hindi kasi puwede na sabay-sabay sila dahil baka may makahalata sa kanila na sila ay aplikante. Mahirap na at baka ma-deport sila ng wala sa oras.
Pagkatapos nilang maghulog ng kanilang resume ay nagkanya-kanya na rin sila ng sakay sa mga nakaparadang free shuttle sa terminal malapit sa hotel na kinaroroonan nila.
Nang nasa bahay na siya ay nakatitig siya sa cell phone niya. Katatapos lang niyang kinausap ang nanay niya sa Pilipinas. Naawa siya sa nanay niya dahil mag-isa na lang ito sa bahay nila. Gustuhin man niyang huwag itong iwan ay hindi naman maaari dahil gusto niyang mapabuti ang buhay nilang mag-ina. Na sinuportahan naman ng nanay niya dahil ayaw naman daw siya nitong pigilan sa mga gusto niyang maabot sa buhay.
Tumunog ang cell phone niya. Wala sa sariling tiningnan niya kung sino ang nag-text sa kanya. Ngunit ganoon na lang ang panlalaki ng mga mata niya nang makitang galing kay Brix ang text na iyon.
“Bah, nakaalala ang lalaking ‘yon, ah?” usal niya. Binasa niya ang nilalaman ng text nito. Kumunot ang noo niya. Nangungumusta lang naman pala.
Nang biglang maalala niya ang habilin ni Angel na yayain daw niya ito sa selebrasyon ng birthday nito bukas. Kaya agad na ni-reply-an niya ito at tinanong kung gusto nito sumama sa kanila bukas. Subalit nakatulugan na niya ang paghihintay sa reply nito dahil sa sobrang pagod sa buong maghapon na paghahanap ng trabaho.
Tulad ng usapan nilang magkakaibigan ay nagkita-kita silang lahat sa San Malo para sabay-sabay silang pupunta sa tinutuluyan ni Angel sa Taipa.
“Kiara, ano nang balita? Niyaya mo ba ‘yong bago mong kakilala na sumama sa atin?” paalala ni Glenda sa kanya nang naglalakad na sila papunta sa sakayan ng bus.
“Niyaya ko pero wala pa siyang sagot hanggang ngayon,” sabi niya. “Baka may bago na siyang nakilala na puwede niyang makasabay sa pag-a-apply kaya hindi na siya interesado na sumama,” dagdag na saad pa niya.
“Ay gano’n, sayang naman. Nakukyuryos pa naman ako kung ano ang itsura niya,” waring may panghihinayang na turan ni Glenda.
“Mamaya, susubukan kong tanungin ulit,” wika niya.
“Guys, nag-text si Angel. Dumiretso na lang daw tayo sa Macau Tower dahil papunta na raw sila,” pag-iimporma ni Yna na nakapag-antala sa pag-uusap nila ni Glenda.
“Nakaluto na raw ba sila?” nag-aalalang tanong ni Glenda.
“Oo raw. Maaga raw kasi nagpunta si Catherine kaya mabilis silang nakaluto,” sagot ni Yna.
“Mga bebe, tignan n’yo ‘yong lalaking makakasalubong natin, oh, ang guwapo,” kapagkuwan ay narinig niyang kinikilig na pahayag ni Yna.
Pero hindi na muna niya pinagtuunan nang pansin ang tinutukoy nito dahil tsinek niya ang kanyang cell phone baka sakaling may sagot na si Brix sa text niya kagabi.
“Ang guwapo, ‘noh?” segunda naman ni Glenda. “Pero teka, mukhang dito yata papunta,” narinig pa niyang saad nito.
“Hala, oo nga. Nakatingin dito sa atin,” turan naman ni Yna.
Buhat sa sinabi ni Yna ay doon palang niya tiningnan ang guwapong pinag-uusapan ng mga kaibigan niya dahil nakyukyuryos na rin siya sa mga komento ng mga ito tungkol sa naturang lalaki. Hinanap ng mga mata niya ang tinutukoy ng mga ito upang manlaki lang ang mga mata niya sa nakita nang makilala kung sino ang pinag-uusapan ng dalawa.
“Kiara,” tawag ng lalaking pinag-uusapan ng mga kaibigan niya sa kanya nang makalapit ito sa kinatatayuan nila.
“Kilala mo?” halos sabay-sabay na napatingin at nagtatakang tanong ng mga kaibigan niya sa kanya nang tawagin siya ng lalaking nakasalubong nila.