ANG TOTOO AY GUTOM NA GUTOM NA RIN talaga si Kiara, lalo na at hindi naman sila nakapunta sa isang hotel kung saan ay may libreng sandwich. Dahil sa ibang direksyon sila naghulog ng kanilang mga resume. Hindi na rin sapat ang pera niya para bumili pa siya ng pagkain sa labas. Minsan nga ay umaasa na rin lang naman siya sa mga free taste ng Instsik na nagtitinda malapit sa putol na simbahan, iyon ay kung sinuwerte siyang mabait ang nagpapa-free taste.
“Ikaw na lang ang kumain,” muling pagtanggi niya sa kasama niyang lalaki. Sabay labas ng bote ng tubig mula sa kanyang bag at inubos ang laman niyon.
“Halika na, ilibre ulit kita,” wika nito na ikinalingon niya sa kinauupuan nito.
Napakibit-balikat siya. Mukha yatang malaki ang baon nitong pera.
Sabagay kung tutuusin ay bagong salta pa lang naman ito sa Macau. Ang suwerte naman nito kung gano’n, lihim na naisip niya.
“Sige na,” pagpupumilit nito dahil hindi pa rin siya pumapayag sa gusto nito hanggang sa sabay silang napatingin sa tiyan niya dahil tumunog iyon nang malakas hudyat na nagugutom na rin siya. Dahan-dahan at nahihiya siyang napatingin sa mukha nito saka alanganing napangiti siya dito.
“Halika ka na. Nagrereklamo na ang sawa sa tiyan mo that means gutom na ‘yan,” ngingisi-ngising turan nito saka nagpatiuna nang maglakad at pumasok sa isang kainan malapit sa kinauupuan nila. Napanganga siya habang nakasunod nang tingin dito—ang napili kasi nitong restaurant na kakainan nila ay isang mamahalin.
“Hmmm, marami nga siguro itong baon na pera,” bulong niya na napahinuhod na lang sa lalaki na pumasok sa restaurant. Umupo na rin siya sa mesang pinili nito para sa kanila.
May lumapit na waiter sa kanila at binigyan sila ng tig-isang menu ngunit mulagat na napanganga siya sa menu dahil wala naman siyang naiinitindihan sa mga nakasulat doon dahil nakalathala iyon sa salitang Cantonese.
“Naiintindihan mo ba?” pagkausap niya sa kaharap na matamang nakatitig din sa menu.
“Hindi rin, eh,” sagot nito na nakakunot ang noo.
“Lipat tayo sa kabila. Doon tayo sa mas mura. Ang alam ko mahal ang pagkain nila dito, eh,” yaya niya ngunit mariin na tumanggi ito.
“Huwag na. Nandito na tayo, eh. Nakakahiya naman na aalis pa tayo at lilipat sa kabila. Ituro mo na lang ang gusto mo. Hulaan na lang natin kung ano ang masarap sa menu nila,” wika nito na ikinangiwi niya.
“Ngee, paano kapag hindi masarap? Eh, ‘di sayang ang pera mo?” anya rito.
“Just leave it. Basta makakain lang tayo,” saad nito na ikinataas ng isang kilay niya dahil sa pagsasalita nito ng Ingles sa harapan niya. Hindi lang ito miminsan na kinausap siya nito ng Ingles, kahapon pa niya iyon napapansin. Hindi na sana niya iyon pagtutuunan nang pansin dahil kilala naman ang mga Pilipino na magaling magsalita ng wikang Ingles. Pero nakakaagaw kasi ng atensyon ang kakaibang pagbigkas nito. Sosyal ang dating. Kumbaga ay bihasa na itong magsalita ng wikang Ingles.
Nang dumating ang order nila ay takam na takam na siyang kumain dahil amoy palang ng ulam ay masarap na. Kaya pagkalapag na pagkalapag ng pagkain nila ay sinimulan niya agad ang kumain ngunit nakakadalawang subo palang siya ay bigla siyang napatigil at napasulyap sa kasama niyang lalaki. Palihim na inobserbahan niya ito. Sinusundan niya nang tingin ang bawat pagsubo at pagnguya nito.
Ang taray! Pangmayaman kung kumilos, bulong niya sa isip habang patuloy na nakamasid siya sa kasamang lalaki.
“Bakit hindi ka kumakain?” tanong nito sa kanya na nagpagulantang sa diwa niya.
“K-kumakain ako. Ganito lang talaga ako kumain saka sabi ko naman sa’yo hindi ako gutom, ‘di ba?” pangangatwiran niya saka mabilis na sumubo ng pagkain pero ang totoo ay napahiya siya sa sarili at sa kaharap niya dahil huling-huli siya nitong nakatitig dito.
Yumuko na lang siya at mabilis na tinapos ang pagkain niya. Hindi na rin ito umimik pa at tahimik na tinapos ang pagkain nito.
“Siya ngapala, saan pa ang lakad mo after this?” kapagkuwan ay tanong nito pagkaraan ng mahabang katahimikan sa pagitan nila.
Nag-isip muna siya sandali kasi halos lahat naman ng mga hotel ay napuntahan na nila. Puwera sa mga agency.
“Ikaw ba? Gusto mo pa ba mag-drop box?” bagkus ay balik-tanong niya rito dahil kung gusto pa nito ay game pa rin siya dahil pabor naman iyon sa kanya.
“Pagod na ako. Maybe tomorrow again,” saad nito.
“Okay, sige. Bukas na lang ulit,” sang-ayon niya.
Pagod na rin naman talaga siya kaya lang ay iniisip niya ang makahanap na agad ng trabaho kaya inalis niya ang puwang sa katawan niya ang salitang ‘pagod’ kahit physically at mentally exhausted na siya.
“Let’s go. Ihatid na kita,” presinta nito nang matapos na silang kumain.
“Sigurado ka? Baka maligaw ka pabalik sa tinutuluyan mo?” tanong niya dahil alam niyang hindi pa nito kabisado ang pasikot-sikot sa mga kanto sa Macau. “Ako na maghahatid sa’yo. Saka subukan pa rin natin mag-drop box sa mga madadaanan natin mamaya,” mungkahi niya na ikinatigil nito na waring napapaisip.
NAPATIGIL SI BRIX. Napahiya siya na natatawa sa sarili niya. Nag-alok siyang ihatid ito samantalang siya mismo ay hindi niya alam ang pabalik sa tinutuluyan niyang hotel.
“Saan ka ba nakatira dito?” kapagkuwan ay tanong nito sa kanya.
“Doon sa—” bigla siyang natigilan at nag-alangan kung sasabihin ba niyang sa hotel na iyon siya naka-check in kung saan sila nagkita kanina kahit pa nabanggit na niya kahapon na doon siya tumutuloy. Nabahala siya na baka sa susunod ay ayaw na siya nitong makasama. Kanina nga ay napansin niya na natitigilan ito sa tuwing nakakapagsalita siya ng wikang Ingles. At alam niya na pati ang kilos niya ay inoobserbahan nito kanina.
“Ituro mo na lang sa ‘kin ang daan kung paano pumunta roon,” sabi niya na lang dito para siya na lang ang babalik mag-isa.
“Sigurado ka, ha? Kasi ibang daan ang dadaanan natin. Mas malapit kaysa dinaanan natin kanina,” tanong ulit nito na ikinabahala niya.
“Oo. Ako na bahala,” sabi na lang niya. Pupuwede naman siyang mag-taxi na lang mamaya kapag naghiwalay na sila ng landas.
“Okay. Sige, sabagay kasama mo naman si Magta,” anito na ikinakunot nang noo niya.
“Sinong magta?” nagtatakang tanong niya.
“Si Magta short for magtanong,” natatawang sagot nito na bahagyang ikinangiti niya dahil sa pagbibiro nito.
“Akala ko pa naman tao si Magta, joke lang pala,” nangingiti pa ring saad niya rito.
“Bakit ano ba sa akala mo? Hindi mo ba alam na iyon ang companion araw-araw ng mga bagong saltang pinoy dito?” wika nito nang biglang napatigil na naman ito sa paglalakad.
“Bakit?” nagugulumihang tanong niya.
“Halika lumihis tayo, may kalaban na naman sa kanto pero huwag kang pahalata, ha?” Hinila siya nito sa isang tabi at naupo sa isang kubling kanto na kunwari ay napagod na maglakad dahil nagkunwari pa itong hinihingal.
“Mag-pose ka riyan,” utos nito sa kanya na natutulirong sinunod naman niya agad at kinuhanan siya ng picture. Tumayo siya at sumandal sa bakod na nasa likuran niya itinutok nito ang camera ng cell phone nito sa kanya ngunit hindi naman sa kanya nakasentro ang mga mata nito kundi sa pulis na nasa kanto. Napailing siya sabay napatawa ng pagak. Hindi niya akalain na mararanasan niya sa buhay ang mga ganoong pangyayari sa Macau.
“Halika ka na. Nakalampas na,” saad nito na lumapit pa sa kanya. “Alam mo mabuti na lang mukha ka talagang turista sa suot mo,” saad nito na pinagmasdan pa siya mula ulo hanggang paa. Pati siya ay napatingin din sa suot niyang maong pants na tinernuhan niya ng polo shirt at rubber shoes. Ngunit para sa kanya ay ordinary lang naman ang suot niya. Napapakunot tuloy ang noo niya habang naglalakad.
“Ganito ba talaga ang kalakaran dito?” tanong niya.
“Oo. Kaya dapat palagi kang alerto kung ayaw mong mahuli,” paalala nito sa kanya na hindi na niya nagawang sagutin ang sinabi nito.
“Dito mo na lang ako iwan. Alam ko na kung paano makakabalik sa tinutuluyan ko dahil medyo kabisado ko na rito,” pagdadahilan niya nang natatanaw na niya ang hotel na tinutuluyan niya.
“Sigurado ka?”
“Oo. Salamat sa pagiging gentlewoman,” kunwari ay pagbibiro niya dahil kabaliktaran ang nangyari dahil imbes na siya ang maghatid dito ay siya pa ang inihatid nito.
“Sus, wala ‘yon. Iyan na ang uso ngayon, kasabay ng climate change ang pagiging people change,” nakangising pahayag nito na wari bang may gusto itong ipahiwatig ngunit hindi naman niya maintindihan.
“O, napapaisip ka na naman diyan. O, sige na lumakad ka na. Kapag gusto mo pang sumabay bukas, tawagan mo na lang ako, puntahan kita rito,” sabi pa nito.
“Okay,” sagot niya sabay tango dito.
Ang gaan kasama ng babaeng ito, bulong niya sa isip.
“Tatawag na lang ako ulit sa’yo,” pahabol na sabi niya kay Kiara.
“Sige. O, paano mauna na ako,” paalam nito sa kanya. Tumango lang siya dito pagkatapos ay tumalikod na ito sa kanya.
Nangingiti siya habang panay ang kanyang pag-iling habang pinagmamasdan itong papalayo sa kinatatayuan niya.
“Pambihira! Ako pa ang hinatid,” napapakamot sa ulong bulong niya sa sarili. Wala na siyang nagawa nang ipilit nitong ihatid siya kanina. Hayaan na lang daw niya itong gawin iyon dahil inilibre naman niya ito ng pagkain. At saka mahirap na raw dahil baka mawala siya ay konsensya pa raw nito kapag nagkataon.
Sa tanang buhay niya ay ngayon lang siya nakaranas na ihatid ng babae. At ngayon lang siya nakakilala ng babaeng kagaya ni Kiara— strong and determined to pursue her dreams.
Hanggang sa makapasok siya sa hotel room niya ay hindi mapuknat-puknat ang nakaguhit na ngiti sa mga labi niya. Tiyak na pagtatawanan siya ng mga pinsan niya oras na malaman ng mga ito ang tungkol kay Kiara at sa mga pinaggagawa nila.