Chapter 3

1683 Words
HABANG NAGLALAKAD palayo si Kiara ay napapangiti siya. Ang guwapo kasi ng lalaking nanlibre sa kanya kanina. Hindi kalakihan ang pangangatawan nito ngunit mahahalata naman ang matitigas nitong mga muscle sa braso. “Sayang. Mukhang hindi ko na siya makakasama pa ulit, mukhang ayaw niyang sumabay sa pag-a-apply,” bulong niya sa sarili habang naglalakad pauwi. Pero biglang kumontra ang kabilang isip niya sa ideyang iyon. Iwasan ang lovelife, paalala ng kabilang isip niya dahilan para mapabuntong-hininga siya. “Trabaho muna bago lalaki. Ang goal ko sa buhay ang dapat kong unahin,” mariing paalala niya sa sarili. “Laban!” bulong pa niya saka iwinaksi sa isipan ang imahen ng bagong kakilalang lalaki. Binilisan na niya ang paglalakad para makarating na siya agad sa tinutuluyan niya. Tamang-tama, mag-isa niya ngayon sa bahay kasi may pasok lahat ang mga kasama niya. Pati na ang kaibigan niyang tumulong sa kanya para makapunta roon sa Macau na si Faye ay nasa trabaho rin. Sinimulan nang maglaba ni Kiara. Dahil puro automatic naman ang mga kagamitan nila ay madali na lang sa kanya ang maglaba. Kaya habang hinihintay na matapos umikot ang washing machine ay nililinis naman niya ang kanyang higaan at nilinis na rin niya ang buong sala. Noong una siyang dumating sa Macau ay hindi niya inaasahan ang buhay doon dahil sa isang maliit na kuwarto ay halos anim na silang natutulog. Tatlong double deck na ipinilit ipinasok sa maliit na kuwarto. May kasikipan pero mas mainam na iyon kaysa gumastos siya ng malaki sa upa lalo na at wala pa siyang trabaho. Nang matapos siyang maglaba ay pagod ang katawan na nahiga siya sa kama niya. Inaantok na siya pero hindi pa siya kumakain. Iisang noodles na lang ang natitira sa stock niya. “Itulog ko na lang. Panggabi ko na lang ito tutal hindi naman ako masyadong nagugutom dahil madami akong nakain kaninang nanlibre si Brix,” pagkausap niya sa sarili habang mataman na pinagmamasdan ang isang pack ng intant noodles na hawak niya. Nang biglang matawa siya. Natatawa siya sa sarili niya nang mapagtanto niyang napapadalas na ang kanyang pagkausap sa sarili nang mag-isa mula nang dumating siya sa Macau. Mukha tuloy siyang nababaliw na. NAKAHARAP SI BRIX SA KANYANG LOPTOP at napapaisip siya sa paanyaya ni Kiara na mag-apply. May pumapasok na ideya sa isipan niya, gusto niya malaman at alamin kung paano ang buhay-aplikante sa bansang iyon. Kung paano sila nag-a-apply. Tutal, ay hindi pa naman dumating ang ka-business meeting niya, bakit hindi muna siya sumama kay Kiara para hindi siya mabagot sa loob ng isang araw. Kaya napagdesisyunan niyang subukang sumama bukas. Gumawa siya ng resume niya. Pero ang problema niya naman ngayon ay kung paano ito ma-i-print. Hindi naman niya ganoon kabisado ang Macau. Napatingin siya sa cell phone niya. Si Kiara, tiyak may alam itong computer shop dito na puwedeng pagpa-print-an ng resume niya. Tinawagan niya si Kiara. “Hello?” paos ang boses na sinagot nito ang tawag niya. Natutulog yata ito. “Hello, Kiara? Naistorbo ba kita? Nagising ko yata ang tulog mo,” tanong niya. “Hindi, okay lang. Mahaba-haba na rin naman ang tulog ko. Napagod kasi akong maglinis at maglaba,” sagot nito sa kabilang linya. “Bakit pala napatawag ka?” “Gusto ko sana ipaalam na sasama ako bukas pero wala akong kopya ng resume ko, may alam ka bang computer shop na puwedeng pagpa-print-an?” tanong niya rito. “Oo, meron,” mabilis na sagot nito sa kabilang limya. Napangiti siya. “Good. Saan tayo magkikita bukas?” “Alam mo ba paano pumunta sa San Malo?” tanong nito sa kabilang linya. Napalabi siya dahil hindi niya alam kung paano pumunta roon at kung saang parte sa Macau iyon. “Hindi ko alam, eh, ibigay mo na lang ang landmark at hahanapin ko,” saad niya. Hindi naman siguro mahirap hanapin iyon dahil maliit lang naman ang Macau. “San ka ba nakatira dito?” tanong nito na agad niyang sinagot at ibinigay ang hotel sa tinutuluyan niya. “Malayo ka pala.” “Ganito na lang, ipasa mo na lang sa email ko ang resume mo at ako na ang magpapa-print tapos pupuntahan na lang kita kasi diyan din naman tayo mag-uumpisang maghulog ng mga resume,” suhestiyon nito. “Hindi ba abala sa’yo?” nag-aalangang tanong niya. “Hindi, ayos lang ‘yon. Kasi malapit sa tinitirhan ko ang computer shop, kung pupunta ka pa rito sayang ang oras,” ani pa nito. “Sige. Bayaran ko na lang ang magagastos mo,” anya. “Okay,” anito. “See you tomorrow,” paalam niya rito. “See you,” huling wika nito bago natapos ang pag-uusap nila sa cell phone. Nang matapos ang pag-uusap nila ay tumunog ang message tone ng cell phone niya. Si Kiara, ibinigay nito ang email address na pagpapasahan niya ng kopya ng resume niya. Agad na nagtipa siya sa loptop niya at ipinasa ang resume niya. Kinabukasan ay hinintay niya ang text ni Kiara kung anong oras ito darating sa pinag-usapan nilang lugar kung saan sila magkikita. Kanina paggising niya ay sinabi nito sa text na magpapa-print pa raw ito ng resume niya at hihintayin pa nito ang ibang kasama nilang mag-a-apply. Kaya habang hinihintay ay nagbukas muna siya ng email para mag-check ng mga files na ipinasa ng kanyang secretary. Ilang dokumento na rin ang nababasa niya nang tumunog ang cell phone niya. Tumatawag na si Kiara. “Hello?” sagot niya. “Hello, Brix, papunta na ako riyan,” saad nito. “Gano’n ba? Sige hintayin kita sa lobby,” sagot niya at agad na nagpaalam dito. Inayos na niya ang kanyang mga gamit at mabilis na lumabas ng kanyang hotel room. Ilang minuto na siyang naghihintay ngunit wala pa rin si Kiara kaya naisipan niyang magtingin-tingin muna sa paligid pero hindi siya masyadong lumalayo dahil baka hindi siya agad makita ni Kiara sa lobby ng hotel ay magkasalisi pa sila. “Brix!” Napalingon siya sa tumawag sa kanya. Nakita niya si Kiara na papalapit sa kanya habang nagpupunas ng sariling pawis sa noo nito. “Pasensiya ka na, natagalan ako. Hinintay ko kasi ang mga kaibigan ko pero hindi naman pala sila makakasama,” humahangos na saad nito. Basang-basa ito ng pawis. “Ang init sa labas. Magpalamig muna ako saglit bago tayo lumakad, ha?” pakiusap nito sa kanya. “S-sure. Come, umupo muna tayo ro’n,” yaya niya sa isang parte sa lobby na may mga pupuwedeng maupuan. “Siyanga pala, kapag naglibot na tayo huwag kang magpapahalata na aplikante tayo, ha?” saad nito. “B-bakit?” nagtatakang tanong niya. “Kasi bawal. Huhulihin tayo ng mga pulis kaya hangga’t maari iwasan natin sila. Tourist visa kasi tayo rito kaya bawal mag-apply ng trabaho,” sagot nito. Medyo kinabahan siya sa sinabi nito. Gusto niyang umurong pero mukhang huli na. Napasubo na siya. Pero sa kabilang banda ay naisip niyang challenging pala ang paghahanap ng trabaho dito sa Macau. Kaya imbes na umurong ay na-challenged siya na subukang mag-apply ng trabaho. “’Yong resume mo pala, mamaya ko na ibigay, kasi baka may makakita sa atin dito kapag iniabot ko sa’yo,” bulong nito sa kanya na halos hindi na niya marinig ng maayos ang sinasabi nito dahil sa hina ng boses nito. “Sige,” tanging nasabi na lang niya. Nang lumakad na sila ay natatawa siya habang binabagtas nila ang bawat hotel na puwedeng paghulugan ng kanilang mga resume. “Brix, halika, may mga pulis, pero huwag kang magpapahalata na umiiwas ka, pasimple ka lang,” utos nito sa kanya. Noong una ay niraragasa siya ng kaba ngunit nang tumatagal ay natatawa na siya sa ginagawa nila. “Palagi bang ganito ang ginagawa n’yo?” hindi na niya naiwasang itanong ang pinaggagawa nila habang naglalakad. “Oo. Kaya dapat masanay ka at alamin mo kung paano umiwas kasi pagnahuli ka ng lispu, naku, patay ka, deportation ang bagsak mo,” dagdag na paalala pa nito. Ngunit may isang salita na sinabi nito ang umagaw sa atensyon niya kaya salubong ang mga kilay na nagtanong siya dito. “Anong lispu?” “Pulis. ‘Yon ang tawag namin sa kanila kasi hindi nila naiintindihan. Malakas ang pakiramdam ng mga ‘yan,” ani pa nito. Napapaisip tuloy siya kung isang paalala pa ba ang mga impormasyong sinasabi nito o isa na iyong pananakot sa mga bagong saltang pinoy sa bansang iyon para maghanap ng trabaho. Nang biglang tumagos ang tingin nito sa likuran niya na ipinagtaka na naman niya. “Kuhanan mo ako ng picture, Brix, bilis!” utos ulit nito sa kanya. Ngunit hindi siya agad tuminag dahil bigla siyang natuliro. Hindi niya malaman kung bakit kailangan nilang kumuha ng picture nang mga sandaling iyon. “May lispu.’Yang cell phone mo na ang gamitin mo kasi maganda ang camera. Bilis na,” tila natatarantang utos nito sa kanya. Sumunod na lang siya sa sinabi nito kahit pa hindi niya maintindihan ang ipinapagawa nito sa kanya. “Ayan, patingin nga,” saad nito na lumapit pa sa kanya saka may ibinulong. “May pulis na nakatayo sa likuran mo. Baka mahalata na aplikante tayo ay kapkapin ang bag ko. Mabuti na ‘yong isipin nila na turista tayo na nagpapa-picture.” Napanguso na lang siya at napatango-tango sa sinabi nitong dahilan kung bakit sila nagkunwa-kunwariang kumukuha ng picture. Kaya naman pala nataranta ito nang husto kanina. Marami-rami na rin ang napuntahan nilang hotel at mga agency na pinasahan nila ng resume. At ramdam na ramdam na niya ang pananakit ng kanyang mga paa pero ang kasama niyang babae ay tila wala pa ring kapaguran sa paglalakad. Nang mayamaya ay nakaramdam na siya nang gutom. “Tara, kumain muna tayo.” “Ha? Ah, sige lang. Ikaw na lang ang kumain,” tanggi nito. “Hindi ka ba nakakaramdam ng gutom sa layo nang nilakad natin?” hindi makapaniwalang tanong niya kay Kiara dahil siya ay ramdam na talaga niya ang kanyang gutom bukod sa pagod na rin talaga siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD