PROLOGUE
PROLOGUE
"Sige na, Janess." Si Fellecity, bestfriend ko. Hinihila pa ang braso ko. "Ang tagal mo na kayang hindi nakakapagclub. Mag-enjoy ka naman!"
Napairap nalang ako, walang balak sumama. "Ayoko nga."
"Bakit ba ayaw mo?" Nilagay niya ang purse sa may table at umupo sa tabi ko. "Bakit, takot ka ba na makita siya do'n?"
Kahit wala siyang sinasabing pangalan ay alam ko na agad kung sino ang tinutukoy niya. Tinaasan ko siya ng kilay.
"Hindi, ah." Pinatigas ko ang mukha para wala siyang mabasang kahit anong emosyon doon. "Naka move-on na ako, 'no."
"Yon naman pala, eh!" Sinuot niya na ang heels niya. "Magbihis ka na! Hihintayin kita dito."
Masyado talaga akong kinumbinsi ni Fellecity kaya wala na akong nagawa kundi ang sumama sa kaniya. Siguro pwede ko narin maging kapalit 'to sa lahat nang nagawa niya para sa'kin.
Simula kasi noong mga panahong wala na akong pag-asa sa buhay ay hindi siya umalis sa tabi ko. Nanatili siyang tapat at matulungin kong bestfriend kaya sobra-sobra ang pasasalamat ko sa kaniya. Ni hindi siya nagdalawang isip napatirahin ako dito sa bahay nila.
Pagkatapos magsuot ng black fitted v-neck dress, naglagay na ako ng light make-up. Nilugay ko rin ang buhok kong natural ng kulot sa dulo.
"Yey!" Halos mapatalon sa tuwa si Fellecity nang makita ako. Agad niyang sinabit ang braso sa braso ko. "Ang ganda mo, ah. Halatang pinaghandaan."
Natawa nalang ako sa sinabi niya saka kami nagpaalam sa Mama niya at sabay na lumabas. May nakaparada ng white sedan doon, malamang sa boyfriend niya 'yon.
"Babe," Lumapit sa kaniya ang boyfriend niya para halikan siya sa labi. Umiwas ako ng tingin sa kanila. "Ang ganda mo."
Halos maglupasay naman sa sahig ang gaga dahil sa kilig. Hindi pa siya titigil kung hindi ko pa siya kinurot sa tagiliran.
"Ang sakit, ah." Sinamaan niya ako ng tingin habang himas 'yong parteng kinurutan ko. Inirapan ko lang siya at hinarap ang boyfriend niya.
"Ako ba, Jay, hindi ako maganda?" Kunwari ay nagtatampo kong sabi. Pasimple akong sinabunutan ni Fellecity. Hindi naman ako sinusulyapan ng boyfriend niya, 'yon ay dahil titig na titig si Fellecity sa kaniya na para bang sinasabing, 'subukan mong tumingin.'
Hindi ko mapigilang humalakhak sa kanilang dalawa. Eto kasing si Jay, siga dito sa tondo pero parang tutang duwag pagdating kay Fellecity.
Kelan kaya ako magkakaro'n ng leon na sa akin lang maduduwag?
Pinilig ko ang ulo ko at niyaya na silang umalis. Baka kasi 'pag hinayaan ko silang magtitigan do'n ay maghalikan pa sila sa harap ko.
Geez.
Binuksan ko ang bintana ng kotse habang nagmamaneho si Jay. Nasa backseat ako habang nasa shotgun seat naman si Fellecity.
Dumungaw lang ako doon at pumikit, ninamnam ang sariwang hangin. Sa nakalipas na taon ay ngayon lang ulit naging ganito kapayapa ang puso ko. Hindi ko mapigilang mapangiti.
Nang dumarami na ang tao sa dinadaanan namin ay nag-ayos na ako. Malamang malapit na kami.
"Yes! Miss ko nang uminom kasama 'yang siraulo kong bestfriend!" Excited na lumabas si Fellecity sa kotse kaya hindi na ako nakaganti sa sinabi niya. Napanguso nalang ako.
Ako pa talaga ang siraulo, ah?
Lalabas na sana ako pero natigil 'yon dahil may nakita akong isang bulto ng pamilyar na lalaki. Nakahawak siya sa bewang ng isang babae. Agad na binomba ng kaba ang puso ko.
"Janess?" Napamulat nalang ako ng nasa harap ko na si Jay, kinakatok ang bintana kung saan ako nakaharap. "Hinihintay ka na ni Fellecity sa loob, ang tagal mo daw. Okay ka lang?"
Napalunok ako, kinakapa ang nararamdaman. Bigla ay parang gusto ko nalang umuwi. Pero pumayag na ako sa gusto ni Fellecity. Malulungkot 'yon kung mag-aaya akong umuwi, lalo na at ang sigla na ng mood niya.
Huminga nalang ako ng malalim at lumabas nalang ng kotse. Nandito palang ako sa kinatatayuan ay rinig ko na ang ingay mula sa loob ng club.
Nauna na din si Jay sa loob, inaalala ang girlfriend niyang gala. Baka mamaya daw ay kung saan-saan naman 'yon magpunta.
Ilang beses ko pang kinumbinsi ang sarili bago pumasok sa loob. Hindi pa nga ako nakakapasok ay marami nang lumalapit sa'kin. Ang ilan sa kanila ay mga kakilala ko habang ang iba naman ay gusto lang magpapansin.
Nakita ko naman ang dalawang love birds, naghaharutan doon sa may couch. Naglakad na ako papalapit sa kanila.
"Oh!" Agad inabot sa'kin ni Fellecity ang isang baso ng beer. "Shot mo na!"
Napangiwi ako sa kaniya. "Hindi mo man lang hahayaang makaupo?"
Natawa siya. "Upo na! 'Tas inumin mo na 'to. At oo, hindi ko hahayaang hindi ka malasing ngayon. Ang tagal mo nang hindi umiinom, eh!"
Napailing nalang ako sa kaniya saka uminom ng inalok niyang beer. Agad akong napaitan sa lasa. Siguro dahil narin sa ang tagal ko na talagang hindi umiinom.
Ilang sandali pa ay umalis na silang dalawa. Marami kasing kakilala dito si Fellecity at syempre ayaw iwan ni Jay ang girlfriend niyang akala mo tatakas sa kaniya. Kaya naiwan ako dito sa couch, tahimik na umiinom.
"Hi."
Isang gwapong lalaki ang umupo sa harap ko. Muntik ko nang masuka ang iniinom dahil sa gulat.
"Calvin!" Nanlaki ang mga mata ko. Ngumiti lang siya sa'kin. "Anong ginagawa mo dito?"
Tumaas ang kilay niya sa'kin. "Ikaw, anong ginagawa mo dito?"
Kumuha ulit ako ng bagong beer. Hindi naman ako madaling malasing kaya sunod-sunod parin ang inom ko. "Well, having fun. Kailangan ko rin 'yon."
"Hmm." Ngumisi lang siya. Nilahad niya ang kamay niya sa'kin. Napatingin ako sa kaniya, nagtataka.
"Sayaw tayo."
Napangiti ako at tinanggap ang kamay niya. Dinala niya naman ako sa gitna ng dance floor. Saka kami doon sumayaw.
"Hoooooo!" Nagiging hyper na si Fellecity at gano'n rin ako. Tawa kami nang tawa habang sumasayaw. Ang sarap sa pakiramdam dahil ngayon ulit ako naging ganito kasaya.
Ilang sandali pa nang sila naman ni Jay ang sumayaw. Napanguso ako. Inagaw na naman sa'kin yung bff ko.
Badtrip.
"Tayo naman." Bigla ay may brasong pumulupot sa bewang ko. Humarap ako at doon ko nakita ang gwapong mukha ni Calvin, nakangiti sa'kin.
Napangiti rin ako at sinabit ang braso sa leeg niya. Napatingin ako sa mga mata niya. Parang maraming gustong sabihin sa'kin 'yon pero pilit niyang tinatago.
Mas humigpit ang hawak niya sa bewang ko. Naging masuyo ang mga mata niyang nakatuon sa'kin, maraming pinapahiwatig pero hindi ko mapangalanan.
Ilang sandali pa nang mapansin kong bumababa ang mukha niya, nakatingin sa labi ko. Parang natulos ako sa kinatatayuan at hindi alam ang gagawin.
Pumikit nalang ako, hinihintay kung ano ang mangyayari. Pero imbes na halik ang maramdaman ko, isang braso ang humila sa'kin palayo kay Calvin.
"Anong—"
Agad kong naamoy ang pabangong pamilyar na pamilyar sa'kin. Pabangong noon palang ay kinahumalingan ko na. Pabangong gustong-gusto kong maamoy sa iisang tao.
Madilim ang dinadaanan namin hanggang sa namalayan ko nalang na ipinasok ako sa kwarto ng humila sa'kin!
Agad ay binalot ako ng takot dahil pati sa kwarto ay madilim. Lalo na nang idiin niya ako sa pintuan at isiniksik ang mukha sa leeg ko.
"S-Sino ka?"
"Shhh..."
Ramdam ko ang hininga nito sa leeg ko. Napapapikit ako at nanabik sa hindi malamang dahilan. Palakas narin ng palakas ang t***k ng puso ko.
"Sinong may sabing pwede kang mahalikan ng iba?" Mahina ngunit may halong inis ang pamilyar nitong boses. Natulos ako sa kinatatayuan.
"S-Stephen?"
Narinig ko ang mahina nitong pagtawa. Nag-ulap ang pakiramdam ko. "Ako nga, mahal..."
Lumalim ang paghinga ko nang umakyat sa mukha ko ang hininga niya. Ibig sabihin, pantay na ang mukha namin.
Hinapit niya ako lalo sa katawan niya dahilan para magsitaasan ang mga balahibo ko. Gusto kong lumayo pero hindi gano'n ang gusto ng katawan ko. Gusto ko siyang itulak pero parang masyado nang nanghina ang katawan ko para magawa pa 'yon. Presensya niya palang ay malakas na ang epekto sa'kin.
Nanigas nalang ako sa kinatatayuan nang maramdaman ang mainit niyang labi na lumapat sa'kin. Halos manginig ang mga tuhod ko.
Parang sasabog na ang puso ko sa sobrang lakas ng t***k. Ang halik niyang nanghahalina ay nagpabalik ng maraming ala-ala sa'kin. Puno ng sakit at saya, ngunit ang halik niyang pamilyar sa pakiramdam ay binubuhay ang init sa buong katawan ko.
Wala sa sarili akong pumikit nang gumalaw ang labi niya. Ang labi niyang marahan ang paggalaw ay parang tinutukso akong halikan siya pabalik. Kaya nang gayahin ko ang ritmo ng labi niya at isinabit ang braso sa leeg niya, alam kong doon palang ay nawala na ang lahat ng iniisip at pagpoprotesta ko sa sarili at lumipad na palabas ng kwarto.
Nagsimulang maglumikot ang mga kamay niya. Humahagod 'yon sa leeg ko pababa sa bewang ko. Dahil sa halik niyang nilalasing ako, hindi ko na halos namalayan ang paggalaw niyang iginigiya ako papunta sa kama at dahan-dahang ihinihiga doon.
Doon lang ako natauhan at parang napapasong lumayo at humiwalay sa kaniya. Naramdaman kong natigilan siya.
Nagsimulang mangilid ang luha ko. Naalala ko na naman ang lahat. Dito nagsimula ang lahat dahil hinayaan ko ang sariling mahulog sa patibong niya. Hinayaan ko siyang gamitin ako ng paulit-ulit.
"Janess—"
"Plano mo na naman ba 'to?" Pinilit kong maging kaswal para hindi niya mapansin ang nanginginig kong boses. Natahimik siya.
"Wala akong pinaplano—"
"Sa tingin mo maniniwala ako sa'yo? Nilayo mo ako kay Calvin nang hindi ako tinatanong kung gusto ko bang sumama sa'yo. Tapos ngayon namalayan ko nalang nandito ako sa kwarto... " Natawa ako nang peke. "... kasama mo."
Huminga siya ng malalim. Madilim parin pero naaaninag ng paningin ko na na nasa harap ko lang siya. "Nilayo kita sa kaniya dahil kita naman sa mga mata niya na may balak siya sa'yo."
"At ikaw wala?"
Doon siya mas lalong natahimik. Natawa nalang ako ng walang buhay.
"Sige." Biglang naging malamig ang boses niya. "Sumama ka sa kaniya kung gusto mo. Total, madali lang naman sa'yo ang sumama sa iba at magpagamit sa iba."
Doon ay hindi ko na napigilan ang galit ko at marahas siyang sinampal. Sunod-sunod na tumulo ang luha ko.
"Wala ka paring pinagbago." Tumayo na ako at umalis sa kama. "Gago ka parin."
At bago pa ako lumabas ng kwarto ay muli ko siyang hinarap. Nanatili lang siya doon sa pwesto kung saan ko siya iniwan. "Sana hindi na tayo magkita ulit. At uulitin ko ang sinabi mo," Lumunok ako para sabihin ang huling salitang iniwan niya sa'kin noon. "Nagsisisi akong nakilala kita."
Pinagsisisihan niya noon na nakilala niya ako noong 17 palang siya.
At nagsisisi ako ngayon na nakilala ko siya noong 13 palang ako.