CHAPTER 1
His Perfume
ANG LAKI ng ngiti ko dahil nauna na naman akong makatapos sa quiz namin. Pinasa ko naman agad ang papel ko sa subject teacher namin.
"Ang daya naman, tapos ka na agad?" Parang nalulungkot na amok sa'kin ni Mae, bestfriend at kaklase ko. Tinawanan ko lang ang mukha niyang namomomlema sa 'di naman gaanong kahirap na quiz namin.
"Madali lang naman eh," Sabi ko. Inungusan niya naman ako dahilan para matawa ako. "Labas muna ako."
Nagsimula naman akong mag-ayos ng gamit ko para lumabas muna ng room. Ngayong Grade 9 kami, hindi naman bago sa'kin ang ganito. Madalas talaga ako mauna sa mga kaklase ko pagdating sa quizes at exams kaya siguro ako ang naturingang First Honor no'ng Grade 7 at 8.
Sinakbit ko na ang bag saka tumayo na para lumabas. Pero bago ako makalabas ng pinto ay bigla nalang tumama ang mukha ko sa matigas na bagay.
"Aw!"
Napahawak ako sa mukha ko. Ang sakit no'n ah!
"Tsk." Asik no'ng pader— wait. Yung pader nagsasalita? Wala namang pader sa tapat ng pinto ah?
Tinanggal ko ang kamay sa mukha ko saka nag-angat ng tingin nang may maamoy akong sobrang bango. At gano'n nalang ang gulat ko nang makita na matangkad na lalaki ang nasa harap ko.
Bagsak ang buhok, naka white t-shirt, black slacks at black nike shoes. May suot rin siyang military necklace na nakaakit sa paningin ko. Maliit na backpack bag lang ang dala niya, at mukhang Grade 10. Medyo matangos ang ilong, tama lang ang kulay ng labi at mukhang masungit ang mga brown na mata. Pero ang mas naagaw ng atensyon ko ay ang pabango niyang halos balutin na ang ilong ko.
Amoy vanilla. Sabi ko sa isip ko. Sobrang bango at matamis ang pabango niya na para bang gugustuhin mong manatili sa tabi niya habang buhay para lang malanghap ang amoy niya.
Ang sarap niyang singhutin!
Kahit mukhang pambabae ang gamit niyang pabango, mas lalo lang nakadagdag sa angas ng porma niya ang amoy niya. Tuloy hindi ko namalayan ang sarili kong walang hiya siyang tinititigan.
Nang makabalik ako sa katinuan ay napapahiya akong nagbaba ng tingin! Lihim kong minura ang sarili dahil sa matagal na pagtitig sa kaniya. Tumabi rin ako para bigyan siya ng daan dahil mukhang nagmamadali siya kanina kaya kami nagkabanggaan.
Napakurap-kurap pa ako nang makitang hindi siya gumagalaw. Nakababa kasi ang tingin ko sa sapatos niya. Kaya naman inangat ko ulit ang ulo ko pero halos mapaurong ako sa titig niya sa'kin!
Nakatutok lang sa'kin ang mga mata niya na para bang wala siyang ibang nakikita kundi ako. Nagsisimula na akong mailang at ayaw kong bigyan ng meaning ang tingin niya. Ako pa naman yung tipo na mahilig magbigay ng malisya sa simpleng kilos.
Mahirap na. Mahirap umasa.
"U-Uh... daan ka na po, kuya."
Sandali pa siyang tumitig sa'kin. Nagtaka pa ako nang mag-iba ang tingin niya, tingin na para bang may nasabi akong masama. Naitikom ko tuloy ang bibig ko.
Nag-iwas nalang siya ng tingin sa'kin saka dere-derestong pumasok sa loob ng room at nilagpasan ako! Napanganga ako doon. Aba—
Pumihit ako patalikod para lang titigan ng masama ang likod niya. Pakiramdam ko kasi nanliit ako sa ginawa niya. Porke ba hanggang balikat niya lang ako, pwede niya na akong ganituhin?!
Pero totoo namang maliit ako kung pagtatabihin kami.
Inirap ko nalang sa hangin ang inis na nararamdaman ko. Bakit ba 'ko nagagalit? As if namang close kami para hindi niya pansinin.
Lumabas nalang ako saka nagpunta sa kabilang room para tumambay. Bakante kasi doon at madalas tambayan ng mga estudyante ang bintana ro'n kapag breaktime dahil hindi siya gano'n kataas. Naupo muna ako saglit saka lumabas para bumili ng chocolate ice cream.
Kung titingnan mo ang paligid, hindi gano'n kalaki ang school namin. Private kasi 'to kaya kokonti lang kami. Halos bilang nga ang estudyante dito at halos lahat makikilala mo, pati narin ang mga teachers. Hindi siya sikat o mayamang school tulad ng iba pero... sobrang mahal ng bayarin.
Napabuntong-hininga ako ng makabalik sa tinatambayan ko. Kung ako ang tatanungin, mas gusto kong mag-aral sa public school. Kaso hindi ko alam ang dahilan kung bakit dito nila ako pinag-aral kahit mahal ang bayarin, lalo na ang miscellaneous at tuition fee.
Isipin mo palang, mahihimatay ka na.
"Oy," Napalingon ako sa tabi ng bintana nang may maupo do'n. Napatigil ako sa pag kain ng ice cream ko nang makita si Calvin, kaklase ko rin.
"Pahingi nga!" Makapal ang mukha niyang sabi saka akmang kukunin ang ice cream ko! Marahas ko 'yong iniwas sa kaniya dahilan para matapon 'yon sa puting-puti kong uniform!
Inis ko siyang binalingan ng tingin. "Wala kang pera, ha?! Ba't 'di ka bumili??"
Lumabi siya sa'kin, pinipigilang matawa. "Wala, eh. Bigyan mo 'ko."
Punyemas naman talaga oo.
Hindi ko siya pinansin at sinubukang alisin ang ice cream sa uniform ko. Pero lalo lang 'yon nagkalat! Bumaling ako sa kaniya at galit siyang pinukol ng tingin.
Hindi niya na napigilang tumawa. Kumuha naman siya ng panyo sa bulsa niya at lumapit sa'kin saka sinimulang punasan ang nagkalat sa uniform ko.
Natahimik ako dahil sa lapit ng mukha niya sa'kin. Nakaupo ako sa bintana habang siya ay nakatayo, seryosong pinupunasan nang marahan ang uniform ko. Kabado ko tuloy iniisip kung naririnig niya ba ang t***k ng puso ko!
Hindi ko naman maikakaila sa sarili ko na may crush ako sa kaniya. Hindi naman siya kagwapuhan pero tulad ng iba, nadadala niya ang hitsura niya sa porma at pabango. Isa pa, masaya siya kasama dahil halos lahat ng lumalabas sa bibig niya ay nakakatawa. Mahilig siyang mang-asar, mantrip at manira ng araw. May pagkabolero din siya at dahil ako'y dakilang tanga, hinahayaan ko ang sarili kong madala sa mga sinasabi niya!
"Ayan, malinis ka na ulit. Maligo ka rin naman kasi kahit minsan." Kunwari ay seryoso niyang sabi. Napalitan lang 'yon ng nakakainis niyang tawa nang suntukin ko siya sa braso.
"Ang saya mo 'no?" Pambabara ko.
Tinikom niya ang bibig para pigilang ngumisi. Lumapit pa siya ulit sa'kin para punasan ang sa may dibdib ko. Napakunot ako ng noo.
"Hindi pa ba 'yan tapos? Parang nangchachansing ka na, ah."
"Huh?" Parang wala siyang narinig dahil masyadong tuon ang atensyon niya sa damit ko. Doon ko lang nakita na may nagkalat din pala malapit sa dibdib ko.
Napansin ko naman ang amoy niya. Panlalaking pabango ang gamit niya, tama lang ang tapang at tamis. Mabango rin siya pero mas mabango yung isa—
Wait! Bakit ko siya iniisip?
And speaking of the devil, may mga lalaking lumabas galing sa kabilang room. Nagkataon pang nakahawak si Calvin sa kwelyo ko para lang ayusin ang gusot do'n pero sa paningin nila, iba ang nakita nila! Mukha kaming maghahalikan sa posisyong 'yon. Tuloy ay inasar na naman nila kami.
"Uy, si Calvin at Janess oh,"
"Kayo na pala?"
"Yieee."
"Ayos Calvin, malapit ka na maka score!" Biro pa ng isa. Lumapit pa si Calvin sa kanila para makipaglokohan! Namula naman ang pisnge ko sa mga sinabi nila.
Ang bagra naman.
Pansin kong may nakatingin sa'kin kaya hinanap ng mata ko ang napakiramdaman ko. Napakagat ako sa labi nang makumpirmang tama ang hinala ko. Nakatitig sa'kin yung lalaking nakabanggaan ko kanina. Bigla ay na conscious ako sa sarili ko.
Hala! Anong hitsura ko?? Ang dumi ko bang tingnan??
Kahit nakaiwas ang tingin ko ay ramdam ko parin ang titig niya. 'Pag 'to hindi tumigil, iisipin ko na talagang may crush siya sa'kin!
Hindi pa rin ako mapakali. Ano ba? Pangit na ba ako? Naiinis na ako dahil kung ano-ano na ang naiisip ko. Hindi naman ako ganito dati ah?
Tiningnan ko siya, nakatingin na siya ngayon sa dumi sa uniform ko saka tumingin kay Calvin at nag-iwas ng tingin. Ramdam sigurong pinapanood ko siya.
Bigla ay nahinto ako nang matauhan. Bakit ko nga pala iniisip kung anong hitsura ko sa paningin niya? Hindi ko naman siya crush. Isa pa, mukhang ilang taon ang tanda niya sa'kin. Ako, magfo-14 palang. Siya mukhang mag e-18 na.
Pero 'yon ang akala ko.