CHAPTER 13
October 10, 2019
"Baliw."
Ang tanging nasabi ko bago ko siya iniwan sa room. Baka mamaya makita niya pang kinilig ako sa sinabi niya, matik na pauulanin na naman niya ako ng pang-aasar.
Bumalik ako sa room na nasa gilid lang ng stage namin. Room 'to ng Grade 8 at eto ang ginagamit namin sa t'wing may practice. Sumilip ako sa malaking bintana at nakitang wala nang kahit isang tao doon. Naiwan kasi dito yung notebook ko sa science kanina dahil pinakopya ko sina Mae at Ann. At ang mga gaga, iniwan pa talaga sa sahig mismo ang notebook ko.
Mga bastos.
Napapailing nalang akong pumasok sa loob at dinampot ang notebook ko. Pinagpagan ko pa 'yon at nang makitang ayos naman na, humarap na ako para maglakad palabas. Pero natigil ang mga paa ko nang isang bulto ng lalaki ang humarang sa daraanan ko.
Nag-angat ako ng tingin at nasalubong ko ang mariin na titig ni Stephen sa'kin. Kinunotan ko lang siya ng noo kahit pa medyo kinabahan ako, hindi alam kung bakit.
Hobby niya na talagang maging sunod-sunuran sa'kin, ha?
"Bakit?" Halos pabulong kong tanong.
Ilang beses pa siyang nakatitig sa mukha ko. Noong una ay sa mga mata ko lang siya nakatutok pero bumaba ang paningin niya sa labi ko. Ilang sandali rin siyang nagtagal doon bago umiwas ng tingin at parang nahihirapang huminga ng malalim. "Uuwi ka na ba?"
Napairap nalang ako. Naweweirduhan na naman sa kaniya. "Sa bahay ako kakain, bakit?"
Maliit siyang tumango. "Sa'kin ka nalang?"
Tinaasan ko siya ng kilay at ningisian. "Anong sa'yo ako?"
Umismid siya. "Sa'kin kana sumabay sa pagkain. Kung ano-ano na namang ina-assume mo diyan." Maarte pa siyang umirap sa'kin bago naglakad palabas na pakembot-kembot pa. Tinawanan ko lang siya.
"Ang kapal mo, ha!"
Dahil may baon naman daw pala siya, sa kaniya nalang din ako sumabay sa pagkain. Naghati lang kami sa baon niya. Kulang nga 'yon pero buti nalang at may dala siyang donut. Pagkatapos namin kumain ay lumabas agad siya, bibili daw ng softdrinks.
"Puro ka nalang donut at softdrinks, hindi ka naman tataba diyan." Reklamo niya habang nakabusangot ang mukha. Inis ko siyang hinampas sa braso.
"Gago ka, ah?" Sinamaan ko siya ng tingin. "Hiningi ko ba 'to, ha?! Ikaw ang nagbigay nito! Ikaw nga kusang bumibili ng kung ano-ano para sa'kin, eh!"
Natawa nalang siya nang ma-realize ang kabobohan niya. Nakakabadtrip talaga siya. Ang galing niyang magkusa sa kung ano-ano tapos sa huli, isusumbat niya sa'kin?! Aba naman!
Naiinis parin ako kaya hindi ako nagsalita. Kinain ko nalang lahat ng natirang donut. Pati yung kinakain niya ay kinuha ko rin, walang pakialam kung magalit siya sa'kin.
Hindi naman na siya nagreklamo at hinayaan nalang ako. Kahit hindi ako nakatingin sa kaniya ay alam kong nakatutok ang paningin niya sa'kin kaya umirap ako. Dahilan para matawa siya.
"Sorry na, bibi."
Saglit ko siyang nilingon para lang ngiwian. Mas lalo lang siyang natawa.
"Janess."
Sabay kaming nahinto ni Stephen nang may marinig kaming boses. Nilingon namin ang pintuan ng room at doon namin nakita si Calvin, naglalakad papunta sa amin.
Nagtanguan lang ang dalawa pagkatapos ay tumuon na ang tingin ni Calvin sa'kin. Nagtaka pa ako pero nang maalala ko ang sinabi niya kanina, tumayo na ako at nagpaalam kay Stephen.
"Bakit?" Kunot-noo niyang tanong. Nagkibit-balikat lang din ako dahil hindi ko rin naman alam.
"Sa kabilang room lang kami." Paalam ko.
Mas lalong nagsalubong ang kilay niya. Tuloy ay napaisip ako, galit ba siya?
Ilang sandali pa at parang napipilitan pa siyang tumango sa'kin. Saka kami sabay na lumabas ni Calvin.
Umupo siya doon sa mababang bintana na mahilig naming tambayan. Umupo rin ako sa tabi niya saka siya nilingon. "Ano ba yung sasabihin mo?"
Huminga siya ng malalim saka ako sinulyapan. Tinaasan ko siya ng kilay.
"Ano..." Natatawa pa siyang kumamot sa ulo, parang nahihiya. Mas lalo akong nagtaka.
"Ano ba 'yon?" Atat ko nang tanong. Bukod kasi sa curious akong malaman kung ano bang rebelasyon ang gusto niyang sabihin sa'kin, gusto ko naring puntahan agad si Stephen. Baka mamaya umuusok na ang ilong no'n sa galit.
Ayoko pa namang manuyo. Bukod sa mahirap manuyo at mahirap suyuin ang susuyuan, hindi ko ugaling manuyo.
At 'yon ay isa sa ugali ng mga magaganda.
Kinagat niya ang labi, parang nagpipigil magsalita o dahil walang masabi? Hindi ko alam. Hindi ko siya mabasa. Hindi ko alam kung anong tumatakbo sa isip ng gunggong na 'to.
Naalala ko na naman tuloy yung sinabi ni Stephen na may gusto siya sa'kin. Totoo kaya 'yon?
Gusto ko sana siyang tanungin kaso natatakot akong mapahiya. Baka mamaya hindi naman pala 'yon totoo, at isa pa, may girlfriend na siya!
Pero kung totoo mang gusto niya ako, hindi ko alam kung ano ba ang dapat kong i-react.
"Huy, ano ba?" Naiinip ko nang reklamo pagkatapos nang ilang sandali. Papupuntahin at papupuntahin niya ako dito tapos wala naman pala siyang sasabihin? Nasasayang yung oras ko! Makikipaglandian pa ako sa manliligaw ko, eh.
"Wag na nga lang." Natatawa nalang siyang umalis sa inuupuan at ningisian ako. Bumalik na yung mood niya kapag nasisiraan siya ng ulo.
Nakangiwi lang ako, naweweirduhan na ng sobra. Mabilis nalang siyang nagpaalam sa'kin at pupuntahan nalang daw ang girlfriend niya, magcucutting na naman.
Napasapo nalang ako sa noo ko. Jusko, bakit napapaligiran ako ng mga weirdong tao?
Inirap ko nalang ang lahat ng iniisip saka bumalik sa room ng Grade 10 kung nasaan si Stephen.
Nakasandal lang siya sa pader at hinihintay ako. Nang makita niya ako ay hindi niya inalis ang titig sa'kin. Hanggang sa makalapit ko ay mariin parin ang titig niya.
"Galit ka?" Nakangiwi kong tanong. Umiling lang siya pero madiin parin ang titig.
Napairap ako, hindi naniniwala. Aware naman akong hindi niya gusto si Calvin na palapit-lapit sa'kin dahil nagseselos siya. Kaya sa tingin ko kailangan kong mag-explain sa kaniya.
"Ganito kasi 'yon..." Huminga ako ng malalim. "Ang sabi niya kanina gusto niya daw ako makausap, kaming dalawa lang."
Ngayon lang siya nagsalita. "Anong sinabi sa'yo?"
"Ewan ko do'n. Wala naman siyang sinabi." Usal ko pa. "Papupuntahin ako doon tapos hindi naman pala magsasalita."
Hindi ko alam kung bakit parang nakahinga na siya ng malalim sa sinabi ko. "Hayaan mo na 'yon. Nandito naman ako."
Hindi ko mapigilang matawa sa kaniya. Pero napaisip din.
Totoo namang nandiyan lang siya lagi sa tabi ko. Sa totoo lang unti-unti ay nasasanay na ako sa presensiya niya. Unti-unti ay nagiging komportable na akong lagi siyang kasama. Hindi ko alam kung dapat ko ba 'tong ikatuwa o katakutan. Hindi ko alam kung anong klaseng hinaharap ang nag-aabang para sa'ming dalawa.
Tiningnan ko siya. Nakasandal na ang ulo sa pader at nakapikit, nagpapahinga. Mas lalo ko siyang tinitigan.
Sa totoo lang, hindi ko pa siya boyfriend ay pakiramdam ko ang swerte ko na sa kaniya. Halos magdadalawang linggo palang siyang nanliligaw pero ramdam ko na ang pagiging ma-effort niya at ang nararamdaman niyang walang masamang intensyon. Madalas man niyang badtripin ang araw ko ay isa parin 'yon sa dahilan kung bakit pag-uwi ko ay lagi akong nakangiti. Kaya hindi na nakakapagtakang hulog na hulog narin ako.
Oras na kaya... para sagutin ko na siya?
Wala akong masyadong experience pagdating sa mga manliligaw sa'kin dahil madalas ay hindi sila umaabot ng isang linggo. Tatlong araw pa nga lang, kapag alam na hindi ka interesado, maghahanap na agad ng iba. Sa nakikita ko kasi sa iba, ang panliligaw ay dapat pinapatagal ng ilang buwan o taon. Pero hindi ko alam kung dapat ko pa bang sundin 'yon.
Bakit ko pa patatagalin kung gusto ko narin naman siya, 'di ba?
Ang kaso nga lang, may isa pang problema. Ang pamilya at edad ko.
Ilang beses na akong nagkaron ng boyfriend pero syempre patago lang lagi. Dahil bukod sa bata pa ako, strict din ang parents ko. Lalo na ang mga lola ko.
Pero hindi naman kami mahuhuli kung hindi kami magpapahuli.
Mahina akong napahagikhik sa kalandiang naiisip. Nilingon ko ulit si Stephen, ngayon ay mahimbing na ang pahinga.
Dumating na si Ma'am Luz pero para lang sabihang umuwi nalang dahil hindi na naman bumalik ang ibang estudyante. Mga tinamad na naman. Kahit si Mae ay hindi ko alam kung saang lupalop na nagpunta. Hindi man lang nagpaalam sa'kin.
Bumalik naman ang ibang students pero kokonti lang kami kung magpapractice pa kaya sinabihan nalang na pumasok ng maaga bukas para makasabay sa lahat. Ginising ko nalang din si Stephen at inayang umuwi na. Kaming dalawa nalang din ang highschool dito.
Sa lahat ng highschool students ngayon kami lang atang dalawa ang ginaganahang pumasok.
Syempre kasi... ano... hihi.
Tumambay muna kami sa may tindahan at umupo sa sementong upuan. Ayaw niya daw muna umuwi. Hindi ko alam kung bakit.
Binilhan na naman niya ako ng chitchirya at softdrinks na kinailing ko nalang.
"Nagrereklamo kang hindi ako tumataba tapos eto naman ang pinapakain mo sa'kin."
"Hayaan mo..." Uminom din siya sa softdrinks na hawak ko. "Papakainin kita lagi ng kanin. Magdadala ako ng isang sakong bigas bukas."
Malakas akong tumawa. "Samahan mo narin ng ulam."
Tumango-tango pa siya, sang-ayon sa'kin. Napailing nalang ako habang nangngingiti.
Tumayo siya at may binili ulit sa tindahan. Akala ko bibili lang siya ulit ng pagkain pero gano'n nalang ang pagkatigil ko nang makitang yosi 'yon. Nagpasindi siya sa Ale pero nahinto nang masalubong ang tingin ko.
"Bakit?" Tanong niya.
Nagsalubong ang kilay ko. "Nagsisigarilyo ka pala?"
"Oo?" Patanong niya pang sabi na para bang normal lang 'yon at hindi na dapat ako magtaka. Napaismid ako.
"Kung sasabihin ko bang hindi kita sasagutin dahil naninigarilyo ka, anong gagawin mo?"
Doon siya tuluyang natigilan at napakurap-kurap sa'kin. Hindi niya din tuluyang naisubo ang yosi niya.
"Hindi na ako maninigarilyo..." Mahina niyang sabi.
Ngumiwi ako. "Ba't parang 'di ako naniniwala?"
Nagulat nalang ako nang itapon niya ang yosi sa paanan niya mismo saka niya 'yon tinapakan na para bang galit na galit siya ro'n. Nang matapos, seryoso siyang tumingin sa'kin, hinihintay ang sasabihin ko.
Umawang lang ang labi ko, hindi alam ang sasabihin. Hindi pa nakatulong ang bigla kong pamamawis. Pakiramdam ko may mga nagliliparang paru-paru sa tiyan ko at bumibilis ang t***k ng puso ko. Masyado akong nagulat sa ginawa niya na halos hindi ko na maisip kung ano ba ang dapat kong maging reaksyon.
"Ano?" Aniya pa at tinaasan ako ng kilay.
Umiwas ako ng tingin sa kaniya at tumikhim. Mas lumakas pa lalo ang t***k ng puso ko dahil sa kaba. Kinagat ko nalang ang sariling labi, iniisip kung itutuloy ko pa ba ang kanina ko pang plano.
Kahit alam kong nakatingin parin siya sa'kin ay mariin akong pumikit, kinakalma ang sarili. Saka ko siya dahan-dahang nilingon. "O-Oo na."
Kumunot ang noo niya. "Oo na?"
"Sinasagot na kita."
Katahimikan ang tuluyang bumalot sa paligid naming dalawa. Napapapikit ako, namumula ang mukha dahil sa hiya.
Shit naman! Bakit parang naubusan ako ng lakas ng loob ngayon?
Hindi pa din siya nagsasalita kaya mas lalo akong inatake ng hiya. Gusto ko siyang batukan pero hindi ko alam kung anong pumipigil sa'kin na gawin 'yon.
Ang gago na 'to! Nahiya rin bigla!
Dahil naiinip na nang sobra at mas lalong binabalot ng hiya, kahit pakiramdam ko nanginginig ako ay tumayo ako at mabilis siyang hinalikan sa pisnge. Agad akong lumayo sa kaniya pagkatapos, handa nang umalis.
"U-Uwi na 'ko. Ingat ka din pauwi." Ani ko habang nakayuko, hindi makatingin sa kaniya. Iniwan ko siya doon na parang wala sa sarili at tulala.
Mabilis akong tumakbo habang nakapaskil sa labi ko ang kinikilig at nagpipigil na ngiti.