HINDI ako bato. Kahit na gaano ko pa itago ang emosyong kumakain sa sistema ko, alam kong nababagabag ang kalooban ko sa mga sinabi ni Ehryl sa akin. Kaya ko mang magpanggap sa harap niya na parang wala lamang sa akin ang mga bagay na ‘yon, sa kaibuturan ng puso ko, alam kong hindi ko ‘yon kayang balewalain. Sadyang ayaw ko lang talagang makita ng mga tao na nagiging apektado ako kapag gusto nila akong saktan. Lalo na ni Ehryl. Nagawa ko pa rin siyang ipagluto ng kanyang ulam. Nang matapos ay lumabas na ako ng kusina at walang kaimik-imik na dinaanan ang sala kahit na naro’n siya at naghihintay. “Uuwi ka na?” kuryoso niyang tanong. “Oo. Tapos na ako rito,” malamig kong tugon nang hindi man lang siya nililingon. Dala ang bag at ang mga pagkain galing kay Auntie Levi ay dumiretso na

