HANGGANG ngayon nakatingin pa rin si Tanya sa magkahawak nilang kamay ni Isidore. Nagtataka siya kung bakit hindi man lang ito nagrereklamo sa magaspang niyang palad na mabilis dapat nitong napansin simula pa kanina nang umalis sila ng boutique.
Sa liit ng bawat mga hakbang niya hindi siya makasabay rito at palaging kailangan pa nitong huminto. Kaya lang dahil sa hindi pa siya sanay sa suot na stiletto, nang huminto ito ay diretsong tumama ang ilong niya sa likod nito.
Sapo ang nasaktang ilong. Pilit niyang idinilat ang isang mata habang hinihilot iyon.
Tumigil ito upang siyasatin siya. "Are you all right?" tanong nito.
Napatitig na naman siya sa mga mata nito. Hindi niya talaga maiwasang hangaan ang kakaibang ganda niyon, pero mabanaag ang lungkot. Ayaw niyang aminin sa sarili pero sa tuwing napagmamasdan niya iyon ng maigi, animo'y may nakikita siya–pighati at matinding kalungkutan.
Tumango-tango siya bilang tugon na ayos lang siya. Malayo sa bituka ang ilong niya subalit kakaibang sakit talaga ang nararamdaman niya nang tumama iyon sa matigas na likod nito.
Mayamaya nanlaki na lamang ang mata niya ng hawakan nito iyon at tingnan ng maigi. "Should I call someone to check it?"
Gusto na niyang maglulundag sa mga salitang binibigkas nito ngayon. Naniniwala siyang sinsero ito sa pag-aalok. Pero ayaw na niyang maabala pa ang ibang tao lalo na nang kunin nito ang cell phone nito sa bulsa at balak ng tumawag ng marahil panibagong doktor para lamang tingnan siya.
Agad niyang pinigilan ito. "Hindi na, hindi naman masakit," aniya.
Baka may kung ano na naman siyang mga salitang marinig na hindi na niya kayang sikmurain.
"I'm sorry about what happened earlier," biglang wika nito nang maglakad na muli sila.
Alin kaya kanina ang tinutukoy nito? Marami na itong atraso sa kaniya pero alin sa mga iyon?
"Tristan is only concerned about my health."
Sa maiksing panahon na magkasama sila halos dalawang oras pa lang kung pagsasamahin lahat. Takang-taka siya kung bakit parang naging komportable na sila sa bawat isa.
Sa bagay lang na paghawak ng kamay nito sa kaniya, iyon ay para sa kaniya ay hindi siya magagalit ngunit ang paghalik nito sa kaniya na animo'y isa itong gutom na mabangis na hayop, ibang usapan iyon.
"Sino'ng tinawagan mo kanina?" kalauna'y tanong nito makaraang pumasok sila sa isa marahil na restaurant.
Doon nagsimulang kumabog ang dibdib niya ng malakas. Ang ibig sabihi'y nakita siya nitong may kausap kanina sa telepono.
"Kausap ko ang kaibigan ko," sagot niya bakas ang matinding kaba.
"Why?"
Hindi niya makita ang reaksyon ng mukha nito habang tinatanong iyon. Pero sumagi na naman sa kaniyang isip na maaaring makatulong ang lalaki. Nagsimulang umusbong ang pag-asa sa dibdib niya nang may maisip na paraan kung paano maisasalba ang kapatid.
Binalingan niya ang lalaki. "Nasa ospital ngayon ang nakababata kong kapatid," aniya. Hanggang ngayon wala pa ring emosyon ang makikita sa mukha nito tulad ng kaniyang inaasahan. "Palabas na ng ospital ang kapatid ko, naalala ko lang na wala siya ngayong kasama."
Wala pa rin itong imik kaya marahil wala itong interes sa bagay na iyon.
Malungkot na naupo siya nang iumang nito ang isang upuan.
"What's his name?"
"Huh?"
"Your brother, what's his name so I can send my people to look after him."
Hindi agad nag-sink in sa isip niya ang mga huling sinabi nito pero nagsimulang magdulot iyon sa katawan niya na maunang magdiwang lalo na ang puso niya.
"Miko, Miko Salvador," hindi makapaniwalang sagot niya.
Sinundan lang niya ng tingin ang binata nang maupo ito sa tapat lamang ng kaniyang puwesto.
"Should we move him? Marami akong alam na ospital na puwede siyang mabantayan at mas maganda ang serbisyo."
Ang taong ito, sigurado siyang may alam ito. Nararamdaman niya, marahil binubulungan ito ng mga anghel na lubhang kailangan niya ng tulong.
"Pero, ngayon pa lang sinasabi ko na sa 'yo. Walang libre sa lahat ng ibinibigay ko."
Kakapalan na niya ang mukha na sulitin ang bawat kabaitan na ipinapakita nito sa kaniya. Kahit dagdagan pa niya ang mga kasinungalingan para sa kapatid.
Oras na makalabas ang kapatid niya, maaari niya itong tawagan at sabihang magtago. Mamuhay ito ng mag-isa kahit wala na siya.
Napaisip siya sandali. Ang nais lamang nitong sabihin sa kaniya ay hindi iyon magiging libre, kaya may inaasahan itong kapalit. Hindi man siya tiyak kung ano iyon. Pero mas mahalaga ang buhay ng kapatid kaysa sa kaniya.
"Oo" sagot niya.
Mapait na napangiti siya at maalala ang dahilan kung bakit nga ba nangyari ang lahat ng ito. Masyado siyang naging padalos-dalos dahil sa matinding kagustuhan na mailigtas ang kapatid.
Nagsisimula na silang kumain pero tila hindi niya malunok ang kapirasong hiwa ng steak na hanggang ngayon ay nginunguya niya pa rin. Saka lang niya namalayan na nanginginig pareho ang mga kamay niya.
Alam niyang napansin iyon ni Isidore kaya tumigil ito sa pagkain. "Are you feeling sick?"
Kung nakamamatay lang ang mga titig ng isang tao kanina pa marahil siya pinaglalamayan. Sa tuwing magtatagpo ang mga mata nila nagagawa niyon alisin ang ano mang bumagabag sa puso niya. Animo'y ang taong ito ang sumusundo sa kaniya para dalhin sa himlayan.
Subalit ang katotohanan wala itong interes sa kaniyang pagkatao ang nagpapatunay na may iba itong nais na makuha mula kaniya.
Hindi siya ganoon kahangal upang hindi mapagtanto kaya ito nagtanong kanina ay para lamang malaman kung sino ang taong kausap niya.
"Ako si Tanya Salvador," biglang wika niya. Inangat niya ang paningin para makita ang reaksyon sa mukha nito. "Bakit ginagawa mo 'tong lahat sa akin?" puna niya.
***THIS IS FOR PROMOTIONAL PURPOSES ONLY.
YOU CAN READ THE REST OF THE CHAPTERS IN GN!***