Nasa tuktok ako ng isang matayog na puno at pinagmamasdan ang makukulay na ilaw sa bayan. Tahimik ang buong paligid at tanging ako lang ang narito. Tinakasan ko lang si Eloira—ang babaeng nagligtas sa akin at tinuring ko bilang aking ina.
Siya ang nag-aruga sa akin sa panahong wala akong maalala at mahina, inalalayan niya ako hanggang sa bumalik ang aking lakas. Tinuruan niya akong makipaglaban at mga taktika sa pangangaso. Batid kong mabilis niya akong mahahanap dahil sa kanyang kakayahan.
Binali ko ang sanga ng puno at pinaglaruan ito. Wala pa rin akong maalala bukod sa aking pangalan at sa isang estrangherong lalaki na nakikita ko sa aking panaginip, ang lalaking may malaking balat sa braso. Alam ko sa sarili kong siya ang dahilan kaya nawala ang aking memorya. Ngunit ano ang dahilan kaya ninais niya akong paslangin. Ilan lamang iyan sa mga katanungang tumatakbo sa aking isipan.
“Bella! Alam kong nariyan ka! Bumaba ka at kailangan nating mangaso upang tayo ay may makain sa gabing ito!” sigaw ni Eloira, napatingin ako sa baba at napansin ko siya sa hindi kalayuan. May hawak na sibat at palaso, sa likod niya ay may nakasabit na buslo. Tiyak akong iyan ang paglalagyan niya ng aming mahuhuli.
Marahang tumayo ako sa aking kinauupuan at tumalon pababa, sa likuran niya. Kunot-noong nilingon niya ako at inabot sa akin ang punyal na kinuha niya sa loob ng buslo, ngunit hindi ko iyon tinanggap. Pinakita ko sa kanya ang hawak kong sanga.
“Sapat na ito upang makahuli ng ating hapunan.”
Nagsimula akong maglakad at mas nauna sa kanya, narinig ko ang paghinga niya ng malalim. Marahil ay ramdam niya pa rin ang tampo ko sa kanya.
“Masama pa rin ba ang loob mo sa akin? Sapagkat tinago ko ang tunay nating pagkatao?” tanong niya sa akin pagkalipas nang ilang minuto. Napabuntong hininga ako at agad siyang hinarap, tinitigan ko ang mga mata niya habang pinipilit ang sarili kong ngumiti.
“Alam kong may dahilan kung bakit tinatago mo ang tunay na rason kung bakit mayroon tayong kakaibang kakayahan. Sa limang taon na paninirahan natin sa Gaero, batid kong kakaiba tayo, ngunit hindi ako magtatanong kung ano nga ba tayo. Hihintayin kong dumating ang araw na ikaw mismo ang magsasabi sa akin.”
“Huwag sana mapuno ng poot ang iyong puso pagdating ng araw. Pinangangalagaan lamang kita. Isipin mong ginagawa ko ito nang sa gayon ay matiyak ang iyong kaligtasan.”
Pinikit ko ang aking mga mata at mabilis na umiwas ng tingin. May hinala na ako sa tunay kong pagkatao ngunit ayaw kong malaman niya. Hindi ko lubos na maibigay sa kanya ang aking tiwala.
Habang nangangaso ay hindi ko maiwasang magbalik-tanaw sa aking nasaksihan.
Kabilugan ng buwan, maririnig sa hindi kalayuan ang alulong ng isang mabangis na hayop—iyon ang tawag ni Eloira sa kanila. Nanatiling mulat ang aking mga mata habang nakikinig sa mga kaluskos at nakakatakot na mga ungol.
Wala si Eloira sa aking tabi. Hindi ko batid kung bakit sa tuwing bilog ang buwan ay bigla siyang nawawala at hindi ko mahagilap. Ang tanging dahilan niya ay nangangaso siya, na siyang ipinagtataka ko.
Kung nais niya mangaso ay magagawa niya 'yon pagsapit ng umaga. Dahil wala siya sa maliit naming tahanan, nagpasya akong magliwaliw sa loob ng kagubatan. Nakakatakot ang sobrang dilim ngunit hindi ako nakaramdam ng kahit na anong panganib. Pakiramdam ko’y ligtas ako at malayo sa kahit anong kapahamakan.
Naging abala ako sa paglilibot kaya nawala sa aking isipan ang daan pabalik sa aming tahanan. Subali’t hindi ako nataranta, pinagpatuloy ko ang paglalakad hanggang sa marating ko ang isang ilog. Nakakamangha itong pagmasdam dahil kumikinang ang dalisay na tubig, dahil sa tumatamang liwanag na nagmula sa buwan. Sapantaha ko’y malamig ang tubig at masara sa pakiramdam.
Bakit hindi ko subukan? Tanong ko sa aking isipan.
Walang takot na lumusong ako sa ilog. Hindi ako nagkamali, masarap nga sa pakiramdam ang malamig na tubig. Sumilay ang malapad at masayang ngiti sa aking labi. Marahan kong ginalaw ang aking kamay at pinaglaruan ang malinaw na tubig. Nakikita ko pa mismo ang aking wangis sa tubig dahil sa sobrang linaw.
“Nagawa mo ba ang aking inuutos sa iyo?”
Natigilan ako matapos marinig ang malamyos na tinig na nagmumula sa hindi kalayuan. Hindi ako gumalaw nang sa gayon ay maiwasan kong makalikha ng ingay.
“Nasa aking pangangalaga pa rin siya. Hanggang sa ngayon ay hindi niya pa rin naalala ang mga nangyari sa kanyang nakaraan. Wala pa rin siyang alam tungkol sa tunay naming katauhan at kung saang lahi kami nagmula.”
Nanlaki ang aking mga mata. Nakatitiyak akong kay Eloira ang tinig na aking narinig. Umalis ako sa ilog at mabilis na tumakbo sa likod ng malaking punong narra. Sinilip ko siya at nakumpirma ko ang aking hinala, siya nga ang narinig kong nagsasalita, ngunit sino ang kanyang kausap?
Wala akong makitang ibang nilalang na narito, maliban sa aming dalawa. Nakaharap lamang siya sa kawalan.
“Panatilihin mong lihim ang lahat at huwag mong hahayaan na maalala niya kung sino siyang talaga. Huwag na huwag mo ring pahihintulutang bumalik siya sa lugar, kung saan naroon ang mga nilalang na nakakakilala sa kanya.”
“Masusunod, ina.”
Iyon lamang at biglang humangin. Ang buong akala ko’y makikita ko ang babaeng kausap niya, ngunit nagkamali ako. Akmang hahakbang ako upang bumalik sa pagtatampisaw sa ilog ng makita ko kung paano siya maglaho sa madilim na parte ng kagubatan.
Dahil sa sobrang kaba na baka mahuli niyang wala ako sa aking silid ay naglaho ako sa aking kinatatayuan at sa isang iglap ay narito na ako sa aking silid. Nakakapagtaka, dahil wala akong kakayahang maglaho sa hangin at makarating sa ibang lugar sa isang kisap-mata.
Simula noon ay unti-unti kong nalaman ang mga lihim na pilit niyang itinatago sa akin. Minsan ay bumabalik ako sa ilog at hindi sinasadyang makita ang isang harang na gawa sa kuryente at apoy. Sinubukan ko itong hawakan ngunit napaso lamang ang aking balat. Hindi ako nagtangkang magtanong o hanapin ang mga kasagutan, dahil nais kong si Eloira ang siyang magsabi sa akin ng lahat.
Subali’t, matagal na panahon na ang aking sinayang. Wala pa rin siyang sinasabi sa akin, mas lalo lamang siyang naging maingat.
“Kanina ka pa tahimik at tulala? Hindi ko mabasa ang laman ng iyong isipan,” aniya. Tinitigan ko ang mga mata niya at hindi ko alam kung bakit tila hinihigop ako sa kawalan.
“May biglang pumasok sa isipan ko. Bakit hindi tayo gumawa ng bitag upang madali natin mahuli ang usa, sa gayon ay maging madali sa atin ang pangangaso.”
Nagliwanag ang kanyang mukha at bahagyang ngumiti sa akin.
“Mahusay, sana'y naisipan ko iyan noon pa man. Halina't bumalik muna sa ating tahanan. Bukas ay gagawa ako ng bitag na ating magagamit.”
Salamat naman at naniwala siya sa akin. Tulad ng sinabi niya ay bumalik nga kami sa maliit na kubo na siyang tinutuluyan namin. Malapit na rin pala sumapit ang umaga, kaya upang ipahinga ang aking sarili ay nahiga ako sa papag na gawa sa kawayan at pinikit ang aking mga mata.
Hindi ko namalayang tuluyan akong nahimbing sa pagtulog. Pagmulat ko ng aking mata ay mataas na ang sikat ng araw at naririnig ko rin sa labas ang mumunting ingay na siyang nagmumula sa mga mababangis na hayop.
"Bella! Batid kong gising ka na! Bumangon ka na at kailangan nating magtungo sa karatig-bayan upang mamili ng kagamitan na gagamitin natin sa paggawa ng bitag!" malakas na sigaw ni Eloira.
Pinisil ko ang aking ilong at bumaba sa papag. Nagtungo ako sa labas ng kubo at nakita ko siyang inaayos ang suot na bestida. Nakalugay ang itim at mahaba niyang buhok. Ito ang unang pagkakataong nakita ko siya sa ganitong ayos, ngunit naiintindihan ko sapagkat makikihalubilo kami sa mga tao, kaya nararapat lamang na maging kaaya-aya kami sa paningin nila.
"Bakit iyan pa rin ang suot mo? Magmadali ka, magbihis ka at isuot mo ang pulang bestida na iniwan ko sa iyong silid. Ilugay mo ang buhok mo nang sa gayon ay walang makakita sa iyong balat," aniya habang isinusuot ang puting balabal upang itago ang kanyang mukha.
Nagtataka man ngunit sinunod ko pa rin ang kanyang sinabi sa akin. Bumalik ako sa loob at nagtungo sa silid ko, agad na tumambad sa paningin ko ang pulang bestida. Gawa ito sa mamahalin na tela at mayroon pang mga palamuti. Mahaba ang manggas at abot hanggang bukung-bukong ang haba.
"Mukhang mainit kapag naisuot, ngunit wala akong pagpipilian," bulong ko sa'king sarili. Sinara ko ang pinto sa aking likuran at isa-isang hinubad ang aking suot na damit. Hindi na ako nag-abalang maglinis pa ng katawan, basta ko na lamang isinuot ang bestida.
Tamang-tama ang sukat sa akin, hindi masikip at hindi rin maluwag. Ang tela ay malamig sa balat kaya maginhawa sa pakiramdam. Inalis ko ang tali sa aking buhok— gawa ito sa abaca at kay Eloira rin galing, binigay niya sa akin bilang handog sa aking kaarawan. Nakalugay ang aking pula at kulot na buhok. Ngayon ko lang napansing umabot pala ang haba sa aking bewang.
May maliit na salamin sa isang tabi, lumapit ako doon at pinagmasdan ang aking wangis.
"Nakakabighani!" bulalas ko matapos makita ang aking mukha. Hindi ako madalas tumingin sa salamin kaya ganito na lamang ang aking pagkagulat.
"Bakit tila 'di ka makapaniwala sa nakikita mo sa 'yong salamin? Hindi ka makapaniwalang ganyan ang taglay mong kagandahan? Walang itulak-kabigin."
Ramdam ko ang pagpula ng aking pisngi sa kanyang papuri. Nahihiyang pinaglaruan ko ang aking mga daliri habang nakatitig sa sahig na gawa rin sa kawayan.
"Huwag mong ikakahiya ang taglay mong kagandahan, Bella. Halina at kailangan na nating magtungo sa bayan. Heto, gamitin mo ang balabal na ito upang mapangalagaan ang balat mo mula sa sinag ng araw."
Inabot ko ang gintong balabal at isinuot. Nagulat ako dahil sa bigla niyang paghawak sa aking kamay at naglakad patungo sa madilim na bahagi ng aking silid.
"Huwag ka sanang magulat," aniya. Ilang sandali lamang ay biglang nagbago ang aming kapaligiran. Narito kami sa madilim na kagubatan, madilim sapagkat hindi makalusot ang sinag ng araw dahil sa mayabong na puno. Hindi ko magawang magtanong kung paano kami napunta rito sa isang kisap-mata dahil natuon ang pansin ko sa mga nagkakagulong tao.
"Ganito pala ang bayan. Maraming tao, maingay at maalikabok."
"Iwasan mong makihalubilo sa mga tao. Ang ipinunta natin dito ay ang mga bibilhin nating kagamitan."
Tumango ako at sumunod sa kanyang likuran. Hindi ko tinapunan ng tingin ang mga nasa palibot namin. Hangga't maaari ay hindi ko nais bigyan ng sakit sa ulo si Eloira dahil sa pagiging suwail. Batid ko sa sarili kong may matigas ang aking ulo at hindi nakikinig minsan.
Hindi sinasadyang may nabangga ako at muntikang matumba, mabuti na lamang at nahawakan ko ang buslo kaya hindi tuluyang bumagsak ang aking likod sa lupa. Dahil dito ay nawala si Eloira sa aking paningin.
"Hindi ito maaari, magagalit siya sa akin kapag napansin niyang wala ako sa kanyang likuran."
Kinakabang tinakbo ko ang daang tinahak niya subali't hindi ko na siya naabutan. Lalo lamang akong kinabahan dahil hindi ko maunawaan ang wikang ginagamit ng mga narito. Hindi ko alam paano sila tatanungin.
Kailangan kong makahanap ng tulong. Tumabi ako sa isang dilag na may suot na puting bestida, tulad ko ay mayroon din siyang balabal. Sa tingin ko naman ay matutulungan niya akong hanapin si Eloira o kaya'y tulungang makabalik sa aming tahanan. Sana lamang ay mayroon siyang ginintuang puso.
Tinapik ko ang kanyang balikat nang sa gayon ay makuha ko ang kanyang pansin, ngunit tinapunan niya lang ako ng masamang tingin kaya ako napahakbang palayo.
Biglang nagbago ang kulay ng mata niya at naghatid iyon ng takot sa akin. Pakiramdam ko'y naliliyo ako habang nakatitig sa mga asul niyang mata. Ako'y tila hinihigop at biglang nagdilim ang aking paligid. Ang tanging nakikita ko lang ay ang sarili kong naglalakbay sa gitna ng asul na karagatan, nakakapagtakang nagagawa kong maglakad sa tubig at sumakay sa alon.
Bellona! sigaw ng malamyos na tinig. Nakikilala ko siya subali't hindi ko matandaan kung sino siya. Nang siya'y aking lingunin ay ganoon na lamang ang aking pagkagulat.
Isang halimaw ang aking nasa harapan, nagbabaga ang kulay pula nitong mata, na halos kasing-kulay ng sariwang dugo. May pangil siya at umaabot hanggang sa siyam na talampakan ang taas, mabalahibo ito at mayroong dalawang sungay na kulay itim. Nakakakilabot ang ungol at alulong nito.
"Lumayo ka sa akin!" sigaw ko at pinulot ang maliit na bato sa aking paanan saka ito binato sa mukha ng aking kaharap. Ganoon na lamang ang galit niya kaya niya ako sinugod, akmang sasakmalin niya ang aking leeg ngunit ako ay nagising bigla.
"Maayos lang ba ang iyong pakiramdam?"
Nanlaki ang mata ko matapos makita ang nag-aalalang mukha ni Eloira.
"Hindi na sana kita dinala rito sa bayan. Muntikan kang mapahamak dahil sa akin."
"Wala akong maunawain sa iyong sinasabi, Eloira. Ano ang nais mo ipahiwatig?"
"Nasa ilalim ka kanina ng isang ilusyon, hindi totoo ang nakita mo kanina lamang. Mabuti at nagising ka, dahil kung nahuli ako ay maaari kang mapaslang." Dahil sa narinig ay tiningnan ko ang buong paligid upang hanapin ang babaeng siyang dahilan nito, subali't siya ay biglang naglaho.
"Isa rin ba siya sa ating pinagmulan?" tanong ko ngunit hindi pinansin ni Eloira ang aking tanong. Hinila niya ako at bumalik kaming dalawa sa madilim na silid upang maglaho.