“Iniisip mo pa rin ba ang nangyari sa bayan? Ako’y humihingi ng tawad kung ika'y napabayaan ko. Hindi sana iyon mangyayari kung hindi kita sinama,” muling paghingi ng tawad ni Eloira. Kanina pa siya humihingi ng kapatawaran sa kasalanang hindi niya naman ginawa.
“Hindi lang maalis sa isipan ko ang asul niyang mga mata. Nagbabago ang kulay nito na siyang nakakahumaling subali’t nakakaliyo. Dahil maihahalintulad ito sa isang ipo-ipo, na parang hinihigop ka pati ang iyong lakas.”
Natahimik siya at hindi na muli nagsalita. Tulad kanina ay iniiwasan niya ang maaari kong itanong.
Hindi na ako nakatiis sa pagiging malihim niya. Marahas kong hinawakan ang kanyang palad at hinila paharap sa akin, “sabihin mo sa akin ang totoo. Isa rin ba siya sa ating pinagmulan? Isa rin ba siya sa tinatago mong lihim?”
Sumilay ang ngiti sa kanyang labi habang inaalis ang kamay kong nakahawak sa kanya.
“Darating ang araw na malalaman mo ang lahat. Ngunit sa ngayon, ituon mo ang iyong pansin sa ibang bagay. Turuan mo ang sarili mong humawak ng kampilan o kaya punyal.”
“Mas magagamit ko ang mga bagay na nasa aking paligid. Hindi ko rin nais na umasa sa kampilan o anumang uri ng patalim upang panatilihing ligtas ang aking sarili.”
Sa ikalawang pagkakataon, kaming dalawa ay nagpatuloy sa paglalakad hanggang sa marating ang aming munting tahanan. Hindi ko batid bakit pinili niyang mapunta kami sa gitna ng kagubatan matapos niyang maglaho. Bitbit ang dala niyang kagamitan, naglaho siya sa aking harap at hindi na nagpaalam pa. Naiwan akong nakatayo lang sa harap ng pintuan.
“Hindi ko maaaring hintayin pa ang panahon na siyang iyong tinutukoy. Ngayon ko nais matuklasan ang lahat ng iyong lihim sa akin Eloira,” bulong ko sa aking sarili.
Una ay kakaiba ang liksi ni Eloira, pati ang kanyang lakas. Marunong siya gumamit ng kahit anong sandata at naglalaho siya sa tuwing nasa madilim na parte o gamit ang anino. May hinala na ako sa kung ano siya, isang bampira.
Nakatitiyak ako sa aking sapantaha. Ramdam ko rin sa aking sarili na may lahi akong bampira. Ngunit saang angkan kami nabibilang? Hindi ko man ito natatanong kay Eloira subali’t alam kong tama ang aking hinala.
Napatalon ako sa gulat ng biglang may lumitaw na babae sa aking harapan. Alam kong babae siya dahil nakasuot siya ng kulay gintong bestida na ang haba ay abot sa kanyang talampakan. May takip ang kanyang mukha kaya hindi ko makita ang wangis niya. Pati ang kanyang balat ay nakatago, subali't ang amoy na nagmumula sa katawan niya'y nakikilala ko ngunit hindi ko maalala.
"Kay tagal kitang hinanap, narito ka lang pala sa mundo ng mga tao, Bellona," aniya. Ang kanyang boses ay malumanay. Makinis ang balat niya at kakaiba ang taglay niyang kaputian, tanda na siya'y nabibilang sa mga nilalang na mataas ang antas sa buhay.
Nilahad niya ang kanyang palad sa akin, pahiwatig na ako'y kanyang inaanyayahan. Nais ko man na abutin ang kanyang kamay ay nanaig ang pagdududa sa aking puso.
Humakbang ako paatras, nang sa gayon ay magkaroon ng sapat na layo sa aming pagitan.
"Kung maaari lamang sana ay lumayo ka sa akin. Hindi kita kilala kaya hindi ko hahawakan ang kamay mo. Ako'y iyong ipagpaumanhin subali't wala akong tiwala sa isang estrangherong kagaya mo."
Panandaliang dumilim ang buong paligid at nang muling magliwanag ay nasa ibang pook na kami. Nakatalikod siya sa akin at may tinatanaw sa hindi kalayuan. Nasa taas kami ng bundok, at mula sa aming kinatatayuan ay makikita ang buong kagubatan, pati na rin ang malawak at asul na karagatan. Ang mga ibon na siyang malayang nakakalipad at ang mababangis na uri ng hayop na ngayo'y tahimik na dumadaan sa aming paligid.
"Hindi mo ba natatandaan ang lugar na ito?" tanong niya sa akin.
"Ipagpaumanhin mong muli ngunit nawala ang aking alaala, matagal na panahon na ang nakalilipas," sagot ko sa kanyang katanungan.
Napansin ko ang kanyang pagtango. Iniwas ko ang tingin sa kanya at pinagkasya ang sarili kong pagmasdan ang kagandahan ng ating kalikasan.
"Mawalang galang, binibini. Kung inyong mamarapatin, maaari ko bang malaman ang dahilan kaya niyo ako dinala sa mala-paraisong lugar na ito?"
"Dahil nais kong maalala mo ang lahat. Maraming buhay ang manganganib dahil sa isang malagim na pangyayari. Mababalot ng kadiliman ang ating mundo at mananaig ang kasamaan. Kaya ngayon pa lamang ay bumalik ka na sa iyong tunay na tahanan. Naghihintay sa iyo ang tatlo mo pang kasamahan."
Ang kanyang malumanay na tinig ay napuno ng takot matapos sabihin sa akin ang dahilan kaya siya naparito upang kausapin ako.
"Hindi ko maunawaan," sambit ko. Sapat na upang iyon ay kanyang marinig.
Humarap siya sa akin at nagtagpo ang aming paningin. Ang asul na mata niya'y tila nanghihigop ng lakas.
Siya nga, siya ang dilag na aking nakita kanina lamang sa bayan. Natutunghayan ko ngayon ang kakaiba niyang alindog, maputi at makinis ang kanyang kutis. Mapula ang labi at matangos ang ilong niyang may nunal. Ang kulay puti niyang buhok ay nililipad ng hangin.
"Konti na lang ang natitirang oras, kaya magmadali ka. Tandaan mo ang araw na ito, ako ang iyong magiging gabay hanggang sa mapanatili natin ang kapayaan at matiyak na ligtas ang lahat sa kapahamakan."
Iyon ang huli niyang tinuran bago tuluyang maglaho. Unti-unting naglaho ang magandang tanawin sa aking harapan at naiwan akong nakatayo sa harap ng aming tahanan. Ikinulong niya muli ako sa isang ilusyon.
"Saan ka galing at ngayon ka lang nakabalik?" nagtatakang tanong ni Eloira sa aking likuran. Marahan akong pumihit paharap sa kanya at binigyan siya ng isang matamis na ngiti. Mas pinili kong huwag sagutin ang kanyang tanong. Pumasok ako sa kubo at nagtungo sa aking silid, ikinulong ko ang aking sarili at hindi hinayaang makapasok si Eloira sa rito.
Kailangan ko ng sapat na oras upang mag-isip. Kagat ko ang aking daliri habang pabalik-balik sa paglalakad sa maliit na espasyo sa aking silid.
Ang nais ipahiwatig ng binibining aking nakita ay ang isang madugong digmaan na siyang magiging dahilan upang masakop ng masasamang nilalang ang aming daigdig.
Bakit sa dami ng nilalang, ako pa ang kanyang nilapitan? Ni hindi ko nga maalala ang aking kakayahan, hindi rin ako nakakatiyak kung isa nga akong bampira. Ang tanging meron ako ay ang aking hinila.
Isang nilalang lang ang makakasagot ng mga katanungang gumugulo sa aking isipan. Akmang lalabas na ako ngunit lumitaw si Eloira sa aking harapan.
"Kanina pa ako naghihintay na lumabas ka at hindi ako nakatiis, kaya ako na mismo ang pumasok dito," aniya habang pinagmamasdan ako. Mukhang may hinahanap siya sa aking mukha at ng hindi ito makita at napahinga siya ng maluwag.
"Ang buong akala ko ay kinuha ka nila mula sa akin. Hindi ko makakayang mawala ka sa piling ko, Bella. Ikaw lang ang natitira kong kapamilya."
"Hindi ko nais marinig ang iyong pagsisinungaling sa akin, Eloira. Batid kong mayroon kang pamilya, ang tinig na kausap mo. Siya ang iyong ina."
Pigilan ko man ang aking sarili ay hindi ko magawa. Nadulas sa aking bibig na alam kong may kinakausap siyang tinig. Nanlaki ang mata niyang nakatitig sa akin at ang maputla niyang mukha ay mas lalo pang naging maputla.
"N-nakita mo ako?" nauutal niyang tanong. Wala akong alam kung bakit bigla siyang kinabahan sa aking sinabi.
"Kaya aminin mo ang lahat sa akin, Eloira. Huwag na tayong magpaligoy-ligoy pa. Ang babaeng nakilala ko sa bayan, nakatitiyak akong isa rin siya sa atin. Ang aking tanong, Eloira, ano nga ba tayo? Bakit may kakaiba tayong lakas at liksi? Bakit kaya nating maglaho?"
Hinihintay kong mapatunayan niya ang aking hinala, na isa nga kaming bampira.
"Kung ano man ang nasa isipan mo, iyan ang tama. Oo, Bella, mga bampira nga tayo. Kaya tayo narito sa mundo ng mga tao dahil nilalayo kita sa kapahamakan."
"Anong kapahamakan, Eloira?"
"May nagtatangka sa iyong buhay. Iyon din ang rason kaya nawala ang iyong alaala. Mapanganib kung babalik tayo sa lugar na ating pinagmulan. Natatakot ako na baka ikaw ay tuluyang mapaslang. Mahalaga ka sa akin, itinuring na kita bilang sarili kong anak. Kaya kung maaari, huwag mo na ako tanungin tungkol dito."
Naluluha siyang nakatingin sa akin at makikita ko sa mga mata niya ang pagmamakaawang huwag ko ituloy ang aking balak.
"Hindi, Eloira. Babalik tayo sa lugar na tinutukoy mo. Doon tayo maninirahan!" asik niya.
"Hindi mo ba narinig ang aking sinabi? Nanganganib ang iyong buhay!" naiiyak niyang sigaw. Magkahalo ang galit at takot sa kanyang tinig ngunit nanaig ang katigasan ng aking ulo.
"Mas nais kong mailigtas ang buhay ng karamihan kesa sa sarili kong buhay. Kaya sa ayaw at sa gusto mo, babalik tayo."
Tinalikuran ko siya at sinimulang ayusin ang aking kagamitan ngunit napansin ko siyang nakatulala lang sa akin.
"Paano kung nililinlang ka lamang ng babaeng iyong nakita? Paano kung isa siya sa nilalang na balak kang paslangin? Sa oras na bumalik tayo doon ay hindi ka na makakaalis."
"Huwag ka mag-alala, kaya ko ang sarili ko. Totoo man o hindi, dapat ay makasiguro pa rin tayong ligtas ang lahat. Hindi man sapat ang kaalaman ko sa pakikipaglaban ngunit sapat na ang lakas ng aking loob upang hanapin ang mga bampirang makakatulong sa atin na siyang makakatalo sa masasamang nilalang."
Dumaan ang sandaling katahimikan sa pagitan naming dalawa. Kita sa mukha niya ang pagdadalawang isip subali't makalipas nang ilang sandali ay tumango siya. Agad na nagliwanag ang aking mukha at sinugod siya ng yakap.
"Maraming salamat sa iyong pagpayag. Pangakong iingatan ko ang sarili nang sa gayon ay hindi ka mag-alala sa akin."
Ngumiti siya sa akin ngunit kapansin-pansin ang pangangamba sa mata niya. Tinapik niya ang aking balikat bago ako iwan sa aking silid upang maipagpatuloy ko ang aking ginagawa.
LUMABAS ako sa aming tahanan at tumakbo patungo sa kagubatan. Sa lihim na lagusan at doon nilabas ang aking hinanakit.
Nabigo ako sa aking tungkulin. Mahigpit na binilin sa akin ng aking ina na huwag kong hahayaang makabalik si Bella sa Shieron o sa aming mundo. Ngunit hindi ko matiis si Bella, mahalaga sa kanya ang kanyang alaala. Kung ako man ang malagay sa kanyang katayuan at mapagdaan ko ang lahat ng iyon ay pipilitin ko ring alamin ang lahat.
Nakakatakot ako na kapag malaman niya ang balak ni Bella ay paslangin niya ito. Naguguluhang hinaplos ko ang aking braso at niyakap ang aking sarili habang marahang umuupo sa nakausling ugat ng punong-kahoy.
"Sinasamo ko ang Dyosa na siyang aming gabay. Bigyan mo ako ng sapat na kaalaman upang malaman ang susunod kong hakbang!" malakas kong sigaw habang nakatingala sa asul na kalangitan.
Nang bigla ay may pumasok sa aking isipan. Muli akong tumingala sa kalangitan at natatawang nagsalita, "maraming salamat, mahal na Dyosa!"
Hinanap ko ang parte ng gubat na hindi natatamaan ng liwanag at naglaho pabalik sa aming kubo. Agad kong nakita si Bella, nakatitig sa kawalan habang nilalaro ang isang piraso ng sanga.
Mabagal akong naglakad papunta sa pinto ng kanyang silid at tumikhim upang kunin ang kanyang pansin.
"May isa akong hiling bago tayo maglakbay," panimula ko at ngumisi.
Nagtatakang pinasadahan niya ako ng tingin at tumayo mula sa kanyang kinauupuan.
"Ano naman ang nais mong hilingin sa akin?"
Ginamit ko ang aking bilis at nagtungo sa likuran niya. Dahil nakatali ang kanyang buhok ay madali ko itong naputol.
"Eloira! Anong ginawa mo!" sigaw niya dahil sa gulat. Natatarantang lumuhod siya sa sahig at pinulot ang buhok niya.
"Dapat mong baguhin ang iyong anyo na walang kahit na sino ang makaalam sa tunay mong pagkakakilanlan. Iyon ang tanging paraan upang isama kita pabalik sa Shieron. Patawad, batid kong mahalaga sa iyo ang iyong buhok."
Tinapunan niya ano ng masamang tingin ngunit hindi ko siya pinansin.
"Ito lang ang alam kong paraan upang mapangalagaan ka, Bella. Unawain mo sana ako." Kahit paano ay nakaramdam ako ng awa habang tinitingnan siyang nanghihinayang sa naputol niyang buhok.
Naglaho ako at bumalik sa bayan upang bumili ng isang kakaibang uri ng halaman na siyang magagamit ko upang baguhin ang kulay ng buhok ni Bella. Mabuti na lang ay may natira pa. Pagbalik ko sa ay hinanda ko ang mga sangkap upang makuha ang nais kong kulay.
Tinawag ko siya at kahit naiinis sa akin ay sinunod niya pa rin ang aking nais. Nakayuko siya sa aking harapan, samantalang ako ay may hawak na mangkok na may lamang likido. Marahan kong binuhos ang likido sa kanyang buhok hanggang sa unti-unting magbago ang kulay nito.
"Humarap ka sa akin, Bella," mahinang utos ko. Nakasimangot siyang humarap sa akin at tinaas ang kanyang kilay.
Kinuha ko ang puting tela na nakapatong sa papag at pinunasan ang basa niyang buhok. Kinuha ko ang kakaibang uri ng alikabok sa nakatuping tela at hinipan iyon nang sa gayon ay pumasok sa kanyang mata.
Napahiyaw siya dahil sa hapdi at namimilipit sa sahig habang hawak ang mga mata niya.
"Patawad, Bella."