Ikatlong Kabanata: Shieron

2256 Words
May piring ang aking mata, iyon ay dahil sa mahiwagang alikabok na hinipan ni Eloira. Hanggang sa ngayon ay kumikirot ang mga mata ko, sa tuwing susubukan kong imulat ay nangingibabaw ang hindi maipaliwanag na sakit. Hawak ko ang kamay niya, na siyang umaalalay sa akin. Siya ang aking nagiging gabay sa paglalakad sapagkat hindi ko nakikita ang nilalakaran namin. Kasalukuyan kaming naglalakbay patungo sa Shieron, sa lugar na kanyang tinutukoy. Ang lugar na iyon ay pinamumugaran ng aming mga kauri, mga nilalang na may kakaibang liksi at bilis at may mga kakaibang kakayahan. Ang mga nilalang na tinatawag na bampira. Inamin ni Eloira sa akin ang tunay naming katauhan habang ako’y namimilipit dahil sa sakit. Hindi ko alam kung bakit nang mga oras na iyon niya naisipang isalaysay sa akin ang aming pinagmulan. “Patawad, Bella.” Iyan ang narinig ko mula sa kanya. “Anong ginawa mo, Eloira! Hindi ko maimulat ang aking mga mata! Binulag mo ako!” sigaw ko at pilit na kinakapa ang anumang bagay na siyang kakapitan ko upang ako’y makatayo. “Hindi ka mabubulag. Isa iyang uri ng alikabok na pansamantalang magpapabago ng kulay ng iyong mga mata.” Tuluyan akong nakatayo subali’t hindi ko tiyak kung saan siya naroon. “Mabilis na maghihilom ang sugat sa iyong mata, Bella. Sapagkat tayo ay mga bampira.” Agad akong natigilan dahil sa binitawan niyang salita. Noon pa man ay may hinala na ako ngunit hindi ko inaasahang magugulat pa rin ako sa oras na ito’y aking marinig mula sa kanyang labi. “Isang uri ng bampira na nabubuhay sa pamamagitan ng pagkain ng mga gulay at pag-inom ng dugo, ngunit hindi galing sa tao. May kapangyarihan tayo. Nabibilang tayo sa mga pulang bampira.” “Pulang bampira? Ano ang isa?” tanong ko. Marahan akong naglakad palapit sa lugar kung saan ko naririnig ang kanyang tinig. Ang buong akala ko’y hahayaan niya ako subali’t inabot niya ang aking mga palad at inalalayang maupo sa munting higaan na gawa sa kawayan. “Mga puting bampira o mas kilala sa tawag na Venous, sila ang uri ng bampira na may kakayahang magpalit ng anyo. Kinakatukan sila dahil sa kakayahan nilang higupin ang kaluluwa, kapangyarihan at ang iyong dugo. Wala silang pinipiling biktima. Sila rin ang nagtatangka sa iyong buhay.” Napamulagat ako matapos marinig ang tinuran ni Eloira. Sila ang nagtangka sa aking buhay? “Ngunit sa anong dahilan? Bakit nila ako tinangkang paslangin?” nagtataka kong tanong. Wala akong matandaan na maaaring maging dahilan upang ako ay subukin nilang paslangin. “Marahil ay dahil sa taglay mong kapangyarihan, wala na akong ibang nalalaman bukod sa kaalamang 'yan.” Sinubukan kong imulat muli ang aking mga mata upang makita ang wangis ni Eloira. Ngunit napangiwi lamang ako dahil sa hapdi. Tinaas ko ang aking kaliwang palad nang sa gayon ay mahawakan ko ang kanyang pisngi, pinagsalikop niya ang aming mga kamay at ramdam ko ang kanyang pag-aalinlangan. Hindi na siya muling nagsalita, tahimik niya akong inalalayang tumayo at siya mismo ang naglagay ng piring. May nilagay siya sa aking ulo at batid kong iyon ay isang balabal. May tinali siya sa aking bewang at may sinukbit na kung anong bagay. Siya na rin mismo ang nagsuot ng sapin sa aking paa at umalalay sa akin habang kami ay nagsimula sa paglalakbay. Nabalik ang aking isipan sa kasalukuyan ng bigla niyang tapikin ang aking braso. “Magmadali ka sa paglalakad, may naririnig akong mga yapak. May paparating!” Tulad ng kanyang utos, binilisan ko ang paglalakad at nagpatianod sa kanya. Hanggang sa hilain niya ako paupo at hinawakan ang aking ulo upang magtago. “Huwag kang gagawa ng kahit na anong ingay,” bulong niya. Ramdam ko ang pagkabalisa niya. Natigilan din ako sa aking pinagtataguan, naririnig ko ang mahihinang yapak na nagmumula sa 'di kalayuan. Walang nagsasalita sa aming dalawa hanggang sa tuluyang tumahimik ang buong paligid. “Wala na ba sila?” naniniguro kong tanong at bahagyang inangat ang aking ulo mula sa pagkakayuko. “Magpatuloy na tayo sa paglalakbay.” Kunot-noong sumunod akong muli sa kanya. Bakit tila iniiwasan niya ang aking tanong? Ngunit may bago ba? Mula pa man noon ay hindi niya sinasagot ang aking mga katanungan. Naging matiwasay ang aming paglalakbay sapagkat wala na kaming nakasalubong na siyang maghahatid sa amin ng kapahamakan. Ngunit hindi ako mapakali sa katahimikang namamagitan sa aming dalawa ni Eloira. Nangangati ang labi kong tanungin siya muli subali’t malakas ang paniniwala kong hindi niya sasagutin ang aking katanungan. Nanatili akong tahimik hanggang sa unti-unti ay may naririnig akong mumunting ingay, mula sa naghihiyawan na mga nilalang. Panandalian kaming tumigil at batid kong nagmamasid siya at pinag-aaralan ang buong lugar. “Narito na ba tayo sa ating patutunguhan, Eloira?” “Oo, narito na tayo sa Shieron. Kung maaari lamang ay huwag mong aalisin ang suot mong balabal, pati ang iyong piring. Huwag mo rin papansinin ang sinumang magtangkang kausapin ka.” Marahan akong tumango upang sumang-ayon sa kanyang bilin. Muli kaming naglakad at ang mga naririnig kong tinig ay unti-unting nagiging malakas. Mayroong kasiyahan at narinig kong may dinaraos silang piging. Hindi kami tumigil ni Eloira sa paglalakad hanggang marating namin ang isang kubo. Tiyak akong narito kami sa gitna ng kagubatan, sapagkat naririnig ko ang malumanay na huni ng mga ibon. “Maaari mo na alisin ang iyong balabal at piring,” aniya habang inaalalayan akong maupo. Matapos alisin ang anumang sagabal sa aking katawan ay naging matiwasay ang aking pakiramdam. Sinubukan kong imulat ang mata ko at ganoon na lang ang aking tuwa dahil muli kong nakikita ang nasa aking paligid. “Kay gandang pagmasdan,” bulong ni Eloira na umabot sa aking pandinig. Magkasalubong ang kilay na hinarap ko siya at napansin ko siyang nakatitig sa akin, na puno ng pagkamangha. “Bakit ganyan ka kung makatitig sa akin? Anong mayroon sa aking wangis?” “Pakiramdam ko’y ibang nilalang ang aking kaharap.” Hinila niya ako palapit sa isang malaking kawa, pinuno ng tubig at nilagyan ng kakaibang likido mula sa maliit na bote. Nagsimulang umikot ang tubig at ilang sandali ay umangat ito sa hangin at naging isang salamin. “Iyong pagmasdan ang taglay mong kagandahan, Bella. Bukod tangi, ang kulay lila mong mga mata ay nakahahalina. Ang iyong buhok ay naging kulay asul, kasing kulay ng malawak na karagatan." Hindi ko batid kung ano ang aking mararamdaman dahil sa pagbabago ng aking anyo. Ang mahaba kong buhok ay naging maiksi, mula sa pagiging pula ay naging asul. Ang aking mata at nawalan ng emosyon subali't magandang pagmasdan ang kulay. "Sa tingin ko'y hindi ka nasiyahan sa aking ginawa. Ngunit itatak mo sa iyong isipan na ginawa ko lamang ang bagay na iyon upang mapangalagaan kita." Sinundan ko ng tingin si Eloira na ngayon ay bagsak ang mga balikat habang naglalakad palayo sa akin. Nahihimigan ko ang lumbay sa kanyang tinig subali't hindi ko mapakita ang tunay kong nararamdaman. Tinapon ko ang tubig sa kawa at nagpasyang libutin ang kubo. Hindi ko na nais makitang muli ang bago kong wangis, dahil hindi ito ang tunay na ako. Habang ako'y naglilibot napansin ko ang nagtataasang puso sa paligid dahilan kaya hindi masyadong natatamaan ng sinag ng araw ang kubo. Masyadong tahimik ang buong paligid at malayo sa ibang mga nilalang, katulad sa dati naming tirahan. Batid kong sinadya ni Eloira na sa ganitong lugar kami manirahan, dahil sa mga Venous na nagtatangka sa aking buhay. Hanggang sa ngayon ay nagtataka pa rin ako kung bakit nais nila akong paslangin. Ano ang mayroon sa akin? Dapat ay malaman ko ang buong katotohanan. Dahil tapos na akong maglibot at wala rin akong makausap, nagpasya akong tumakas upang magtungo sa bayan, kung saan naroon ang ibang nilalang na alam kong katulad ko, ang mga bampira. Hindi ako nag-abala na nagsuot ng balabal upang itago ang aking pagkakakilanlan. Nakatitiyak akong walang nakakakilala sa akin. Mabilis akong nakarating sa bayan at doon ko nakita ang mga bampira na nakasuot ng mga itim na balabal, may iilan akong napansin na nakasuot ng berde at asul na balabal. Hindi ko sana iyon pagtutuunan ng pansin subali't may isang ale ang humila sa akin sa isang tabi at pilit na isinuot sa akin ang itim na balabal. "Bakit niyo ako pinasuot ng balabal?" nagtataka kong tanong habang sinisilip ang kanyang mukha. "Sapagkat maaari nilang isipin na isa kang tao, at maaari ka nilang saktan o kaya ay ibalik sa Gaero. Ang bawat bampira na narito ay nagsusuot ng balabal, dahil isa ito sa paraan upang malaman ang kanilang katayuan." "Katayuan?" tanong ko sa mababang tinig. Tumango ang ale at hinawakan ang aking balikat. "Ang mga bampirang may suot na itim na balabal, sila ang nasa mababang antas o tinatawag na Labhai. Mga normal na bampira, karamihan ay mga manggagawa. Nakikita mo ang mga nakasuot ng berde?" aniya at tinuro ang isang lalaki na may berdeng balabal. Marahan akong tumango ng dalawang beses at pinagmasdan ang lalaki mula sa aming pinagtataguan. "Ang mga tulad niya ay tinatawag Mionlach, mas mataas ang kanilang antas kesa sa Labhai. Kung may makikita kang nakasuot ng asul at dilaw na balabal, dapat ay magbigay galang ka. Dahil sila ang nasa mataas na antas. Mga makapangyarihan silang bampira." "Nauunawaan ko ang lahat, maraming salamat sa kaalaman na iyong ibinahagi sa akin." Akmang aalis ako ngunit muli niyang hinawakan ang aking balikat upang ako'y pigilan sa paglisan. "Mag-iingat ka sa mga nakasuot ng gintong balabal. Sila ang Zhiosk at sila ang namamahala sa Ulthein. Nais ko lang din ipaalam sayo na huwag kang dadayo sa kanlurang bahagi ng kagubatan, doon naninirahan ang mga Venous." Basta na lamang siyang naglaho sa aking harapan matapos niyang sabihin sa akin ang isa sa mahalagang kaalaman tungkol sa mga bampira. "Zhiosk," sambit ko. Pakiramdam ko'y may humaplos sa aking puso matapos marinig ang salitang Zhiosk. Nais ko makita ang isa sa kanila. Malakas ang kutob kong matutulungan nila ako. "Bella!" Napatalon ako sa gulat dahil sa biglang pagsulpot ni Eloira sa aking harapan. Basta na lang niya akong hinila at naglaho pabalik sa aking tinutuluyan. "Ilang sandali lang ako nawala ay nagliliwaliw ka na sa bayan! Paano kung napahamak ka! Paano kung may nangyaring masama sayo at hindi ko alam!?" Agad akong napaiwas ng tingin dahil ayaw kong makita ang galit sa kanyang mata. Batid kong may pagkakamali ako at hindi ko nais na sumagot, dahil alam ko na mas lalo siyang maiinis sa akin. "Bella, pakiusap... hindi ko nais na maulit ang pangyayaring ito. Kung nais mo magtungo sa bayan, ipagbigay alam mo sa akin nang sa gayon ay hindi ako mag alala. Nauunawaan mo ba?" kalmado niyang tanong. Narinig ko ang mahihinang yabag ng kanyang paa palapit sa akin. "Nais kong humingi ng tawad dahil sa pagiging suwail ko, pangakong hindi na ito mauulit pa." Naiiyak niya akong nilapitan at basta na lamang hinila upang bigyan ng isang mahigpit na yakap. Isang yakap na puno ng pagmamahal at pagkalinga. "Simula bukas ay tuturuan kita kung paano humawak ng kampilan at iba't uri ng sandata. Hindi ko nais marinig ang iyong pagtutol, Bella," bulong ni Eloira habang yakap si Bellona. Walang nagawa ang huli kung hindi ang sumang-ayon. KINAHAPUNAN ay dinala ni Eloira si Bellona sa hilagang bahagi ng gubat, kung saan naroon ang mga Labhai na gumagawa ng sandata. Bumili sila ng sapat na kagamitan na siyang magagamit ni Eloira sa pagturo kay Bellona kung paano ang tamang paggamit ng sandata, tulad ng pana, kampilan, patalim at iba pa. Subali't napansin ni Eloira na nakatitig si Bellona sa isang kampilan na gawa sa kakaibang uri ng kahoy, walang emosyon ang kanyang mukha ngunit batid niyang nais ng dalaga ang sandatang iyon. "Kung iyan ang nais mo ay kunin mo, Bella. Wala kang maririnig na pagtutol mula sa akin. Huwag mo lang kalilimutan na gamitin sa tama ang mapupusuan mong sandata." Isang maliit na ngiti ang sumilay sa kanyang labi. Kinuha niya ang kampilan ngunit pinigilan siya ng isang Labhai. "Ang kampilan na ito ay pagmamay-ari na ng isang Zhiosk. Kung maaari ay ibalik mo ito sa kanyang sisidlan." Napalitan ng lungkot ang kasiyahang nararamdaman ni Bellona dahil sa tinuran ng Labhai ngunit hindi niya nais na ipagpilitan ang katigasan ng kanyang ulo. "Marami pa naman ang sandata rito na tiyak kong magugustuhan mo, Bella. Iyon na lang ang iyong piliin." Ngunit wala na siyang ibang nais. Labag man sa kalooban ay pinili niya ang isang punyal na gawa rin mula sa espesyal na kahoy. "Mukhang mahilig ka sa kahoy, binibini." Hindi niya ito pinansin bagkus ay tinitigan niya ang hawak na punyal at tinalikuran ang lalaki. NAGMAMADALI ang isang babae sa paglalakad patungo sa isang liblib na lugar kung saan naroon ang mga Venous. Nagtungo siya sa isang silid kung saan naroon ang ilang mga kawal na nagbabantay sa isang babaeng nakaupo sa mataas na trono. Ang trono ay gawa sa pinaghalong ginto at dyamante, ang buong paligid at napapalibutan ng mga sulo. Lumuhod sa malamig na sahig ang babae habang nakayuko upang magbigay galang sa babaeng nagsisilbi nilang Reyna. "Sa tingin ko'y may mahalaga kang sasabihin," ani ng Reyna na prenteng nakaupo sa kanyang trono. "Nakabalik na siya at kasalukuyang nasa Shieron." Isang makahulugang ngiti ang sumilay sa kanyang labi habang pinapahid ang dugong natuyo sa kanyang mga kamay. Dugo na nagmula sa taong kanyang pinaslang sa harap ng kanyang mga kawal. "Sa wakas ay bumalik ka rin."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD