NATIGILAN si Deianira sa kanyang nasaksikan. Lumuluha si Bellona habang yakap ang bangkay ng isang babae at kitang-kita niya ang galit sa mata ng babaeng nagligtas sa kanya. Tinangka niya itong lapitan ngunit biglang gumalaw ang lupa. Napahawak siya sa kanyang ulo dahil sa isang malakas na pwersa na pilit pumapasok sa kanyang isipan. Ginamit niya ang kanyang kakayahan upang protektahan ang kanyang sarili at doon niya napansin na si Bellona ang may kagagawan.
Kinokontrol niya ang isipan ng bawat nilalang. Napatingin siya sa mga Labhai na nakaligtas at ganoon na lang ang panlalaki ng kanyang mga mata dahil sa sobrang gulat sa nasaksihan.
Ang mga Labhai ay kumuha ng mga sandata o kaya ay matulis na bagay at sabay-sabay nilang pinagsasaksak ang sarili hanggang sila ay mawalan ng buhay.
“H-hindi… kakaiba ang kapangyarihang taglay ni Bellona. Isa siyang mapanganib na bampira!”
Hindi mapakali si Deianira sa kanyang pinagtataguan at hindi niya alam ang gagawin. Dapat niyang pigilan si Bellona dahil pati ang mga hayop sa paligid ay unti-unting nagiging mabangis at sinusugod ang bawat isa hanggang sa mapaslang o masira ang bawat makita nila.
Mariin niyang hinawakan ang kanyang ulo habang nakapikit ang mga mata.
“Zemone, kung naririnig mo ako. Tulungan mo ako!” Dalawang beses niya itong inulit sa kanyang isipan at basta na lang sumulpot sa kanyang tabi ang lalaking nakasuot ng asul na balabal.
“Anong nangyayari? Bakit mo ako tinawag?” nag-aalala niyang tanong. Si Zemone ay ang kanyang matalik na kaibigan. Ang tanging lalaki na pinagkakatiwalaan niya.
“Tingnan mo ang buong paligid. Nagkakagulo dahil sa babaeng 'yan.” Tinuro niya siya Bellona upang makita nito ang sanhi ng gulo.
Napansin ni Deianira na natulala si Zemone. Habang sa isipan ng binata ay tuwang-tuwa siya, ngayon lang nakakita ng isang dalaga na may kakaibang ganda.
Malakas na hinampas ni Deianira ang braso ni Zemone kaya tila nagising ito sa malalim na pag-iisip.
“Huwag mo siyang pagpantasyahan, naiiba siya sa atin. Tiyak akong hindi siya nabibilang sa ating antas. Gumawa ka ng paraan upang mapigilan siya sa pagkontrol ng mga isipan bago pa tuluyang mapaslang ang lahat ng mga hayop sa paligid.”
Palihim na napangiwi si Zemone dahil nahimigan niya ang inis sa tinig ni Deianira. Bago pa man ito tuluyang magalit sa kanya ay gumawa siya ng golem gamit ang lupa. Ito ang natatangi niyang kapangyarihan, kaya rin niya kontrolin ang lupa, buhangin, at putik upang gawing golem.
Si Deianira naman ay may kakayahang kontrolin ang dugo.
“Dalian mo, Zemone. Nagsisimula na dumilim ang kalangitan, sa oras na abutan tayo ng gabi ay susugurin tayo ng mga Venous.”
“Heto na nga,” malumanay niyang tugon. Kinontrol niya ang golem at pinalapit ito sa dalaga. Binuhat niya ito pati na rin ang bangkay ng babaeng yakap nito.
“Ano na ang gagawin natin?” tanong ni Zemone sa katabi.
“Hindi ko alam!” natataranta nitong sagot.
Tinago niya ang ngiting kumawala sa kanyang labi at tumikhim habang binabaling sa ibang direksyon ang kanyang tingin.
“Nahimatay siya, Zemone! Ano ang nangyari? Sinaktan ba siya ng golem mo?”
“Hindi, bakit ko naman siya sasaktan? Sa tingin ko ay naubos ang lakas niya kaya nawalan siya ng malay. Kung dalhin kaya natin siya sa Atiera?” Nagbabakasakaling tanong niya sa dalaga.
Subali’t napanguso naman si Deianira habang pinaglalaruan ang kanyang mga daliri, nakayuko pa siya at animo'y nag-iisip.
“Ngunit ayaw niya, binigyan ko siya ng Royal Invitation subali’t hindi niya tinanggap,” paranf bata na pagsumbong niya sa binata.
“Then there must be a reason why she wouldn’t want to accept your offer.”
Mabilis na tinakpan ni Deianira ang bibig ni Zemone at nagpalinga-linga upang matiyak na walang nakarinig sa biglang pagsasalita ni Zemone ng kanilang ginagamit na wika sa palasyo.
“Ano ba, Zemone! Mahigpit na ipinagbabawal ang pagsasalita ng Ingles kung wala tayo sa palasyo o sa paaralan. Paano kung may nakarinig sayo at umabot ito kay Ginoong Peridon? Tiyak na mananagot tayo.”
Kumibot-kibot ang labi ni Zemone para asarin si Deianira.
“Lahat ng narito sa Shieron ay patay na, sino pa ang makakarinig sa akin? Saka wala rin namang malay 'yang kaibigan mo. You’re so uptight, chill!” aniya at tinapik ang balikat ni Deianira bago lumabas sa kanilang pinagtataguan.
Wala namang magawa ang dalaga kundi sundan si Zemone. Nilapitan nila si Bellona at inalam ang kalagayan nito.
“Wala tayong ibang pagpipilian kung hindi ang dalhin siya sa Atiera, dahil kung iiwanan natin siya rito at may mangyaring masama sa kanya ay habang buhay tayo uusigin ng aking konsensya. Ngunit paano ang bangkay ng babaeng yakap niya?” Hinaplos ni Zemone ang kanyang baba at malalim na nag-isip kung ano ang susunod niyang gagawin.
“Ilibing na lang natin, at sabihin natin kay Bellona kapag bumalik na ang kanyang malay. Kaya gamitin mo na ang iyong kapangyarihan at gumawa ng hukay nang sa gayon ay mapadali ang paglilibing, malapit nang sumapit ang gabi.”
Sinunod niya ang sinabi ni Deianira. Gumawa siya ng malalim na hukay malapit sa isang kubo na kanilang nakita. Nang matiyak ang lalim ng hukay ay maingat nilang nilibing ang bangkay at binaon. Pinalibutan nila ang libingan ng makukulay na bato at nilagyan ng bulaklak ang ibawbaw ng puntod.
“Halina’t lumisan na tayo sa Shieron,” anyaya ni Zemone. Hinawakan niya ang kamay ng dalaga at sabay silang naglaho patungo sa Atiera.
AGAD naming dinala ni Zemone ang walang malay na si Bellona sa aking silid upang doon siya mabigyan ng paunang lunas. Dahil hindi maaaring pumasok ang lalaki sa Chevueva— lugar kung saan tanging mga babae lamang ang naninirahan, makikita sa silangang parte ng Atiera.
Binuhat ko si Bellona at palihim na pinuslit sa aking silid. Dahil isa akong prinsesa ay may sarili akong tahanan ngunit kasama ko ang dalawa pang prinsesa na nagmula sa Meria (land of air) at Rubian (land of water), mabuti na lamang at wala ang dalawa dahil malalagot ako kay Ginoong Peridon.
Hiniga ko muna si Bellona sa aking higaan at hinubad ang pang-itaas niyang damit bago siya kumutan. Inalis ko ang buhok na tumabing sa kanyang pisngi at saka panandaliang pinagmasdan ang kanyang taglay na kagandahan.
Hindi ko masisisi si Zemone kung magkaroon man siya ng pagtingin kay Bellona. Hindi maipagkakaila ang kakaiba nitong ganda na siyang nakakaakit tingnan. Napuno ng paninibugho ang aking puso subali’t akin din na iwinaglit sapagkat niligtas ni Bellona ang aking buhay, at kaibigan lang ang tingin ni Zemone sa akin.
Inalis ko ang tingin kay Bellona at naglakad palayo habang humihingi ng malalim. Sinarado ko ang lahat ng pinto at bintana sa aking silid at kinausap si Zemone gamit ang aking kakayahan.
Ilang sandali ay lumitaw siya sa aking harapan kasama si Garreth. Si Garreth ay ang isa pa naming kaibigan ngunit hindi namin siya laging nakakasama at nakakausap dahil sadyang umiiwas ito sa amin at sa ibang nilalang.
Ang tanging nais niya lang ay mapag-isa at manatili sa isang lugar na tahimik.
“Hindi ba’t sinabi ko sayo na hindi mo sasabihin sa kahit na kanino ang tungkol kay Bellona!?” pasigaw kong tanong at tiningnan ng masama si Zemone.
Hindi nakaligtas sa aking tingin ang pagtitig ni Garreth kay Bellona. Marahan akong lumapit kay Bellona at tumayo sa kanyang harapan upang hindi masilayan ni Garreth ang kanyang wangis.
“Nakakalimutan mo ba na wala tayong kaalaman tungkol sa panggagamot? Kaya ko sinama si Garreth upang siya ang magbigay ng lunas sa kaibigan mo,” pagpapaliwanag niya sa akin. Hindi na ako sumagot pa dahil alam kong tama ang kanyang sinabi.
“Tabi,” malamig na sambit ni Garreth. Bahagya niya akong tinulak sa isang tabi nang sa gano’n ay makalapit siya ng tuluyan kay Bellona.
Magsasalita sana ako ngunit hinila ako ni Zemone palapit sa kanyang tabi at pinalibot ang kanyang braso sa aking bewang.
Tiningnan ko siya ng masama upang itago ang sayang nararamdaman ko sa mga oras na ito. Ngumisi lang siya at inobserbahan ang ginagawa ni Garreth.
Hindi ko napansin na may dala pala si Garreth na isang maliit na kahon. Binuksan niya iyon at tumambad sa aming paningin ang iba’t ibang uri ng lunas na nakapaloob sa malilit na bote. May mga sari-saring uri ng dahon din akong nakita at maliit na punyal.
Tinitigan ni Garreth si Bellona at ilang sandali pa'y sinalat niya ang noo ng huli para alamin ang kanyang temperatura.
“She’s cold,” aniya sa mababang boses. Kumuha siya ng tatlong piraso ng pulang dahon, piniga niya ito hanggang sa lumabas ang katas. Nilagay niya ito sa isang maliit na mangkok at hinaluan ng kung anong lunas bago ipainom kay Bellona.
“Iyon na 'yon?” tanong ko dahil matapos niyang ipainom ang likido ay bigla na lang siyang tumayo.
“Tatalab ang lunas sa loob ng isang araw.”
Sasagot pa sana ako ngunit naglaho na lang siya bigla.
“Argh! Nakakainis 'yang kaibigan mo!” gigil kong reklamo kay Zemone. Patawa-tawa lang naman ang binata sapagkat sanay na ito na lagi akong naiinis dahil kay Garreth.
“Kaibigan natin,” pagtatama niya at naglaho na rin.
ILANG araw ko na pinagmamasdan ang mataas na pader na nakapaligid sa Atiera. Hindi ko akalain na may harang pala na nakapalibot sa buong lugar ngunit ano at para saan ang pader? Natatakot ba sila na baka lusubin ng mga Venous ang Atiera?
Hindi ko rin sila masisisi, dahil ang Atiera ay isa sa pinakamalaking parte ng lugar na sumasakop sa anim na kaharian; ang Meria, Rubian, Ignacious, Agaro, Hunu'a at Deorpheus. Ang mga kahariang ito ang nagbibigay ng balanse sa aming daigdig ngunit batid kong marami ang sekretong nakakubli sa bawat kaharian.
Nagmula ako sa kaharian ng Silbero. Ang lugar sa labas ng Atiera, malapit ang Silbero sa dakong kanluran kung saan naroon nagtatago ang mga Venous. Ang Silbero ay kilala dahil ang mga bampirang naninirahan dito ay mayroong kakayahan na kontrolin ang liwanag, marahil ay iyon din ang dahilan kaya sila ang malapit sa lugar ng mga puting bampira.
Ang namumuno sa Silbero ay ang Reyna Alexandrine, ang aking ina.
“Nakatitig ka nanaman sa pader, Garreth.”
Kahit hindi ko tingnan ang nagsalita ay alam kong si Zemone iyon. Ang matalik kong kaibigan. Narinig ko ang tunog ng naputol na tuyong sanga, tanda na siya ay naglalakad palapit sa akin. Tumigil siya sa aking tabi at pinagmasdan din ang pader.
“Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam ang dahilan kung bakit lagi kang narito at nakatitig sa pader na ito. Nais mo ba makita kung ano ang nasa labas ng Atiera?”
Hindi ko sinagot ang tanong ni Zemone. Dahil kahit na ako ay hindi batid kung bakit nais ko itong pagmasdan. Pakiramdam ko ay kasama ko ang aking ina, na siyang ipinagtataka ko dahil hindi ako malapit sa aking ina.
“Mapanganib sa labas ng Atiera, Garreth. Kaya kung ako sayo ay mananatili ako rito sa loob.”
Napangiti ako saka siya hinarap, “bakit hindi mo pagsabihan si Deianira? Akala mo ba ay hindi ko alam kung saan kayo galing?”
Nanlaki ang kanyang mga mata at bumuka ang kanyang bibig na parang nais niyang ipagtanggol ang sarili ngunit walang lumabas na salita.
“Don’t worry, I won’t tell anyone that you two wandered outside,” seryoso kong sabi kaya namutla si Zemone.
Binalik ko ang tingin sa pader at kusang sumilay ang mapait na ngiti sa aking labi.
“Garreth, kailangan namin ang tulong mo.”
Nag-isang linya ang aking kilay dahil sa salitang namutawi sa kanyang bibig. Binaling ko ang tingin sa kanya sa pag-aakalang nagbibiro lang siya ngunit nang makita ang seryoso nitong mukha ay nakaramdam ako ng kaunting kaba.
Nabasa ko ang tumatakbo sa kanyang isipan kaya nakaramdam ako ng pangamba at inis.
“Paano kung nahuli kayo na may dinalang estranghero rito sa loob ng Atiera? At paano kung isa siyang Venous? Paano niyo mapangangalagaan ang inyong sarili!?” asik ko sa kanya.
“Ngunit—”
“Saan si Deianira? Kahit kailan talaga ay umiiral ang katigasan ng kanyang ulo.”
Sabay kaming naglaho patungo sa Chevueva at agad kong narinig ang reklamo ni Deianira kay Zemone na huwag sabihin sa kahit na kanino ang tungkol sa nilabag nilang kautusan.
Pagsasabihan ko sana siya ngunit naagaw ng isang dalaga ang aking pansin. Kakaiba ang ganda niya, ang maikli niyang buhok ay magulo ngunit bumagay pa rin ito sa bilugan nitong mukha. Mapula ang labi nito at napansin ko ang tangos ng kanyang ilong.
Pakiramdam ko’y nahihipnotismo ako dahil sa kagandahan ng babaeng nakikita ko. Kung hindi ako nagkakamali, ang pangalan niya ay Bellona, iyon ang narinig ko mula kay Deianira.
Humakbang ako palapit sa kanya at dahil nakaharang si Deianira sa aking harap ay marahan ko siyang tinulak patungo sa isang tabi. Ginamit ko ang aking bilis upang kunin ang kahon na iniwan ko sa palikuran ni Deianira. Sinadya ko itong iwan dahil laging napapahamak si Deianira at nalalagay sa alanganin ang kanyang buhay dahil sa kanyang kuryosidad.
Mabilis kong ginamot si Bellona at basta na lang naglaho pagkatapos upang alisin ang kakaiba kong nararamdaman. Hindi totoo ang sinabi kong aabutin ng isang araw bago siya tuluyang magising. Dahil ilang minuto lang ang bibilangin.
Tiyak akong tatawagin kami ni Deianira sa oras na magising si Bellona at hindi nga ako nagkamali, dahil makalipas ang ilang sandali ay nagsisigaw siya sa aming isipan upang ipagbigay alam na ang kaibigan niya ay nagkaroon na ng malay.
Bumalik ako sa silid ni Deianira at hindi sinasadyang nagtagpo ang aming paningin. Heto nanaman ang kakaibang pakiramdam, tila ako ay kinakabahan sa hindi maipaliwanag na dahilan.
"Nasaan ako?" tanong niya sa akin. Nakatitig pa rin siya sa aking mga mata na parang kinikilala kung sino ako.
"Nasa Atiera ka, Bellona," sagot ni Deianira at palihim na pinaalis kami upang magkausap silang dalawa.
Bago lumabas sa silid ay tinapunan ko siya ng makahulugang tingin at nagulat ako dahil ngumiti siya sa akin.
"I think I like her," bulong ni Zemone sa akin. Hindi ko alam ngunit biglang sumama ang aking pakiramdam.