ATIERA? Wala akong alam kung ano ang mayroon sa lugar na ito ngunit hindi ko nais na iwan ang Shieron. Ang lugar kung saan tinuturing kong sariling tahanan.
Napansin kong nakatitig sa akin si Deianira, sa tingin ko’y may nais siyang sabihin sa akin ngunit hindi niya masabi dahil may kung anong pumipigil sa kanya. May dalawang lalaki akong nakita kanina at batid kong mga kaibigan sila ni Deianira.
Malakas ang aking kutob na silang dalawa at nabibilang din sa mataas na antas ng lipunan. Mga makapangyarihang bampira.
“Saan si Eloira?” mahinang tanong ko, sapat na upang umabot iyon sa pandinig niya.
Umiwas ng tingin si Deianira at napansin ko ang pagkuyom ng kanyang mga palad.
“Saan si Eloira? Bakit wala siya rito? Bakit hindi niyo siya iniligtas?” sunud-sunod kong tanong. Nanatili siyang tahimik hanggang sa lumitaw muli ang dalawang binata sa loob ng silid. Nagtagpo muli ang paningin namin ng lalaking may itim na mga mata. Hindi tulad ni Deianira at ng isa pang lalaki na kulay berde ang mata.
Nakasuot siya ng asul na damit, hindi marangya ngunit makikita pa rin sa galaw nito na nagmula ito sa mayamang pamilya. Hindi siya nakangiti subali’t makikita pa rin ang emosyon na nakatago sa mga mata niya. Nakasuot naman ng pula ang isa at may mapaglarong ngiti sa labi nito, unang tingin pa lang ay malalaman mo agad na ito ay mahilig makihalubilo sa iba’t ibang uri ng nilalang.
“Nilibing na namin siya,” sagot ng isang lalaki. Tiningnan siya ng masama ni Deianira at pinanlakihan ng mata.
“Hindi pa patay si Eloira! Saan ang kanyang puntod! Dalhin niyo ako roon!” Tinangka kong tumayo mula sa pagkakahiga ngunit mabilis na nakarating ang lalaking naka-asul sa 'king tabi at marahan akong tinulak pahiga sa malambot na higaan.
“Stay,” bulong niya. Dumampi sa balat ko ang mainit niyang hiningi. Naghatid ito ng kakaibang kiliti sa akin ngunit agad kong iwinaksi.
“Bitiwan mo ako, kung sino ka man.” Sinunod niya rin ang aking sinabi at mabilis na lumayo sa akin.
“Deianira, ituro mo sa akin kung saan si Eloira. Hindi ako naniniwalang patay na siya.”
“Ngunit mapanganib ang labas ng Atiera, hindi kita maaaring ibalik doon. Tanging ikaw na lang ang natira mula sa Shieron dahil sa paglusob ng mga Venous.”
“Hayaan na natin siya kung nais niya bumalik sa Shieron, Deianira,” sabat ng lalaking naka-pula.
“Ngunit, Zemone—”
“Cut it, Deianira. Ang mabuti pa'y samahan natin siya. Bigyan natin siya ng pagkakataong makita muli ang bangkay ng kanyang pamilya. Iyon lang ang tanging magagawa natin para sa kanya.”
Dumaan ang saglit na katahimikan sa loob ng silid. May punto si Zemone at alam kong iyon din ang iniisip ni Deianira. Wala sa sariling napatingin sa lalaking nasa aking tabi.
Ano kaya ang kanyang pangalan?
“Sige, pumapayag na ako. Ngunit bukas ng umaga tayo babalik sa Shieron. Gabi na at aktibo ang mga Venous sa mga oras na ito. Wala tayong sapat na lakas upang labanan sila.” Nagkatinginan sila ni Zemone at agad kong nahalata na may tinatago silang pagtingin sa bawat isa.
Umayos ako sa pagkakahiga at pinagsalikop ang aking kamay na nakapatong sa aking dibdib. Marahan kong pinikit ang aking mata at sinubukan na muling makatulog.
Nalaman ko na malaki ang pagkakaiba namin sa mga Venous. Kami ay maihahalintulad sa tao, kaya naming matulog, tumitibok ang aming puso at mayroon kaming dugo. Kabaligtaran sa Venous, may kakayahan din silang magbagong anyo, samantalang kami ay wala ngunit kaming mga pulang bampira ay nakokontrol ang iba’t ibang elemento. Tulad ng lupa, tubig, hangin, apoy, kuryente, yelo, ang panahon at ang kalikasan.
Ilang sandali ay nakatulog akong muli at paggising ko ay nasa tabi ko pa rin ang lalaking naka-asul. Siya lang ang narito sa silid, si Deianira at Zemone ay hindi ko makita.
Hinihintay niya ba akong magising? Binabantayan niya ako?
“You’re awake,” aniya. Napansin ko ang maliit na ngiting nakapaskil sa kanyang labi. Mukhang natutuwa siya dahil may makakausap na siya.
“Anong wika ang iyonh ginamit?” tanong ko. Bahagya siyang nagulat at napaiwas ng tingin.
“Ingles, iyan ang ginagamit na wika sa buong Atiera, at sa iba pang kaharian. Ginagamit din namin ang Ingles kapag kami ay nasa paaralan, dahil isa iyon sa kautusan ni Ginoong Peridon.”
Nakatitig lang ako sa kanya. Hindi ko akalaing magsasalita siya ng ganoon kahaba.
“Nais ko malaman ang pangalan mo,” ani ko habang nakatitig pa rin sa itim niyang mata.
“Garreth, iyon ang pangalan ko. Ikaw?”
“Bellona,” maikli kong tugon at naupo sa higaan. Ngumiti ako sa kanya at yumuko.
“Bella… iyan ang bagay sayo.”
Biglang kumirot ang aking dibdib dahil sa pangalang tinawag niya sa akin. Muli kong naalala si Eloira, sa tingin ko’y napansin niya ang bigla kong pananahimik kaya hindi na siya muling nagsalita pa hanggang sa bumalik ang dalawa.
May dalang mga asul na balabal si Deianira at si Zemone naman ay may dalang iba’t ibang uri ng sandata.
“Kailangan nating umalis bago sumikat ang araw upang makabalik tayo rito sa Atiera bago pa may makaalam na lumabas tayo.”
Inabot ni Deianira sa akin ang isang balabal na agad kong sinuot. Nakakapanibago lang dahil asul ang kulay nito. Hindi naman ako isang dugong bughaw. Si Zemone naman ay nakangiting lumapit sa akin at pinakita ang mga hawak na sandata.
“Pumili ka,” aniya. Mabilis kong kinuha ang punyal at tinago sa loob ng balabal.
“Itago mo ng maigi ang iyong mukha, walang dapat na makaalam kung sino ka. Lalo pa't wala kaming naibibigay na ulat sa nakatataas.” Inayos ni Zemone ang aking buhok habang nagsasalita siya.
Samantalang si Deianira at Garreth naman ay kapwa magkasalubong ang kilay at mukhang galit.
“Hurry up! We need to go!” sigaw ni Deianira at nagmamadaling lumabas sa kanyang silid. Agad naman na sumunod si Zemone ngunit napansin ko ang kanyang mapaglarong ngiti. Tingin ko’y inaasar niya si Deianira.
Tahimik naman na sumunod si Garreth sa dalawa ngunit hinintay niya ako sa pintuan at hinayaang mauna. Wala pa rin siyang imik habang nakasunod sa akin.
Madilim pa ang buong paligid at tanging kami lang ang naglalakad patungo sa malaking pader. Wala akong nakitang lagusan kaya nagtatakang tiningnan ko si Garreth sa aking likuran—siya lang ang malapit sa akin dahil nasa unahan ang dalawa at mukhang nagbabangayan.
“Saan tayo dadaan?” naguguluhan kong tanong. Sumabay siya sa akin sa paglalakad at inayos ang aking balabal upang takpan ang aking mukha.
“May bampira sa unahan at hindi ka niya maaaring makita,” bulong niya sa akin. Hinawakan niya ang aking palapuluhan at siya ang nanguna sa paglalakad.
“Ngunit alam niyong hindi maaari ang inyong nais, Mahal na Prinsesa Deianira. Ako ang mananagot sa oras na malaman ng iyong Inang Reyna na ikaw at ang iyong mga kaibigan ay hinayaan kong makapuslit sa labas ng Atiera.”
Kahit malayo ako naririnig ko pa rin ang sinasabi ng kawal na nagbabantay sa lagusan. Nakakubli pala ito kaya hindi ko makita ng ganoon kadali.
“Kahit ngayon lang, Pinunong Rigea. Pahintulutan mo na kami.”
Hindi ko akalaing makulit pala si Deianira. Kung ano ang kanyang nais ay iyon ang masusunod.
“Ipangako mo sa akin na babalik kayo sa loob ng limang oras, kapag lumampas kayo sa itinakda kong oras ay ipagbibigay alam ko kay Ginoong Peridon ang ginawa niyo.”
Kahit hindi ko makita ang mukha nila ay batid kong masaya sila at nakangiti dahil sila ay pinahintulutan ng kawal.
“Ngunit sino ang inyong kasama?” tanong ni Pinunong Rigea.
Biglang naalerto si Garreth sa aking tabi. Marahan niyang hinila ang aking palapuluhan upang mapalapit ako sa kanya, basta na lang niya akong kinulong sa kanyang mga bisig at hinawakan ang aking batok. Ang kanyang ulo ay bahagya niyang binaon sa aking leeg upang hindi ako makita ng nagbabantay.
“Ah, siya ang pinsan ni Garreth na nagmula sa malayong kaharian na hindi sakop ng Atiera,” pagbibigay dahilan ni Zemone. Nahahalata ko ang kaba sa kanyang boses ngunit natuon ang pansin ko sa t***k ng puso ni Garreth.
Para itong tinatambol sa sobrang lakas. Hindi ko alam ngunit magkasabay na tumitibok ang aming mga puso. Habang nagtatagal ang yakap niya'y nagiging iba rin ang aking pakiramdam. Narito nanaman ang kiliting naramdaman ko ng magtagpo ang aming mga mata, ngunit sa mga oras na ito, pakiramdam ko’y ligtas ako, na may kasama ako.
“Maaari na kayong lumabas, hindi ko na titingnan ang wangis ng inyong kasama sapagkat batid kong mahigpit itong ipinagbabawal.”
Sabay na nagpasalamat ang tatlo at matiwasay kaming nakalabas sa lagusan. Ngunit hindi pa rin ako binibitiwan ni Garreth, yakap-yakap niya pa rin ako ng mahigpit.
"Garreth, maaari mo na bitawan si Bellona. Hindi na nila tayo nakikita," ani ni Zemone.
Tinulak ko palayo si Garreth at nahihiyang inayos ang balabal kong suot. Buti na lamang at natatakpan ang aking mukha kaya hindi nila napapansin ang aking pamumula.
Nagsimula kaming maglakad patungo sa Shieron, hanggang sa marating namin ang kubo na tinutuluyan namin ni Eloira. Agad kong napansin ang ginawa nilang puntod, pinalibutan nila ito ng makukulay na bato at mayroong lantang bulaklak sa itaas.
Pakiramdam ko'y may mabigat na nakadagan sa aking dibdib, sumama ang aking pakiramdam at ang aking paningin ay nagsimulang maging malabo. Subali't pinigilan kong maiyak, hindi nila dapat makita ang pagiging mahina ko. Ngunit sariling katawan ko mismo ang bumigay, napaluhod ako sa lupa dahil hindi ko kinaya ang panginginig ng aking katawan.
Pinapangunahan ako ng aking emosyon. Muling bumalik sa alaala ko ang pinagsamahan namin ni Eloira, batid kong hindi ako masyadong naging malapit sa kanya ngunit siya lang ang tanging nilalang na nagparamdam sa akin kung ano ang pagmamahal.
Minahal niya ako bilang sarili niyang anak. Inalagaan, inaruga at inilayo sa kahit anong kapahamakan. Kahit minsan ay hindi niya pinaramdam sa akin na iba ako. Kahit madami ang sekretong tinatago niya sa akin ay hindi pa rin iyon sapat upang siya'y aking kamuhian.
"Eloira...patawad." Mabilis kong pinahid ang namuong luha sa aking mata gamit ang aking mga daliri.
Sinimulan kong hukayin muli ang puntod ngunit mabilis akong pinigilan ni Garreth at Zemone.
"Huwag niyo akong pigilan! Nais ko siyang makita!" Nagpupumiglas ako mula sa pagkakahawak nilang dalawa. Laking pasasalamat ko dahil pumagitna si Deianira.
"Bigyan natin siya ng sapat na panahon upang magluksa," aniya at hinila ang dalawa palayo.
Tinuloy ko ang paghuhukay hanggang sa tuluyan kong makita ang namumutla niyang mukha. Masuyo kong hinaplos ang kanyang pisngi at sunud-sunod na pumatak ang luha ko sa kanyang balat.
"Patawad, patawarin mo ako. Iniwan kitang mag-isa... dapat ay nanatili ako sa iyong tabi upang natiyak kong ligtas ka. Eloira."
Mas lalo lamang naging mabigat ang aking dibdib habang pinagmamasdan ang mukha niyang walang kabuhay-buhay.
Bumalik sa aking isipan ang natatangi niyang hiling magmula pa man noon. Kahit ni minsan ay hindi ko siya pinagbigyan.
"Kahit minsan ay tawagin mo akong Ina. Hindi man ako ang nagluwal sayo ngunit tinuring kita na akin. Iyan lang ang hiling ko, Bella, aking anak."
Humigpit ang hawak ko sa kanyang pisngi. Nanginginig ang aking labi dahil hindi ko masabi ang salitang nais niya marinig mula sa akin.
"Eloira... a-alam kong buhay ka pa. Bumalik ka na, hihintayin kita. Tumayo ka jan, uuwi na tayo sa Gaero. Doon tayo mamumuhay ng masaya at malayo sa ating mga kauri."
Ngunit batid kong niloloko ko lang ang aking sarili. Hindi na siya babalik...kahit kailan.
"DAPAT na ba natin siyang lapitan?" tanong ni Deianira sa aming dalawa ni Zemone, ngunit walang kahit na sino sa amin ang sumagot.
Nakatitig lang kami kay Bellona na naglulupasay sa pagluha habang hinuhukay ang bangkay ng kanyang kasama. Hindi ko alam ang mararamdaman ko habang pinagmamasdan siyang nagkakaganyan. May kung ano sa aking isipan na nagsasabing dapat ko siyang pangalagaan, upang kahit kailan ay hindi na siya muling masaktan.
"Mababaliw ako kung ako ang mamamatayan. Lalo na kung mahalaga sa akin ang isang tao. Nakakaawang pagmasdan si Bellona, kahit kahapon ko lang siya nakilala ay tinuring ko na siyang kaibigan. Kaya sana ay malampasan niya ang pagsubok na ito."
Nakikinig lang kami ni Zemone sa sinasabi ni Deianira. Ilang sandali ay tumayo si Bellona at tumakbo sa loob ng kubo.
"Anong nangyayari?" sabay na tanong namin ni Zemone. Nag-unahan kaming tatlo sa pagtakbo ngunit natigilan kami nang marinig ang sigaw niyang puno ng poot at lumbay.
Tumakbo sa loob si Deianira at hindi na namin siyang nagawang pigilan. Akmang susunod ako ngunit hinawakan ni Zemone ang braso ko at umiiling.
"Hayaan mo silang mag-usap. Hindi siya pababayaan ni Deianira," sabi niya. Lumuhod siya sa lupa at sinimulang takpan ang bangkay ni Eloira. Kaya ganoon din ang aking ginawa, inayos namin ang nagulong mga bato at sabay na kumuha ng bulaklak na ilalagay sa taas ng puntod.
Nang matapos ay naupo kami sa nakausling ugat ng puno at hinintay ang dalawa na bumalik.
Sanay na ako sa katahimikan ngunit muli kong naalala ang sinabi niya sa'kin kahapon.
"Is it true that you like her?"
Napalingon siya sa akin, "who? Bellona?"
"Yeah, so?"
Sumilay ang mapaglarong ngisi sa kanyang labi at hindi sinagot ang aking tanong kaya bahagya akong nakaramdam ng inis.
"Nararamdaman ko ang lamig sa paligid, kontrolin mo ang kapangyarihan mo, Garreth," sabi niya makalipas ng ilang minuto. Napatingin ako sa aking kamay at doon ko napansin na naglalabas nv yelo ang aking mga daliri.
"But, yes. I like her. Wala naman sigurong masama hindi ba?"
Umiwas ako ng tingin at kinagat ang aking dila. Naiinis ako sa hindi maipaliwanag na dahilan.
"But you just met her yesterday?"
"Is it bad? Iyon ang naramdaman ko, eh. Hindi ko naman maaaring pigilan. Time has nothing to do with how you will like someone else." Muli siyang ngumiti ng makahulugan at tinapik ang aking balikat bago tumayo.
"Batid kong alam mo kung ano ang ibig kong sabihin. Nariyan na sila, oras na upang bumalik sa Atiera."