V

1895 Words
Hindi humihinga ang babae at malamig din ang buong katawan nito. Mayroon itong malaking sugat sa bandang kaliwa ng noo at malakas ang pagdurugo nito. Nauna nang nataranta si Mae nang makita ang kondisyon ng babae. Kaya agad itong tumakbo papunta sa koprahan para tawagin ang ama ni Al at humingi ng tulong. Hindi rin alam ni Al ang gagawin. Isa pa hindi siya makapaniwala na si LingLing ay nasa harapan na niya ngayon. Tinitigan niya ng mabuti ang mukha ng babae at hindi talaga siya pwedeng magkamali. Ang sikat ng singer talaga ang nasa harap niya. Ang nawalang kaibigan. Ang una niyang pag-ibig. Si LingLing. Tinapik-tapik ng marahan ni Al ang mukha ng dalaga habang tinatawag ang pangalan nito pero walang reaksyon ang babae. Nakaramdam na ng takot si Al. Gusto niyang malaman kung ano ang nangyari sa kaibigan. Ang daming tanong na umiikot sa isip niya ngayon. Maraming bakit ang gusto niyang masagot. Pero alam din niyang bago masagot ang mga ‘yon ay kailangan muna niyang iligtas ang walang malay na dalaga. Kinuhaan niya ito ng pulso at bahagyang nabuhayan siya nang maramdaman na mayroon pa itong pulso. Pero mahina na ito at alam ni Al na nauubos na din ang oras niya at kailangan na niyang kumilos. Tinanggal ni Al ang una at pangalawang butones ng damit na suot ng dalaga pagkatapos ay sinimulan na niya ang pag-perform ng CPR. Walang masyadong karanasan si Al dito. Sa telebisyon lang niya nakikita ang ganito pero alam niyang siguradong mapapahamak ang dalaga kung wala siyang gagawin. Ginagawa niya ito habang nananalangin. Nakailang pump na siya pero walang pa ring reaksyon ang katawan ng babae. Hindi pa rin ito nagigising. Muli niyang kinapa ang pulso nito at halos hindi na niya ito maramdaman. Inalog ng malakas ni Al ang katawan ng babae habang tinatawag ito at habang pinipigilan ang sarili na maiyak at mataranta. “Tama, mouth to mouth,” sabi ni Al sa sarili nang maisip ang sunod na gagawin. Pero saglit siyang natigilan nang papalapit na siya sa mukha ng dalaga. Nakaramdam siya ng hiya pero agad din niyang naisip ang maaaring mangyari kung hindi niya ito susubukang gawin. Wala na siyang oras para magdalawang isip pa. Tatlong buga ng hangin at biglang umubo ang babae at nagsimulang lumabas ang tubig na nainom nito. Parang nabunutan ng tinik si Al ng makitang tumalab ang ginawa niya. “LingLing?” Hirap ngunit dahan-dahang dumilat ang babae at tinignan si Al. Bakas sa mukha nito ang takot. Tumingin tingin ito sa paligid at pilit na umupo pero agad din itong natumba. Agad namang inalalayan ni Al ang dalaga para makaupo ito. “LingLing. Sandali, hindi mo pa kaya. Maupo ka muna. Tumawag na si Mae ng tulong.” Muling tumingin ang dalaga sa kanya. At tumulo ang mga luha nito. “LingLing, bakit? May masakit ba sa’yo?” Umiling-iling lang ang babae habang pilit na inilalayo ang katawan kay Al. “LingLing…,” habol naman ni Al. Pero tumigil din siya nang makitang takot na takot ang babae. “Ako ‘to LingLing. Si Alfonso. Si Al.” Hinawakan ng dalaga ang ulo gamit ang dalawang kamay na tila pinipiga ito habang umiiyak. “Anong problema?” nag-aalalang tanong ni Al. “Wala akong maalala. Hindi ko maalala kung sino ako. Hindi ko maalala ang pangalan ko. Wala akong maalala!” sigaw ng babae habang hinahampas ng mga kamay ang ulo niya at umiiyak. Napansin ni Al na mas bumuka ang sugat nito sa ulo at lalong lumala ang pagdurugo nito kaya agad niya itong inawat at niyakap. Pero pumalag ang babae at nasiko at nasampal pa nito si Al. Pero hindi rin nagtagal ay kumalma ang babae. Bigla itong nanghina at pagkatapos ay tuluyang nawalan ng malay.   Tatlong araw ang lumipas mula ng matagpuan nila Mae at Al ang babae sa dalampasigan. Kasabay rin noon ang mga balita na umugong sa buong mundo tungkol sa pagkawala ni Alicia Kim. Madaming espikulasyong lumabas. Mula sa k********g hanggang sa murder. Nagsimula na rin ang paghahanap ng mga pulis sa sikat na singer. Dahil dito ay naging sigurado si Al at si Mae na si Alicia Kim o mas kilala nilang LingLing ang kanilang nakita at iniligtas sa dalampasigan. “Al, tatlong araw ng hindi nagigising ‘yan. Pinaghahanap na rin siya ng mga pulis. Baka gusto mong dalhin na siya sa ospital. Malamang nag-aalala na rin ang mga kamag-anak niyan,” sabi ni Mae sa kaibigan habang nagkakape. “Oo, nga Al. Baka malagay pa tayo sa alanganin kapag hindi natin dinala sa ospital ‘yan tapos may mangyari d’yan,” singit naman ng ama niya. Hindi agad sumagot si Al. Hinawakan niya ang kamay ng natutulog na kaibigan at tinitigan ang napakagandang mukha nito. Hindi niya mapigilang mapangiti kahit alam niya na hiram lang ang mga oras na ito. Masaya si Al. Napakasaya niya dahil sa wakas ay nakita na niyang muli ang kaibigan. Madami siyang gustong itanong dito at umaasa siyang maaalala pa nito ang pangakong iniwan nila sa isa’t isa noon. “Al… Anong balak mo?” muling tanong ni Mae. “Hintayin lang natin siyang gumising. May itatanong lang ako. Sabi naman ni manang Luz pagod lang daw si LingLing at magigising din.” “Al! Ano ba? Umpisa pa lang dapat dinala na natin siya sa ospital!” “Please, Mae. Please.” “Bahala ka nga sa buhay mo!” pagalit na sabi ni Mae at padabog na lumabas ng bahay. Alam ni Al na maling itago si LingLing sa kanila. Pero gusto lang talaga niyang makausap ang kababata. Hindi lingid sa kaalaman ni Al na maaaring matatapos din ang masayang oras na ‘to sa oras na magising ang kaibigan. At natatakot siya na kung dadalhin niya ang dalaga sa ospital ay baka hindi na sila muling magkita. Muling hinawakan ni Al ang kamay ng kababata at sa pagkakataong ito ay nakita niyang gumalaw ang mga daliri nito at ilang saglit lang ay dahan-dahan itong dumilat. “Mae! Itay! Gising na siya!” masayang sigaw ni Al. Patakbong pumasok muli si Mae at lumapit din si Mang Isko sa kinahihigaan ng babae. “LingLing. Anong nararamdaman mo?” marahang tanong ni Al. Hindi sumagot ang babae. Nakadilat ito pero nakatingin lang sa kisame at tila walang naririnig. Maya-maya ay dahan dahan itong umupo pero agad ding napahiga uli nang biglang sumakit ang ulo. Inalalayan ni Al ang dalaga at pinainom naman siya ni Mae ng tubig. Nang tila kumalma na ang nararamdamang sakit ay tumuwid ito ng upo at tumingin sa kanila. Pinagmasdan ng dalaga ang mga mukha nila at pagkatapos ay lumibot ang mga mata nito sa buong bahay. At bigla na lang tumulo ang mga luha nito. “Wala akong maalala. Kahit isang bagay,” mahinang sabi nito. Hindi alam ni Al ang isasagot at gagawin. Napalitan ng awa ang kaninang nararamdaman niyang saya. Hinawakan niya ang kamay ng dalaga pero agad namang binawi ng dalaga ang kamay niya na tila nagulat at natakot. Ngumiti si Al at humingi ng paumanhin pero halata sa mukha ng binata ang pag-aalala at lungkot. Magsasalita sana uli si Al para basagin ang biglaang katahimikan nang biglang sumingit si Mae. “Huwag kang matakot. Nasa mabubuting mga kamay ka,” sabi ni Mae sabay tingin kay Al na tila sinasabing siya na ang bahala pakalmahin ang kababata. “Ah, hindi mo ba talaga kami naaalala?” marahan na tanong ni Mae na tinugunan naman ng dalaga ng malakas na pag-iling. “Okay. Ako si Mae. Ito naman si Al at ‘yon naman si Mang Isko. Nakita ka naming sa may dalampasigan tatlong araw na ang nakalilipas. Wala kang malay at may malaki kang sugat sa ulo. Malayo ang ospital dito at maliit lang. Kaya dito ka na lang namin ginamot.” Tumingin si LingLing kay Mae. Hinawakan ni Mae ang kamay nito at ngumiti. Kumalma at naging mas panatag na ang dalaga. Pero hindi pa rin tumitigil sa pagtulo ang mga luha nito. Pinadama ni Mae na naiintindihan niya ang nararamdaman nito at nang tuluyan na itong kumalma ay niyaya niya ito sa hapagkainan. Dahil sa tatlong araw na itong tulog ay malamang ng gutom na gutom na ito. Mabilis namang inihanda ni Al ang mesa. At sabay-sabay silang kumain ng tanghalian. “Ahm… LingLing… Ito oh… Pasensya ka na kanina,” sabi ni Al sabay abot ng pritong isda sa babae. “LingLing?” nagtatakang tanong ng babae. “Iyon ba ang pangalan ko? Kanina niyo pa ko tinatawag na LingLing.” “Ah…,” hindi alam ni Al ang isasagot. Tumingin siya kay Mae pero dismayado lang itong umiwas ng tingin sa kanya. “Ahm.. ano…,” muling pasubali ni Al habang nag-iisip kung ano ang dapat isagot. “Oo, ikaw si LingLing. At… ako si Al, ah… boyfriend mo.” Nabulunan si Mae at Mang Isko nang marinig ang sagot ni Al. Tinignan ng matalim ni Mae si Al pero parang wala itong narinig kaya ilang ulit niyang pinagsisipa ang binti ni Al sa ilalim ng lamesa. “Ha? Boyfriend? Tayong dalawa?” tanong ng babae na sinagot naman ng tatlong malakas na tango ni Al na sinundan naman ng malakas na sipa ni Mae sa binata. Muli namang sumakit ang ulo ni LingLing nang pilit na halukayin ang ala-ala niya. Pero wala talaga siyang maalala. “Ling, okay lang… ‘wag mong pwersahin ang ala-ala mo.” sabi ni Mae. “Pasensya na Al… Wala talaga akong maalala. Hindi kita maalala,” malungkot na sabi ni LingLing. Ngumiti lang si Al bilang sagot. Naiintindihan niya ang sitwasyon. Inisip na lang niya na ‘di magtatagal babalik na rin ang ala-ala ng pinakamamahal na dalaga. “Ahm, oo nga pala, taga-saan ako?” tanong ni LingLing. “Ah… dito… Ahm.. magpapakasal na kasi tayo… kaya… ah.. dito… dito… dito ka na rin tumi- “ hindi na natuloy ni Al ang sinasabi dahil namilipit na siya sa sakit ng sipain uli ng malakas ni Mae ang binti niya sa ilalim ng mesa. Halos magtalunan ang mga pinggan sa ibabaw ng mesa sa lakas ng pakakasipa ni Mae sa binata. “Ha? Kasal?” nahihiyang sabi ni LingLing habang nakatitig kay Al. “Eh ano namang nangyari? bakit wala akong maalala?” Sasagot na sana uli si Al ng isa pang kasinungalingan ng biglang sinadyang tabigin ni Mae ang pitsel ng tubig na naging dahilan ng pagkatapon ng tubig sa mesa at maputol ang usapan. Pagkatapos ay muli niyang sinipa ang binti ni Al sa ilalim ng mesa. Muling namilipit sa sakit ang binata habang nakangiti naman ng malaki si Mae sa kanilang bisita. “Al, Mae… Natatakot ako. Hindi ko alam kung ano, sino ako… wala talaga akong maalala,” sabi ni LingLing habang pinipigilang tumulo muli ang mga luha. Tumayo si Mae at tinabihan ang kaibigan. Niyakap niya ito. At hinayaang umiyak ito sa mga balikat niya. “Huwag ka ng mag-alala. Nandito kami. Tutulungan ka namin,” sabi ni Mae sa kaibigan. “Oo, LingLing. Maligayang pagbabalik sa amin,” singit naman ni Al na medyo iniinda pa ang mga sipa sa kanya ni Mae kanina.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD