III

1592 Words
Maghapong hindi pinansin ni Mae si Al. Ni hindi sila nagsabay kumain ng tanghalian at kahit nagkakasalubong sa opisina ay hindi iniimik ni Mae ang kaibigan. Hindi din nagrereply si Mae sa mga messages ng binata. At tuwing titingin ang binata sa kaibigan ay mataray lang siyang iniirapan nito. Magkasama sa isang bagong tayong call center sa bayan ng Catanauan ang dalawa. Halos kakilala rin nila ang ibang nagtatrabaho doon. Karamihan ay mga kababata nila at mga kaklase sa eskwela noon. Isa ito sa mga pinakamagandang proyekto na natupad sa bayan na ito. Dahil dito, maraming mga tao ang hindi na kailangan pang pumunta ng Maynila para maghanap ng trabaho at oportunidad. Pinuntahan ni Al ang kaibigan sa station nito. Sinubukan niyang kausapin at suyuin ang dalagang kaibigan pero parang hangin lang ang kinausap niya. Hindi bago ang ganitong eksena sa  kanilang dalawa. Madalas kasing nagagalit si Mae sa pagiging isip bata ni Al lalo na kapag nagdadrama ito tungkol kay LingLing. Alam ni Mae kung gaano kahalaga kay Al si LingLing. Pero para sa kanya, lalo lang masasaktan ang kaibigan kung mas matagal pa itong aasa sa isang pagbabalik na mas malabo pa sa nakikita ng mga mata niya. “Akin na ‘yan!” mataray na sabi ni Mae kay Al na kumuha ng mga salamin niya sa mata. “Hindi ko ito ibabalik hangga’t hindi mo ako pinapansin.” “Wag ka ngang papansin!” medyo lumakas ang boses ni Mae at tumawag ito ng atensyon ng iba. Nagtinginan sa kanila ang lahat ng kasama nila sa opisina at agad namang sumitsit ng malakas ang bisor nila para sawayin sila. Halos maging kasing pula ng kamatis ang mukha ni Mae. Inis niyang kinuha ang salamin sa kamay ng binata at sinipa ito ng malakas sa binti. Halos mapasigaw sa sakit si Al pero tinakpan na lamang niya ang bibig at paika-ikang umupo sa upuan sa tabi ng kaibigan. “Ano ba kasi? Tumigil ka nga!” pabulong na sabi ni Mae. “Sorry.” “Oo na! Oo na! Mamaya na tayo mag-usap, okay? Isang oras na lang uwian na oh!” sagot ni Mae sa nagpapa-cute na kaibigan. “Sige, basahin mo na lang ‘yong message ko sa messenger ha?” sabi ni Al. Tumango-tango lang si Mae bilang sagot habang matalim pa din ang tingin sa kaibigan. Dahan-dahan namang lumakad pabalik si Al sa station niya ng paiika-ika. Pinapanood ni Mae ang kaibigan habang pabalik ito sa pwesto nito at napangiti siya nang makitang nakangiti na rin ang binata. Kinuha ni Mae ang cellphone upang basahin ang mensahe ng kaibigan. Inaanyayahan siya nito sa kanila kinabukasan, magpapalaglag kasi ng niyog ang ama ni Al at gagawa ang step-sister nito ng bukhayo. Alam ni Al na paborito ni Mae ang bagong gawang bukhayo. Naisip ni Al na maganda itong peace offering sa kaibigan na lagi na lang niyang iniinis. Kahit noong mga bata pa lang sila, ay madalas na nandoon si Mae. Madalas silang nagkakantahan, kumakain ng sabay-sabay. Sila, kasama rin si LingLing. Ibabalik na sana ni Mae ang cellphone sa bag ng bigla itong tumunog uli. Sabay ng tayong maghapunan mamaya? Napatingin si Mae kay Al na nakatingin din sa kanya at naghahantay ng sagot. Ngumiti ang dalaga pagkatapos ay tumango bilang tugon sa paanyaya ng binata.   Araw ng Linggo. Mataas ang sikat ng araw at medyo malakas ang hangin. Kitang-kita mula sa niyugan nila Al ang mga alon na humahampas sa dalamapasigan. Nakangiting nakatitig sa karagatan si Mae habang ine-enjoy ang masarap at sariwang hangin na ibang-iba sa hangin na nalalanghap nila sa bayan. “Ang sarap talaga dito sa inyo. Napakasariwa ng hangin at nakaka-relax ang tunog ng mga alon sa dagat,” sabi ni Mae. “Totoo yan. Kaso ayaw ko rito,” agad na sagot ni Al na nag-aayos ng mga inilalaglag na niyog sa sako. “Bakit?” “Wala lang.” “Dahil kay… LingLing?” medyo nauutal na tanong ni Mae na nagdalawang isip muna kung itatatanong iyon sa kaibigan. Isang maliit na ngiti lang ang isinagot ni Al sa kaibigan. Pagkatapos ay pinasan nito ang sako ng niyog at dinala sa koprahan sa ‘di kalayuan. Maraming ala-ala sa lugar na ito sila Al at LingLing. Mahilig kasi sa dagat ang dating kaibigan kaya naman madalas na tumatambay ito sa may dalampasigan at madalas din ito sa munting kubo sa niyugan nila Al. At sa lugar na ito sila unang nagkakilala. At sa tuwing pumupunta rito si Al ay hindi niya maiwasang maalala ang kaibigan at ang pag-alis nito ng walang paalam. Tuwing maaalala niya ang mga magaganda nilang ala-ala ay hindi niya mapigilang malungkot. “Mas mabilis akong tumakbo kay LingLing ‘di ba?” biglang tanong ni Mae na may dalang isang basong tubig para kay Al. “Hindi,” nakangiting sagot ni Al. “Mas mabilis si LingLing sa’yo. Nauna nga siyang mawala ‘di ba?” “Sus! Dami mong hugot!” sagot ni Mae sabay saboy ng tubig sa kaibigan na nagulat naman sa ginawa niya. “Ano? Galit ka? Gusto mong bumawi? Habulin mo ‘ko!” pang-aasar ng dalaga. Mabilis na tumakbo si Mae at agad naman siyang hinabol ng basang-basang at inis na si Al. Tumakbo siya papunta sa isang malaking puno ng narra sa ‘di kalayuan at pumasok sa loob ng munting kubo sa ilalim nito. Napakaganda ng tanawin mula sa lugar na ‘yon dahil kitang kita mo ang napakaganda at napakalawak na karagatan at ang nagtataasang mga niyog. Natigilan si Al nang makita ang puno at ang kubo. Para bang may pumigil sa mga paa niya na lumapit dito. “Al, bakit ayaw mong tumuloy?” Hindi nakasagot si Al. Yumuko lang ito, inilagay ang mga kamay sa bulsa at pagkatapos ay tumingin sa dagat. “Napabayaan mo na ang lugar na ito, oh,” nahalata ni Mae ang pagkadismaya sa mukha ng kaibigan. “Dalawang beses sa isang taon ako pumupunta sa niyugan niyo pero ngayon ko lang nadalaw ulit itong tambayan natin. Puro alikabok na at sira-sira na ‘yong bubong oh! Sayang naman ‘to! Naaalala ko, nahirapan tayong itayo ito noon.” “Tara na Mae, baka hinahanap na tayo ni tatay,” sabi ni Al na sinundan ng sandaling katahimikan. Kumunot ang noo ni Mae dahil alam niyang si LingLing na naman ang naaalala ng kaibigan. “Si LingLing lang ba talaga ang naalala mo sa lugar na ‘to?” biglang tanong ni Mae. Napatigil si Al at muling napatingin sa dagat. Hindi ang sagot niya sa tanong ng kababata. Totoong napakaraming masasayang ala-ala sa lugar na ‘yon pero mas tumatak sa kanya ang mga ala-ala ni LingLing. Lalong lalo na ‘yong oras na umalis ito at hindi man lang nagpaalam. Labis kasi siyang nasaktan. Umasa kasi siya noon na magkasama silang bubuo ng isang masayang pamilya at tatanda ng magkasama. Hanggang bigla na lang itong nawala at mula noon ay ni hindi na nagparamdam. “Hindi ba ako naging parte ng masasayang ala-ala ng kabataan mo?” sunod na tanong ni Mae. “Magkakasama tayong naglalaro dito sa lugar na’to. Lagi mo akong kasama noon. Sabay tayong lumaki. Mas mahaba mo akong nakasama kesa kay LingLing pero hindi ko alam na kahit pala noon pa lang hindi mo na ako nakikita,” pasigaw na sabi ni Mae na medyo garalgal at basag na ang boses. “Mae… Hindi naman sa ganon…,” inabot ni Al ang kamay sa kaibigan pero tinabig lang ito agad ng dalaga. “Nakakainis ka!” Tumakbo ng mabilis si Mae papunta sa dalampasigan habang pinupunsasan ang luha sa mga pisngi. Naiinis siya hindi lang kay Al, pati na rin sa sarili niya. Naiinis siya na sinimulan pa niya ang ganoong usapan. Naiinis siya dahil hindi niya nagawang pigilan ang sarili. Naiinis siya kasi parang habang lumilipas ang mga araw, lalo siyang nahuhulog kay Al. Naiinis siya kasi alam niyang si LingLing lang ang laman ng puso at isip ni Al.  Agad siyang sinundan ni Al para suyuin at sa pag-aalala na baka kung saan ito pumunta. Bagamat hindi rin alam ng binata kung anong sasabihin sa kaibigan para mapakalma ito. Mabilis na naabutan ni Al si Mae. Nakatayo ito malapit sa pampang at tila may tinatanaw. “Mae! Sandali lang. Sorry kung–” “Al! Bilis! Bilis!” malakas na tawag ni Mae sa kaibigan habang nakatitig sa isang bagay sa karagatan. “Ano ‘yon?” gulat na tanong ni Al dahil parang may takot sa boses ng kaibigan at para bang nakalimutan agad nito ang tampo sa kanya kani-kanina lang. “Hindi ba, tao ‘yon?” turo ni Mae sa dalampasigan. Sinipat ng mga mata ni Al ang itinuturo ng dalaga at may nakita siyang lumulutang at hinahamapas ng mahinang alon papunta sa pampang. Dali-dali silang tumakbo para maasigurado kung ano talaga ang nasa dalampasigan. Tuluyan na nilang nalimutan ang pagtatalo kanina at tila ba walang nangyari. “Al, bilis! Tao nga! Babae!” sigaw ni Mae na nauna sa binata. Agad na hinila ni Al papunta sa pampang ang babaeng walang malay at agad na inihiga sa buhangin. Hinawi ni Al ang mahabang buhok na halos tumatakip sa mukha nito upang tignan kung sino ito. “Al…,” nanlaki ang mga mata ni Mae ng makita ang pamilyar na mukha ng babae. “Mae…” “Hindi ba? Si Lingling ‘to?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD