Blue’s Point of View
“Ayan ka na naman sa mga guni-guni mo, Blue,” ang komento ni Faust. Napakibit-balikat na lamang ako.
“Mga estudyante ng Occulus,” ang pagtawag naman ni Dimitri Ivanov. Napatingin naman kaming lahat sa kanya. “Nakahanda ang inyong mga silid. Upang mas masiguro ng akademya ang inyong kaligtasan ay napagdesisyunan namin na magsama ng limang estudyante sa isang silid. Nais din naming iparating sa inyo na pinagbabawalan kayong magpunta sa labas ng paaralan. Kaya ay inaasahang manatili sa loob ng mga pader ng Occulus sa lahat ng oras. Ang inyong mga klase sa gabi ay magpapatuloy nang normal. Napabuntong-hininga naman ako samantalang ang iba naman ay nagsimulang mag-ingay at magreklamo sa kanilang kinalalagyan. “Katahimikan!” Kaagad namang napatahimik ang lahat. “Maari na kayong magtungo sa inyong mga silid.”
Naging panatag ang aking dibdib nang malamamn kong kasama ko sa silid sila Faust, Aravind, at Riven. May dalawa pa kaming kasama na mas bata pa sa amin; sila Veo na isang miyembro ng Tipan ng Nalimutang Oras, at si Nus na isa namang mangkukulam ng mga tala mula sa Tipan ng Sekretong Hardin. Kung hindi kaming nasa klase lahat ay inaasahan ng akademya na magsama-samai kaming lahat. Kahit na naguguluhan at wala kaming kaalam-alam sa mga nagaganap ay wala naman kaming ibang magawa kundi ang sumunod.
“Ganito ba talaga kalawak ang mga silid dito sa Occulus?” ang tanong ni Aravind kay Faust.
“Hindi,” ang tugon ni Faust sabay tingin sa paligid. “Mag-isa ko lang dati sa silid na ito at nag-iisa lang ang kama,” ang paliwanag niya. “Nakakapanibago nga na napalitan ang silid ko sa maikling oras.”
Napatango naman ako sabay tingin kay Aravind na naglalabas ng kung ano mula sa isang kahon. Isang muntinghalaman na nakapaso. Inilagay naman niya ‘yun sa mesang katabi ng kanyang kama. Napansin ko na ganun din ang ginawa ni Nus.
“Anong meron sa mga halaman?” ang tanong ko naman sa kanila.
“Ah, bilang mga miyembro ng Tipan ng Sekretong Hardin, kailangan naming maging malapit sa ano mang uri ng halaman,” ang paliwanag naman ni Aravind. “Alam niyo naman na… dito kami kumukuha ng aming enerhiya. At saka, proteksyon na rin para sa mga hindi inaasahang pagkakataon.”
“Nakikita ko,” ang tugon ko bago naupo sa gilid ng aking kama.
*****
Ilang gabi ang lumipas at pilit kaming umaarteng maayos ang lahat. Hanggang ngayon ay wala pa rin kaming balita tungkol sa nagaganap sa loob at labas ng akademya. Ipinagpatuloy lang namin ang aming mga klase tuwing gabi. Sa umaga naman ay malaya naming gawin ang aming mga nais pero… tulad nga ng napagutos nila ay hindi kami maaring lumabas ng Occulus. Pakiramdam ko tuloy ay nasa loob ako ng isang presinto. Mas pinipili klong magpunta ng silid-aklatan kasama si Faust sa aming libreng oras, bagay naman na kinaayawan ni Aravind dahil likas na sa kanya ang pagiging madaldal. Madalas ay sinusuway pa nito ni Faust. Kadalasan naman ako ay gumuguhit lang ng kung anu-ano. Kamusta na kaya ang mundo ng mga normal? Sigurado namang hindi ako nawala ng mahabang panahon dahil magkaiba nga ang daloy ng oras dito at sa mundo ng mga normal. Naalala ko rin sila Tiya Adele at Tiya Lucia. Nag-aalala ako pero… batid ko namang nasa mabuti silang kalagayan. Wala pa naman kasing balita mula sa akademya patungo sa ibang miyembro ng mga tipan. Maari lang naman naming ipagpalagay na na ligtas sila kung ano mang peligro ang nakaambang paparating sa amin.
Isang gabi ay kasama ko ang aking mga kaibigan, masaya kaming nagkwekwentuhan sa hapagkainan tungkol sa sari-saring bagay. Nagnguna naman si Aravind sa pagku-kuwento ng kung anu-ano.
“Sandali lang,” ang paalam ko naman sa kanila bago tumayo.
“Saan ka pupunta?” ang nagtatakang tanong ni Riven.
“Pupunta lang ako ng banyo,” ang tugon ko.
“Osiya, dalian mo,” ang bilin naman niya. “Kawili-wili pa naman ang kwinekwento ni Aravind.
“Walang problema,” ang singit naman ni Aravind. “Ipagpapatuloy ko na lang ang pahku-kuwento kapag nakabalik na si Blue.”
“Salamat,” ang tugon ko naman. Hindi ako masyadong nakikinig sa mga kuwento ni Aravind pero talaga namang kamwili-wili ang kwento niya tungkol sa isang diwata na aksidenteng nahulog ang loob sa isang palaka.
Nagtungo nga ako sa banyo upang gawin ang kailangan ko. Nang matapos ay dumaan muna ako sa aking silid upang magpalit ng damit. Natalsikan kasi ito ng pagkain kanina. Nang makapagpalit naman ako ay muli kong tinahak ang daan pabalik sa hapag kainan. Tahimik akong naglalakad nang makarinig ako ng mahinang tunog ng mga boses mula sa isang maliit na pasilyo. Natigilan naman ako at napaisip. Sino kaya ang mga ‘yun? Sinundan ko naman ang pinanggagalingan ng mga boses. Nanlaki ang aking mga mata nang malayo pa lang ay naaninag ko na kaagad si Dimitri Ivanov. Kaagad naman akong nagtago sa likuran ng isang estante. Aalis na sana ako nang muli ko silang marinig na magsalita.
“Magaling, Hido,” ang puri ni Dimitri sa lalaking kausap niya ngayon. “Mukhang wala na nga talagang makakapigil sa ating mga plano.”
Plano? Anong plano? “Ngayong naisagawa mong labagin ang batas ng mga tipan. Sa pamamagitan ng pagpaslang dalawang mangkukulam ay nagising natin ang Dakilang Mata at ang mga tagausig. Kailangan na lamang nating gawin ang dati nating ginawa.”
“Ang nangyari dati kay Esteban Rodriguez?” ang tanong naman ni Hido sa kanya. Nanlaki ang aking mga mata nang marinig ang pangalang ‘yun. Pangalan ‘yun ng aking yumaong ama.
“A-anong kinalaman nila sa pagkamatay ng aking ama?” ang tanong ko sa aking sarili.
“Hido!” ang suway naman sa kanya ni Dimitri bago siya hinila papalapit sa kanya. “Baka may makarinig sa’yo,” saad niya pa bago nila hinaana ang kanilang mga boses. Gumamit namana ko ng mahika upang marinig ang kanilang mga susunod na pag-uusapan pa. “Tama ka tulad ng ginawa natin kay Esteban mahigit isang dekada na ang lumipas. Ngayon naman ay sa anak niyang si Blue. Hindi dapat makuha ng kanilang pamilya ang pagiging Punong Ministro ng Occulus at Punong Pinuno ng apat na Tipan. Ako lang…at ako lang ang mamumuno sa Occulus at sa apat na Tipan.”
Nanlaki ang aking mga mata at napasinghap sa aking narinig mula kay Dimitri. Ako?! Punong Ministro ng Occulus? At bukod pa roon ay… Punong Pinuno ng mga Tipan? Hindi ako makapaniwala. Paano naman mangyayari ‘yun? Pero ayon sa kanilang seryosong pag-uusap ay kaagad ko namang natutunan na hindi nga sila nagbibiro.
Napuno ng galit anga king damdamin sa katotohanang sila ang dahilan ng pagkamatay niya. Hindi gumamit ang aking ama ng itim na mahika. Linoko nila ang lahat ng mangkukulam kabilang na ang mga sinaunang mangkukulam. Pagbabayaran nila ang kanilang ginawa sa aking ama at wala na akong pakialam kung dahil dito ay papatawan ako ng kamatayan ng mga tagausig. Susugod na sana ako nang magsimulang yumanig ang paligid. Napahawak naman ako sa estante.
“A-anong nangyayari?” ang tanong ni Dimitri habang pinipilit na binabalanse ang kanyang sarili. Hindi naman nagtagal ay bigla na lamang kaming nakarinig ng pagsabog sa hindi kalayuan. Kaagad naman akong umalis sa aking kinalalagyan nang humina ang pagyanig at bumalik sa hapag kainan. Nagkakagulo na ang lahat ng mga estudyante roon. Lumapit naman ako kay Faust.
“Faust!” ang pagtawag ko sa kanya. “Anong nangyayari?!” ang tanong ko.
“Hindi ko rin alm, Blue,” ang tugon niya. Kaagad naman akong napatingin sa paligid. Wala ang mga tagausig.
“Tignan niyo ‘yun!” ang sigaw ng isa sa mga esrtudyante. Napalingon naman kaming lahat. May itinuturo ito sa labas ng malaking bintana. Mabagal naman kaming lumapit sa may bintana at sinundan ng tingin ang kanyang itinuturo. Ang kalangitan ay kasing pula ng dugo. Isang nakakatakot na tanawin. Sa di kalayuan ay may mga madidilim na ulap na unti-unting naging isang hugis bungo at tila ba may nakalagay na rosas sa loob ng bibig nito.
“H-hindi ito maaari,” ang wika naman ni Faust nang makita ang ulap. Napatingin naman kami sa kanya.
“Anong nagaganap?” ang tanong ni Mayumi sa kanya. “Anong ibig sabihin ng bungo na ‘yan, Faust?”
“Hindi niya ba alam?” ang tanong naman pabalik ni Faust sa amin. “Yan ang marka ng mga miyembro ng Tipan ng Pulang Bungo.”
“Tipan ng Pulang Bungo?” ang nagtataka namang pag-uulit ni Riven. “Ito ang unang beses na narinig ko ang tungkol sa Tipan na ‘yan, Faust.”
“Sigurado ka ba sa sinasabi mo, Faust?” ang tanong naman ni Aravind. “Apat lang ang pangunahing Tipan. Ang tipan ng gabi, Tipan ng Nalimutang Oras, Tipan ng Sekretong Hardin, at Tipan ng Sagradong Buwan.”
“Yun ang itinuro sa ating lahat ng Occulus at ng mga nakatatandang mangkukulam,” ang paliwanag naman ni Faust. “Hindi dahil nagkaroon talag ng pormal na tipan na ito kundi… ito ang tinawag sa mga mangkukulam na nag-aklas, nagdeklara ng digmaan laban sa mga normal na tao.”
“Paanong nag-aklas at bakit sila nagdeklara ng digmaan laban sa mga normal na tao?” ang sunod na tanong ni Aravind.
“Nagkaroon ng malawakang pagbitay sa mga mangkukulam na naninirahan dati sa mundo ng mga normal. Isang mangkukulam ang sinumpang babalik upang patayin ang lahat, may mga mangkukulam na sumama sa kanya kaya naman tinawag silang Tipan ng Pulang Bungo.”