Blue’s Point of View
“Blue! Faust!” ang pagtawag ni Aravind mula sa dulo ng pasilyo. “Ano bang ginagawa niyo riyan?” ang malakas niyang tanong. “Hindi ba’t sinabi ni Propesor Edium na magtungo muna tayo sa ating silid.”
“Andiyan na!” ang sigaw ko naman pabalik bago napatingin kay Faust na napatango naman sa akin. Magkasabay kaming lumapit kay Aravind.
“Ano bang pinag-uusapan niyong dalawa?” ang tanong ni Aravind.
“Wala naman,” ang pagsisinungaling ko. “Gusto lang namin masaksihan saglit ang ginagawa ng mga Propesor at tagapagusig.”
“Hindi ito ang tamang oras para mamasyal kayong dalawa,” ang komento naman ni Aravind. “Mas makabubuti kung susundin natin ang mga bilin sa atinn ng Propesor Edium.”
“Tama ka, Aravind,” ang pagsang-ayon naman ni Faust. “Tara na at baka makita pa tayo rito sa labas.”
Tinahak namin ang daan patungo sa aming silid. Hindi naman kami mapakali sa aming kinalalagyan. Kamusta na kaya ang Tiya Adele at Tiya Lucia? Sana naman ay ligtas silang makatawid ng portal.
Kasalukuyang nagbabasa si Faust ng isang libro. Hinahangaan ko siya dahil sa kahit na anong sitwasyon ay nagagawa niya pa ring maging kalmado. Hindi naman nagtagal ay naramdaman niya ang aking pagmasid sa kanya. Natigilan naman siya sa pagbabasa at napatingin sa akin. “May problem aba, Blue?” ang tanong niya sa akin.
“Wala naman pero nagtataka lang ako tungkol sa’yo.”
“Tungkol sa akin?” ang tanong niya. “At tungkol saan naman?”
“Hindi ko kasi alam kung bakit… sa anong sitwasyon ay nagagawa mo pa ring maging kalmado. Hindi ka ba nag-aalala sa pamilya mo? Ang ibig kong sabihin… inatake ni Rosa at ang kanyang hukbo ng mga mangkukulam ang Tipan ng Nalimutang Oras. Pang hanggang ngayon ay wala tayong balita tungkol sa ibang miyembro na naroon.”
“Blue, ang totoo niyan ay nag-aalala ako para sa king pamilya at sa bawat miyembro ng Tipan ng nalimutang Oras,” ang tugon naman niya. “Pero wala naman akong magagawam sa ngayon kundi ang… umasa na lamang at maniwalang walang masamang nangyari sa kanila.”
“P-pasensya na, Faust,” ang paghingi ko naman ng pasensya. “Hindi ko dapat ipinagpaplagay ang mga nararamdaman mo.”
Napailing naman siya. “Wala kang dapat ikahingi ng pasensya. May kanya-kanya tayong pagpapakita ng emosyon,” ang saad niya sabay sulyap kay Aravind. Nakatitig ito sa nakapasong halaman na nakapatong sa mesang malapit sa kanyang kama. Nasaksihan na lamang namin ang paglaki ng halaman at pamumulaklak nito. Natigilan naman kami nang makakita ng mga paru-parong lumilipad sa loob ng aming silid.
“Saan galing ang mga ito?” ang tanong ko kay Faust. Napailing naman siya bago napakibit-balikat. May paru-paro namang dumapo sa mahiwagang bulaklak ni Aravind.
“Nakarating na ba ang lahat?” ang walang sabi-sabing tanong ni Aravind. Naklatitig lang siya sa paru-paro kaya naman hindi namin alam kung sino ang kanyang kinakausap. Nagkatinginan naman kami ni Faust. “Ang aking ama at ina? Nakasama ba sila?” Kaagad naman naming napagtanto na kinakausap ni Aravind ang dumapong paru-paro. Oo nga pala. May kakayahan ang mga miyembro ng Tipan ng Sekretong Hardin na makipag-usap sa ano mang hayop at mga mitolohiyang nilalang. Inangat naman niya ang kanyang kamay sa tapat ng munting nilalang. Dahan-dahan namang nagliwanag ang paru-paro. Wala naman akong kaide-ideya kung anong ginagawa ni Aravind. Naging ganoon ang posisyon ni Aravind nang ilang minuto. Nakita ko namang nagkulay berde ang buong mata ni Aravind at nagliliwanag din ito tulad ng paru-paro. “Mabuti naman kung ganun. Maraming salamat sa pagbalita.”
Pagkatapos niyang makapagpasalamat sa paru-paro ay lumipad naman ito kasama ng iba pa palabas ng bintana. Ang halaman ni Aravind ay muling nagbalik sa dati.
“Faust, Blue,” pagtawag ni Aravind sabay harap sa akin. “May maganda akong balita.”
“Ano ‘yun, Aravind?” ang tanong ko naman.
“Dumating na ang lahat ng mga miyembro ng tatlong natitirang Tipan at lahat sila ay nasa bulwagan,” ang balita niya sa akin. Nakahinga naman ako nang maluwag sa aking narinig. “Nakita ko sa bisyon ng paru-paro ang kanilang pagdating. Nakita ko ang Tiya Lucia at Tiya Adele mo, Blue.”
“Mabuti naman. Kanina pa ako nag-aalala,” ang tugon ko.
“Gayundin ang pamilya mo, Faust,” ang dagdag ni Aravind. “May pang-apat na portal na nagbukas; kasunod ng pagtawid ng ilan pang nakaligtas na miyembro ng Tipan ng Nalimutang Oras.”
Napatingin naman ako kay Faust. Napangiti naman siya at napatango. Tama siya… ang bawat isa sa amin ay may kanya-kanyang paraan ng pagpapakita ng aming mga emosyon. At batid kong masaya rin siya sa kanyang nalaman.
“Hindi ko alam na may kakayahan pala kayong makita ang mga nakita ng mga hayop,” ang komento ko kay Aravind. Tumango naman siya.
“Isa ‘yun sa mga lihim na kakayahan ng mga miyembro ng Tipan ng Sekretong Hardin,” paliwanag naman ni Aravind. Isa sa mga nakatatas na mahika ng aming tipan bukod na rin sa pakikipag-usap sa kanila.”
Nakaisip naman ako ng ideya nang marinig ang kaya pang gawin ni Aravind. “Aravind, puwede nating gamitin ang mga munting nilalang sa Occulus para marinig ang mga plano ng mga nakatatanda at para malaman na rin natin ang mga nagaganap sa laba ng ating silid.
“Isa nga ‘yang magandang ideya, Blue,” ang pagsang-ayon naman ni Faust.
“S-sigurado ba kayo sa binabalak niyo?” ang kinakabahang tanong naman ni Aravind. Hindi na ako nagulat sa kanyang naging reaksyon. Natural na sa kanya ang pagiging nerbiyoso.
“Aravind, kailangan nating gawin ito,” ang wika naman ni Faust. “Tayo lang ang makakatulong sa mga nakatatanda. Gusto ko mang maniwala sa kanilang lahat pero… nakita mo… nakita nating lahat ang kayang gawin ni Rosa. Paano an lanmg kung ang lahat ng mga mangkukulam ay gawin niyang parte ng kanyang hukbo? Sa tingin mo ba? May magagawa pa ang pagtatago natin dito sa ating silid kung tayo na lang ang natitira?”
“Tama siya, Aravind,” ang pagsang-ayon ko naman. “Walang magagawa ang pagtatago natin dito.”
“Sa bagay, may tama kayo.” Sa wakas ay naintindihan niya na ang aming nais na iparating. “Pero anong nasaisipan niyong dalawa?”
“Kailangan muna nating pagplanuhan ang lahat,” ang saad ni Faust. “Kailangan natin ang tulong ng iba pang estudyante ng Occulus.”
Ang tanong ay paano? Napatingin naman ako sa aking paligid at nakita ang isang piraso ng pagkain na nahulog sa tabi ng kama ni Aravind. May mga langgam sa paligid nito. “Aravind, hindi ba’t kayo mo ring mang-utos ng mga hayop?” ang tanong ko. Napatango naman siya bilang sagot. “Kaya mo rin bang magpadala ng mensahe gamit ang mga hayop?”
“Madalas naming ginagawa ‘yan sa Tipan ng Sekretong Hardin,” ang tugon naman ni Aravind. “Bakit mo naitanong?”
“Sa tingin ko ay may paraan na para makausap ang ibang estudyante ng Occulus,” ang saad ko sabay turo sa mga langgam. Napatango naman siya.
“Nus, kailangan ko ng tulong mo,” ang wika naman ni Aravind sabay tingin sa kanya.
“Walang problema, Aravind,” ang kaagad na pagpayag ni Nus. Kapwa naman sila humarap sa mga halaman sa kanilang mesa. Sabay nilang inangat ang kanilang mga kamay sa tapat ng halamag kanilang dala. Sa kanilang pagbanggit ng isang enkantasyon ay nagsimula namang lumiwanag ang kanilang mga mata kasunod ng muling paglaki ng mga halaman at pamumulaklak ng mga ito.
Hindi nga nagtagal ay nagtipon-tipon ang mga hukbo ng langgam sa pader. Halos mapuno ito sa dami ng kanilang tinawag. Patuloy naman ang pagsambit ng dalawa sa kanilang enkantasyon. Unti-unting lumabas sa kung saan-saan ang mga langgam hanggang sa wala nang matira sa pader.
Dahan-dahan namang bumalik sa dati ang mga halaman na kanilang ginamit sa kanilang mahika. Nagbalik din sa dati ang kanilang mga mata.
“Tapos na,” ang wika naman ni Aravind sabay tingin sa amin. “Kaagad na mararamdaman ng mga miyembro ng Tipan ng Sekretong Hardin ang mga nilalang na may dalang mensahe. Bukod pa roon ay, naglagay din kami ng ilan sa bulwagan at ilan pang parte ng Occulus.”
“Magaling, Aravind!” ang puri ko. Napabuntong-hininga naman ako sa aking kinalalagyan.
“Blue, may problema ba?” ang tanong ni Faust sa akin.
“Wala naman pero… san alang mayroon pa akong maitutulong,” ang wika ko. “Alam niyo namang bilang isang miyembro ng Tipan ng Gabi ay nakatali lang kami sa paggawa ng mga gayuma at pagsagawa ng mga seremonyas. Smantalang kayo ay may mga abilidad na makakatulong sa sitwasyon natin ngayon.”
“Malaki ang magiging parte ng mga miyembro ng Tipan ng Gabi, Blue,” ang saad naman ni Faust. “Isipin mo nang mabuti. Ang mga mangkukulam na katulad mo ay magsisilbing mangagamot sa labanan.”
“Tama,” ang pagsang-ayon ni Aravind. “Isa pa, hindi ako naniniwala na ang mga miyembro ng Tipan ng Gabi ay nakatali sa mga seremonyas at gayuma lamang. Panigurado na ako na… may mga lihim na kakayahan ang tipan niyo tulad ng iba pang Tipan. Marahil ay hindi pa ito nababanggit sa’yo…o hindi pa itinuturo.”
Napabuntong-hininga naman ako sabay tango. Kung mayroon man; ito na ang tamang oras para malaman kung ano ‘yun. Natigilan naman kaming lahat nang magbukas ang pinto kasunod ng pagpasok ni Propesor Muslin. “Oras na ng hapunan. Magpunta na kayo sa hapag kainan. Ang ibang mangkukulam ay nakarating na mula sa iba’t-ibang bahagi ng ispiritwal na mundo.”
Kahit na alam na namin ang balita ay umarte naman kaming wala pa kaming alam.