Parang ngayon lang ako nakatulog nang maayos, simula kaninang alas-nuebe ng umaga hanggang alas-k'watro ng hapon ay nakatulog ako rito sa duyan. Sinulyapan ko ang babaeng katapat ko na kapwa natutulog din sa duyan. "Jade," tawag ko rito pero nanatili 'tong nakapikit at hindi kumikilos. "Jade." Bumangon ako sa pagkakahiga sa duyan at niyugyog ang hinihigaan niyang duyan. "Cally naman, hindi lang ikaw ang puyat," aniya na namamaos pa ang boses. Napailing na lang ako bago mapagpasyahan na hayaan muna siyang makatulog dahil mukhang antok na antok pa rin siya. Sabagay, anong oras na rin kami nakauwi kagabi. Hinawi ko ang mga baging na naging pinto sa kubong pinagkabitan namin ni Jade ng duyan. Paglabas ko pa lang ay umihip na ang malakas na hangin kaya nagulo ang buhok ko, kinuha ko ang

