CHAPTER 15

1673 Words
Namamawis yung palad ko sa sobrang kaba, gabi na at nandito pa rin ako sa may living room ng bahay ni Seño—ay ni Kane. Nakaupo lang ako magdamag sa malambot na sofa, tila tuod kahihintay sa lalaki. Mas nadagdagan yung nerbyos ko dahil wala pa man ay ramdam ko na ang presensya at tindi ng galit niya. Galit siya, alam ko yon. At ngayong kaming dalawa na lang ang magkakasama ay malamang walang pakundangan niyang ibubuhos sa akin ang galit na kanina pa niya pinipigilan. Hindi ko alam sa kung paanong paraan niya yun gagawin kaya kailangan kong maging handa. Dahil madilim na ay di ko na masyadong maaninag ang ganda ng disenyo ng bahay na aking kinaruroonan. Kaninang hapon pa ako nanliliit dito, pakiramdam ko ay hindi ako nababagay at isa lang akong hampas lupa sa sobrang mahal ng mga gamit. Halatang hindi basta-basta kaya todo ang ingat kong wag makasagi ng kahit anong bagay. Medyo mahirap gawin iyon sapagkat may kalakihan ang suot kong wedding dress. Napabuga ako ng malalim na hininga upang ikalma ang aking naghuhurumentadong sistema. Di magawang mapalis sa aking isipan ang itsura ni Kane kanina, nakaya ko pang tiiisin yung mga mata ng mga bisita kanina, pero yung hindi ko kinaya ay yung kaniya. Harap harapan niyang pinapakita ang disgusto sa aking presensya na gaya ng palagi kong sinasabi ay nauunawaan ko naman. Ni ayaw niya akong tapunan ng tingin na tila nandidiri siya sa akin. Ngayon, napapaisip ako kung paano nga ba magwowork-out itong marriage life namin kung ganito? Ayon kay Ma'am—I mean Mom Jenna ay legal ang kasal naming dalawa ni Kane, kaya kailangan ko na itong panindigan ng may tapang at tatag. Susubukan ko ang aking makakaya upang gampanan ang pagiging asawa ni Kane. Hindi ko ninais na mangyaring maikasal sa lalaking may mahal nang iba subalit huli na ang lahat upang umatras at tumakbo palayo, nakatali na kami sa isa't isa. Nakakaiyak, nakakapanghina ng loob pero kailangan kong tanggapin ito. Akala ko kasi hanggang sa pagsulpot lang ang role ko, hindi pala. Totohanan na pala talaga. Ang engot ko! Napatingala ako upang pigilan ang nagbabadyang luha na handa na namang pumatak sa aking pisngi. Ilang beses na akong umiyak ngayong araw pero di pa rin maubos ubos. Feel ko kasi bigla akong nakulong sa isang madilim na lugar dahil sa kagagawan ko rin. May parte sa aking masaya pero mas lamang yung pangamba at takot dahil aware akong di magiging madali itong daan na aking tatahakin. Siya na ang nagsabi sa mismong pagmumukha ko na gagawin niyang impyerno ang aking buhay. Pagod kong isinandal ang likuran sa sofa tsaka pinunasan ang mga takas na luha sa aking mga pisngi. Matapos kong mapunasan ang basang mukha ay saktong pagdating ng isang sasakyan sa harapan ng bahay, rinig ko ang ugong non dito kaya agad akong nakaramdam ng matinding kaba. Mukhang nandito na ang taong kanina ko pa hinihintay. Nanghihina akong tumayo lang habang nakatingin sa pintuan. Madilim pero hindi ko yon alintana, mas naging malinaw yung mga mata ko sa sobrang kaba. Namamawis na rin ang aking mga palad habang hinihintay siya. Maya-maya, nakarinig ako ng tatlong beses na katok sa pintuan. Di ko alam ang gagawin, lumakad ako pero agad ding napahinto. Parang di ko kaya. Nabahag ang aking buntot na makaharap ang lalaki—ang aking asawa. Nang kumatok ulit ito ay taranta ko nang binuksan ang malaking dahon ng pintuan na gawa sa narra. Imbes na si Kane ay tumambad sa akin ang mukha ng driver ni Mom Jenna, si Manong Jeff. Nakangiti sa akin ang matanda. Sobra akong nakahinga ng maluwag sa kaalamang hindi si Kane ito. "Ma'am, bakit ang dilim?" Taka niyang tanong sa akin, hindi ko naman alam ang isasagot. Sa totoo lang sinadya ko talagang hindi buksan dahil ayokong makialam sa mga gamit ni Kane, hindi pa ako komportable. Tingin ko wala akong karapatan. Ngumiti lang ako ng bahagya sa kaharap. "Bitbit ko na pala itong mga gamit mo, Ma'am. Pasok ko lang sa loob." Aniya. "Naku, wag niyo na po akong tawaging Ma'am." Nahihiya kong saad habang nakasunod sa kaniya. Sa dilim ay muntik nang mabangga si Manong sa may coffee table at masubsob sa tiles kaya wala na akong choice kundi i-on ang switch para na rin sa safety niya. Sobrang namangha ako sa ganda ng lightning ng buong bahay. Ang cozy, para akong nasa isang mamahaling lugar. Nang mailapag ang lahat ng aking gamit malapit sa hagdanan ay napalibot din ng tingin ang matanda sa paligid. "Sobrang ganda talaga nitong bahay niyo ni Señorito Kane, Ma'am. Ilang buwan niya itong pinaghandaan para sa future niyo at sa wakas naikasal din kayo. Masaya ako para sa inyong dalawa, Ma'am Caitlyn." Natigilan ako sa narinig. Ilang beses akong napakurap dahil prinoseso ng utak at puso ko ang di inaasahang kirot. Pinagkamalan akong si Caitlyn. Mukha ba kaming magkamukha? Sobrang layo, walang wala ako don. Kumbaga wala pa sa kuko. Marahil wala siyang ideya na hindi si Caitlyn ang babaeng naikasal kay Kane. Hindi ba sila nagchichismisan ni Mom Jenna? Hindi ba niya nakikita ang mukha ni Caitlyn sa television? Sobrang sikat kaya non. Sa labis na pagkabigla ay nawalan ako ng lakas na makapagsalita at itanggi na hindi ako si Caitlyn. Naupo ako sa may sofa nang tuluyang makaalis si Manong Jeff. Ang sakit ng katotohanang para kay Caitlyn talaga ang bahay na ito. Siya talaga ang dapat nandito. Para lang akong natangay na alikabok, hindi parte pero nakikisingit. Nasaan na ba kasi siya? Bakit ngayon pa siya nawala kung kailan araw ng kasal nila? Ilang minuto akong nakaupo lang, super affected ako sa pagtawag sa aking Caitlyn kaya hinayaan ko lang ang sariling mag-emote. Dahil mamaya ay kailangan ko na ulit maging strong girl para mag-isang harapin ang realidad, upang harapin ang nagliliyab na galit ni Kane. Tumayo ako ulit para kumuha ng mga damit ko pamalit, di na ako natutuwa sa suot kong dress. Kanina pa ako kating kati na hubarin ang damit na para kay Caitlyn din nakalaan. Sinimulan ko nang hanapin kung saan nga ba ang banyo. Medyo naiilang pa ako mag-ikot. Nakita ko ito 'di kalayuan sa living room, agad akong pumasok. Ayos naman kaya lang sa aking palagay ay mahihirapan ako sa pagpapalit sa laki ng wedding dress. Lumabas ako ulit upang maghanap ng panibagong espasyo. Subalit pagkatalikod ay halos manlambot ang aking mga tuhod nang makita ang taong kanina pa bumabagabag sa aking isipan at sistema. Madilim ang mukha at umiigting ang panga nito. Napahiyaw ako nang mabilis na hablutin ni Kane ang aking panga, mahigpit niya itong hinawakan. Sobrang lapit namin sa isa't isa, hindi lang ako sa sakit ng pagkakahawak niya napapangiwi kundi na rin pati sa matapang na amoy ng alak na nanggagaling sa kaniyang hininga. Nakatingkayad na ako at nakatingala sa kaniya habang siya ay nakayuko sa akin, malinaw kong nasisilayan ang pagkapoot sa kulay tsokolateng mga mata ni Kane. "You really have the nerve to show your face to me!" "K-Kane—" "How dare you ruin my life and hide my bride?!" Humigpit ang kaniyang kamay. Nabitawan ko ang mga damit kaya naman nagkalat ito sa sahig. Napahawak ako sa matigas at maugat niyang braso, pinipilit tanggalin ang kaniyang pagkakahawak sa aking mukha. Pero kahit gaano kalakas ang gawin kong pwersa ay walang wala pa rin iyong napala sa tatag ni Kane. Hirap man ay nagawa ko siyang sagutin. "W-wala akong alam—" He gritted his teeth. "You're not only selfish and desperate, but also a liar! Alam kong ikaw ang rason ng pagkawala ni Caitlyn at sa oras na mapatunayan ko yon ay mananagot ka sa akin. I will make sure you will rot in jail, Sophia." Sophia. Sophia na naman ang tinawag niya sa akin, kailan ba niya maitatamang bigkasin ang aking pangalan? Hindi ko alam, pero ang alam ko ay ang malinaw niyang pagbabanta sa bagay na hindi ko naman kailan man kayang gawin. Ano namang rason upang maging dahilan ako ng pagkawala ni Caitlyn? Nananahimik ako sa mansyon at sariling buhay lamang ang iniintindi. "Kagagawan mo ang lahat ng ito. Kaya hindi ko masisikmurang tumira sa ilalim ng iisang bubong na kasama ka." Ito siguro ang perpektong halimbawa na ang mga taong nagmamahal ay nagiging sarado ang isip o hindi nakakapag-isip ng tama. "Pero k-kasal tayong dalawa. Saksi ang Diyos at mga tao—" "Ha! Kasal sa papel, yun lang yon! At wag kang mag-alala dahil walang kahit isang magsasalita sa kasal na naganap ngayong araw, mananatili itong nakabaon sa limot dahil ito ang pinaka nakakahiyang nangyari sa buhay ko. I'm ashamed of myself for marrying a maid. Tanging si Caitlyn lang ang taos puso kong ihaharap sa altar dahil siya ang mahal ko." "Pero nasaan s-siya?" Lakas ang loob kong sabi kahit nanginginig ng bahagya ang boses, nilabanan ko ang kaniyang nag-aalab na tingin. "Wala siya dito kaya habang hindi pa siya bumabalik ay gagampanan ko ang aking tungkulin bilang asawa mo, Kane." Nagsalubong ang kaniyang makakapal na kilay sa aking suwestiyon. "Oras na magbalik si Caitlyn, sabihin mo sa akin at---" Napasinghal siya at walang pag-iingat akong pinakawalan, napahawak ako sa aking panga habang nakatingala pa rin sa kaniya. Ang sakit, pakiramdam ko kung di pa niya ako agad binitawan ay mafa-fracture ng tuluyan ang aking bungo. "Paano babalik ang taong itinatago mo? I ain't a fool, tama na yung isang beses akong naging tanga dahil wala akong nagawa kanina. Pero hindi na mauulit kaya umalis ka sa pamamahay ko!" "Kane!" Piglas ko nang hablutin niya ang aking braso ng mariin atsaka padarag na hinila palabas ng bahay, halos masubsob ako sa sahig dahil sa aking suot na wedding dress pero wala siyang pakialam. Itinulak ako ni Kane, pasalampak akong napaupo sa rough concrete sa tapat ng kaniyang bahay. Ramdam kong nagasgasan ang aking palad at siko sa malakas na pagsaladsad sa magaspang na kalsada. Pagkabaling ko sa kaniya ay saka siya nagsalita. "I hate you so much. So f*cking much."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD